“Mayo 4–10. Mosias 11–17: ‘Isang Ilaw … na Hindi Maaaring Magdilim,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Mayo 4–10. Mosias 11–17,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020
Mayo 4–10
Mosias 11–17
“Isang Ilaw … na Hindi Maaaring Magdilim”
Isipin ang halimbawa ni Abinadi ng pagtuturo ng ebanghelyo. Ano ang nakikita mo sa Mosias 11–17 na makakatulong para maging mas mahusay kang guro?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Para matulutan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang natutuhan nila sa kanilang personal na pag-aaral o pag-aaral ng kanilang pamilya ng banal na kasulatan, maaari mo silang anyayahan na kumpletuhin ang sumusunod na pangungusap: Kung pipili ako ng isang talata mula sa Mosias 11–17 na ibabahagi sa isang mahal sa buhay, iyon ay ang .
Ituro ang Doktrina
Maaari tayong manindigan sa katotohanan, kahit nag-iisa tayo.
-
Kahit malamang ay hindi takot na mamatay ang mga miyembro ng klase mo para sa kanilang patotoo, maaari silang maharap sa oposisyon dahil sa kanilang mga paniniwala. Maaari siguro silang makakita ng mga pangyayari o talata sa Mosias 11–13 at 17 na nagdaragdag sa katapangan nilang manindigan para sa katotohanan. Ano ang nagbigay kina Abinadi at Alma ng lakas-ng-loob na maging matapang? Paano tayo magiging mas matibay at matatag sa pagtatanggol sa katotohanan? Ang mga sipi sa “Karagdagang Resources” ay maaaring makapagbigay ng ilang ideya.
-
Para matuto ang klase mo mula sa iba pang mga halimbawa ng matapang na pagtatanggol sa katotohanan, maaari mong isulat ang Mga Taong Nanindigan para sa Katotohanan sa pisara. Maaari kang magsimula sa pagtalakay kay Abinadi, at pag-anyaya sa mga miyembro ng klase na magbahagi ng ilang bagay na hinangaan nila tungkol kay Abinadi nang magbasa sila tungkol sa kanya sa linggong ito. Pagkatapos ay maaari nilang banggitin ang iba pang kalalakihan at kababaihan—mula sa mga banal na kasulatan, sa kanilang pamilya, o sa mga personal na karanasan—na sa palagay nila ay mga halimbawa ng paninindigan para sa katotohanan. Ano ang nahihikayat tayong gawin dahil sa mga halimbawang ito?
Kapag pinag-aralan natin ang salita ng Diyos, kailangan nating gamitin ang ating puso sa pag-unawa.
-
Nang pag-aralan nila ang Mosias 12:19–37 sa linggong ito, maaaring nagkaroon ng mga kabatiran ang mga miyembro ng klase tungkol sa kahulugan ng gamitin ang ating puso sa pag-unawa sa salita ng Diyos. Isiping hilingin sa ilan sa kanila na ibahagi ang kanilang mga iniisip. O maaari mo sigurong gamitin ang ilang minuto sa klase para sama-samang saliksikin ang mga talatang ito at talakayin ang imumungkahi nila kung paano gawing mas makabuluhan ang pag-aaral ng ebanghelyo. Halimbawa, bakit mahalaga na ang batas ng Diyos ay kapwa natin inuunawa at “sinusunod”? (Mosias 12:29).
-
Ano ang matututuhan ng mga miyembro ng klase mo sa pagkukumpara ng mga ugali at gawi ng mga saserdote ni Noe sa paraan na dapat nating gamitin sa pag-aaral ng ebanghelyo? Anyayahan silang basahin ang Mosias 12:19–37, na hinahanap ang mga puna ni Abinadi sa mga saserdote ni Noe. Ano kaya ang maaaring sabihin ni Abinadi tungkol sa pag-aaral natin ng ebanghelyo ngayon? Hilingin sa mga miyembro ng klase na ibahagi kung ano ang ginagawa nila na nakakatulong sa kanila na gamitin ang kanilang puso sa pag-unawa at gawing mas makabuluhan ang pag-aaral nila ng ebanghelyo.
Ang kaligtasan ay dumarating sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala.
