“Nobyembre 2–8. Mormon 7–9: ‘Ako ay Nangungusap sa Inyo na parang Kayo ay Naririto,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Nobyembre 2–8. Mormon 7–9,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020
Nobyembre 2–8
Mormon 7–9
“Ako ay Nangungusap sa Inyo na parang Kayo ay Naririto”
Rebyuhin ang mga impresyon na itinala mo sa iyong personal na pag-aaral ng Mormon 7–9 sa linggong ito. Sa palagay mo, ano kayang mga talata mula sa mga kabanatang ito ang pinakamakabuluhang rebyuhin ninyo ng klase mo?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Para mabigyan ang mga miyembro ng klase ng pagkakataong magbahagi ng isang bagay mula sa kanilang personal na pag-aaral o pag-aaral ng pamilya, maaari mo silang hikayatin na basahin nang mabilis ang Mormon 7–9 at magbahagi ng isang pangungusap (o talata) na ipinagpapasalamat nila na ipinasiya ni Mormon o ni Moroni na isama sa mga lamina.
Ituro ang Doktrina
Mormon 7:8–10; 8:12–22; 9:31–37
Ang Aklat ni Mormon ay malaki ang kahalagahan.
-
Ang isang paraan para mapasimulan ang isang talakayan tungkol sa malaking kahalagahan ng Aklat ni Mormon ay pag-usapan kung paano natin malalaman ang halaga ng isang bagay. Paano binabago ng pagkaalam sa halaga ng isang bagay ang paraan ng paggamit natin dito? Maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang Mormon 8:12–22 at ibahagi kung ano ang sinabi ni Moroni tungkol sa halaga ng Aklat ni Mormon (“ng talaang ito”). Maaari din silang magbahagi ng mga personal na karanasan na nakapagpakita sa kanila ng halaga ng Aklat ni Mormon. Paano natin maipapakita na pinahahalagahan natin ang Aklat ni Mormon?
-
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na mapansin kung paano sinusuportahan ng Aklat ni Mormon at ng Biblia ang isa’t isa, maaari mo silang anyayahang basahin ang Mormon 7:8–10 at ibuod ang paglalarawan ni Mormon sa dalawang talaan sa sarili nilang mga salita (“[ang] talaang darating sa mga Gentil mula sa mga Judio” ay tumutukoy sa Biblia). Isiping magdrowing sa pisara ng dalawang bilog na magkapatong at sulatan ang isa ng Biblia at ang isa pa ng Aklat ni Mormon. Maaaring ilista ng mga miyembro ng klase ang mga pagkakatulad sa pagitan ng dalawang aklat ng banal na kasulatan sa bahaging magkapatong at ang mga pagkakaiba sa iba pang mga bahagi. Sa kabilang dako, isiping ilista sa pisara ang ilang katotohanan ng ebanghelyo at anyayahan ang mga miyembro ng klase na maghanap sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan ng mga talata mula sa Aklat ni Mormon at sa Biblia na tumutulong sa kanila na maunawaan ang mga katotohanan.
Maaari tayong maging tapat kahit nag-iisa tayo.
-
Maaaring nadarama ng ilang tao sa klase mo na nag-iisa sila sa kanilang mga pagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo. Ano ang matututuhan nila mula sa halimbawa ni Moroni na maaaring makatulong sa kanila? Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang Mormon 8:1–11 at mag-isip ng mga bagay na gusto nilang itanong kay Moroni para malaman kung paano siya nanatiling tapat sa kabila ng kanyang mahirap na sitwasyon. Ano ang nagbibigay-inspirasyon sa kanila tungkol sa kanyang halimbawa? Habang ibinabahagi nila ang kanilang mga iniisip, hikayatin ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga personal na karanasan noong sila o ang iba pang kakilala nila ay nanatiling tapat, kahit nadarama nila na nag-iisa sila. Paano sila tinulungan ng Panginoon?
Ang Aklat ni Mormon ay isinulat para sa ating panahon.
-
Dahil papatapos na ang pag-aaral ninyo ng Aklat ni Mormon sa taong ito, marahil ay maaaring pagbulayan ng mga miyembro ng klase kung bakit nadarama nila na isinulat ang aklat na ito para sa ating panahon. Maaari mong simulan ang talakayan sa pagbasa sa pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson sa “Karagdagang Resources.” Pagkatapos ay maaaring gamitin ng mga miyembro ng klase ang mga tanong ni Pangulong Benson sa Mormon 8:26–41. Bakit binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Moroni na isama ang mga salitang ito sa talaan? Paano tayo tinutulungan ng mga ito sa ating panahon?
-
Tulad ng itinuro sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, ang Mormon 9:1–30 ay naglalaman ng mensahe ni Moroni bilang tugon sa kawalan ng paniniwala kay Jesucristo sa ating panahon. Marahil ay maaari mong hatiin ang klase sa tatlong grupo at anyayahan ang bawat grupo na maghanap ng payo na makakatulong sa kanila sa sumusunod na mga talata: 1–6 (ang mga bunga ng hindi paniniwala kay Cristo), 7–20 (ang kahalagahan ng paniniwala sa isang Diyos ng paghahayag at mga himala), at 21–30 (ang payo ni Moroni sa atin).
