Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Nobyembre 23–29. Eter 12–15: “Sa pamamagitan ng Pananampalataya ang Lahat ng Bagay ay Naisasakatuparan”


“Nobyembre 23–29. Eter 12–15: ‘Sa pamamagitan ng Pananampalataya ang Lahat ng Bagay ay Naisasakatuparan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Nobyembre 23–29. Eter 12–15,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020

si Eter na papasok sa isang kuweba

Si Eter na Nagkukubli sa Butas ng Isang Malaking Bato, ni Gary Ernest Smith

Nobyembre 23–29

Eter 12–15

“Sa pamamagitan ng Pananampalataya ang Lahat ng Bagay ay Naisasakatuparan”

Ang layunin ng outline na ito ay hindi para itakda kung ano ang mangyayari sa klase. Ito ay isang suplemento—hindi isang kapalit—para sa personal na paghahayag. Magpagabay sa Espiritu sa inyong personal na pag-aaral at paghahanda, at pagkatapos ay tingnan kung ang mga aktibidad sa outline na ito ay maaaring makatulong sa mga miyembro ng klase na matuklasan at maibahagi ang mahahalagang alituntunin sa Eter 12–15.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Para matulungan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang natutuhan nila mula sa kanilang personal na pag-aaral o pag-aaral ng pamilya ng mga banal na kasulatan, maaari mong isulat sa pisara ang mga pariralang tulad ng “Natutuhan ko na …” “May patotoo ako sa …” at “Naranasan ko …” Anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng isang bagay mula sa Eter 12–15 na maaaring kumumpleto sa isa sa mga pahayag sa pisara.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Eter 12:2–22

Tatanggap tayo ng patotoo tungkol sa katotohanan kapag pinalakas natin ang ating pananampalataya kay Jesucristo.

  • Para matulungan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang ibig sabihin ng palakasin ang pananampalataya kay Jesucristo, maaari mo silang tanungin kung anong mga larawan o salita ang pumapasok sa kanilang isipan kapag naririnig nila ang salitang palakasin. (Maaari mo pa ngang hanapin ang salita sa diksyunaryo.) Ano ang epekto ng pisikal na pagpapalakas sa ating katawan? Paano natin magagamit ang alituntuning ito sa pananampalataya? Sa anong mga paraan tayo maaaring “manampalataya” kay Cristo? Maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang Eter 12:2–22 at talakayin kung paano nanampalataya ang mga taong binanggit sa mga talatang ito. Paano natin masusundan ang kanilang mga halimbawa? Ayon sa mga talatang ito, ano ang mga resulta ng pagsampalataya kay Jesucristo?

  • Ang mga halimbawa ng pananampalataya sa Eter 12:7–22 ay naglalaan ng magandang rebyu ng nagbibigay-inspirasyong mga kuwento na sama-sama ninyong napag-aralan sa Aklat ni Mormon. Marahil ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang iba pang mga halimbawa ng pananampalataya at ang natutuhan nila mula sa mga ito (matatagpuan ang iba pa sa Mga Hebreo 11). Maaari din silang magbahagi ng matatapat na halimbawa mula sa kasaysayan ng kanilang pamilya o sa sarili nilang buhay. Paano napalakas ng mga halimbawang ito ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo at sa Ama sa Langit?

  • Ang Eter 12 ay puno ng mga kabatiran at katotohanan tungkol sa pananampalataya. Maaaring makakita ang mga miyembro ng klase ng mga talata sa kabanatang ito na nagtuturo sa kanila tungkol sa pananampalataya. Pagkatapos ay maaari nilang isulat sa pisara ang natuklasan nila.

Eter 12:1–9, 28, 32

Ang pananampalataya ay humahantong sa “[pag-asa] para sa isang daigdig na higit na mainam.”

  • Mailalarawan ba ng isang tao sa klase mo kung bakit mahalaga ang angkla sa isang barko? Maaari kang magpakita ng larawan ng isang barko at isang angkla (o magdrowing ng isa sa pisara) at talakayin mo kung ano ang mangyayari sa isang barkong walang angkla. Ano ang mangyayari sa atin kapag wala tayong pag-asa? Pagkatapos ay maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang Eter 12:4 at pag-usapan kung paano natutulad ang pag-asa sa “isang daungan sa [ating] mga kaluluwa.” Maaari din nilang basahin ang Eter 12:1–9, 28, at 32 at ibahagi ang mga kabatirang natamo nila tungkol sa pag-asa. Ano ang dapat nating asamin? (tingnan sa Eter 12:4; Moroni 7:41; tingnan din sa Juan 16:33).

Eter 12:23–29

Sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo, maaaring maging malakas ang mahihinang bagay.

  • Para maiakma ng mga miyembro ng klase sa kanilang sarili ang mga katotohanang natutuhan ni Moroni tungkol sa kahinaan at kalakasan sa Eter 12, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na mag-isip ng isang taong maaaring pinanghihinaan ng loob dahil sa kanyang mga kahinaan. Pagkatapos ay hikayatin ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang Eter 12:23–29 para makahanap ng mga mensaheng maaaring makatulong sa taong iyon. Kung narito si Moroni ngayon, ano kaya ang sasabihin niya para palakasin ang loob ng taong iyon? Maaari ding magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga karanasan mula sa sarili nilang buhay kung kailan nakatulong ang Tagapagligtas na gawin “ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:27). Paano naiiba ang pagbabagong ito sa mga pagsisikap na mapaunlad ang sarili na maaaring gawin ng isang tao nang hindi umaasa sa Tagapagligtas? Para sa iba pa tungkol sa paksang ito, tingnan ang pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring sa “Karagdagang Resources.”

