Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mayo 11–17. Mosias 18–24: “Tayo ay Nakikipagtipan sa Kanya”


“Mayo 11–17. Mosias 18–24: ‘Tayo ay Nakipagtipan sa Kanya,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Mayo 11–17. Mosias 18–24,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020

tumatakas ang mga tao ni Limhi

Minerva K. Teichert (1888-1976), Escape of King Limhi and His People, 1949-1951, langis sa masonite, 35 7/8 x 48 pulgada. Brigham Young University Museum of Art, 1969

Mayo 11–17

Mosias 18–24

Tayo ay Nakipagtipan sa Kanya

Habang binabasa mo ang Mosias 18–24, isipin ang mga taong tinuturuan mo. Ano ang alam mo tungkol sa kanila? Mabibigyang-inspirasyon ng Espiritu Santo ang iyong mga kaisipan at matutulungan kang tukuyin ang mga katotohanan ng ebanghelyo na higit na nauugnay sa kanila.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang mga miyembro ng klase na magmungkahi ng ilang alituntunin, o mga pahayag ng katotohanan, na nakita nila sa kanilang pag-aaral ng Mosias 18–24. (Nakalista ang ilang alituntunin sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya.) Hikayatin silang magbahagi ng mga talata mula sa Mosias 18–24 na nagtuturo ng mga alituntuning ito. Ano ang naging mga karanasan nila sa mga katotohanang ito?

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Mosias 18:1–16

Ang binyag ay may kasamang isang tipan na maglingkod sa Diyos at tumayo bilang saksi Niya.

  • Habang binabasa mo ang Mosias 18 at naghahanda kang magturo, maaari kang mahikayat na tulungan ang mga miyembro ng klase mo na rebyuhin at pagnilayan ang kanilang tipan sa binyag. Narito ang isang paraan para magawa mo ito: Anyayahan ang mga miyembro ng klase na magtulungan sa paglilista sa pisara ng maraming pariralang maaalala nila na may kaugnayan sa paglalarawan ni Alma sa tipan sa binyag. Kapag tapos na sila, maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang Mosias 18:8–10 at idagdag ang anumang maaaring wala sa listahan. (Maaari din silang magdagdag ng mga parirala mula sa D at T 20:37, 77, at 79.) Makabubuting itanong sa kanila kung ano ang kahulugan ng bawat parirala at kung ano ang magagawa nila para masunod ang bahaging iyon ng tipan sa binyag. Paano tayo binibiyayaan ng Panginoon kapag sinikap nating tuparin ang bahagi natin sa tipan?

  • Nang maghandang mabinyagan ang mga alagad ni Alma, itinuro sa kanila ni Alma na ang pagpasok “sa kawan ng Diyos” ay nangangailangan ng paggawa ng tipan na sundin ang Diyos at pangalagaan ang Kanyang mga anak (tingnan sa Mosias 18:8–9). Marahil ay maaaring magbahagi ng mga karanasan ang mga miyembro ng klase kung kailan sila o ang isang kakilala nila ay napalakas ng ibang tao sa pagtupad ng tipan sa binyag na inilarawan sa Mosias 18:8–10. Halimbawa, kailan sila napanatag o natulungan ng iba na dalhin ang kanilang mga pasanin? Paano tayo nahikayat ng mga karanasang ito na tuparin ang ating tipan? Maaari mo ring ipaalala sa mga miyembro ng klase kung paano tumayo si Abinadi “bilang [isang] saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar” (talata 9). Ano ang matututuhan natin mula sa kanyang halimbawa habang hinahangad nating gampanan ang bahaging ito ng ating tipan sa binyag?

binyag sa karagatan

Kapag nabinyagan tayo, nakikipagtipan tayong maglingkod sa Diyos at sa iba.

Mosias 18:17–31

Nagkakaisa ang mga tao ng Diyos.

  • Inilalarawan sa Mosias 18:17–31 ang mga kautusang ibinigay ni Alma sa kanyang mga tao para tulungan silang magkaisa bilang mga miyembro ng Simbahan ni Cristo. Para mapag-isipan ng mga miyembro ng klase kung paano naaangkop ang mga kautusang ito sa kanila, maaari mong hilingin na saliksikin nila ang mga talatang ito sa maliliit na grupo at ilista ang mga kautusang makikita nila. Paano maaaring makatulong ang pagsunod sa mga kautusang ito na madama ng mga miyembro ng ward na mas nagkakaisa sila? May mga mithiin ba ang mga miyembro ng klase mo na magagawa nilang mag-isa o bilang isang grupo para matularan ang halimbawa ng mga tao ni Alma?

  • Nagtatanong ang ilang tao, bakit ba natin kailangan ang isang simbahan? Para masagot ng mga miyembro ng klase ang tanong na ito, maaari kang magdrowing ng outline ng isang gusali ng Simbahan sa pisara at isulat ang tanong na ito sa ilalim nito. Pagkatapos ay maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang Mosias 18:17–31 at isulat ang mga posibleng sagot na makikita nila sa mga talatang ito. Makakakita rin sila ng mga sagot sa sipi mula sa mensahe ni Elder Christofferson sa “Karagdagang Resources.” Marahil ay maaari mong ipasadula sa ilang miyembro ng klase kung paano nila sasagutin ang isang kaibigan na hindi naniniwala na kailangan ang isang organisadong simbahan. Bakit tayo nagpapasalamat na mapabilang sa Simbahan?

