“Abril 27–Mayo 3. Mosias 7–10: ‘Sa Lakas ng Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Abril 27–Mayo 3. Mosias 7–10,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020
Abril 27–Mayo 3
Mosias 7–10
“Sa Lakas ng Panginoon”
Ang outline na ito ay maaaring maging isang mahalagang resource, pero dapat itong makatulong, hindi pumalit, sa inspirasyong tinatanggap mo habang pinag-aaralan mo ang Mosias 7–10.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Paminsan-minsa’y maaaring makatulong na talakayin sa klase ang mga pagpapalang tinatanggap ng mga miyembro ng klase kapag sinisikap nilang gawing sentro ng kanilang pag-aaral ng ebanghelyo ang kanilang tahanan. Anong mga talata mula sa Mosias 7–10 ang pinagnilayan o tinalakay ng mga miyembro ng klase sa kanilang tahanan sa buong linggo? Paano nito naapektuhan ang kanilang buhay?
Ituro ang Doktrina
Kung tayo ay babaling sa Panginoon, magtitiwala sa Kanya, at paglilingkuran Siya, ililigtas Niya tayo.
-
Nang pag-aralan ng mga miyembro ng klase ang Mosias 7:14–33, maaaring nahikayat sila ng mga karanasan ng mga tao ni Limhi na magsisi at magbalik-loob sa Panginoon para maligtas sila. Para makahikayat ng talakayan, maaari mong anyayahan ang isang miyembro ng klase na dumating sa klase na handang ibuod kung paano bumagsak sa pagkaalipin ang mga tao ni Limhi. Ang iba naman ay maaaring ibahagi ang natutuhan nila mula kay Limhi tungkol sa pagkakaroon ng pananampalataya at pag-asa sa Tagapagligtas. Ano ang matututuhan natin mula sa mga paalala ni Limhi kung paano nailigtas ng Diyos ang Kanyang mga tao? (tingnan sa mga talata 19–20). Maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga salaysay sa banal na kasulatan o ng mga personal na karanasan na naghikayat sa kanila na magtiwala sa Diyos.
-
May mga pagkakataon ang mga miyembro ng klase mo na hikayatin ang iba na bumaling sa Diyos kapag ang mga ito ay inaalipin ng kasalanan o dumaranas ng iba pang mga paghihirap. Marahil ay makakatulong sa kanila na pag-aralan kung paano hinikayat ni Limhi ang kanyang mga tao. Maaaring basahin muna nila ang paglalarawan sa Mosias 7:20–25 tungkol sa pagkaalipin ng mga tao ni Limhi at isipin ang isang taong kilala nila na inaalipin ng kasalanan. Pagkatapos ay maaari nilang tukuyin ang mga katotohanang itinuro ni Limhi sa Mosias 7:18–20, 33 para tulungan ang kanyang mga tao. Paano natin masusundan ang halimbawa ni Limhi kapag hinikayat natin ang ating mga mahal sa buhay na magtiwala sa Diyos?
-
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na mas maunawaan ang tulong na ibinibigay ng Diyos sa oras ng paghihirap, maaari ninyong sama-samang kantahin at talakayin ang himnong “Manunubos ng Israel” (Mga Himno, blg. 5) o ang isa pang awitin na naglalarawan kung paano tayo inililigtas ng Tagapagligtas. Ano ang idinaragdag ng Mosias 7:17–20; Eter 12:27; at II Mga Taga Corinto 12:7–10 sa ating pang-unawa? Marahil ay maaaring magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga karanasan kung saan iniligtas sila ng Panginoon, kahit sa maliliit na paraan, dahil nanampalataya sila sa Kanya.
Nilikha ang tao sa wangis ng Diyos.
-
Sa mga talatang ito, ipinaliwanag ni Limhi ang ilan sa mga katotohanang itinuro ni Abinadi na hindi matanggap ng mga tao. Anong mga katotohanan ang matutukoy ng mga miyembro ng klase sa mga talatang ito? Paano naaapektuhan ng mga katotohanang ito ang pagtingin natin sa Diyos at sa ating sarili?
Ang Panginoon ay naglalaan ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag para tulungan ang sangkatauhan.
-
Si Ammon ay nagkaroon ng pagkakataong ipaliwanag kay Limhi ang tungkulin ng isang tagakita at patotohanan ang kahalagahan ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Maaari mong linawin na sa ating panahon, ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay sinasang-ayunan bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Paano tayo makapagsasalita nang buong tapang, gaya ni Ammon, tungkol sa pangangailangan sa mga propeta, tagakita, at tagapaghayag? (tingnan sa Mosias 8:13–18). Marahil ay maaaring magplano ang mga miyembro ng klase ng isang media post na magpapaunawa sa iba sa tungkulin ng isang propeta, tagakita, at tagapaghayag sa ating panahon. Ano ang narinig natin sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya na maaari nating ibahagi sa ating mga kaibigan, kapamilya, at kapitbahay para turuan sila tungkol sa pangangailangan sa mga propeta?
-
Dahil sa pagbasa sa Mosias 8:12–19, maaaring magpatotoo ka o ang ibang mga miyembro ng klase tungkol sa mga propeta, tulad ng ginawa ni Ammon, o magpasalamat para sa paghahayag sa pamamagitan ng mga propeta, tulad ng ginawa ni Limhi (tingnan sa Mosias 8:19).
