Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Nobyembre 9–15. Eter 1–5: “Punitin ang Tabing na Yaon ng Kawalang-Paniniwala”


“Nobyembre 9–15. Eter 1–5: ‘Punitin ang Tabing na Yaon ng Kawalang-Paniniwala,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Nobyembre 9–15. Eter 1–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020

naglalakbay ang mga Jaredita sa ilang

Mga Jaredita na Papaalis ng Babel, ni Albin Veselka

Nobyembre 9–15

Eter 1–5

“Punitin ang Tabing na Yaon ng Kawalang-Paniniwala”

Anong mga katotohanan ang natutuhan mo sa iyong personal na pag-aaral ng Eter 1–5 na maibabahagi mo sa mga tinuturuan mo? Anong mga pagkakataon ang maibibigay mo sa kanila para maibahagi ang natutuhan nila?

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Isipin ang malikhaing paraang ito para mag-anyayang magbahagi: Magpasa ng mga bato sa 16 na miyembro ng klase, at anyayahan ang ilan sa kanila na magbahagi ng isang katotohanan na naaalala nila mula sa kanilang personal na pag-aaral o pag-aaral ng pamilya ng Eter 1–5. Ano ang gagawin nila dahil sa natutuhan nila?

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Eter 1–3; 4:8–19

Habang patuloy tayong nananawagan sa Panginoon, ihahayag Niya ang Kanyang kalooban.

  • Bawat isa sa atin ay nahirapan nang humanap ng sagot sa isang problema o tanong. Paano makakatulong ang mga karanasan ng kapatid ni Jared sa mga tinuturuan mo na malaman kung paano humingi ng tulong sa Panginoon? Marahil ay maaari kang magdrowing sa pisara ng isang table na may mga column na may nakasulat na Ang tanong ng kapatid ni Jared, Ang ginawa ng kapatid ni Jared, at Ang tugon ng Panginoon. Pagkatapos ay maaari mong hatiin ang klase sa tatlong grupo at atasan ng isang column ang bawat grupo. Bawat grupo ay maaaring magtulungan para basahin nang mabilis ang Eter 1:33–43 at 2:16–3:6 at isulat ang natagpuan nila sa column na nakaatas sa kanila. Pagkatapos ay maaaring talakayin ng klase ang mga tanong na gaya nito: Ano ang matututuhan natin tungkol sa iba’t ibang paraan na maaaring piliin ng Panginoon para tulungan tayo? Ano ang matututuhan natin tungkol sa ating tungkulin sa proseso ng pagtanggap ng paghahayag? Marahil ay maaaring magbahagi ang mga miyembro ng klase ng iba pang mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan na nagtuturo ng ganitong mga alituntunin. Ang pahayag ni Elder Richard G. Scott sa “Karagdagang Resources” ay nagbibigay ng mga karagdagang kabatiran tungkol sa kung paano sinasagot ng Panginoon ang mga panalangin.

  • Maaaring mahikayat ng panalangin ng kapatid ni Jared sa Eter 3:1–5 ang mga miyembro ng klase na suriin ang kanilang mga personal na panalangin. Marahil ay maaaring isipin ng mga miyembro ng klase na kunwari’y nagbibigay sila ng payo sa isang taong nag-aaral pa lang kung paano manalangin. Anong payo ang ibibigay nila? Pagkatapos ay maaari nilang saliksikin ang Eter 3:1–5 at ibuod ang bawat talata sa isa o dalawang tip o alituntunin tungkol sa kung paano manalangin nang epektibo. Isiping bigyan ng ilang minuto ang mga miyembro ng klase para pag-isipan ang sarili nilang mga panalangin at kung paano nila masusundan ang halimbawa ng kapatid ni Jared para maging mas makabuluhan ang kanilang mga panalangin.

  • Matapos ibahagi ang paghahayag na naranasan ng kapatid ni Jared sa Eter 3, nagpayo si Moroni sa Eter 4 kung paano tayo makatatanggap ng paghahayag mula sa Panginoon. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na matuto mula sa payong ito, maaari mong idispley ang isang larawan ni Jesucristo at anyayahan ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang Eter 4:8–10 para sa mga bagay na maaaring makahadlang sa atin na tumanggap ng paghahayag o katotohanan mula sa Panginoon. Habang ibinabahagi ng mga miyembro ng klase ang natagpuan nila, maaari mong dahan-dahang takpan ng tela o papel ang larawan ni Cristo. Paano natin maiiwasan ang mga espirituwal na hadlang na ito sa ating buhay? Kasunod nito, maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang Eter 4:7, 11–15, na hinahanap kung paano tayo magiging marapat na tumanggap ng katotohanan mula sa Panginoon. Habang ibinabahagi ng mga miyembro ng klase ang natagpuan nila, alisin ang tela o papel. Ano ang ibig sabihin ng “[manampalataya] sa … Panginoon, maging tulad ng kapatid ni Jared”? (Eter 4:7; tingnan din sa Eter 3:1–9). Ano ang ibig sabihin ng “[punitin] ang tabing … ng kawalang-paniniwala” sa ating buhay? (Eter 4:15). Paano natin matutulungan ang iba na gawin din iyon? Maaari ding maghanap ng mga katotohanan ang mga miyembro ng klase tungkol sa personal na paghahayag sa mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay” (Ensign o Liahona, Mayo 2018, 93–96).

Eter 2:14–15

Sa pamamagitan ng Kanyang pagpaparusa, inaanyayahan tayo ng Panginoon na magsisi at lumapit sa Kanya.