  • Kahit gusto nating ipalagay na nadarama ng lahat na tanggap sila sa simbahan, sa kasamaang-palad, hindi iyon nadarama ng lahat. Ano ang matututuhan natin mula sa mga tao ni Alma sa Mosias 18:17–31 na makakatulong sa atin na lumikha ng isang lugar kung saan madarama ng lahat na sila ay kabilang?

Mosias 21–24

Mapapagaan ng Panginoon ang ating mga pasanin.

  • Ang dinadalang mga pasanin ng mga miyembro ng klase mo ay iba sa dinala ng mga tao ni Limhi o ni Alma noong sila ay nasa pagkabihag. Ngunit ang mga mensahe sa mga salaysay na ito ay angkop sa sinumang nabibigatan sa paghihirap o sa mahihirap na sitwasyon. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang natutuhan nila mula sa Mosias 21–24 kung paano tayo matutulungan ng Diyos sa gitna ng ating mga pagsubok. (Para sa maikling buod ng mga talang ito, tingnan sa L. Tom Perry, “Ang Kapangyarihang Magligtas,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 94–97.) Maaari ding ibahagi ng mga miyembro ng klase kung kailan nila naranasan, tulad ng mga tao ni Alma, ang katuparan ng pangako ng Diyos na pagagaanin Niya ang kanilang mga pasanin at dadalawin sila sa kanilang mga paghihirap (tingnan sa Mosias 24:14).

  • Maaaring makabuluhan para sa mga miyembro ng klase na mag-ukol ng ilang minuto sa pagsulat ng personal na mga pagsubok na naranasan nila at pagninilay sa mga paraan na tinutulungan sila ng Panginoon na dalhin ang kanilang mga pasanin. May mga talata ba mula sa Mosias 21–24 na naghihikayat sa kanila na bumaling sa Panginoon sa oras ng paghihirap? Paano nauugnay ang pangako ng Panginoon sa mga tao ni Alma sa Mosias 24:14 sa tipang ginagawa natin sa Panginoon sa binyag? (tingnan sa Mosias 18:8–10).

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang Mosias 25–28, hilingin na mag-isip sila ng isang taong kilala nila na nalihis mula sa ebanghelyo. Sabihin sa kanila na habang binabasa nila ang mga kabanatang ito, maaari silang makahanap ng mga kabatiran kung paano matutulungan ang taong iyon na makabalik.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Bakit ba natin kailangan ang Simbahan?

Sabi ni Elder D. Todd Christofferson: “Natanto ko na may mga taong itinuturing ang kanilang sarili na relihiyoso o espirituwal ngunit tumatangging makibahagi sa isang simbahan o ipinapalagay na hindi kailangan ang isang institusyong tulad nito. Ang pagsasabuhay ng relihiyon para sa kanila ay pawang pansarili lamang. Gayon pa man ang Simbahan ay nilikha Niya na sentro ng ating espirituwalidad—si Jesucristo. Mahalagang pag-isipan kung bakit pinili Niya na gumamit ng simbahan, ang Kanyang Simbahan, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, upang isakatuparan ang gawain Nila ng Kanyang Ama.”

Pagkatapos ay ibinahagi ni Elder Christofferson ang mga dahilan kaya nagtatag ang Panginoon ng isang Simbahan (tingnan sa “Bakit Kailangan ang Simbahan,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 108–11):

  • “[Upang] ipangaral ang mabuting balita ng ebanghelyo ni Jesucristo at isagawa ang mga ordenansa ng kaligtasan—sa madaling salita, ilapit ang mga tao kay Cristo.”

  • “Upang lumikha ng isang komunidad ng mga Banal na susuportahan ang isa’t isa sa ‘makipot at makitid na landas na patungo sa buhay na walang hanggan’ [2 Nephi 31:18]. … Nagkakaisa sa pananampalataya, tinuturuan at pinatatatag natin ang isa’t isa at sinisikap na ipamuhay ang pinakamataas na pamantayan ng pagiging disipulo.”

  • Upang “may lingguhang pagtitipon para sa kapahingahan at pagpapanibago, ang oras at lugar para isantabi ang mga alalahanin ng mundo—ang araw ng Sabbath.”

  • “[Upang] magtamo ng kinakailangang bagay na hindi magagawa ng mga indibiduwal o maliliit na grupo [pati na] ang pagtugon sa kahirapan, … [pagdadala ng] ebanghelyo sa buong mundo … [pagtatayo at pagpapatakbo] ng mga templo, na mga bahay ng Panginoon, kung saan ang mahahalagang ordenansa at tipan ay pinangangasiwaan.”

  • Sa paggamit ng mga susi ng priesthood, “iniingatan ng mga priesthood leader ng Simbahan ang kadalisayan ng doktrina ng Tagapagligtas at ang integridad ng Kanyang nakapagliligtas na mga ordenansa, … tumutulong sila sa paghahanda sa mga taong nais na makatanggap nito, inaalam kung karapat-dapat ang mga nagnanais nito, at pagkatapos ay isinasagawa ang mga ito … [at tinutukoy kapwa] ang katotohanan at kabulaanan.”