“Disyembre 14–20. Moroni 10: ‘Lumapit kay Cristo, at Maging Ganap sa Kanya,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Disyembre 14–20. Moroni 10,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020
Disyembre 14–20
Moroni 10
“Lumapit kay Cristo, at Maging Ganap sa Kanya”
Ang mga miyembro ng klase mo ay maaaring nagkaroon na ng makabuluhang mga karanasan sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon sa taong ito. Gamitin ang mga karanasang ito para hikayatin ang lahat sa klase na pag-aralan ang mga banal na kasulatan.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na isipin na kunwari’y binibisita ni Moroni ang klase. Ano ang sasabihin nila sa kanya tungkol sa isinulat niya sa Moroni 10? Mayroon bang anumang mga talatang makabuluhan lalo na sa kanila? Marahil ay maaari silang magbahagi ng mga karanasan nila sa mga talatang ito.
Ituro ang Doktrina
Maaari kong malaman ang katotohanan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
-
Maaaring magtamo ng mga bagong kabatiran ang mga miyembro ng klase kung pag-aaralan nilang mabuti ang Moroni 10:3–5. Para matulungan sila, maaari mong isulat ang mahahalagang parirala mula sa mga talatang ito sa magkakahiwalay na piraso ng papel at bigyan ng isa ang bawat miyembro o grupo ng mga miyembro ng klase. Anyayahan silang pagnilayan o talakayin kung ano ang ibig sabihin ng kanilang parirala, pati na kung ano ang magagawa nila para maipamuhay ito. Pagkatapos ay maaari ninyong basahin ang Moroni 10:3–5 nang sama-sama, na humihinto pagdating ninyo sa isang parirala na pinag-aralan ng isa sa kanila para maibahagi niya ang kanyang mga iniisip.
-
Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng kanilang mga karanasan sa pagkilos ayon sa paanyaya ni Moroni sa mga talatang ito, maaari mo silang anyayahang isipin na kunwari’y sinisikap nilang hikayatin ang isang kaibigan o kapamilya na magkaroon ng patotoo sa Aklat ni Mormon. Paano kaya nila magagamit ang Moroni 10:3–7? Anong mga karanasan ang maaari nilang ibahagi? Paano natin maipauunawa sa iba ang ibig sabihin ng malaman ang isang bagay “sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo”? (Moroni 10:5).
“Huwag ninyong itatatwa ang mga kaloob ng Diyos.”
-
Bakit mahalaga ang payo na “huwag ninyong itatatwa ang mga kaloob ng Diyos” lalo na sa mga huling araw na ito? (Moroni 10:8). Hikayatin ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang tanong na ito habang binabasa nila ang Moroni 10:8–18. Para mapalakas ang paniniwala ng mga miyembro ng klase sa mga espirituwal na kaloob, maaari mo silang anyayahang magbahagi ng mga halimbawa ng mga taong gumagamit ng bawat kaloob na nakalista sa Moroni 10:9–16. Ang mga halimbawa ay maaaring magmula sa mga banal na kasulatan, sa kasaysayan ng Simbahan, o sa sarili nilang buhay. (Ang mga halimbawa mula sa Aklat ni Mormon ay nakamungkahi sa “Karagdagang Resources.”) Maaari mo ring talakayin kung paano ipinakita ang ilan sa mga kaloob na inilarawan sa mga talatang ito sa paglabas ng Aklat ni Mormon. Bakit mahalaga para sa isang taong naghahangad na magkaroon ng patotoo sa Aklat ni Mormon na maniwala sa mga espirituwal na kaloob? Ano ginagawa natin kung minsan para “itatwa” ang mga kaloob na ito sa ating buhay? Paano tayo tinutulungan ng mga kaloob na ito na “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya”? (tingnan sa Moroni 10:30–33).
-
Ang isa pang paraan para masiyasat ang mga espirituwal na kaloob na inilarawan sa mga talatang ito ay isulat sa pisara ang mga tanong na gaya ng Ano ang mga espirituwal na kaloob? Kanino ibinibigay ang mga ito? Bakit ibinibigay ang mga ito? at Paano natin matatanggap ang mga ito? Pagkatapos ay anyayahan ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang Moroni 10:8–25 para mahanap ang mga sagot. (Makakatulong din ang mga pahayag nina Pangulong Brigham Young at Pangulong Dallin H. Oaks sa “Karagdagang Resources.”) Bukod pa sa mga espirituwal na kaloob na nakalista sa mga talata 9–16, ano ang iba pang “mga kaloob ng Diyos” na natanggap natin o nagpala sa atin? (Moroni 10:8). Maaari mong ibahagi ang itinuro ni Elder Bruce R. McConkie: “Ang mga espirituwal na kaloob ay napakarami at iba-iba. Ang mga nakasulat sa inihayag na salita ay mga paglalarawan lamang ng walang-katapusang pagbuhos ng biyaya ng langit na ibinibigay ng isang mapagmahal na Diyos sa mga nagmamahal at naglilingkod sa kanya” (A New Witness for the Articles of Faith [1985], 371).
Maaari akong maging ganap sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo.
