Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mayo 18–24. Mosias 25–28: “Sila ay Tinawag na mga Tao ng Diyos”


“Mayo 18–24. Mosias 25–28: ‘Sila ay Tinawag na mga Tao ng Diyos,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Mayo 18–24. Mosias 25–28,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020

anghel na nagpakita kay Alma at sa mga anak ni Mosias

Pagbabalik-loob ni Nakababatang Alma, ni Gary L. Kapp

Mayo 18–24

Mosias 25–28

“Sila ay Tinawag na mga Tao ng Diyos”

Ang pinakamagandang paraan para makapaghandang magturo ng tungkol sa Mosias 25–28 ay basahin ang mga kabanatang ito at ipamuhay ang mga alituntuning itinuturo ng mga ito. Kapag ginawa mo ito, mahihikayat ka ng Espiritu na ituro ang magiging pinakamahalaga para sa mga miyembro ng klase mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Maaaring nahihirapan ang ilang miyembro ng klase na magkaroon ng palagiang personal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya ng banal na kasulatan. Makakatulong kaya ang mga karanasan ng iba pang mga miyembro ng klase? Marahil ay maaari mong simulan ang klase mo sa pag-anyaya sa mga miyembro ng klase na magbahagi ng isang bagay na ginawa nila sa kanilang personal na pag-aaral o pag-aaral ng pamilya na naging maayos.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Mosias 26:15–31; 27:23–37

Malayang pinatatawad ng Diyos ang mga taong nagsisisi.

  • Pagsisisi at kapatawaran ang paulit-ulit na tema sa mga kabanatang ito. Maaari mong siyasatin ang mga temang ito sa pagsulat ng Pagsisisi at Kapatawaran sa pisara at paghiling sa mga miyembro ng klase na ilista sa ilalim ng mga heading na iyon ang pumapasok sa isipan nila kapag iniisip nila ang mga salitang ito. Pagkatapos ay maaari nilang saliksikin ang Mosias 26:22–24, 29–31; at 27:23–37 para sa mga salita at pariralang nagtuturo sa kanila tungkol sa pagsisisi at kapatawaran. Maaaring idagdag ng mga miyembro ng klase ang mga salita at pariralang ito sa mga listahan sa pisara. Ano ang damdamin ng Diyos tungkol sa mga nagsisisi at humihingi ng tawad?

  • Maaaring nag-iisip ang ilang tao kung naging sapat ang kanilang pagsisisi para patawarin sila ng Diyos. Para matulungan ang sinuman sa klase mo na maaaring gayon ang pakiramdam, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na isipin na kunwari’y sila si Nakatatandang Alma at na isang miyembro ng Simbahan sa Zarahemla ang nagtanong sa kanila kung paano magkamit ng kapatawaran sa kanyang mga kasalanan (maisasadula siguro ninyo ang sitwasyong ito). Ano ang natutuhan ni Alma mula sa Panginoon sa Mosias 26:15–31 na maaaring makatulong sa miyembrong ito ng Simbahan? (tingnan din sa Moroni 6:8; DT 58:42–43). Maaari ding makatulong ang pahayag na ito ni Pangulong Henry B. Eyring: “Kung nadama ninyo ngayon ang impluwensya ng Espiritu Santo, maaari ninyo itong gawing katibayan na nagkakaroon ng epekto ang Pagbabayad-sala sa inyong buhay” (“Gifts of the Spirit for Hard Times,” Ensign, Hunyo 2007, 23).

Mosias 27:8–24

Dinirinig ng Diyos ang ating mga dalangin at sasagutin ang mga ito ayon sa Kanyang kalooban.

  • Marami sa atin ang makakaugnay sa damdamin ni Nakatatandang Alma, na ang anak ay “naghihimagsik laban sa Diyos” (Mosias 27:11). Marahil ay maaaring talakayin ng mga miyembro ng klase kung paano nila maaaring gamitin ang salaysay sa Mosias 27:8–24 para bigyan ng pag-asa ang isang taong may kapamilya na naliligaw ng landas. Nauunawaan na hindi tayo maaaring humingi ng himala o magpawalang-bisa ng kalayaan ng isang tao, ano ang angkop nating maipagdarasal kapag naliligaw ng landas ang isang mahal sa buhay? (tingnan din sa Alma 6:6).

Mosias 27:8–28:4

Lahat ng kalalakihan at kababaihan ay kailangang isilang na muli.

  • Narito ang ilang tanong na maaaring makatulong sa mga miyembro ng klase na matuto tungkol sa pagkapanganak na muli: Ano ang ibig sabihin ng espirituwal na isilang na muli? (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbabalik-loob, Nagbalik-loob”). Paano tayo nagsisikap na makitungo sa iba kapag tayo ay espirituwal na isinilang na muli? Para masagot ng mga miyembro ng klase ang mga tanong na ito, maaari mo silang anyayahan na saliksikin ang Mosias 27:22–28:4 para sa mga palatandaan na si Alma at ang mga anak ni Mosias ay espirituwal na isinilang na muli.

  • Lahat ay may kuwento ng pagbabalik-loob, dahil sabi nga ni Alma, “buong sangkatauhan … ay kinakailangang isilang na muli” (Mosias 27:25; idinagdag ang italics). Maaari sigurong ibahagi ng ilang miyembro ng klase kung paano sila nagbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo—sa pamamagitan man ng malalaking espirituwal na pangyayari sa buhay nila o sa pamamagitan ng unti-unti, at kung minsa’y di-halata, na proseso na maaari lamang mapansin kapag nangyari na ito. Maaari mo ring bigyan ang mga miyembro ng klase ng oras sa klase na itala ang kanilang mga karanasan. (Kung walang oras para magawa ito sa klase, maaari mong imungkahi na gawin nila ito sa bahay.) Para mabigyang-diin na dapat ay tuluy-tuloy ang ating pagbabalik-loob, maaari mong imungkahi sa mga miyembro ng klase na rebyuhin paminsan-minsan ang isinulat nila at magdagdag ng mga bagong karanasan.

