Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Oktubre 19–25. 3 Nephi 27–4 Nephi: “Wala nang Mas Maliligayang Tao pa sa Lahat ng Tao”


“Oktubre 19–25. 3 Nephi 27–4 Nephi: ‘Wala nang Mas Maliligayang Tao pa sa Lahat ng Tao,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Oktubre 19–25. 3 Nephi 27–4 Nephi,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020

nagdarasal si Jesus kasama ang mga Nephita

Panalangin ni Cristo, ni Derek Hegsted

Oktubre 19–25

3 Nephi 274 Nephi

“Wala nang Mas Maliligayang Tao pa sa Lahat ng Tao”

Ang personal na pag-aaral ng 3 Nephi 274 Nephi ang pinakamainam na paraan para makapaghandang magturo. Ang mga doktrina at ideya sa outline na ito ay maaaring makatulong sa iyo na tumugon sa espirituwal na mga pahiwatig na natatanggap mo habang nag-aaral ka.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ang isang paraan para mahikayat ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga kabatiran mula sa kanilang personal na pag-aaral ay ang anyayahan silang maghanap ng isang himno na may kaugnayan sa isang katotohanang natutuhan nila sa 3 Nephi 274 Nephi. Pagkatapos ay maaari nilang ibahagi ang mga himnong nakita nila at kung paano nauugnay ang mga himnong ito sa mga katotohanan sa banal na kasulatan.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

3 Nephi 27:1–22

Ang Simbahan ni Jesucristo ay ipinangalan sa Kanya at nakasalig sa Kanyang ebanghelyo.

  • Ang pagtalakay sa pangalan ng Simbahan ay maaaring magpalalim sa pagpapahalaga ng mga miyembro ng klase mo sa kanilang pagiging miyembro sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na maglista ng mga pangalan ng iba’t ibang organisasyon at ilarawan kung ano ang sinasabi sa atin ng mga pangalan tungkol sa mga organisasyong iyon. Pagkatapos ay maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang 3 Nephi 27:1–12, na hinahanap kung ano ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa pangalan ng Kanyang Simbahan. Maaari din nilang ibahagi kung ano ang kahulugan sa kanila ng maging mga miyembro ng Simbahan ni Cristo. Ano ang ibig sabihin ng taglayin natin sa ating sarili ang Kanyang pangalan?

  • Narito ang isa pang paraan para matalakay ang kahalagahan ng pangalan ng Simbahan ng Tagapagligtas. Matapos talakayin ang mga katotohanang matatagpuan sa 3 Nephi 27:1–22, maaari mong isulat ang buong pangalan ng Simbahan sa pisara. Pagkatapos ay maaaring pumili ng mga salita sa pangalan ang mga miyembro ng klase at magmungkahi kung paano ipinaaalam sa atin ng bawat salita kung sino tayo o ano ang ating pinaniniwalaan. Maaaring makatulong ang pahayag ni Pangulong M. Russell Ballard sa “Karagdagang Resources.” Bakit mahalagang gamitin ang pangalan ng Simbahan kapag ibinabahagi natin sa iba ang ating mga paniniwala?

  • Matapos ipaliwanag na ang Kanyang Simbahan ay kailangang “nakatayo sa [Kanyang] ebanghelyo” (3 Nephi 27:10), inilarawan ng Tagapagligtas kung ano ang Kanyang ebanghelyo. Marahil ay maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung paano nila maaaring ipaliwanag sa isang kaibigan kung ano ang ebanghelyo. Pagkatapos ay maaari mo silang anyayahang saliksikin ang 3 Nephi 27:13–22, na hinahanap kung paano ipinaliwanag ng Tagapagligtas ang Kanyang ebanghelyo. Paano natin ibubuod ang sinabi ng Tagapagligtas? Habang pinag-aaralan natin ang paliwanag ng Tagapagligtas tungkol sa ebanghelyo, anong mga kabatiran ang matatamo natin tungkol sa kung paano natin ipamumuhay ang ebanghelyo sa araw-araw?

3 Nephi 29–30

Ang Aklat ni Mormon ay isang palatandaan na ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay natutupad na.

  • Marahil ay maaari kang magpasimula ng isang talakayan tungkol sa 3 Nephi 29–30 sa pagtalakay tungkol sa mga palatandaan. Halimbawa, maaaring bumanggit ng mga palatandaan ang mga miyembro ng klase na nagpapaalam sa atin na may paparating na bagyo o na nagbabago ang mga panahon. Pagkatapos ay maaari nilang basahin ang 3 Nephi 29:1–3 para malaman kung ano ang ipinahihiwatig ng paglabas ng Aklat ni Mormon, na tinawag ni Mormon na “ang mga salitang ito” (tingnan din sa 3 Nephi 21:1–7). Anong mensahe ang ibinigay ng Panginoon sa 3 Nephi 29:4–9 sa mga taong “tatanggi” o “magtatatwa” sa gawain ng Diyos sa mga huling araw? Paano pinalalakas ng pagbabasa ng Aklat ni Mormon ang ating pananampalataya sa mga bagay na “tinatanggihan” o “itinatatwa” ng ibang mga tao sa ating panahon? Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang paanyaya ng Panginoon sa 3 Nephi 30 at ibahagi kung paano nakatulong sa kanila ang Aklat ni Mormon na tanggapin ang paanyayang ito.

4 Nephi

Ang pagbabalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo ay humahantong sa pagkakaisa at kaligayahan.

