Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Oktubre 26–Nobyembre 1. Mormon 1–6: “Nais Ko na Mahikayat Ko Kayong Lahat … na Magsisi”


“Oktubre 26–Nobyembre 1. Mormon 1–6: ‘Nais Ko na Mahikayat Ko Kayong Lahat … na Magsisi,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Oktubre 26–Nobyembre 1. Mormon 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020

nagsusulat si Mormon sa mga laminang ginto

Si Mormon na Pinaiikli ang mga Lamina, ni Tom Lovell

Oktubre 26–Nobyembre 1

Mormon 1–6

“Nais Ko na Mahikayat Ko Kayong Lahat … na Magsisi”

Habang binabasa mo ang Mormon 1–6, maghanap ng mga katotohanan na makakatulong sa mga miyembro ng klase mo na manatiling tapat sa mga oras ng kasamaan, tulad ng ginawa ni Mormon.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Kung minsan ay atubili ang mga miyembro na ibahagi ang kanilang mga kabatiran dahil wala silang panahong mag-isip na mabuti. Para matulungan sila rito, bigyan sila ng ilang minuto para isulat ang mga kabatirang natamo nila mula sa pag-aaral ng Mormon 1–6 sa bahay; pagkatapos ay hilingan silang magbahagi.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Mormon 1–6

Makakapamuhay tayo nang matwid sa kabila ng kasamaan sa ating paligid.

  • Nauunawaan ng marami sa mga miyembro ng klase mo ang karanasan ni Mormon sa pagsisikap na mamuhay nang matwid sa isang masamang mundo. Maaari siguro nilang ibahagi ang natutuhan nila mula sa halimbawa ni Mormon. Para mapadali ang talakayang ito, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na maghanap ng mga talatang tumutukoy sa mga katangian ni Mormon at gumawa ng listahan ng mga katangiang ito sa pisara (tingnan, halimbawa, sa Mormon 1:2–3, 15–16; 2:1, 23–24; 3:1–3, 12, 17–22). Paano kaya nakatulong kay Mormon ang mga katangiang ito para manatiling espirituwal na matatag? Paano nila tayo matutulungang maging higit na katulad ni Mormon?

    mga Nephita at Lamanita na naglalabanan

    Digmaan, ni Jorge Cocco

  • Madalas sumulat nang tuwiran si Mormon sa mga tao sa ating panahon. Ano ang matututuhan natin mula sa kanyang mga salita sa atin sa Mormon 3:17–22 at 5:10–24? Bigyan ang bawat miyembro ng klase ng isang pirasong papel na may nakasulat na pariralang “Ang Payo ni Mormon sa Atin” sa bandang itaas, at hikayatin silang maghanap ng mga mensahe sa mga talatang ito na mahalaga para sa ating panahon. Paano natin masusunod ang payo ni Mormon para matulungan tayo na manatiling espirituwal na matatag sa mundo ngayon?

  • Kung nagtuturo ka sa mga kabataan, maaari mong gamitin ang halimbawa ni Mormon para maipaunawa sa kanila na maaari silang maging matwid na mga lider habang bata pa sila. Kung nagtuturo ka sa mga adult, maaari mong gamitin ang kanyang halimbawa para magpasimula ng isang talakayan tungkol sa mga pagkakataong tulungan ang mga kabataan na maging mahuhusay na pinuno. Para masimulan ang talakayan, maaari mong iparebyu sa ilang miyembro ng klase ang Mormon 1 at iparebyu sa iba pa ang Mormon 2, na itinatala ang mga pagkakataong ibinigay kay Mormon na mamuno noong bata pa siya. Ano ang mga katangian niya na nakatulong sa kanya na maging mahusay na lider? Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang nakita nilang mga halimbawa ng malaking impluwensya ng matwid na mga bata at kabataan. Maaari din nilang talakayin ang mga pagkakataon nila—o ng mga kabataang kilala nila—na maging mga lider na may mga katangiang katulad ni Mormon.

Mormon 2:10–15

Ang pagsisisi ay nangangailangan ng bagbag na puso at nagsisising espiritu.