-
Para makumbinsi ang nag-aalinlangang tagapakinig tungkol sa pagparito ng Mesiyas, sinipi ni Abinadi ang isang nakakaantig na propesiya mula kay Isaias (tingnan sa Mosias 14). May ilang paraan para marebyu ng mga miyembro ng klase ang kabanatang ito. Maaari nilang basahin ang ilang talata sa isang pagkakataon at talakayin ang mga ito, o maaari mong hatiin ang klase sa maliliit na grupo para pag-usapan ang mga makabuluhang talata, pati na ang mga talababa, para tumuklas ng mga karagdagang kabatiran. Hikayatin silang ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa Tagapagligtas mula sa kabanatang ito.
-
Nauunawaan ba ng mga miyembro ng klase mo kung ano ang ibig sabihin ng “[tinugunan ni Jesucristo] ang mga hinihingi ng katarungan”? (Mosias 15:9). Para mas makaunawa sila, maaari kayong magsimula sa sama-samang pagbasa sa “Katarungan” at “Awa, Maawain” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Marahil ay maaaring magboluntaryo ang isang tao na isulat sa pisara ang isang maikling kahulugan ng bawat salita. Pagkatapos ay maaari ninyong basahin ang Mosias 15:1–9 nang magkakasama. Paano tinugunan ni Jesucristo ang mga hinihingi ng katarungan? Paano Siya nagpapakita ng awa sa atin? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na mag-isip ng mga analohiyang naglalarawan kung paano tinugunan ni Jesucristo ang mga hinihingi ng katarungan.
Ang mga kautusan ay dapat isulat sa ating puso.
-
Maaari mong matulungan ang mga miyembro ng klase na maunawaan kung bakit mahalaga na “nakasulat sa [ating] puso” ang mga kautusan sa pamamagitan ng pagtatanong kung ano sa palagay nila ang kahulugan ng pariralang ito. Pagkatapos ay anyayahan silang ikumpara ang mga kautusang itinuro ni Abinadi sa Mosias 12:33–37 at 13:11–26 sa mga kasalanang ginagawa nina Haring Noe at ng kanyang mga tao (tingnan sa Mosias 11:1–7, 14–15). Paano naiiba ang mga kautusan “na nakasulat sa [ating] puso” sa pagiging pamilyar lamang sa mga ito? (Mosias 13:11). Paano natin malalaman kung ang mga kautusan ay nakasulat sa ating puso? Anong mga halimbawa ang maibabahagi natin?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Nadama na ba ng mga miyembro ng klase ang nadama ni Abinadi—na nawalan ng saysay ang kanilang mga pagsisikap na ibahagi ang ebanghelyo? Sabihin sa kanila na sa Mosias 18–26 mababasa nila ang tungkol sa saganang bunga ng mga pagsisikap ni Abinadi.
Karagdagang Resources
Mga turo ng mga propeta tungkol sa paninindigan para sa katotohanan.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang tunay na mga disipulo ni Jesucristo ay handang lumantad, magsalita, at maiba sa mga tao sa mundo. … Hindi madali o [aw]tomatiko ang maging gayon kalakas na mga disipulo. Kailangan tayong magtuon sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo. Kailangang mag-isip nang husto sa pagsisikap na magtuon sa Kanya sa bawat pag-iisip. Ngunit kapag ginawa natin ito, mawawala ang ating mga pagdududa at takot” (“Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 40–41).
Sabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Nawa ay maging matapang tayo at handang manindigan sa paniniwala natin, at kung kailangan nating manindigang mag-isa, nawa ay magawa natin ito nang buong tapang, pinalalakas ng kaalaman na totoong hindi tayo nag-iisa kapag naninindigan tayo sa panig ng ating Ama sa Langit” (“Tapang na Manindigang Mag-isa,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 67).
Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Isinulat ni Pablo kay Timoteo: ‘Hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng katakutan; kundi ng kapangyarihan, at ng pagibig, at ng kahusayan. Huwag mo ngang ikahiya ang pagpapatotoo sa ating Panginoon’ (II Kay Timoteo 1:7–8). Sana’y ilagay ng lahat ng miyembro ng simbahang ito ang mga salitang ito sa lugar na makikita nila ito tuwing umaga sa pagsisimula ng araw niya. Bibigyan tayo nito ng lakas-ng-loob na magsalita, bibigyan tayo nito ng pananampalatayang magsikap, magpapalakas ito sa ating pananalig sa Panginoong Jesucristo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Gordon B. Hinckley [2016], 379).