Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Nobyembre 30–Disyembre 6. Moroni 1–6: “Upang Mapanatili Sila sa Tamang Daan”


“Nobyembre 30–Disyembre 6. Moroni 1–6: ‘Upang Mapanatili Sila sa Tamang Daan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Nobyembre 30–Disyembre 6. Moroni 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020

binibinyagan ni Alma ang mga tao sa mga Tubig ng Mormon

Minerva Teichert (1888–1976), Nagbibinyag si Alma sa mga Tubig ng Mormon, 1949–1951, oil on masonite, 35⅞ x 48 pulgada. Brigham Young University Museum of Art, 1969

Nobyembre 30–Disyembre 6

Moroni 1–6

“Upang Mapanatili Sila sa Tamang Daan”

Hinangad ni Moroni na “[maging] mahalaga” ang mga bagay na isinulat niya sa mga taong nabubuhay sa mga huling araw (Moroni 1:4). Habang binabasa mo ang Moroni 1–6, mapanalanging isipin ang mga bagay na magiging lubhang makabuluhan sa mga tinuturuan mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Kung minsan ay mas kaya ng mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga kabatiran mula sa kanilang personal na pag-aaral kapag may kaunting panahon sila para alalahanin ang nabasa nila. Maaari kang mag-ukol ng ilang minuto sa simula ng klase para rebyuhin ang mga chapter heading para sa Moroni 1–6. (Maaari din itong makatulong sa mga miyembro ng klase na hindi nagbasa sa bahay.) Pagkatapos ay anyayahan ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang mga kabanata para sa isang talatang makabuluhan para sa kanila at gusto nilang ibahagi sa klase.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Moroni 2–6

Ang mga ordenansa ng priesthood ay kailangang pangasiwaan ayon sa utos ng Panginoon.

  • Kung ang mga miyembro ng klase mo (o mga mahal nila sa buhay) ay naghahandang tumanggap ng mga ordenansa ng priesthood, maaaring mahalaga na rebyuhin ang itinuro ni Moroni tungkol sa mga ordenansa sa Moroni 2–6. Maaaring magpares-pares ang mga miyembro ng klase para isadula ang mga sitwasyon na gaya ng mga sumusunod. (1) Malapit nang maorden sa priesthood ang kapatid mo. Ano ang payong ibibigay mo mula sa Moroni 3? (2) Nagtataka ang isang kaibigan sa ibang relihiyon kung bakit kailangang makibahagi ng sakramento bawat linggo. Ano ang sasabihin mo? (tingnan sa Moroni 4–5). (3) Malapit nang binyagan ang anak mo, pero hindi siya sigurado kung handa na siya. Paano mo siya tutulungan? (tingnan sa Moroni 6:1–3). Pagkatapos ng mga pagsasadula, maaaring talakayin ng klase ang natutuhan nila mula sa isa’t isa. Maaari din nilang ibahagi ang kanilang patotoo kung paano sila mas nailapit ng mga ordenansang gaya nito sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

  • Para magpasimula ng talakayan tungkol sa paghahanda para sa binyag, maaari mong ipalarawan sa isang miyembro ng klase kung paano nila pinaghandaan ang mahahalagang pangako sa kanilang buhay, tulad ng misyon, pag-aasawa, pagiging magulang, o bagong trabaho. Paano ikinumpara ang paghahandang iyon sa paghahandang kailangan para maging marapat sa binyag, ayon sa nakasaad sa Moroni 6:1–3? (tingnan din sa Mosias 18:8–10; D at T 20:37). Bakit kailangan ang mga katangiang nakalista sa mga talatang ito para sa binyag? Paano natin malalaman kung handa tayo para sa ordenansang ito? Hikayatin ang mga miyembro ng klase na pagnilayan kung gaano kahusay nila isinasabuhay ang mga pamantayang ito simula nang mabinyagan sila at kung ano ang maaari nilang gawin para mas humusay pa. Maaari mo rin silang anyayahang isulat ang anumang mga impresyong natatanggap nila at sumangguni sa mga ito nang madalas.

    dalagang tumatanggap ng pagbabasbas

    Ang mga ordenansa ay isinasagawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood.

Moroni 4–5

Ang pakikibahagi ng sakramento ay mas naglalapit sa atin kay Jesucristo.

  • Iminumungkahi sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ang ilang aktibidad sa pag-aaral na may kaugnayan sa sakramento. Marahil ay maaari mong anyayahan ang ilang miyembro ng klase na kumpletuhin ang mga aktibidad na ito sa bahay at pumasok sa klase na handang ibahagi ang natutuhan nila. Maaari mo ring anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi sa isa’t isa kung ano ang ginagawa nila para ihanda ang kanilang sarili at kanilang pamilya na magkaroon ng mga sagradong karanasan sa sakramento.

  • Maraming beses nang narinig ng karamihan sa atin ang mga panalangin sa sakramento, ngunit iniisip ba natin nang husto kung ano ang kahulugan ng mga salita roon? Para matulungan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang mga panalanging ito, maaari mo silang bigyan ng ilang minuto para isulat ang dalawang panalangin sa sakramento mula sa memorya. Pagkatapos ay anyayahan silang ikumpara ang isinulat nila sa Moroni 4:3 at 5:2. Ano ang madali nilang naalala? Ano ang nalimutan nila? May napansin ba silang anuman tungkol sa mga panalanging ito na hindi nila napansin dati? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga salita at parirala mula sa mga panalangin sa sakramento na tila pinakamahalaga sa kanila o na nagpapadama sa kanila ng kasagraduhan ng ordenansang ito. Para mapalalim ang pagpapahalaga ng mga miyembro ng klase sa sakramento, isiping anyayahan ang isang miyembro ng klase na kumanta o tumugtog ng isang himnong pang-sakramento.