  • Kahit ang isang dakilang propetang katulad ng kapatid ni Jared ay tumanggap ng pagpaparusa mula sa Panginoon. Sa katunayan, bahagi ng pagiging dakila niya ang paraan ng pagtugon niya sa pagpaparusa. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na matuto mula sa halimbawa ng kapatid ni Jared, maaari mo silang anyayahan na sama-samang basahin ang Eter 2:14–15 nang magkakapares. Pagkatapos ay pagkunwariin ang isa sa kanila bilang kapatid ni Jared at ang isa naman bilang isang taong katatanggap lang ng pagpaparusa mula sa isang lider ng Simbahan o magulang. Ipatalakay o ipasadula sa kanila kung ano ang maaaring sabihin ng kapatid ni Jared tungkol sa kanyang sariling karanasan para tulungan ang taong ito. Ano ang maaari niyang ipayo? Anong mga aral ang matututuhan natin na tutulong sa atin na mas mapalapit sa Ama sa Langit? Maaari mo ring talakayin kung paano maaaring nakatulong ang pagpaparusa ng Panginoon at ang tugon ng kapatid ni Jared na maihanda siya para sa naranasan niya sa Eter 3:1–20. Narito ang ilang iba pang resources na makakatulong: ang mensahe ni Elder D. Todd Christofferson na “Ang Lahat kong Iniibig, ay Aking Sinasaway at Pinarurusahan” (Ensign o Liahona, Mayo 2011, 97–100) o ang bahaging may pamagat na “Disiplina” sa mensahe ni Elder Lynn G. Robbins na “Ang Tapat na Hukom” (Ensign o Liahona, Nob. 2016, 96–97).

Eter 5

Nagpapatotoo ang tatlong saksi tungkol sa katotohanan ng Aklat ni Mormon.

  • Ang pag-alam sa iba pa tungkol sa propesiya ni Moroni tungkol sa Tatlong Saksi ay maaaring makatulong na mapalakas ang patotoo ng mga miyembro ng klase tungkol sa Aklat ni Mormon. Marahil ay maaaring basahin ng kalahati ng klase ang Eter 5 at ng natitirang kalahati ang “Ang Patotoo ng Tatlong Saksi” (sa simula ng Aklat ni Mormon) at ibahagi sa isa’t isa kung ano sa palagay nila ang layunin ng Panginoon sa pagpapahintulot na makita ng Tatlong Saksi ang isang anghel at ang mga lamina. Maaari din nilang talakayin ang iba pang mga pagkakataon kung kailan maraming saksi ang nagpapatibay sa katotohanan (tingnan, halimbawa, sa Mateo 3:13–17; 18:15–16; Juan 5:31–47; D at T 128:3). Anong mga saksi sa ating buhay ang nakahikayat sa atin na maniwala? Paano “[naipakita]” sa atin ang “kapangyarihan ng Diyos at gayon din ang kanyang salita” sa Aklat ni Mormon? (Eter 5:4).

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga miyembro ng klase na isipin na kunwari’y patuloy na naghuhulihan at nagpapatayan ang mga lider nila sa pulitika. Sa Eter 6–11, mababasa nila kung paano ito nangyari sa mga inapo ni Jared at ng kanyang kapatid. May makikita rin silang ilang babala na tutulong sa kanila na maiwasan ang mga problemang nakaharap ng mga Jaredita.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Pagkilala sa mga sagot sa panalangin.

Itinuro ni Elder Richard G. Scott:

“Kapag ipinaliliwanag natin ang isang problema at ang isang ipinanukalang solusyon, kung minsa’y oo ang sagot Niya, kung minsan nama’y hindi. Kadalasa’y hindi Siya sumasagot, hindi dahil wala Siyang malasakit, kundi dahil mahal Niya tayo—nang lubusan. Nais Niyang ipamuhay natin ang mga katotohanang ibinigay Niya sa atin. Para umunlad tayo, kailangan nating magtiwala sa ating kakayahang magpasiya nang tama. Kailangan nating gawin ang nadarama nating tama. Darating ang panahon na sasagot Siya. Hindi Niya tayo bibiguin. …

“… Nais Niya tayong kumilos para magtamo ng kinakailangang karanasan:

“Kapag sumagot Siya ng oo, iyon ay para bigyan tayo ng tiwala sa sarili.

“Kapag sumagot Siya ng hindi, iyon ay para maiwasan ang pagkakamali.

“Kapag Siya ay hindi nagbigay ng sagot, iyon ay para palaguin tayo sa pamamagitan ng pagsampalataya sa Kanya, pagsunod sa Kanyang mga utos, at kahandaang kumilos ayon sa katotohanan. Inaasahang mananagot tayo sa pagkilos ayon sa pasiya na naaayon sa Kanyang mga turo nang walang paunang kumpirmasyon. Hindi tayo dapat maupo at maghintay na lang o bumulung-bulong dahil hindi nangusap ang Panginoon. Dapat tayong kumilos” (“Learning to Recognize Answers to Prayer,” Ensign, Nob. 1989, 31–32).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Basahin muna ang mga banal na kasulatan. Dapat ay ang mga banal na kasulatan ang unang pagmulan ng iyong pag-aaral at paghahanda. Huwag kalimutan na ang mga salita ng mga makabagong propeta ay karagdagan sa mga pamantayang banal na kasulatan at banal na kasulatan din (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 17–18).