Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Abril 20–26. Mosias 4–6: “Isang Malaking Pagbabago”


“Abril 20–26. Mosias 4–6: ‘Isang Malaking Pagbabago,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Abril 20–26. Mosias 4–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020

nagtuturo si Haring Benjamin sa kanyang mga tao

Naglilingkod sa Inyong Diyos, ni Walter Rane

Abril 20–26

Mosias 4–6

“Isang Malaking Pagbabago”

Basahin ang Mosias 4–6, at itala ang iyong mga espirituwal na impresyon. Kapag tumanggap ka ng mga impresyon, maaari mong itanong, tulad ng iminungkahi ni Elder Richard G. Scott, na “May dapat pa ba akong malaman?” (“Upang Magtamo ng Espirituwal na Patnubay,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 8).

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Maaari mong simulan ang talakayan sa klase sa paghiling sa mga miyembro ng klase na ibahagi ang isa sa mga turo ni Haring Benjamin sa Mosias 4–5 na gusto nilang mas maipamuhay.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Mosias 4:1–12

Sa pamamagitan ni Jesucristo, matatanggap at mapapanatili natin ang kapatawaran ng ating mga kasalanan.

  • Mali ang paniniwala ng ilang tao na ang pagsisisi ay nangangailangan ng kaunting pagsisikap; ang iba naman ay naniniwala na nangangailangan ito ng napakalaking pagpupunyagi. Para mas maunawaan ng mga miyembro ng klase kung ano ang kailangan para mapatawad ang mga kasalanan, maaari mo silang anyayahan na saliksikin ang mga turo ni Haring Benjamin sa Mosias 4:1–12, na hinahanap ang mga kondisyon para mapatawad ng Ama sa Langit ang ating mga kasalanan. Maaaring ilista ng mga miyembro ng klase sa pisara ang nahanap nila. Hilingin na mag-isip sila ng isang analohiya para maipaliwanag ang natutuhan nila. Halimbawa, maaari nilang ikumpara ang kapatawaran ng mga kasalanan sa isang may utang na “nagbabayad” o nagkakansela ng utang. O kaya’y maaari nilang ikumpara ang pagpapanatili ng kapatawaran ng ating mga kasalanan sa pangangalaga sa isang bagay na kailangan ng patuloy na pangangalaga, tulad ng isang hardin o isang bahay.

  • Isiping itanong sa mga miyembro ng klase kung ano kaya ang sasabihin nila sa isang taong nag-iisip kung ang pagsisisi ay nararapat na pagsikapan. Paano kaya nila tutulungan ang isang taong pinanghihinaan ng loob at nakakaramdam na imposibleng madaig ang kasalanan at kahinaan? Maaari mong tulungan ang mga miyembro ng klase na maghanda para sa gayong mga pag-uusap sa paghiling sa kanila na mag-ukol ng ilang minuto sa pagsasaliksik sa mga salita ni Haring Benjamin sa Mosias 4:1–12 para sa mga katotohanang makakatulong sa isang tao sa isa sa mga sitwasyong ito. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase sa katabi nila ang mga katotohanang natuklasan nila.

Mosias 4:11–27

Kapag nagsisi tayo, mapupuspos tayo ng pag-ibig ng Diyos.

  • Paano natin malalaman kung napatawad na ang ating mga kasalanan? Inilarawan ni Haring Benjamin ang ilang bunga ng tunay na pagsisisi—anyayahan ang mga miyembro ng klase mo na hanapin ang mga ito sa Mosias 4:13–16. Maaari mo rin silang anyayahan na pagnilayan ang sarili nilang buhay at suriin kung gaano kahusay nila ipinamumuhay ang mga turo sa mga talatang ito. Anong mga palatandaan ang nakikita ng mga miyembro ng klase na sila ay nagbabalik-loob? Paano nagbabago ang relasyon natin sa iba kapag lumapit tayo kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsisisi? Marahil ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano nila nakitang nangyari ito sa kanilang buhay.

  • Ang Mosias 4:11–12 at 14–16 ay maaaring maghikayat ng isang talakayan kung ano ang nagbibigay-inspirasyon sa pagiging mabuting magulang. Ano ang itinuturo sa inyo ng mga talatang ito kung paano maging mas mabubuting magulang?

  • Kung inspirado kang talakayin ang mga turo ni Haring Benjamin tungkol sa pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na magsalitan sa pagbasa sa mga talata mula sa Mosias 4:16–27. Matapos basahin ang bawat talata, maaaring ibuod ng taong nagbabasa sa sarili niyang mga salita ang itinuro ni Haring Benjamin. Ang mensahe ni Elder Jeffrey R. Holland na “Hindi Ba’t Tayong Lahat ay mga Pulubi?” (Ensign o Liahona, Nob. 2014, 40–42) ay maaaring gamitin para makatulong sa talakayang ito. Paano natin masusunod ang payo ni Haring Benjamin na huwag “tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa [ating] lakas”? (Mosias 4:26–27). Paano nauugnay ang utos na “ibahagi [natin] ang [ating] kabuhayan sa mga maralita” sa kapatawaran ng ating mga kasalanan?

Mosias 4:29–30

Kailangan nating bantayan ang ating mga iniisip, sinasabi, at ginagawa.