    5:27

Moroni 6:4–9

Ang mga disipulo ni Jesucristo ay nagmiministeryo sa isa’t isa.

  • Isiping gumamit ng isang analohiya para maipaunawa sa mga miyembro ng klase ang kahalagahan ng “mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos” (Moroni 6:4). Halimbawa, anong uri ng pangangalaga ang kailangan para sa isang binhi o isang sanggol? Ano ang nangyayari kung may nakaligtaan kang isang bagay na nangangailangan ng pangangalaga? Paano natutulad ang bago at nagbabalik na mga miyembro ng Simbahan sa isang halaman o sanggol na nangangailangan ng pangangalaga? Maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang Moroni 6:4–9 para sa mga ideya kung paano nila “mapangangalagaan” ang isa’t-isa sa espirituwal. Maaari din silang makahanap ng mga ideya sa “Karagdagang Resources.” Maaari kang magbahagi ng isang karanasan kung saan nagministeryo sa iyo ang isang kapwa disipulo. Marahil ay handang magbahagi ng gayon ding mga karanasan ang mga miyembro ng klase.

  • Maaaring maipaunawa ng Moroni 6:4–9 sa mga miyembro ng klase kung paano tayo pinagpapala kapag tayo ay “napabilang sa mga tao ng Simbahan ni Cristo” at dumadalo sa mga miting ng simbahan. Paano natin maaaring ipaliwanag ang mga pagpapalang ito sa isang taong nagdududa sa pangangailangan sa isang organisadong simbahan? Marahil ay maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang mga talatang ito para makahanap ng isang bagay na maaari nilang ibahagi. O maaari nilang ilista ang ilan sa mga pagpapalang natanggap nila bilang mga miyembro ng Simbahan (tingnan sa D. Todd Christofferson, “Bakit Kailangan ang Simbahan,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 108–11). Ano ang magagawa natin para matiyak na ang kapwa natin mga disipulo ay “maalaala at mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos” habang tayo ay “madalas na nagtitipun-tipon”? (Moroni 6:4–5).

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Maaaring mas masasabik ang mga miyembro ng klase na basahin ang Moroni 7–9 sa susunod na linggo kung ipaliliwanag mo na kasama rito ang dalawang liham na isinulat ni Mormon para tulungan ang kanyang anak na manatiling tapat sa mahihirap na panahon.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Pinangalagaan ng salita ng Diyos.

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland: “Karamihan sa mga tao ay hindi nagsisimba para lamang makaalam ng ilang bagong katotohanan ng ebanghelyo o makita ang mga dating kaibigan, bagama’t mahalaga ang lahat ng iyan. Pumupunta sila dahil gusto nila ng espirituwal na karanasan. Gusto nila ng kapayapaan. Gusto nilang mapatibay ang kanilang pananampalataya at magkaroon ng panibagong pag-asa. Gusto nila, sa madaling salita, na mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos, na mapalakas ng mga kapangyarihan ng langit” (“A Teacher Come from God,” Ensign, Mayo 1998, 26).

Ipinaliwanag ni Pangulong Gordon B. Hinckley na ang pangangalaga sa mga bagong binyag sa salita ng Diyos “ay isang gawain para sa lahat. Gawain ito ng mga home teacher at visiting teacher [ngayo’y ministering brothers at sisters]. Gawain ito ng bishopric, ng mga priesthood quorum, ng Relief Society, ng young men at young women, maging ng Primary.

“Nasa isang fast and testimony meeting ako nito lang nakaraang Linggo. Isang 15- o 16-anyos na binatilyo ang tumayo sa harap ng kongregasyon at nagsabi na nagpasiya na siyang magpabinyag.

“Pagkatapos ay isa-isang lumapit sa mikropono ang mga binatilyo ng teachers quorum upang ipahayag ang kanilang pagmamahal sa kanya, upang sabihin sa kanya na tama ang ginagawa niya, at upang tiyakin sa kanya na siya ay susuportahan at tutulungan nila. Napakagandang karanasan ang marinig ang mga binatilyong iyon na magsalita nang may pagpapahalaga at panghihikayat sa kanilang kaibigan. Nasisiyahan ako na lahat ng binatilyong iyon, pati na yaong nabinyagan noong nakaraang linggo, ay mangagmimisyon.

“Tinanong ako sa isang press interview kamakailan, ‘Ano po ang nagdudulot sa inyo ng pinakamalaking kasiyahan kapag nakikita ninyo ang gawain ng Simbahan ngayon?’

“Ang sagot ko: ‘Ang pinaka-nakasisiyang karanasan ko ay ang makita ang nagagawa ng ebanghelyong ito para sa mga tao. Binibigyan sila nito ng bagong pananaw sa buhay. Binibigyan sila nito ng isang pananaw na hindi pa nila nadama kahit kailan. Tinutulungan sila nitong hangarin ang mga bagay na marangal at banal. May nangyayari sa kanila na mahimalang pagmasdan. Umaasa sila kay Cristo at sumisigla.’

“… Hinihiling ko sa bawat isa sa inyo na tumulong kayo sa gawaing ito” (“Converts and Young Men,” Ensign, Mayo 1997, 48).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Hangarin na makatanggap ng sariling inspirasyon. Sa halip na ituring ang mga outline na ito na mga tagubilin na kailangan mong sundin, gamitin ang mga ito para makakuha ng mga ideya o maghikayat ng sarili mong inspirasyon habang pinagninilayan mo ang mga pangangailangan ng mga tinuturuan mo.