Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Oktubre 12–18. 3 Nephi 20–26: “Kayo ay mga Anak ng Tipan”


“Oktubre 12–18. 3 Nephi 20–26: ‘Kayo ay mga Anak ng Tipan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Oktubre 12–18. 3 Nephi 20–26,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020

si Cristo na nagpapakita sa mga Nephita

Paglalarawan ng Si Cristo na Nagpapakita sa mga Nephita ni Andrew Bosley

Oktubre 12–18

3 Nephi 20–26

“Kayo ay mga Anak ng Tipan”

Magpagabay sa Espiritu sa pag-aaral mo ng 3 Nephi 20–26. Tutulungan ka Niyang matukoy ang mga alituntunin na maaaring makabuluhan lalo na sa mga tinuturuan mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Matapos basahin nang sama-sama ang mga salita ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 23:1, maaari mong itanong sa mga miyembro ng klase kung ano ang hinanap nila nang basahin nila ang mga banal na kasulatan sa linggong ito. Ano ang nakita nila?

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

3 Nephi 20:25–41; 21:9–11, 22–29

Sa mga huling araw, magsasagawa ang Diyos ng isang dakila at kagila-gilalas na gawain.

  • Binanggit ng Tagapagligtas ang “[isang] dakila at kagila-gilalas na gawa” (3 Nephi 21:9) na gagawin ng Kanyang Ama sa mga huling araw. Marahil ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang natutuhan nila tungkol sa gawaing iyon nang pag-aralan nila ang mga kabanatang ito sa bahay. Ang mga tanong na kagaya ng mga ito ay maaaring maghikayat ng isang talakayan: Ano ang sinabi ng Tagapagligtas na mangyayari sa hinaharap? (tingnan lalo na sa 3 Nephi 20:30–32, 39–41; 21:22–29). Bakit Niya tatawaging “dakila” at “kagila-gilalas” ang mga bagay na ito? Anong katibayan ang nakikita natin na nagaganap na ang gawaing ito? Paano tayo nakikilahok dito?

  • Para maipakita sa mga miyembro ng klase kung paano tumulong si Propetang Joseph Smith na maisakatuparan ang dakila at kagila-gilalas na gawain ng Panginoon, maaari kang magdispley ng larawan ng Propeta at anyayahan ang klase na basahin ang 3 Nephi 21:9–11, na naghahanap ng mga salita at parirala na nagpapaalala sa kanila ng buhay at ministeryo ni Joseph Smith. Halimbawa, paano “[siya binigyan ng Panginoon] ng kapangyarihan na kanyang madala ang [ebanghelyo] sa mga Gentil”? (talata 11). Bakit mahalagang malaman na ipinropesiya ng Tagapagligtas ang ministeryo ni Joseph Smith? (tingnan din sa 2 Nephi 3).

  • Maaari mo ring tulungan ang mga miyembro ng klase na makita ang kanilang sarili sa dakilang gawaing ipinropesiya sa mga kabanatang ito sa pamamagitan ng sama-samang pagbasa sa 3 Nephi 20:25–27. Kung kinakailangan, maaari mong ipaliwanag na kapag nakikipagtipan tayo sa Panginoon, nagiging binhi tayo ni Abraham. Paano natin mapagpapala bilang mga inapo ni Abraham ang “lahat ng magkakamag-anak sa lupa”? (talata 25). Maaari ding pagnilayan ng mga miyembro ng klase ang tanong na ito habang binabasa nila ang pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson sa “Karagdagang Resources” at ibahagi ang kanilang mga iniisip.

3 Nephi 23; 26:1–12

Nais ng Panginooon na saliksikin natin ang mga banal na kasulatan.

  • Ano ang inihahayag ng mga pakikisalamuha ng Tagapagligtas sa mga Nephita tungkol sa pakiramdam Niya tungkol sa mga banal na kasulatan? Para matulungan ang mga miyembro ng klase na malaman ito, maaari mong ipabasa sa kalahati sa kanila ang 3 Nephi 23 at sa natitirang kalahati ang 3 Nephi 26:1–12; pagkatapos ay maaari nilang ibahagi sa isa’t isa ang kanilang natagpuan. Maaari din silang magbahagi ng mga ideya nila kung paano ipakita sa Panginoon na mahalaga sa atin ang mga banal na kasulatan. Halimbawa, ano ang kaibhan sa pagitan ng pagsasaliksik sa mga banal na kasulatan at pagbabasa lamang ng mga ito? (tingnan sa 3 Nephi 23:1).

3 Nephi 24:1–6

Ang Panginoon ay katulad ng apoy ng isang maglalantay.

  • Maaaring makatulong ang mga visual aid sa pagtalakay ninyo sa 3 Nephi 24:1–6. Halimbawa, maaari kang magpakita ng isang baryang pilak o kaunting sabon habang binabasa ng mga miyembro ng klase ang mga talata para malaman kung paano nauugnay ang mga bagay na ito sa Tagapagligtas at sa Kanyang misyon. Maaari mo ring ibahagi sa klase ang paliwanag tungkol sa pagdadalisay ng pilak at sabon ng tagapagpaputi sa “Karagdagang Resources.” Paano naging “katulad ng apoy ng isang maglalantay, at katulad ng sabon ng isang tagapagpaputi” ang Panginoon? (talata 2). Ano ang itinuturo sa atin ng mga halimbawang ito kung paano tayo pinadadalisay ng Tagapagligtas?

3 Nephi 24:7–18

Maawain ang Diyos sa mga taong bumabalik sa Kanya.

