“Disyembre 7–13. Moroni 7–9: ‘Nawa ay Dakilain Ka ni Cristo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Disyembre 7–13. Moroni 7–9,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020
Disyembre 7–13
Moroni 7–9
“Nawa ay Dakilain Ka ni Cristo”
Ang layunin mo ay tulungan ang mga tao na mas mapalapit sa Diyos, hindi lamang maglahad ng isang lesson. Maghanda para sa Sunday School sa pagbasa sa Moroni 7–9 na nasasaisip ang mga miyembro ng klase, at naghahanap ng mga alituntunin na makakatulong sa kanila.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang bawat miyembro ng klase na rebyuhin ang Moroni kabanata 7, 8, o 9 at maghanap ng isang katotohanan na makabuluhan sa kanya. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang katotohanang natagpuan nila at kung paano sila napagpala nito.
Ituro ang Doktrina
“Yaong sa Diyos ay nag-aanyaya at nang-aakit na patuloy na gumawa ng mabuti.”
-
Para maging mga disipulo ni Jesucristo, kailangan ay kaya nating humatol sa pagitan ng mabuti at masama. Marahil ay maaaring makatulong sa mga miyembro ng klase na talakayin ang mga katotohanan sa Moroni 7:3–19 para maiwasang humatol “nang mali” (Moroni 7:18). Para makapaghanda para sa talakayan, maaaring hanapin ng kalahati ng klase sa mga talatang ito ang payo ni Mormon kung paano matutukoy yaong nagmumula sa Diyos, at hanapin ng natitirang kalahati kung paano matutukoy yaong nagmumula sa diyablo. Pagkatapos ay maaari nilang talakayin ang natagpuan nila at ibahagi ang mga halimbawa ng mga bagay na nag-aanyaya sa kanila na “gumawa ng mabuti, at ibigin ang Diyos, at maglingkod sa kanya” (Moroni 7:13). Paano natin magagamit ang payo ni Mormon sa ating mga desisyon sa araw-araw? Paano tayo maaaring gumawa ng mabubuting pasiya at magpakita pa rin ng pagmamahal para sa mga nasa paligid natin na hindi isinasabuhay ang ebanghelyo?
-
Maraming nag-iisip, “Paano ko malalaman kung ang isang pahiwatig sa akin ay nagmumula sa Diyos o sa sarili kong isipan?” Maaari mong isulat sa pisara ang tanong na ito at anyayahan ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang Moroni 7:13–16 para sa mga alituntuning maaaring makatulong na masagot ang tanong na ito. Paano maaaring makatulong sa atin ang mga talatang ito na makilala ang banal na inspirasyon? Maaaring makatulong na ipaliwanag na “ang Espiritu ni Cristo,” na tinatawag ding liwanag ni Cristo, ay tinutukoy kung minsan bilang ating budhi. Ang pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa “Karagdagang Resources” ay maaari ding makatulong.
Ang mga alagad ni Jesucristo ay naghahangad ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa.
-
Para mas maipaunawa sa klase mo ang mga kaugnayan sa pagitan ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa, maaari kang magpakita ng isang silyang tatlo ang paa (o isang larawan niyon) at ipaisip sa mga miyembro ng klase kung paano natutulad sa tatlong paang ito ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa (tingnan sa pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf sa “Karagdagang Resources”). Pagkatapos ay maaari mo silang anyayahang pumili ng isa sa mga katangiang ito at hanapin kung ano ang itinuturo ni Mormon tungkol dito sa Moroni 7:21–48. Talakayin ang mga tanong na gaya ng mga sumusunod: Bakit natin kailangan ang pananampalataya at pag-asa para matanggap ang kaloob na pag-ibig sa kapwa? Paano tayo iniuugnay ng bawat isa sa mga katangiang ito kay Jesucristo? Bakit mahalaga ang mga katangiang ito para sa isang disipulo ni Jesucristo? Ano ang mangyayari sa atin kung mawalan tayo ng pananampalataya? pag-asa? pag-ibig sa kapwa? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na mag-ukol ng ilang sandali para isulat ang mga impresyong natanggap nila.
Ang pag-unawa sa tamang doktrina ay makakatulong sa atin na gumawa ng mga tamang pasiya.
-
Maaaring hindi kailangang talakayin ng klase mo kung bakit maling binyagan ang mga sanggol, ngunit makakatulong ang mga salita ni Mormon tungkol sa paksang ito para makita nila ang mga karaniwang panganib ng maling doktrina. Para mailarawan kung paano “[nililito ng Aklat ni Mormon ang] mga maling doktrina” (2 Nephi 3:12), maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang Moroni 8:4–21 sa mga grupo o nang isa-isa. Maaaring hanapin ng kalahati sa kanila ang doktrina na sa pakiramdam ni Mormon ay hindi naunawaan ng mga tao, kabilang na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan sa talata 20) at ang pananagutan (tingnan sa talata 10). Maaari namang hanapin ng natitirang kalahati ang mga bunga ng pagkakamali ng mga tao. Maaaring ibahagi ng bawat grupo sa klase ang nahanap nila. Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa kahalagahan ng pag-aaral at pagsasabuhay ng tamang doktrina? Saan tayo makakakita ng mga tamang paliwanag tungkol sa doktrina ni Cristo? Paano natin matitiyak na tama ang ating pag-unawa sa doktrina?