-
Ano sa palagay mo ang makakatulong sa mga miyembro ng klase mo na tanggapin ang paanyaya ni Moroni na “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya”? (Moroni 10:32). Marahil ang pagsisimula sa isang himno tungkol sa paksang ito, tulad ng “Magsisunod Kayo sa Akin” (Mga Himno, blg. 67), ay maaaring mag-anyaya sa Espiritu sa inyong talakayan, at maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang anumang mga koneksyong nakikita nila sa pagitan ng himno at ng mga katotohanang matatagpuan sa Moroni 10:30–33. Ano ang matututuhan natin mula sa mga talata at himnong ito tungkol sa kung ano ang ibig sabihin ng lumapit kay Cristo? Ano ang ibig sabihin ng maging “ganap kay Cristo”? (tingnan din sa D at T 76:50–53, 69). Ibahagi ang damdamin mo tungkol sa ibig sabihin ng “[magawang] ganap sa pamamagitan ni Jesus” (D at T 76:69), at hikayatin ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang damdamin nila.
-
Dahil ito ang huling talakayan ng klase mo tungkol sa Aklat ni Mormon sa taong ito, maaari mong ipabahagi sa mga miyembro ng klase ang ilan sa nadama at natutuhan nila nang pag-aralan nila ang aklat na ito. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na gawin ito, maaari ninyong basahin nang sama-sama ang Moroni 10:32–33 at hilingin sa mga miyembro ng klase na mag-ukol ng ilang minuto para pagnilayan kung paano nakatulong sa kanila ang Aklat ni Mormon na lumapit kay Cristo. Maaari mong itanong: Paano tayo natulungan ng Aklat ni Mormon na magkaroon ng higit na pagmamahal sa Diyos? Paano tayo natulungan nito na mas lubos na umasa sa biyaya ni Cristo? Paano tayo natulungan nito na “huwag itatwa” ang kapangyarihan ng Tagapagligtas? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na patotohanan ang Aklat ni Mormon at ang pagsaksi nito kay Jesucristo.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na asamin ang pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan sa susunod na taon, maaari mong rebyuhin ang Moroni 10:9–16 at ipaliwanag na ang mga kaloob na ito ay makikitang lahat sa Simbahan ngayon. Kapag binasa natin ang Doktrina at mga Tipan, makikita natin kung paano nagamit ang mga kaloob at kapangyarihan ng Diyos para gawin ang Kanyang gawain sa mga huling araw.
Karagdagang Resources
Mga pagpapakita ng mga espirituwal na kaloob sa Aklat ni Mormon.
-
Pagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu: Nephi at Lehi (Helaman 5:17–19)
-
Labis na pananampalataya: Alma, Amulek, Ammon, at iba pa (Eter 12:13–22)
-
Pagpapagaling: Alma (Alma 15:5–11)
-
Mga makapangyarihang himala: Ang tatlong disipulo (3 Nephi 28:19–22)
-
Propesiya: Lehi (2 Nephi 1:6–7)
-
Makakita ng mga anghel: Amulek (Alma 10:7–10)
-
Pagpapaliwanag ng mga salita: Mosias (Mosias 28:11–16)
Patotoo ni Pangulong Brigham Young tungkol sa mga espirituwal na kaloob.
“Pananampalataya. Kapag naniniwala kayo sa mga alituntunin ng Ebanghelyo at matamo ang pananampalataya, na isang kaloob ng Diyos, daragdagan pa niya nang higit ang inyong pananampalataya, nagdaragdag ng pananampalataya sa pananampalataya. …
“Ang Kaloob na Pagpapagaling. Nandito ako upang magbigay [ng] patotoo sa daan-daang pagkakataong ang mga lalaki, babae, at mga bata ay napagaling sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, sa paraan ng pagpapatong ng mga kamay, at marami akong nakitang ibinangon mula sa pintuan ng kamatayan, [at ibinalik] mula sa bingit ng kawalang-hanggan; at [ilan na] kung kaninong mga espiritu ay ganap nang lumisan sa kanilang mga katawan, na naibalik muli. Pinatototohanan kong nakita ko ang maysakit na pinagaling sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, ayon sa pangako ng Tagapagligtas. …
“Propesiya, Paghahayag, at Kaalaman. Ang bawat lalaki [at] babae ay maaaring maging tagapaghayag, at magkaroon ng patotoo [kay Jesus], na siyang espiritu ng propesiya, at makini-kinita ang isipan at kalooban ng Diyos tungkol sa kanila, maitakwil ang masama, at piliin ang tama” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 282–84).
“Manangan sa bawat mabuting kaloob.”
Ikinuwento ni Pangulong Dallin H. Oaks kung paano pinagpala ng paghahangad ng mga espirituwal na kaloob ang kanyang ina: “Nang mamatay ang kanyang asawa, pakiramdam ng aking ina ay hindi na siya buo. Ipinagdasal niya nang husto kung ano ang kanyang kailangan para magampanan ang kanyang responsibilidad na palakihin ang kanyang tatlong maliliit na anak! Naghangad siya, naging karapat-dapat siya, at pinagpala siya! Nasagot ang kanyang mga dalangin sa maraming paraan, kabilang na ang pagtanggap ng mga espirituwal na kaloob. Marami siyang natanggap, ngunit yaong mahahalaga sa aking alaala ay ang mga kaloob na pananampalataya, patotoo, at karunungan” (“Spiritual Gifts,” Ensign, Set. 1986, 72).