“Mayo 25–31. Mosias 29–Alma 4: ‘Sila ay Naging Matatag at Di Natitinag,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Mayo 25–31. Mosias 29–Alma 4,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020
Mayo 25–31
Mosias 29–Alma 4
“Sila ay Naging Matatag at Di Natitinag”
Noong panahon ni Alma, ang isang guro ng ebanghelyo ay hindi itinuturing na “nakahihigit kaysa sa mag-aaral; at sa gayon silang lahat ay pantay-pantay” (Alma 1:26). Habang naghahanda kang magturo, pagnilayan kung paano naaangkop ang alituntuning ito sa iyo at sa klase mo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Maaaring napansin ng mga miyembro ng klase ang mga pagkakatulad ng mga pangyayaring inilarawan sa Mosias 29–Alma 4 sa mga bagay na nangyayari sa mundo ngayon o sa sarili nilang buhay. Bigyan sila ng ilang minuto para rebyuhin ang mga kabanata para makahanap ng halimbawa. Anyayahan silang ibahagi sa isang katabi ang natuklasan nila.
Ituro ang Doktrina
Maaari tayong maging mabuting impluwensya sa ating komunidad.
-
Kung makikinabang ang mga miyembro ng klase sa pagtalakay kung paano iimpluwensyahan sa kabutihan ang lipunan, maaari mo silang anyayahan na mag-isip ng ilang isyung kinakaharap ng iyong komunidad at ilista ang ilan sa pisara (iwasan ang detalyadong talakayan tungkol sa mga isyung ito). Maaaring rebyuhin ng mga miyembro ng klase ang Alma 2:1–7 para alamin kung ano ang isyung kinaharap ng mga Nephita at kung ano ang ginawa nila tungkol doon. Ano kaya ang mangyayari kung hindi nagkaroon ng karapatang magpahayag “ang mga tao ng Simbahan”? Ano pa ang matututuhan natin tungkol sa pagiging mabuting mamamayan mula sa salaysay na ito, mula sa Mosias 29:26–27, at mula sa kuwento sa “Karagdagang Resources”? Maaaring mag-isip ang mga miyembro ng klase ng isang bagay na gagawin nila para impluwensyahan sa kabutihan ang kanilang komunidad tungkol sa isa sa mga isyu sa pisara.
Mapapansin at matatanggihan natin ang mga maling turo.
-
Ang halimbawa ni Gedeon sa paglaban kay Nehor ay maaaring nakaantig sa klase mo. Maaari mo sigurong hilingin nang maaga sa isang tao na rebyuhin ang kasaysayan ni Gedeon at ibahagi ito sa klase (tingnan sa Mosias 19:1–8; 20:15–22; 22:1–9; at Alma 1:2–9). Batay sa rebyung ito, maaaring ilista ng mga miyembro ng klase ang ilan sa mga nagbibigay-inspirasyong katangian ni Gedeon. Halimbawa, nang marinig ni Gedeon ang mga maling turo ni Nehor, nilabanan ni Gedeon si Nehor “sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos” (talata 9). Sa kanilang personal na pag-aaral, maaaring may natuklasan ang mga miyembro ng klase na mga talata sa banal na kasulatan na pinabubulaanan ang mga turo ni Nehor na matatagpuan sa Alma 1:3–6. Anyayahan silang ibahagi ang mga talatang natuklasan nila. May ilang talata ring iminungkahi sa “Karagdagang Resources.” Paano tayo magiging higit na katulad ni Gedeon sa pagtatanggol natin sa katotohanan?
-
Ang mga maling turo ni Nehor, na inilarawan sa Alma 1:3–6, ay makakatulong sa atin na malaman ang mga taktikang ginagamit ni Satanas para linlangin tayo. Halimbawa, madalas niyang itinatago ang kanyang mga kasinungalingan sa loob ng katotohanan. Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang Alma 1:3–4 at tukuyin ang mga kasinungalingang sinabi ni Satanas at ang mga katotohanang ginamit niya para magmukha itong kaakit-akit. Ano ang ilang kasinungalingang may halong katotohanan na lumilinlang sa mga tao ngayon? Paano natin matutulungan ang ating pamilya at mga mahal sa buhay na matukoy ang tama at mali?
-
Maaaring kantahin o basahin ng mga miyembro ng klase ang isang himno tungkol sa pagpapakumbaba, tulad ng “Magpakumbaba Ka” (Mga Himno, blg. 75), at talakayin kung paano naiiba ang mensahe nito sa mensahe ni Nehor sa Alma 1:2–9. Maaari din nilang ikumpara ang itinuro ni Nehor tungkol sa mga guro ng ebanghelyo sa itinuro at ipinakitang halimbawa ni Alma at ng iba pang mga pinuno ng Simbahan (tingnan sa Alma 1:26; 4:15–20). Ano ang motibo ni Nehor? Paano ito naiba sa motibo ni Alma? Hikayatin ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang nagtulak sa kanila na maglingkod sa Simbahan. Ano ang mungkahi sa Alma 1:26 tungkol sa ating responsibilidad bilang mga mag-aaral?
Ang kapalaluan ay maaaring maging dahilan para tayo “maantala [sa ating] pag-unlad.”