  • Inilalarawan ng salaysay sa 4 Nephi ang kagalakang maaaring dumating sa ating buhay—bilang mga indibiduwal, bilang mga pamilya, at bilang isang ward o stake—habang sinisikap nating mas lubos na magbalik-loob kay Jesucristo. Isiping hilingin sa mga miyembro ng klase na saliksikin ang 4 Nephi 1:1–18 at isulat sa pisara ang mga pagpapalang dumating sa mga tao nang magbalik-loob silang lahat sa Panginoon. Paano nakaapekto ang kanilang pagbabalik-loob sa pagtrato nila sa isa’t isa? Marahil ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano naghatid ng gayon ding mga pagpapala ang ebanghelyo sa kanilang pamilya o sa kanilang ward. Para maipaunawa sa mga miyembro ng klase kung paano makakapamuhay ang bawat isa sa atin na tulad ng mga tao sa 4 Nephi at paano tayo makakahikayat ng higit na pagkakaisa at kaligayahan sa mga nasa paligid natin, maaari mong basahin ang pahayag ni Elder D. Todd Christofferson sa “Karagdagang Resources.” Maaaring suriin ng mga miyembro ng klase ang personal nilang mga pagsisikap sa tatlong aspetong inilarawan ni Elder Christofferson.

  • Tinukoy ng mga tao sa Aklat ni Mormon ang kanilang sarili bilang mga Nephita at Lamanita—at marami pang ibang “mga -ita”—sa loob ng maraming siglo, ngunit pagkatapos ng ministeryo ng Tagapagligtas sa kanila, naglaho ang mga pagtukoy na ito. Matapos basahin ang 4 Nephi 1:17 nang sama-sama, marahil ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang kanilang mga iniisip tungkol sa kung anong uri ng “mga -ita” o grupo ang umiiral sa ating lipunan ngayon. Ano ang magagawa natin para madaig ang gayong mga pagkakahati at tunay na maging “iisa, ang mga anak ni Cristo”? (talata 17).

  • Ano ang matututuhan ng mga miyembro ng klase mula sa pagbagsak ng lipunan ng Sion na inilarawan sa 4 Nephi? Maaari mo silang anyayahang saliksikin ang 4 Nephi 1:19–34, na hinahanap kung bakit nagwakas ang kaligayahan at pagkakaisang naranasan ng mga tao sa loob halos ng 200 taon kasunod ng pagbisita ng Tagapagligtas. Anong mga katotohanan sa mga talatang ito ang makakatulong sa atin na matukoy ang mga pag-uugali at asal na kailangang baguhin sa ating buhay at sa ating lipunan?

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Ang Mormon 1–6 ay naglalarawan ng malalagim na pangyayaring naging sanhi ng pagkalipol ng mga Nephita. Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang mga kabanatang ito, anyayahan silang maghanap ng mga bagay na napapansin nila tungkol sa mga Nephita na nakikita nating nangyayari sa ating panahon.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Ang pangalan ng Simbahan ni Cristo.

Sabi ni Pangulong M. Russell Ballard:

“Pinag-isipan kong mabuti kung bakit ibinigay ng Tagapagligtas ang mahabang pangalang ito sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan. Tila mahaba nga ito, ngunit kung iisipin natin ito bilang pagbubuod ng katangian ng Simbahan, bigla itong umiikli, nagiging tapat, at tuwiran. Ano pa kayang paglalarawan ang mas tuwiran at malinaw ngunit naipapahayag sa iilang salita?

“Bawat salita ay malinaw at mahalaga. Ang salitang Ang ay nagsasaad ng kakaibang katayuan ng ipinanumbalik na Simbahan sa mga relihiyon sa daigdig.

“Ang mga salitang Simbahan ni Jesucristo ay nagpapahayag na ito ang Kanyang Simbahan [tingnan sa 3 Nephi 27:8]. …

“Ang sa mga Huling Araw ay nagpapaliwanag na ito rin ang Simbahang itinayo ni Jesucristo nang magministeryo Siya sa lupa ngunit ipinanumbalik sa mga huling araw na ito. Alam natin na nagkaroon muna ng pagtaliwakas, o apostasiya, kaya kinailangang ipanumbalik ang Kanyang tunay at perpektong Simbahan sa ating panahon.

“Ang ibig sabihin ng mga Banal ay sumusunod sa Kanya ang mga miyembro nito at nagsisikap silang gawin ang Kanyang kalooban, sundin ang Kanyang mga utos, at maghanda na muling makasama Siya at ang Ama sa Langit sa hinaharap. Ang salitang Banal ay tumutukoy lang sa lahat ng naghahangad na pabanalin ang kanilang buhay sa pakikipagtipang sundin si Cristo” (“Ang Kahalagahan ng Pangalan,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 80).

Ano ang kailangan para maitayo ang Sion?

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson: “Ang Sion ay Sion dahil sa pagkatao, mga katangian, at katapatan ng mga mamamayan nito [tingnan sa Moises 7:18]. … Kung itatatag natin ang Sion sa ating mga tahanan, branch, ward, at stake, ipamuhay natin ang pamantayang ito. Kailangan ay (1) may isang puso’t isang isipan; (2) maging banal na mga tao, nang mag-isa at magkakasama; at (3) pangalagaan ang nangangailangan sa paraang mapapalis natin ang karalitaan nating lahat. Huwag nating hintayin ang pagdating ng Sion para mangyari ang mga bagay na ito—darating lamang ang Sion kapag nangyari ito” (“Sa Sion ay Magsitungo,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 38).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gumamit ng iba’t ibang pamamaraan sa pagtuturo. Madaling makomportable sa isang partikular na estilo ng pagtuturo, ngunit ang iba’t ibang pamamaraan sa pagtuturo ay mabisa sa iba’t ibang miyembro ng klase. Isipin ang mga pamamaraang ginamit mo kamakailan—gumamit ka na ba ng mga kuwento, object lesson, larawan, at iba pa? (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 7).