  • Para malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng kalungkutang humahantong sa pagsisisi at ng kalungkutang hindi humahantong sa pagsisisi, isiping basahin ang Mormon 2:10–15 nang sama-sama at talakayin ang mga tanong na gaya nito: Ano ang papel ng “kalungkutan” sa pagsisisi? Ano ang kaibhan sa pagitan ng “kalungkutan … tungo sa pagsisisi” at ng “kalungkutan ng mga isinumpa”? Anong mga pag-uugali at asal ang makakatulong sa atin na magkaroon ng “bagbag na puso at nagsisising espiritu”?

Mormon 3:12

Maaari nating mahalin ang iba, kahit hindi tayo sang-ayon sa kanilang mga pagpapasiya.

  • Tulad ni Mormon, maraming miyembro ng klase mo na malapit ang pakikipag-ugnayan sa mga taong iba ang mga paniniwala. Paano mo magagamit ang karanasan ni Mormon para ituro sa mga miyembro ng klase na mahalin ang iba sa kabila ng kanilang mga pagkakaiba? Isiping basahin ang Mormon 3:12 nang sama-sama at talakayin ang mga panahon kung kailan nagpakita ng pagmamahal si Mormon sa mga taong hindi tumanggap sa kanyang mensahe at sadyang naghimagsik laban sa Diyos (tingnan, halimbawa, sa Mormon 1:16–17; 2:12). Anong mga karanasan ang maibabahagi ng mga miyembro ng klase mula sa sarili nilang buhay tungkol sa pagmamahal sa mga taong iba ang mga paniniwala o pinahahalagahan? Nagbibigay ng karagdagang payo ang pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks sa “Karagdagang Resources.”

Mormon 6:17

Nakatayo si Jesucristo na bukas ang mga bisig upang tayo ay tanggapin.

  • Para sa mga tao na maaaring hindi umaasang mapatawad sa kanilang mga kasalanan, ang paglalarawan ni Mormon sa Tagapagligtas na nakatayong “bukas ang mga bisig upang kayo ay tanggapin” ay maaaring makapag-alis ng kanilang pagdududa. Isiping basahin ang Mormon 6:17 nang sama-sama at ipakita ang larawan ni Jesucristo na nakaunat ang mga bisig (tulad ng Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 66). Ano ang itinuturo ng talatang ito tungkol sa kasabikan ng Tagapagligtas na tulungan tayo? Maaari mo ring isipin na kantahin ninyo nang sama-sama ang isang himnong nagtuturo ng isang mensaheng katulad niyon, tulad ng “Magsipaglapit kay Jesucristo” (Mga Himno, blg. 68). Maaari mo ring ibahagi ang karanasan ni Pangulong Russell M. Nelson sa “Karagdagang Resources” at hilingin sa mga miyembro ng klase na talakayin kung paano natin maipapakita sa iba na posible ang pagsisisi.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na pag-isipan kung ano ang isusulat nila sa isang liham sa mga tao sa hinaharap. Sa Mormon 7–9 nabasa natin ang isinulat nina Mormon at Moroni, daan-daang taon na ang nakalipas, sa mga tao sa ating panahon.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Pagmamahal sa iba na naiiba ang paniniwala.

Ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks:

“Sundin nating lahat ang mga turo ng ebanghelyo na mahalin ang ating kapwa at iwasan ang pagtatalo. Ang mga tagasunod ni Cristo ay dapat maging halimbawa ng paggalang. Dapat nating mahalin ang lahat ng tao, pakinggan silang mabuti, at isaalang-alang ang tapat nilang pinaniniwalaan. Hindi man tayo sumasang-ayon, hindi rin tayo dapat nakikipagtalo. Ang pananaw at pagsasalita natin ukol sa mga kontrobersyal na paksa ay hindi dapat maging dahilan ng pagtatalo. Dapat nating ipaliwanag at panindigan ang ating pinaniniwalaan nang may katalinuhan at impluwensyahan sa kabutihan ang mga tao. Sa paggawa nito, hangad nating huwag makasakit ng iba ang tapat nating paniniwala sa ating relihiyon at ang kalayaan nating gawin ito. Hinihikayat natin ang lahat na sundin ang Ginintuang Panuntunan ng Tagapagligtas: ‘[Anumang] bagay na ibig ninyong sa inyo’y gawin ng mga tao, gawin naman ninyo ang gayon sa kanila’ (Mateo 7:12).