-
Ang pagtalakay sa Alma 1 at Alma 4 ay makakatulong sa mga miyembro ng klase na maunawaan kung paano nakakaapekto ang kapalaluan kapwa sa mga indibiduwal at sa Simbahan. Maaari mong hatiin ang klase sa dalawang grupo at hilingin sa isang grupo na pag-aralan ang kalagayan ng Simbahan ayon sa nakalarawan sa Alma 1:19–30, habang ang isa namang grupo ay pag-aaralan ang kalagayan ng Simbahan matapos ang ilang taon, na nakalarawan sa Alma 4:6–15. Hilingin sa bawat grupo na ibahagi kung ano ang kalagayan ng Simbahan at ng mga miyembro nito ayon sa mga talatang binasa nila. Maaari silang sama-samang magplano ng magandang paraan para magawa ito—halimbawa, maaari silang magdrowing ng isang larawan o maghanda ng isang maikling pagsasadula. Matapos magbahagi ang mga grupo sa isa’t isa, hilingin sa kanila na talakayin ang natutuhan nila tungkol sa mga epekto ng kapalaluan sa Simbahan at mga miyembro nito at ang mga pagpapala ng pagpapakumbaba. Ano ang mga aral na dulot sa atin ng mga salaysay na ito ngayon?
Ang “salita ng Diyos” at “dalisay na patotoo” ay nagpapabago ng mga puso.
-
Maraming taong nakakaugnay sa nadama ni Alma nang siya ay naging “labis na malungkot” (Alma 4:15) tungkol sa kasamaan at mga paghihirap ng kanyang mga tao. Maaari sigurong isipin ng mga miyembro ng klase ang isang inaalala nilang mahal sa buhay at isaisip ang taong iyon habang binabasa nila ang Alma 4:12–20. Pagkatapos magbasa ang mga miyembro ng klase, maaari kang magtanong ng mga bagay na tulad nito para maghikayat ng talakayan tungkol sa mga talata: Ano ang nagpagalak sa mga tao sa kanilang mahihirap na sitwasyon? Ano ang kahulugan sa inyo ng pariralang “siya ay hindi binigo ng Espiritu ng Panginoon”? (Alma 4:15). Anong mga sakripisyo ang ginawa ni Alma para tulungan ang kanyang mga tao, at ano kung minsan ang mga hinihiling sa atin na isakripisyo? Anong mga halimbawa ng bisa ng “dalisay na patotoo” ang nakita na natin? (Alma 4:19). Paano natin maibabahagi ang ating patotoo nang hindi tayo nagsesermon o nanghuhusga? Maaari mong bigyan ng panahon ang mga miyembro ng klase na sumulat ng mensahe ng patotoo sa kanilang mga mahal sa buhay.
-
Marahil ay makikinabang ang mga miyembro ng klase sa pagtalakay kung ano ang “dalisay na patotoo.” Paano nagawa ng mga patotoong ito, o ng iba pang narinig na natin, na “pukawin [tayo] sa pag-alaala sa [ating] tungkulin”? (Alma 4:19). Paano nakakatulong sa atin ang mga patotoong ito na madaig ang kapalaluan at pagtatalo?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Maaari mong ipaliwanag sa mga miyembro ng klase na sa Alma 5–7 ay babasahin nila ang “dalisay na patotoo” ni Alma at aalamin ang mga epekto nito sa mga tao (tingnan sa Alma 4:19).
Karagdagang Resources
“Ipadama ninyo ang inyong impluwensya.”
Nang matawag si Sister Belle S. Spafford bilang Relief Society General President noong 1945, agad naanyayahang dumalo ang mga lider ng Relief Society sa pulong ng isang kilalang national women’s council. Ang mga pangkalahatang pinuno ng Relief Society ay mga miyembro na ng council na ito sa loob ng maraming taon, ngunit nadama nila na hindi naging maganda ang pagtrato sa kanila ng council kamakailan. Matapos makipagtalakayan sa kanyang mga counselor, inirekomenda ni Sister Spafford kay Pangulong George Albert Smith, ang Pangulo ng Simbahan, na dapat wakasan ng Relief Society ang pagiging miyembro nito sa council.
Nang talakayin nila ang rekomendasyon, sinabi ni Sister Spafford, “Alam ninyo, Pangulong Smith, wala kaming napapala sa Council.”
Ikinuwento niya kalaunan:
“Gulat na tiningnan ako ng Pangulo. Sabi niya, ‘Sister Spafford, ang lagi bang nasa isip ninyo ay kung ano ang mapapala ninyo? Hindi ba mas makabubuting isipin kung minsan kung ano ang maibibigay ninyo? Naniniwala ako,’ pagpapatuloy niya, ‘na ang mga babaeng Mormon ay may maibibigay sa kababaihan ng mundo, at may matututuhan din sila mula sa kanila. Sa halip na wakasan ang inyong pagiging miyembro, iminumungkahi ko na isama mo ang pinakamagagaling ninyong board member at bumalik sa pulong na ito.’
“Pagkatapos ay mariin niyang sinabi, ‘Ipadama ninyo ang inyong impluwensya’” (Belle S. Spafford, A Woman’s Reach [1974], 96–97).
Sinunod ni Sister Spafford ang payong ito. Naglingkod siya nang maraming taon sa council at kalaunan ay nahalal bilang isa sa mga pinuno nito.