Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Marso 2–8. 2 Nephi 31–33: “Ito ang Daan”


“Marso 2–8. 2 Nephi 31–33: ‘Ito ang Daan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Marso 2–8. 2 Nephi 31–33,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020

nagtuturo si Jesus sa Kanyang mga disipulo

Nagtuturo si Cristo sa Kanyang mga Disipulo, ni Justin Kunz

Marso 2–8

2 Nephi 31–33

“Ito ang Daan”

Habang pinag-aaralan mo ang 2 Nephi 31–33, isaisip ang mga miyembro ng klase mo at isipin ang mga karanasan nila sa mga katotohanang itinuro ni Nephi. Paano mo sila maaanyayahang ituro sa isa’t isa ang natutuhan at nadama nila tungkol sa mga doktrinang ito?

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Nagkaroon na ba ng makabuluhang karanasan ang sinuman sa klase mo sa linggong ito sa isa sa mga mungkahi sa pag-aaral sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya? Bigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang mga karanasan.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

2 Nephi 31–32

Si Jesucristo at ang Kanyang doktrina ang tanging daan tungo sa buhay na walang hanggan.

  • Marahil ay makikinabang ang klase mo na makita kung paano nauugnay sa isa’t isa at sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang pananampalataya, pagsisisi, binyag, ang kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas. Para magawa ito, maaari kang magdrowing ng isang landas sa pisara at anyayahan ang mga miyembro ng klase na isulat sa landas na ito ang ilan sa mga alituntuning matatagpuan sa 2 Nephi 31. Bawat miyembro ng klase ay maaaring pumili ng isa sa mga alituntuning ito at saliksikin ang 2 Nephi 31–32 para maghanap ng isang bagay na itinuro ni Nephi tungkol dito. Pagkatapos ay maaari nilang ibahagi sa isa’t isa ang natuklasan nila at talakayin kung paano nito mas naipauunawa sa kanila ang mga alituntunin. Paano naghahatid ng mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa ating buhay ang pamumuhay ayon sa mga alituntuning ito?

  • Paano ka maaaring magpasimula ng talakayan tungkol sa payak at simpleng paglalarawan ni Nephi sa “daan” tungo sa kaligtasan? (2 Nephi 31:21). Marahil ay maaari mong itanong sa mga miyembro ng klase kung ano ang sasabihin nila kung may 60 segundo lang sila para ipaliwanag kung ano ang kailangang gawin ng isang tao para tumanggap ng kaligtasan. Pagkatapos ay maaaring suriin ng mga miyembro ng klase ang 2 Nephi 31–32, na naghahanap ng mga pahayag na maaaring makatulong. Ano ang matututuhan natin mula sa mga kabanatang ito tungkol sa mahalagang papel ng Tagapagligtas sa ating kaligtasan? Ang mga pahayag sa “Karagdagang Resources” ay maaaring makatulong sa pag-uusap na ito.

  • Kung minsan ang tingin natin sa mga alituntunin ng ebanghelyo ay magkakaiba at magkakahiwalay, ngunit magkakaugnay sila talaga. Para maipakita sa mga miyembro ng klase kung paano nagkakaugnay ang mga alituntunin sa 2 Nephi 31, anyayahan ang mga miyembro ng klase, nang isa-isa o sa maliliit na grupo, na basahin ang mga talata 4–21 at gumawa ng isang diagram na nagpapakita kung paano nakabatay sa isa’t isa, nauugnay sa isa’t isa, at kung anu-ano pa ang pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, binyag, ang kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang sa wakas. Hikayatin silang maging malikhain. Kapag nagbahagi sila ng kanilang diagram sa klase, hilingin sa kanila na ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa mga alituntuning ito. Paano natin magagawang bahagi ang mga ito ng ating pang-araw-araw na buhay?

2 Nephi 31:15–20

“Siya na makapagtitiis hanggang wakas, siya rin ay maliligtas.”

  • Nauunawaan ba ng mga miyembro ng klase ang ibig sabihin ng magtiis hanggang wakas? Narito ang isang aktibidad na makakatulong. Isulat sa pisara ang Paano ko malalaman kung nagtitiis ako hanggang wakas? Pagkatapos ay anyayahan ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang 2 Nephi 31:15–20 para maghanap ng mga posibleng sagot sa tanong na ito. Hilingin sa mga miyembro ng klase na isulat sa pisara ang anumang makakatulong na mga salita o pariralang nakita nila. Bakit mahalagang bahagi ng doktrina ni Cristo ang pagtitiis hanggang wakas? Maaari mo ring ibahagi ang pahayag ni Elder Dieter F. Uchtdorf sa “Karagdagang Resources” o ang pahayag tungkol sa pagtitiis hanggang wakas sa pahina 6 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo.

  • May kakilala ba ang mga miyembro ng klase na isang halimbawa ng pagtitiis hanggang wakas? Ano ang nakatulong sa taong ito na “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo”? (talata 20). Isiping ibahagi ang mga kuwento ng ibang mga tao na binanggit sa mga banal na kasulatan na nagtiis hanggang wakas.

2 Nephi 32:1–6

Ipapakita sa atin ng Espiritu Santo ang dapat nating gawin.