  • Ang karanasan ni Moroni ay isa sa marami sa mga banal na kasulatan na nagpapakita kung paano magagawa ng biyaya ng Tagapagligtas na maging mga kalakasan ang ating mga kahinaan. Maaaring makatulong na hatiin ang klase sa mga grupo, atasan ang bawat grupo na pumili ng isang tao sa mga banal na kasulatan na nagkaroon ng isang kahinaan, at talakayin kung paano pinalakas ng Panginoon ang taong iyon. May ilang halimbawang iminumungkahi sa “Karagdagang Resources.” Maaari mo ring imungkahi na rebyuhin ng mga miyembro ng klase ang kahulugan ng biyaya sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan o sa Tapat sa Pananampalataya (mga pahina 13–14). Paano ipinamamalas ng mga halimbawang pinag-aralan nila sa mga banal na kasulatan ang kapangyarihan ng biyaya ng Tagapagligtas? Paano natin aanyayahan ang kapangyarihang ito sa ating buhay?

  • Karaniwan lang na ikumpara ang ating mga kahinaan sa inaakala nating mga kalakasan ng iba; kahit si Moroni ay nakadama na mas mahusay ang kapatid ni Jared kumpara sa kanya (tingnan sa Eter 12:24). Bakit mapanganib na ikumpara ang ating sarili sa iba? Ayon sa Eter 12:26–27, paano ninanais ng Panginoon na makita natin ang ating mga kahinaan? (tingnan din sa pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring sa “Karagdagang Resources”). Paano Niya ninanais na makita natin ang mga kahinaan ng iba? (tingnan sa Eter 12:26).

Eter 13–15

Ang pagtanggi sa mga propeta ay naghahatid ng espirituwal na panganib.

  • Dahil sa mahahalagang katotohanang itinuro sa Eter 12, maaari mong piliing huwag mag-ukol ng maraming oras sa klase para sa mga kabanata 13–15. Gayunman, maaaring makatulong na ipabuod nang bahagya sa isang miyembro ng klase ang nangyayari sa mga kabanatang ito. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na makahanap ng makabuluhang mga mensahe sa salaysay na ito, maaari mong ipakumpleto sa kanila ang pariralang “sa gayon nakikita natin …” gamit ang isang aral na natutuhan nila mula sa pagkahulog ng mga Jaredita. Paano natulad ang kanilang pagkahulog sa pagkahulog ng mga Nephita? (tingnan, halimbawa, sa Eter 15:19 at Moroni 8:28). Ano ang ninanais ng Panginoon na matutuhan natin mula sa mga salaysay na ito, at ano ang magagawa natin para maiwasan ang sinapit ng mga Jaredita? Maaari ding rebyuhin ng mga miyembro ng klase kung paano nauugnay ang katapusan ng aklat ni Eter sa Omni 1:19–22; Mosias 8:8; at Mosias 28:11–18.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Sa susunod na linggo sisimulang pag-aralan ng mga miyembro ng klase ang aklat ni Moroni. Baka matuwa silang malaman na wala namang plano si Moroni na sumulat ng iba pa pagkatapos ng aklat ni Eter, ngunit naging mas matagal ang buhay niya kaysa inaasahan niya. Sa linggong ito sisimulan nilang basahin ang mga huling mensahe na nabigyang-inspirasyon si Moroni na isulat bago siya namatay.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Ang espirituwal na pag-unlad ay nangangailangan ng pagkilala sa ating mga kahinaan.

Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, nang magsalita siya tungkol sa Eter 12:27: “Sinabi ni Moroni na nang kanyang ‘marinig ang mga salitang ito,’ siya ‘ay naaliw’ (Eter 12:29). Maaari iyang makaaliw sa ating lahat. Ang mga taong hindi nakikita ang kanilang mga kahinaan ay hindi umuunlad. Ang pagkabatid sa inyong kahinaan ay isang pagpapala, dahil pinananatili kayo nitong mapagkumbaba at ibinabaling kayo palagi sa Tagapagligtas. Hindi lamang kayo inaaliw ng Espiritu, kundi kumikilos din Siya para mabago ng Pagbabayad-sala ang inyong likas na pagkatao. Sa gayon ay nagiging malakas ang mahihinang bagay” (“Ang Aking Kapayapaan ay Iniiwan Ko sa Inyo,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 16).

Mga Halimbawa: Ang mahihina ay ginagawang malalakas.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Ituro ang “dahilan.” “Kung minsan, ang mga mag-aaral—lalo na ang mga kabataan—ay nagtataka kung paano nauugnay ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa kanila o bakit nila dapat sundin ang ilang utos. Gayunman, kung nauunawaan nila ang walang-hanggang plano ng Ama sa Langit para sa kaligayahan ng Kanyang mga anak, mas lumilinaw ang mga dahilan para sa mga alituntunin ng ebanghelyo at mga kautusan at mas nagaganyak silang sumunod” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 20).