  • Ginamit ni Alma at ng iba pa sa buong banal na kasulatan ang metapora ng maisilang na muli para ilarawan ang pagbabagong hatid ng ebanghelyo ni Jesucristo sa ating buhay. Ikinumpara ni Elder David A. Bednar ang pagbabagong ito sa pagiging pickle ng isang pipino (tingnan sa “Karagdagang Resources”). Para mapagnilayan ng mga miyembro ng klase ang itinuturo ng mga pagkukumparang ito tungkol sa pagbabalik-loob, maaari kang magdala ng pipino at pickle sa klase. O maaari mong anyayahan ang isang tao na magdala ng isang sanggol at talakayin kung bakit ang pagsilang ay magandang analohiya para sa nangyari kay Alma at sa mga anak ni Mosias. (Tingnan sa Mosias 27:23–28:7.)

si Nakababatang Alma na dinadala sa bahay ng kanyang ama

Nagalak ang Kanyang Ama, ni Walter Rane

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang Mosias 29–Alma 4 sa susunod na linggo, maaari mong banggitin sa kanila na sa mga kabanatang ito, ang mga tao ni Nephi ay binigyan ng karapatang magpahayag sa kanilang pamahalaan. Ano ang matututuhan natin mula sa kanilang mga karanasan habang sinisikap nating impluwensyahan sa kabutihan ang ating komunidad?

icon ng resources

Karagdagang Resources

Isang habambuhay na proseso.

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson: “Ang pagsilang muli, di tulad ng ating pisikal na pagsilang, ay isang proseso sa halip na pangyayari. At ang pakikibahagi sa prosesong iyon ang [pangunahing] layunin ng mortalidad” (“Isinilang na Muli,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 78).

Pagbabalik-loob at mga pickle.

Ibinahagi ni Elder David A. Bednar ang sumusunod na analohiya na ikinukumpara ang espirituwal na pagsilang na muli sa pagpi-pickle ng mga pipino:

“Ang pipino ay nagiging pickle kapag sinunod natin ang isang partikular na resipe at mga hakbang sa paggawa. Ang mga unang hakbang para magawang pickle ang isang pipino ay ang paghahanda at paglilinis. …

“Ang susunod na mga hakbang sa prosesong ito ay ang paglulubog at pagbababad ng mga pipino sa tubig na may asin (brine) sa matagal na panahon. … Ang mga pipino ay magiging mga pickle lamang kung lubos itong nakalubog sa tubig na may asin sa itinakdang panahon. Unti-unting binabago ng proseso ng pagbababad ang komposisyon ng pipino at nagiging malinaw ang hitsura nito at naglalasang pickle. Hindi maisasagawa ng manaka-nakang pagwiwisik ng o pagsawsaw sa tubig na may asin ang pagbabagong kailangan. Sa halip, kailangan ang palagian, matagalan, at lubusang paglubog para maganap ang pagbabagong hinahangad.

“Ang huling hakbang sa proseso ay pagseselyado ng mga ipinreserbang pickle sa mga garapong inisterilisa at nilinis na mabuti. Ang mga pickle ay inilalagay sa mga garapon, nakalubog sa kumukulong tubig na may asin, at iniisterilisa sa isang lalagyang may kumukulong tubig. Kailangang matanggal ang lahat ng dumi kapwa sa mga pickle at sa mga garapon para mapangalagaan at mapreserba ang yaring produkto. …

“Tulad ng kinakailangang paghahanda at paglilinis ng pipino bago ito gawing pickle, kayo at ako ay maihahanda rin sa pamamagitan ng ‘mga salita ng pananampalataya at ng mabuting aral’ (I Kay Timoteo 4:6) at lilinisin muna sa pamamagitan ng mga ordenansa at tipan na isinasagawa ng awtoridad ng Aaronic Priesthood. …

“Tulad ng pipino na naging pickle nang ilubog at ibabad ito sa tubig na may asin, kayo at ako man ay ipinanganak na muli nang turuan at tanggapin natin ang ebanghelyo ni Jesucristo. … Ang yugtong ito ng proseso ng pagbabago ay nangangailangan ng panahon, pagsisikap, at pagtitiyaga. …

“… Paglulubog sa lalagyang may kumukulong tubig ang paraan para mapangalagaan at maipreserba ang mga pickle nang matagal. Sa gayunding paraan, unti-unti tayong nagiging dalisay at banal nang mahugasan kayo at ako sa dugo ng Kordero, maipanganak na muli, at makatanggap ng mga ordenansa at iginalang ang mga tipan na isinagawa ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood” (“Kinakailangan Ngang Kayo’y Ipanganak na Muli, ” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 19–21).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Maghanda na nasasaisip ang mga tao. “Kapag naghahanda ka, hayaang ang pag-unawa mo sa mga tinuturuan mo ang gumabay sa iyong mga plano. … Ang mga guro na katulad ni Cristo ay hindi nakatuon sa isang partikular na estilo o pamamaraan; nakatuon sila sa pagtulong sa mga tao na mapatibay ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo at maging higit na katulad Niya” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 7).