  • Sa 2 Nephi 32, binanggit ni Nephi na nahiwatigan niyang may problema ang kanyang mga tao tungkol sa pagsunod sa doktrina ni Cristo. Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na hanapin ang problemang ito sa 2 Nephi 32:1 at pagkatapos ay basahin ang sagot ni Nephi sa 2 Nephi 32:2–6. Paano muling sasabihin ng mga miyembro ng klase sa sarili nilang mga salita ang itinuro ni Nephi? Ano ang mga naranasan ng mga miyembro ng klase nang maipakita sa kanila ng Espiritu Santo o ng mga salita ni Cristo ang kailangan nilang gawin?

2 Nephi 33

Hinihikayat tayo ng Aklat ni Mormon na maniwala kay Cristo.

  • Umasa si Nephi na mahihikayat tayo ng kanyang mga salita “na gumawa ng mabuti [at] maniwala [kay Cristo]” (2 Nephi 33:4). Anong mga talata o kuwento mula sa 1 at 2 Nephi ang nakahikayat sa atin na gumawa ng mabuti at maniwala kay Cristo? Isiping maghanap ng ilang himno na maaaring kantahin o pakinggan ng klase mo na nagbibigay-diin sa mga mensaheng ito, tulad ng “Ako’y Naniniwala kay Cristo” o “Ako ba’y May Kabutihang Nagawa?” (Mga Himno, blg. 76, 135).

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Ang isang paraan para mahikayat ang mga miyembro ng klase na pag-aralan ang Jacob 1–4 sa susunod na linggo ay ipaliwanag na sa mga kabanatang ito ay makikita nila ang mga babala ni Jacob tungkol sa dalawang kasalanang laganap lalo na sa ating panahon.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Ang doktrina ni Cristo.

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland: “Ang ‘doktrina ni Cristo’ na itinuro ni Nephi sa kanyang maringal at ibinuod na diskurso ay nakatuon sa pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, pagsisisi, binyag sa pamamagitan ng paglulubog, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas. Hindi layunin ng pahayag na ito na saklawin ang buong plano ng kaligtasan, lahat ng mabubuting katangian ng buhay-Kristiyano, o ang mga gantimpala na naghihintay sa atin sa magkakaibang antas ng kaluwalhatian sa langit. Hindi tinatalakay sa pahayag na ito ang mga katungkulan sa priesthood, ang mga ordenansa sa templo, o maraming iba pang totoong doktrina. Lahat ng ito ay mahalaga, ngunit batay sa paggamit dito sa Aklat ni Mormon, ‘ang doktrina ni Cristo’ ay simple at tuwiran. Ito ay nakatuon lamang sa mga unang alituntunin ng ebanghelyo, kabilang na ang panghihikayat na magtiis, manindigan, magpatuloy. Tunay ngang sa kalinawan at kasimplihan ng ‘mga doktrina ni Cristo,’ matatagpuan ang epekto nito” (Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 49–50).

Sabi ni Elder D. Todd Christofferson: “Sumasamo ako sa lahat … na hangarin sa pamamagitan ng panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan ang [isang] patotoo … ukol sa banal na pagkatao, Pagbabayad-sala, at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Tanggapin ang Kanyang doktrina sa pamamagitan ng pagsisisi, pagpapabinyag, pagtanggap ng Espiritu Santo, at pagkatapos ay habambuhay ninyong sundin ang mga batas at tipan ng ebanghelyo ni Jesucristo” (“Ang Doktrina ni Cristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 89).

Pagtitiis hanggang wakas.

Ipinaliwanag ni Elder Dieter F. Uchtdorf:

“Noong bata pa ako, ang ibig sabihin sa akin ng ‘magtiis hanggang wakas’ ay kailangan kong sikapin pang manatiling gising hanggang matapos ang mga miting namin sa Simbahan. Kalaunan noong tinedyer ako … iniugnay ko ito sa mga pagsisikap ng ating mahal na matatandang miyembro na manatiling tapat hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay. …

“… Ang pagtitiis hanggang wakas ay hindi lang basta pagpapabaya sa mga kahirapan ng buhay o ‘basta magtiyaga lang.’ Ang atin ay isang aktibong relihiyon, na tumutulong sa mga anak ng Diyos na makatahak sa tuwid at makipot na landas upang mapaghusay ang kanilang ganap na potensyal sa buhay na ito at makabalik sa Kanya balang-araw. Sa pananaw na ito, ang pagtitiis hanggang wakas ay nagpapadakila at maluwalhati, hindi malupit at malungkot. Ito ay isang masayang relihiyon, ng pag-asa, lakas, at kaligtasan. …

“Ang pagtitiis hanggang wakas ay nagpapahiwatig ng ‘[pagtitiyaga] sa mabubuting gawa’ (Mga Taga Roma 2:7), pagsisikap na sundin ang mga kautusan (tingnan sa 2 Nephi 31:10), at paggawa ng kabutihan (tingnan sa DT 59:23)” (“Hindi ba’t May Dahilan upang Tayo ay Magsaya?Ensign o Liahona, Nob. 2007, 20).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Sama-sama tayong natututo. Bilang isang guro, hindi ka lang nagbibigay ng impormasyon—natututo kang kasabay ng iba pa sa klase mo. Ibahagi sa kanila kung ano ang ginagawa mo para matuto mula sa mga banal na kasulatan.