  • Maaari mong ipaliwanag na ang mga turo tungkol sa ikapu sa 3 Nephi 24:8–12 ay tugon sa tanong sa talata 7: “Ano ang kailangan naming gawin upang makabalik [sa Panginoon]?” Ano ang kaugnayan ng “[pagbalik] sa [Panginoon]” sa pagbabayad ng ikapu? Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano nila natanggap ang mga pagpapalang nakalista sa mga talata 10–12 nang magbayad sila ng ikapu. Paano maaaring makatulong ang mga katotohanang ito sa isang taong nahihirapang magbayad ng ikapu?

  • Anong pag-uugaling inilarawan sa 3 Nephi 24:13–15 ang madalas makita sa mundo ngayon? Hikayatin ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung ano ang sasabihin nila sa isang taong nadarama na mas madali o mas maganda ang buhay para sa mga taong hindi sumusunod sa mga kautusan. Ayon sa 3 Nephi 24, paano pinagpapala ng Panginoon ang mga naglilingkod sa Kanya? Maaari mo rin silang hikayatin na maghanap ng mga halimbawa sa 3 Nephi 22. (Tingnan din sa Mosias 2:41; Alma 41:10.)

3 Nephi 25:5–6

Dapat bumaling ang ating puso sa ating mga ninuno.

  • Para mailarawan ang konsepto ng pagbaling ng ating puso sa ating mga ninuno, maaari mong anyayahan ang isang miyembro ng klase na tumalikod sa klase at ilarawan ang mga miyembro ng klase mula sa memorya (saan sila nakaupo, ano ang suot nila, at iba pa). Pagkatapos ay maaari na siyang humarap sa klase at subukin itong muli. Ano ang maituturo sa atin ng halimbawang ito tungkol sa pagbaling ng ating puso sa ating mga ninuno sa pamamagitan ng gawain sa templo at family history? Matapos basahin ang 3 Nephi 25:5–6, marahil ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano nakabaling ang kanilang puso sa kanilang mga ninuno. Maaari mo ring anyayahan ang ward temple and family history consultant na ipakita sa kanila ang ilang family history tool. Paano nauugnay ang gawaing ito sa pagtitipon ng Israel na inilarawan ni Pangulong Russell M. Nelson sa “Karagdagang Resources”?

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Sa 3 Nephi 274 Nephi mababasa natin ang tungkol sa “[pinakamaliligayang tao] sa lahat ng tao na nilikha ng kamay ng Diyos” (4 Nephi 1:16). Ipahiwatig sa klase na ang pagbasa sa mga kabanatang ito ay maaaring ipaalam sa atin kung paano makasusumpong ng kaligayahan para sa ating sarili at sa ating pamilya.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Maaari kayong maging bahagi ng isang dakilang bagay.

Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson:

Ito na talaga ang mga huling araw, at ang Panginoon ay binibilisan ang Kanyang gawain na tipunin ang Israel. Ang pagtitipon na ito ang pinakamahalagang nangyayari sa mundo ngayon. Walang maikukumpara sa laki, walang maikukumpara sa halaga, at sa kadakilaan nito. At kung pipiliin ninyo, kung gusto ninyo, maaari kayong maging malaking bahagi nito. Maaari kayong maging bahagi ng isang bagay na malaki, maringal, at dakila!

“Kapag pinag-uusapan natin ang pagtitipon, ang sinasabi natin ay ang katotohanang ito: bawat isa sa mga anak ng Ama sa Langit, sa [magkabilang] panig ng tabing, ay dapat marinig ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. …

“… Isipin ninyo ito! Sa dinami-dami ng mga taong tumira sa mundo natin, tayo ang mga makikilahok sa huli at malaking pagtitipon na ito. Talagang nakatutuwa ito! …

“Ang pagtitipon na ito ay dapat maging napakahalaga sa inyo. Ito ang misyon ninyo dito sa lupa” (“Pag-asa ng Israel” [pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org).

Nagdadalisay at naglilinis.

Ang pilak ay natagpuang nakahalo sa iba pang mga mineral sa mga deposito ng inang mina. Noong unang panahon, kumukuha ng pilak ang isang maglalantay ng pilak sa pamamagitan ng paglalagay ng inang mina sa isang pugon na pinainit nang husto. Pinalilitaw nito ang mineral na walang halaga (mga dumi o di-kanais-nais na mineral) sa ibabaw ng tinunaw na inang mina. Kakaskasin iyon ng maglalantay, at maiiwan ang dalisay na pilak, na maaaring matukoy dahil sa kakaibang ningning nito.

Ang tagapagpaputi ang taong naglilinis at nagpapaputi sa tela. Ilulubog ang tela sa tubig na may halong “sabon ng tagapagpaputi,” na dinisenyo para mag-alis ng langis at dumi. Habang nakababad ang tela, hahampasin o tatapak-tapakan iyon ng tagapagpaputi para maalis ang mga dumi. (Tingnan sa “Refiner’s Fire and Fuller’s Soap,” New Era, Hunyo 2016, 6–7.)

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magturo ng mga tao, hindi ng mga lesson. “Ang pakikitungo mo sa mga tao ay kasinghalaga ng itinuturo mo sa kanila. Kung minsan, ang kaabalahan natin sa paglalahad ng lesson ay humahadlang sa atin na pakitaan ng pagmamahal ang mga tinuturuan natin. Kapag nangyari ito sa iyo, isipin kung paano ka makapagtutuon ng pansin sa pinakamahalaga” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 6).