-
Makikinabang siguro ang klase mo sa pagsunod sa halimbawa ni Mormon sa pagtulong sa isang tao na gumawa ng mas mabubuting pasiya sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng tamang doktrina. Maaari mong magawa ito sa pag-anyaya sa mga miyembro ng klase na mag-isip ng isang tao mula sa mga banal na kasulatan na gumawa ng maling pasiya. Anong katotohanan ng doktrina ang makakatulong sa taong iyon na maiwasang maulit ang maling pasiyang iyon? Bigyan ng ilang minuto ang mga miyembro ng klase para maghanap ng mga talata sa banal na kasulatan o mga pahayag mula sa isang pangkalahatang kumperensya kamakailan na makakatulong sa taong iyon na maunawaan ang katotohanan ng doktrina. Pagkatapos ay maaari mong ipabahagi sa mga miyembro ng klase ang nahanap nila.
Maaari tayong magkaroon ng pag-asa kay Cristo anuman ang ating sitwasyon.
-
Ang huling nakatalang mensahe ni Mormon sa kanyang anak sa Moroni 9:25–26 ay makakatulong sa mga miyembro ng klase na makasumpong ng pag-asa kay Cristo, kahit sa mga sitwasyon na tila wala nang pag-asa. Marahil ay maaari kang magsimula sa paghiling sa mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga dahilan kung bakit pinanghinaan ng loob si Moroni. Pagkatapos ay maaari nilang basahin ang mga talatang ito at ilista sa pisara ang mga katotohanan na hinikayat ni Mormon na pagtuunan ni Moroni. Paano tayo maaaring “dakilain” ng mga katotohanang ito sa ating panahon? Maaari ding magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga halimbawa ng “awa at mahabang pagtitiis” ng Diyos na nasaksihan nila. O maaari silang magbahagi ng mga ideya na makakatulong sa isa’t isa na panatilihin ang Tagapagligtas at ang Kanyang ebanghelyo “sa [ating] isipan magpakailanman,” kahit pinanghihinaan tayo ng loob (talata 25).
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang Moroni 10, maaari mong imungkahi na maaaring ito na ang tamang panahon para pagbulayan kung paano sila nakaranas ng panibagong pagsaksi sa katotohanan ng Aklat ni Mormon nang pag-aralan nila ito ngayong taon.
Karagdagang Resources
Nagmumula ba ito sa Espiritu?
Para masagot ang tanong na “Paano natin makikilala ang mga paramdam ng Espiritu?” binanggit ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang Moroni 7:13 at sinabi: “Sa palagay ko hindi naman talaga [ito] napakahirap. … Hinihikayat ba ako nitong gumawa ng mabuti, bumangon, manindigan, gumawa ng tamang bagay, maging mabait, maging mapagbigay? Kung gayo’y nagmumula ito sa Espiritu ng Diyos” (Teachings of Gordon B. Hinckley [1997], 260–61).
Pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa.
Ikinumpara ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa sa isang silyang may tatlong paa, na ipinaliliwanag na “pinatatatag ng tatlong [kabanalang] ito ang ating buhay anuman ang problema o pagsubok na ating kinakaharap. …
“Ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa ay magpupuno sa isa’t isa, [at] habang lumalago ang isa, lumalago rin ang iba. Ang pag-asa ay nagmumula sa pananampalataya, dahil kung walang pananampalataya, walang pag-asa. Sa gayon ding paraan, ang pananampalataya ay nagmumula sa pag-asa, dahil ang pag-asa ay ‘kapanatagan sa mga bagay na [inaasahan].’
“Mahalaga ang pag-asa kapwa sa pananampalataya at pag-ibig sa kapwa. Kapag sa pagsuway, pagkabigo, at pagpapaliban ay gumuho ang pananampalataya, naroon ang pag-asa upang itaguyod ito. Kapag hinahamon ng pagkabigo at kawalan ng tiyaga ang pag-ibig sa kapwa, pinatatatag tayo ng pag-asa at hinihikayat tayong magmalasakit sa ating kapwa nang walang hinihintay na gantimpala. Kapag mas maliwanag ang ating pag-asa, mas malaki ang ating pananampalataya. Kapag mas matibay ang ating pag-asa, mas dalisay ang ating pag-ibig sa kapwa” (“Ang Walang Hanggang Bisa ng Pag-asa,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 21, 23).
“Dalisay na pag-ibig ni Cristo.”
Nagmungkahi si Elder Jeffrey R. Holland ng dalawang posibleng kahulugan ng pariralang “dalisay na pag-ibig ni Cristo”:
“Ang una … ay ang uri ng maawain at mapagpatawad na pagmamahal na dapat madama ng mga disipulo ni Cristo para sa isa’t isa. …
“[Ang isa pang kahulugan ay] ang walang-maliw, sukdulan, at nagbabayad-salang pagmamahal ni Cristo para sa atin. … Iyon ang pag-ibig sa kapwa—ang kanyang dalisay na pag-ibig sa atin—na kung wala ay wala tayong kabuluhan” (Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 336).