“Disyembre 21–27. Pasko: ‘Siya ay Paparito sa Daigdig upang Tubusin ang Kanyang mga Tao,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Disyembre 21–27. Pasko,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020
Disyembre 21–27
Pasko
“Siya ay Paparito sa Daigdig upang Tubusin ang Kanyang mga Tao”
Habang pinag-aaralan mo ang pagsilang ni Jesucristo sa linggong ito, isipin kung paano mo mapapalakas ang patotoo ng klase mo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Makakatulong ang ilan sa mga ideya sa outline na ito.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang mga miyembro ng klase na bumuo ng magkakapares o ng maliliit na grupo at ibahagi nila kung paano napalakas ng pagkatuto tungkol kay Jesucristo mula sa Aklat ni Mormon sa taong ito ang kanilang pananampalataya sa Kanya at sa Kanyang mga turo.
Ituro ang Doktrina
1 Nephi 11:13–23; Helaman 14:1–13; 3 Nephi 1:4–22
Si Jesucristo ay isinilang para maging ating Tagapagligtas.
-
Paano mo magagamit ang Aklat ni Mormon para turuan ang mga miyembro ng klase tungkol sa sagradong kaganapan ng pagsilang ng Tagapagligtas? Ang isang paraan ay hatiin ang klase sa tatlong grupo at bigyan ang bawat grupo ng isa sa sumusunod na mga talata sa banal na kasulatan na babasahin nila nang sabay-sabay: 1 Nephi 11:13–23; Helaman 14:1–13; at 3 Nephi 1:4–22. Ipatalakay sa mga grupo kung ano ang itinuturo sa kanila ng mga talatang ito tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng bawat grupo sa iba pa sa klase ang tinalakay nila. Bakit mahalagang mapasaatin ang pagsaksi ng Aklat ni Mormon sa pagsilang ng Tagapagligtas?
-
Ang pagkaalam tungkol sa pagsilang ni Cristo ay mahalaga, ngunit ang pagkaalam kung bakit Siya isinilang ay napakahalaga. Paano mo matutulungan ang mga tinuturuan mo na pagnilayan ang nakatutubos na kapangyarihan ni Jesucristo? Marahil ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang ilan sa mga kuwento at talata sa banal na kasulatan na pinag-aralan nila sa linggong ito (tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Hikayatin silang ibahagi kung paano napalalim ng mga bagay na pinag-aralan nila ang kanilang pagpapahalaga sa pagsilang ng Tagapagligtas at sa Kanyang nakatutubos na kapangyarihan.
-
Para mapasimulan ang isang talakayan tungkol sa mga kaloob na naibigay ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Anak, maaari mong anyayahan ang ilang miyembro ng klase na magsalita tungkol sa mga espesyal na kaloob na natanggap nila sa araw ng Pasko. Paano tayo nagpapakita ng pasasalamat para sa mga kaloob na natatanggap natin? Pagkatapos ay maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson na matatagpuan sa “Karagdagang Resources” at talakayin ang apat na kaloob na binanggit ni Pangulong Monson. Anong papel ang ginagampanan ng Tagapagligtas sa mga kaloob na ito? Paano natin maipapakita ang ating pasasalamat sa Ama sa Langit para sa mga kaloob na ito?
-
Bilang bahagi ng inyong talakayan tungkol sa Pasko, isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na tumugtog o kumanta ng mga himnong Pamasko. Maaari mo ring siyasatin ang ilan sa resources na nakalista sa “Karagdagang Resources.”
Pahina ng Pamagat ng Aklat ni Mormon; pambungad sa Aklat ni Mormon; 2 Nephi 25:23, 26; 33:4, 10
Ang Aklat ni Mormon ay nagpapatotoo kay Jesucristo.
-
Dahil patapos na ang pag-aaral ninyo ng Aklat ni Mormon sa Sunday School, maaari mong bigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng klase na pagbulayan kung ano ang natutuhan nila tungkol kay Jesucristo sa Aklat ni Mormon sa taong ito. Para mapasimulan ang isang talakayan, maaari ninyong sama-samang basahin ang 2 Nephi 25:23, 26 at 33:4, 10, gayundin ang mga sipi mula sa pambungad sa Aklat ni Mormon at sa pahina ng pamagat. Maaari ka ring magbahagi ng isang kuwento o talata sa banal na kasulatan na mas naglapit sa iyo kay Jesucristo at pagkatapos ay bigyan mo ng ilang minuto ang mga miyembro ng klase para ibahagi ang kanilang sariling mga kuwento o talata. Magpatotoo tungkol sa Aklat ni Mormon, at anyayahan ang iba pang mga miyembro ng klase na gawin din iyon.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na simulang basahin ang Doktrina at mga Tipan, maaari kang magbahagi ng isang paborito mong talata o isang nagbibigay-inspirasyong karanasan mo sa pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan.