-
Si Propetang Joseph Smith ang tagakita na tumatayong pinuno ng dispensasyong ito (tingnan sa D at T 21:1). Maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na ibahagi ang natutuhan nila mula sa paglalarawan ni Ammon sa isang tagakita (tingnan sa Mosias 8:13–18). Pagkatapos ay maaari nilang talakayin ang mga paraan na naging tagakita si Joseph Smith. Maaaring makatulong ang (D at T 135:3C 135:3 and Moses 6:36 sa talakayang ito.)
Maaari nating harapin ang ating mga hamon “sa lakas ng Panginoon.”
-
Dalawang beses lumitaw ang pariralang “sa lakas ng Panginoon” sa talaan ni Zenif tungkol sa kanyang mga tao at sa kanilang mga pakikipaglaban sa mga Lamanita—sa Mosias 9:14–19 at 10:6–10. Marahil ay maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang mga talatang ito at ibahagi kung ano sa palagay nila ang kahulugan ng pariralang ito. Paano natin makakamtan ang “lakas ng Panginoon”? Hikayatin ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng karanasan kung saan matagumpay nilang nalagpasan ang mga pagsubok sa lakas ng Panginoon.
Ang ating mga pagpili ay makakaimpluwensya sa mga henerasyon.
-
Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na tahimik na basahin ang Mosias 10:11–17 at humanap ng mga paraan na naapektuhan ang mga Lamanita ng mga pagpapasiya at paniniwala ng kanilang mga ninuno. Ano ang ipinahihiwatig nito tungkol sa magiging epekto ng ating mga pasiya sa iba? Paano natin gugustuhing ilarawan tayo ng ating mga kapamilya sa loob ng isa o dalawang henerasyon? Maaari sigurong isulat ng mga miyembro ng klase ang ilan sa mga bagay na gugustuhin nilang isama sa gayong paglalarawan.
-
Maaaring makatulong ang isang simpleng object lesson—tulad ng isang hanay ng mga domino—para ilarawan ang magiging epekto ng mga pasiya ng mga tao sa kanilang mga inapo. Pagkatapos ay maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang Mosias 10:11–17 at talakayin kung paano lubhang naapektuhan ng mga pasiya ng kanilang mga ninuno ang mga paniniwala at ugali ng mga Lamanita ilang siglo bago iyon. Ang kuwento ni Elder Donald L. Hallstrom, na matatagpuan sa “Karagdagang Resources,” ay isa pang halimbawa na maaari mong ibahagi. Marahil ay maaaring mag-isip ang mga miyembro ng klase ng mga kuwento mula sa kanilang buhay o sa kasaysayan ng kanilang pamilya tungkol sa isang matwid na tao na isang mabuting impluwensya sa mga henerasyon.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Sa linggong ito natutuhan ng mga miyembro ng klase ang negatibong epekto ng mga pasiya ng mga Lamanita sa kanilang mga anak. Ipaalam sa mga miyembro ng klase na sa Mosias 11–17 mababasa nila ang tungkol sa isang tao na ang kabutihan ay nagpabago sa buhay ng marami.
Karagdagang Resources
Ang ating mga desisyon ay makakaapekto sa mga henerasyon.
Ikinuwento ni Elder Donald L. Hallstrom kung paano pinagpala ng katapatan ng kanyang lolo’t lola ang sumunod na mga henerasyon:
“May dalawang anak ang mga lolo’t lola ko sa tatay, isang lalaki (ang tatay ko) at isang babae. … Nag-asawa ang [kanilang anak na babae] noong 1946 at pagkaraan ng apat na taon ay nagdalantao. May napakaespesyal na dahilan para asamin ng mga magulang ang anak na babae (na sa pagkakataong ito ay nag-iisang anak na babae) na manganak sa unang pagkakataon. Walang nakakaalam na kambal ang ipinagbubuntis niya. Ang malungkot, siya at ang kambal ay pawang nangamatay sa panganganak.
“Nagdalamhati ang lolo’t lola ko. Gayunman, ang kanilang pagdadalamhati ay dagli nilang ibinaling sa Panginoon at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Hindi iniisip kung bakit nangyari ito at kung sino ang dapat sisihin, nagtuon sila sa pamumuhay nang matwid. Hindi mayaman ang lolo’t lola ko; hindi sila kabilang sa mataas na lipunan; hindi sila nagkaroon ng mataas na katungkulan sa Simbahan kailanman—tapat lang silang mga Banal sa mga Huling Araw. …
“Ang katapatan nina Lolo Art at Lola Lou, lalo na sa gitna ng kahirapan, ay nakaimpluwensya na ngayon sa sumunod na apat na henerasyon. Naging tuwiran at malaki ang epekto nito sa kanilang anak (ang tatay ko) at sa nanay ko nang mamatay ang kapatid kong babae, na bunso nila, dahil sa mga kumplikasyon sa panganganak. Sa edad na 34, namatay siya 10 araw matapos manganak, naulila ang 4 na anak, edad 10 araw hanggang 8 taong gulang. Sa halimbawang nakita nila sa nagdaang henerasyon, bumaling sa Panginoon ang aking mga magulang—nang walang pag-aalinlangan—upang [mapanatag]” (“Bumaling sa Panginoon,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 78–79).