-
Kahit isinulat ang Mormon 9:1–6 para sa “mga yaong hindi naniniwala kay Cristo,” makakatulong sa ating lahat na isipin na kunwari’y nakatayo tayo sa harap ng Diyos isang araw para mahatulan. Iparebyu sa mga miyembro ng klase ang mga talatang ito, na naghahanap ng mga salita o parirala na naglalarawan kung ano ang madarama ng masasama sa araw na iyon. Ano ang magagawa natin para maiwasan ang mga damdaming ito? Maaaring makakita ang mga miyembro ng klase ng makakatulong na mga kabatiran sa ikinuwento ni Pangulong Boyd K. Packer sa “Karagdagang Resources.”
-
Maraming tao ngayon ang naniniwala na tumigil na ang mga himala. Paano mo magagamit ang mga turo ni Moroni para tulungan ang mga miyembro ng klase mo na maniwala sa isang “Diyos ng mga himala”? Maaari kang magsimula sa paghiling sa mga miyembro ng klase na rebyuhin ang Mormon 9:7–26 at hanapin ang mga himalang hinikayat ni Moroni na paniwalaan natin. Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa Diyos at sa Kanyang gawain sa ating panahon? Ano ang kailangan nating gawin para gumawa ng mga himala ang Diyos? (tingnan sa Mormon 9:20–21). Anong mga himala ang nasaksihan na natin?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Napag-isipan na ba ng mga miyembro ng klase mo kung paano nila mapapalakas ang kanilang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? Kung gayon, anyayahan silang saliksikin ang Eter 1–5 para sa mga paraan na tutulong sa kanila na mapalago ang kanilang pananampalataya.
Karagdagang Resources
Ang Aklat ni Mormon ay isinulat para sa ating panahon.
Sabi ni Pangulong Ezra Taft Benson:
“Ang aklat ay hindi napasa kamay ng mga Nephita; ni ng mga Lamanita noong unang panahon. Ito ay sadyang para sa atin. …
“Ang bawat pangunahing manunulat ng Aklat ni Mormon ay nagpatotoo na sumulat siya para sa mga darating na henerasyon [tingnan sa 2 Nephi 25:21; Jacob 1:3; Mormon 7:1; 8:34–35]. …
“Kung nakita nila ang ating panahon at pinili ang mga bagay na iyon na magiging makabuluhan sa atin, hindi ba iyon ang paraan na dapat nating pag-aralan ang Aklat ni Mormon? Dapat nating palaging itanong sa ating sarili, ‘Bakit binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Mormon (o si Moroni o si Alma) na isama iyon sa kanyang talaan? Anong aral ang matututuhan ko roon na tutulong sa akin na mamuhay sa araw at panahong ito?’” (“Ang Aklat ni Mormon—Saligang Bato ng Ating Relihiyon,” Liahona, Okt. 2011, 56–56).
Maaari tayong maging walang bahid-dungis.
Ikinuwento ni Pangulong Boyd K. Packer na naglakbay siya nang anim na araw noong binata pa siya kasama ang isang military crew sa isang mainit at mausok na tren ng mga kargamento, at walang paraan para makaligo o makapagpalit ng damit. Sa isang istasyon ng tren, nagpunta ang gutom na crew sa isang restawran.
“Maraming tao roon, kaya naghintay pa kami nang matagal bago makaupo. Nasa unahan ako, sa likod ng mga babaeng nakadamit nang maayos at maganda. Kahit hindi siya tumingin sa likuran, maaamoy ng disenteng babae na kasunod niya kami.
“Lumingon siya at tiningnan kami. Pagkatapos ay tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. Nakatayo ako roon na suot ang pawisan, magrasa, at lukut-lukot na uniporme. Sinabi niya na nandidiri, ‘Ano ba ’yan, napakarumi naman ng mga lalaking ito!’ Napatingin sa amin ang lahat.
“Halatang iniisip niya na sana ay wala kami roon; iniisip ko rin na sana nga ay wala kami roon. Narurumihan din ako sa sarili ko, naaasiwa, at nahihiya.”
Pagkatapos ay binanggit ni Pangulong Packer ang sinabi sa Mormon 9:4 at ikinumpara ang kanyang karanasan sa pagiging espirituwal na marumi sa harapan ng Diyos. Nagpapatotoo na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang tanging paraan na maaari siyang maging espirituwal na malinis, sinabi niya pagkatapos:
“Naiisip ba ninyo kung ano ang nadama ko nang sa huli ay makita ko na kung sinunod ko ang anumang mga kundisyong itinakda ng Manunubos, hindi ko kailangang tiisin kailanman ang pagdurusa ng pagiging espirituwal na marumi? Isipin ang nakaaaliw, nagpapalaya, at nagpapadakilang damdaming pasasainyo kapag nakita ninyo ang katotohanan ng Pagbabayad-sala at ang praktikal na halaga nito sa bawat isa sa inyo araw-araw” (“Washed Clean,” Ensign, Mayo 1997, 9–10).