“Kung hindi manaig ang ating pinaniniwalaan, tanggapin natin nang maluwag sa kalooban ang di magandang bunga nito at igalang pa rin ang mga sumasalungat sa atin” (“Pagmamahal at Pakikisalamuha sa mga Taong Naiiba,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 27).

Posible ang pagsisisi.

Ibinahagi ni Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod na karanasan:

“Noong nakaraang taon habang kami ni Elder David S. Baxter ay nagmamaneho papunta sa isang stake conference, tumigil kami sa isang restawran. Bandang huli nang pabalik na kami sa aming kotse, nilapitan kami at kinausap ng isang babae. … Itinanong niya kung mga elder kami sa Simbahan. Sabi namin ay oo. At isiniwalat na niya ang halos lahat tungkol sa masaklap niyang buhay, na puno ng kasalanan. Ngayon, kahit 28 anyos lamang, miserable na ang kanyang buhay. Pakiramdam niya’y wala siyang silbi at wala [na]ng dahilan pa para mabuhay. Habang nagsasalita siya, nagsimulang lumitaw ang kanyang kabutihan. Habang lumuluhang sumasamo, itinanong niya kung may pag-asa pa siyang makaahon at makatakas sa kanyang kawalan ng pag-asa.

“‘Oo,’ ang sagot namin, ‘may pag-asa pa. Ang pag-asa ay kaugnay ng pagsisisi. Maaari kang magbago. Maaari kang “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya”’ [Moroni 10:32]. Hinikayat namin siyang huwag ipagpaliban ang pagsisisi [tingnan sa Alma 13:27; 34:33]. Buong pagpakumbaba siyang humagulgol at taos-puso kaming pinasalamatan.

“Nang ipagpatuloy namin ni Elder Baxter ang aming paglalakbay, inisip naming mabuti ang karanasang iyon. Naalala namin ang payong ibinigay ni Aaron sa isang kaluluwang walang pag-asa, na nagsabing, ‘Kung magsisisi kayo sa lahat ng inyong mga kasalanan, at yuyukod sa harapan ng Diyos, at mananawagan sa kanyang pangalan nang may pananampalataya, … sa gayon inyong matatanggap ang pag-asang ninanais ninyo’ [Alma 22:16]. …

“… Sa 28 anyos na babaing nalublob sa kasalanan, at sa bawat isa sa atin, ipinapahayag ko na posibleng makamit ang matamis na pagpapala ng pagsisisi. Dumarating ito sa pamamagitan ng ganap na pagbabalik-loob sa Panginoon at sa Kanyang banal na gawain.”

Bukod dito, pinuna pa ni Pangulong Nelson: “Naaalala rin natin ang mga makasalanang tao sa ilalim ng pangangalaga ng mapagmalasakit nilang pinuno na si Mormon, na sumulat na, ‘Ako’y walang pag-asa, sapagkat alam ko na ang mga kahatulan ng Panginoon na sasapit sa kanila; sapagkat hindi sila nagsisi ng kanilang mga kasamaan, kundi nakikipaglaban para sa kanilang mga buhay nang hindi tumatawag sa yaong Lumikha na lumalang sa kanila’ (Mormon 5:2)” (“Pagsisisi at Pagbabalik-loob,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 102, 104).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Ang espirituwal na paglago ay nagaganap sa tahanan. Ang mga miyembro ng klase mo ay nag-uukol ng 165 oras bawat linggo sa labas ng simbahan. Sa panahong iyon, mayroon silang sariling espirituwal na mga karanasan na nagtuturo sa kanila tungkol sa ebanghelyo. Magtanong ng mga bagay na naghihikayat sa mga mag-aaral na magbahagi ng mga bagay na natutuhan nila sa buong linggo at sa kanilang pamilya (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 18).