Karagdagang Resources
Resources para sa Pasko.
-
Mga larawan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya
-
Mga Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan (ChurchofJesusChrist.org/broadcasts/first-presidency-christmas-devotionals)
Ang mga kaloob ng Tagapagligtas.
Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson:
“Pinagbubulayan ko ang mga pagkakaiba ng Pasko. Ang magagarang regalo, na mahal at propesyonal ang pagkabalot, ay umaabot sa kasukdulan sa bantog na mga katalogong komersyal na may headline na ‘Para sa taong nasa kanya na ang lahat.’ Sa isang nabasa kong ganoon napuna ko ang isang 370-metro-kuwadradong tahanan na nababalot ng isang napakalaking laso at may kaparis na malaking greeting card na nagsasabing, ‘Maligayang Pasko.’ Kasama sa iba pang mga item ang mga golf club na puno ng diyamante para sa manlalaro ng golf, isang Caribbean cruise para sa manlalakbay, at isang maluhong paglalakbay patungong Swiss Alps para sa abenturero. Tila akma iyon sa tema ng isang Pamaskong cartoon na nagpakita ng Tatlong Pantas na Lalaki na naglalakbay patungong Betlehem na may dalang mga kahon ng regalo sa kanilang kamelyo. Sabi ng isa, ‘Mag-ingat ka, Baltazar, nagsisimula tayo ng isang bagay sa mga regalong ito na hindi mapipigilan!’ …
“Sa loob ng ilang sandali, nawa’y kalimutan natin ang mga katalogo ng Pasko, na may kakaibang mga regalo. Kalimutan na rin natin ang mga bulaklak para kay Inay, espesyal na kurbata para kay Itay, magandang manika, laruang tren na bumubusina, pinakahihintay na bisikleta … at ibaling ang ating isipan sa mga handog ng Diyos na tumatagal. Apat lang ang napili ko mula sa mahabang listahan: …
“Una, ang kaloob na maisilang. Ipinagkaloob ito sa bawat isa sa atin. Banal ang ating pribilehiyo na lisanin ang ating tahanan sa langit upang magkatawang-tao at ipakita sa ating pamumuhay na karapat-dapat at kwalipikado tayong makabalik balang araw sa Kanya, sa mga mahal sa buhay, at sa kahariang tinatawag na selestiyal. … Responsibilidad nating ipakita ang ating pasasalamat sa pamamagitan ng ating pamumuhay. …
“Ikalawa, ang kaloob na kapayapaan. Sa maingay na daigdig na kinaroroonan natin, ang ingay ng trapiko, nakabibinging mga patalastas sa media, at maraming kahilingan sa ating panahon—hindi pa kasama ang mga problema ng mundo—ay nagpapasakit ng ulo, nakakasakit, at umuubos sa ating lakas na makatiis. …
“Siya na nakaranas na ng lungkot at pighati ay nangungusap sa bawat balisang puso at naghahandog ng kapayapaan. ‘Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man’ (Juan 14:27). …
“Ikatlo, ang kaloob na pagmamahal. ‘Guro, alin baga ang dakilang utos sa kautusan?’ tanong ng tagapagtanggol na kumausap kay Jesus. Kaagad itong sinagot ng: ‘Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo.
“‘Ito ang dakila at pangunang utos.
“‘At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili’ (Mateo 22:36–39). …
“Ikaapat, ang kaloob na buhay—pati na ang kawalang-kamatayan. Nasa plano ng ating Ama sa Langit ang pinakadakilang pagpapahayag ng tunay na pag-ibig. Lahat ng mahal sa atin, lalo na ang ating pamilya, kaibigan, kagalakan, kaalaman, patotoo, ay mawawala kung hindi dahil sa ating Ama at sa Kanyang Anak, ang Panginoong Jesucristo. Kabilang sa pinaka-natatanging ideya at sulatin sa mundong ito ang banal na pagpapahayag ng katotohanan: ‘Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na anak, upang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan’ (Juan 3:16)” (“Gifts,” Ensign, Mayo 1993, 59–62).