  • Kung minsan ay parang mas madali kung binigyan tayo ng Panginoon ng detalyadong listahan ng bawat posibleng kasalanan. Sa halip, sinabi Niya sa atin, “Bantayan ang inyong sarili … at [magpatuloy] sa pananampalataya sa inyong mga narinig hinggil sa pagparito ng ating Panginoon” (Mosias 4:30). Para matalakay ng klase ang alituntuning ito, maaari kang magtanong sa kanila ng tulad nito: Paano naaapektuhan ng ating mga iniisip, sinasabi, at ginagawa ang ating sarili at ang iba? Ano ang ibig sabihin ng “magpatuloy sa pananampalataya”? Anong payo ang maibabahagi natin sa isa’t isa na makakatulong sa atin na “bantayan” ang ating sarili?

Mosias 5:1–7

Ang Espiritu ng Panginoon ay maaaring maging sanhi ng malaking pagbabago sa ating puso.

  • Para makapagsimula ng talakayan tungkol sa walang-kapantay na pagbabagong maidudulot ng ebanghelyo ni Jesucristo sa ating buhay, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng ilang dahilan kung bakit kadalasa’y mahirap gumawa ng nagtatagal na mga pagbabago sa ating buhay. Pagkatapos ay anyayahan silang basahin ang Mosias 5:1–5, na hinahanap ang “malaking pagbabago” na naranasan ng mga tao ni Haring Benjamin. Anong mga katotohanan tungkol sa pagbabago ng puso ang matututuhan natin mula sa kanilang karanasan? Isiping hilingin sa ilang miyembro ng klase na ibahagi kung paano sila natulungan ng Espiritu Santo na baguhin ang kanilang puso.  

    pinagagaling ni Jesucristo ang babaeng maysakit

    Mababago ng Tagapagligtas ang ating puso at buhay. Nagpapagaling na mga Kamay, ni Adam Abram

  • Matapos talakayin ang mga katotohanan sa Mosias 5:1–7, maaaring magtaka ang ilang miyembro ng klase kung bakit parang hindi kasing dramatiko o agaran ang pagbabago ng kanilang puso kumpara sa mga karanasan ng mga tao ni Haring Benjamin. Sinasagot ng pahayag ni Elder D. Todd Christofferson sa “Karagdagang Resources” ang tanong na ito. Ano ang matututuhan natin mula kay Elder Christofferson tungkol sa pagbabalik-loob?

Mosias 5:5–15

Inaanyayahan ako ng Diyos na makipagtipan sa Kanya.

  • Maipapaunawa ng Mosias 5:5–15 sa mga miyembro ng klase ang mga pagpapalang tinatanggap nila kapag gumagawa at tumutupad sila ng mga tipan sa Diyos. Maaari mo silang anyayahan na rebyuhin ang mga talatang ito na nasasaisip ang mga tipan sa binyag at ordenansa ng sakramento at ibahagi ang natutuhan nila. (Tingnan din sa DT 20:77, 79.)

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Maaaring maraming miyembro sa klase mo ang dumaranas o nakaranas kamakailan ng personal na paghihirap o pagsubok. Sabihin sa kanila na sa Mosias 7–10 mababasa nila ang tungkol sa isang grupo ng mga tao na natutong magtiwala sa Panginoon sa mga panahon ng kanilang pagsubok.

icon ng resources

Karagdagang Resources

 

Ang pagbabago kadalasan ay isang proseso.

Nagsalita si Elder D. Todd Christofferson tungkol sa malaking pagbabago ng puso na inilarawan sa mga banal na kasulatan:

“Maaaring itanong ninyo, Bakit hindi nangyayari sa akin nang mabilis ang malaking pagbabagong ito? Dapat ninyong tandaan na ang mga di pangkaraniwang halimbawa ng mga tao ni Haring Benjamin, ni Alma, at iba pa sa mga banal na kasulatan ay sadyang ganoon—pambihira at hindi pangkaraniwan. Para sa karamihan sa atin, mas dahan-dahan ang mga pagbabago at matagal bago dumating. Ang pagsilang muli, di tulad ng ating pisikal na pagsilang, ay isang proseso sa halip na pangyayari. At ang pakikibahagi sa prosesong iyon ay [pangunahing] layunin ng mortalidad.

“At kasabay nito, huwag tayong mangatwiran na pangkaraniwang pagsisikap lamang ang gagawin natin. Huwag tayong masiyahan na magtira pa ng kaunting hangarin na gumawa ng masama. Mamuhay tayo nang marapat upang makibahagi sa sacrament bawat linggo at patuloy na lumapit sa Banal na Espiritu upang matanggal ang anumang natitirang karumihan sa atin. [Pinatototohanan ko na] habang patuloy kayo sa landas ng espirituwal na pagsilang na muli, tatanggalin ng nagbabayad-salang biyaya ni Jesucristo ang inyong mga kasalanan at ang mga mantsa ng kasalanang iyon sa inyo, hindi na magiging kaakit-akit ang mga tukso, at sa pamamagitan ni Cristo kayo ay magiging banal, tulad Niya at ng Ama na banal” (“Isinilang na Muli,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 78).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Maghanap ng magagandang halimbawa sa mga banal na kasulatan. Habang binabasa mo ang mensahe ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao, maghanap ng mga aral sa kanyang halimbawa na makakatulong sa iyo na maging mas mahusay na guro. Halimbawa, ano ang ginawa ni Haring Benjamin para malaman kung naunawaan ng kanyang mga tao ang itinuturo niya?