“Setyembre 28–Oktubre 11. 3 Nephi 17–19: ‘Masdan, ang Aking Kagalakan ay Lubos,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Setyembre 28–Oktubre 11. 3 Nephi 17–19,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020
Setyembre 28–Oktubre 11
3 Nephi 17–19
“Masdan, ang Aking Kagalakan ay Lubos”
Ang paghahanda mong magturo ay dapat magsimula sa iyong personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay maaaring makaragdag sa pag-aaral mo, at mabibigyan ka rin ng outline na ito ng mga ideyang makakatulong sa iyo na makapaghanda.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Sa 3 Nephi 17:1–3, inanyayahan ng Tagapagligtas ang mga tao na magsiuwi sa kanilang tahanan at “ihanda ang [kanilang] mga isip” bago bumalik para muling maturuan. Maaari mong itanong sa mga estudyante mo kung paano sila naghanda para sa talakayan sa araw na ito at kung ano ang kanilang pinagnilayan.
Ituro ang Doktrina
Ang Tagapagligtas ang ating perpektong halimbawa ng pagmiministeryo.
-
Lahat tayo ay may mga pagkakataong maglingkod sa iba, at lahat tayo ay maaaring maging mas mahusay rito. Ang isang paraan para matuto mula sa halimbawa ng pagmiministeryo ng Tagapagligtas ay basahin lamang ang 3 Nephi 17 bilang isang klase at anyayahan ang mga miyembro ng klase na magkomento tuwing may makikita silang isang bagay na nagtuturo sa kanila tungkol sa pagmiministeryo. Ano ang matututuhan natin tungkol sa pagkatao ng Tagapagligtas na naging dahilan upang maging magandang halimbawa Siya ng pagmiministeryo? Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa halimbawa ng Tagapagligtas tungkol sa pagmiministeryo? Maaari din kayong maghanap ng karagdagang mga kabatiran sa 3 Nephi 18:24–25 at 28–32. Pagkatapos ay maaaring talakayin ng mga miyembro ng klase ang partikular na mga bagay na nahihikayat silang gawin para matularan ang halimbawa ng pagmiministeryo ng Tagapagligtas.
3 Nephi 17:13–22; 18:15–25; 19:6–9, 15–36
Tinuruan tayo ng Tagapagligtas kung paano manalangin.
-
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na matuto mula sa maraming halimbawa ng panalangin at mga turo tungkol dito sa 3 Nephi 17–19, maaari mong isulat sa pisara ang Sino? Paano? Kailan? at Bakit? at anyayahan ang klase na maghanap ng mga sagot sa mga tanong na ito patungkol sa panalangin sa sumusunod na mga talata: 3 Nephi 17:13–22; 18:15–25; at 19:6–9, 15–36. Anong iba pang mga kabatiran ang natatamo ng mga miyembro ng klase habang binabasa nila ang mga talatang ito? Maaaring makaragdag sa talakayan ang pahayag ni Elder Richard G. Scott sa “Karagdagang Resources.” Maaari mo ring anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung ano ang ginagawa nila para maging mas makabuluhan ang kanilang mga personal na panalangin at panalangin ng pamilya (tingnan sa 3 Nephi 18:18–21).
-
Ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay nagmumungkahi ng mga tanong na pagninilayan tungkol sa panalangin habang binabasa ang mga talatang ito. Maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na magbahagi ng anumang mga kabatiran nila tungkol sa mga tanong na ito. O maaari mong anyayahan ang ilang miyembro ng klase na pumasok sa klase na handang talakayin ang isang bagay na natutuhan nila tungkol sa panalangin mula sa 3 Nephi 17–19. Ano ang nahikayat silang gawin para maging mas makabuluhan ang kanilang mga panalangin?
-
Itinuro ni Jesus kung bakit dapat tayong manalangin sa tuwina (tingnan sa 3 Nephi 18:15–18). Maaaring makatulong ang isang object lesson para maunawaan ng klase mo ang Kanyang itinuro. Halimbawa, maaari mong punuin ng tubig ang isang lalagyan para kumatawan sa impluwensya ni Satanas. Magsaksak ng tissue (na kumakatawan sa atin) nang maayos sa loob ng isang tasa (na kumakatawan sa pagdarasal sa tuwina). Itaob ang tasa, at itulak ito pababa sa lalagyan ng tubig. Dapat ay manatiling tuyo ang tissue sa loob ng tasa, kahit napapaligiran ito ng tubig. Ano ang itinuturo sa atin ng object lesson na ito at ng 3 Nephi 18:15–18 tungkol sa panalangin? (tingnan din sa D at T 10:5). Ano ang ibig sabihin ng “laging manalangin”? Paano tayo matutulungan ng panalangin na malabanan ang impluwensya ni Satanas? Isiping bigyan ng ilang sandali ang mga miyembro ng klase para isulat kung ano ang naiisip nilang gawin para mapagbuti ang kanilang mga panalangin.
Espirituwal tayong mapupuspos habang nakikibahagi tayo ng sakramento.
-
Para magpasimula ng isang talakayan tungkol sa mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa sakramento sa 3 Nephi 18, maaari mong hatiin ang klase mo sa mga grupo at bigyan ang bawat grupo ng isa sa sumusunod na mga talata na babasahin at tatalakayin: Mateo 26:26–28; 3 Nephi 18:1–12; at Doktrina at mga Tipan 20:75–79; 27:1–4. Matapos basahin ang talatang ibinigay sa kanila, maaaring mag-isip ang bawat grupo ng isa o dalawang tanong tungkol sa sakramento na sinagot sa mga talatang binasa nila at isulat ang kanilang mga tanong sa pisara. Pagkatapos ay maaaring saliksikin ng iba pa sa klase ang mga banal na kasulatan para sa mga sagot sa mga tanong. Maaari ding talakayin ng mga miyembro ng klase kung paano sila magkakaroon ng mas makabuluhang karanasan sa pakikibahagi ng sakramento.
-
Ano ang ibig sabihin ng “[m]abusog” kapag nakikibahagi tayo ng sakramento? (tingnan sa 3 Nephi 18:4–5, 9; 20:9). Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na talakayin ang tanong na ito nang magkakapares habang binabasa nila ang 3 Nephi 18:1–12 nang sama-sama. Maaari mo ring anyayahan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang huling pagkakataon na nadama nila na sila ay espirituwal na “nabusog” nang makibahagi sila ng sakramento. Maaari siguro nilang talakayin ang mga bagay na maaaring humadlang o gumambala sa atin na “[m]abusog” sa sakramento at ibahagi ang mga ideya kung paano daigin ang mga hadlang na iyon.
Hinahangad ng mga disipulo ni Jesucristo ang kaloob na Espiritu Santo.
-
Isiping hilingin sa mga miyembro ng klase na mag-isip ng isang bagay na gustung-gusto nila. Ano ang handa silang gawin para matanggap ito? Maaari itong humantong sa isang talakayan tungkol sa “higit na ninanais” ng labindalawang disipulo, ayon sa inilarawan sa 3 Nephi 19:9–15 at 20–22. Bakit kaya napakahalaga nito sa kanila? Bakit ito mahalaga sa atin? Ayon sa mga talatang ito, paano natin masigasig na hahangarin ang patnubay ng Espiritu Santo?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Sabi ng Panginoon, “dakila ang mga salita ni Isaias” (3 Nephi 23:1). Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang 3 Nephi 20–26, maaari mong sabihin sa kanila na sa mga kabanatang ito, ipinaliwanag ni Jesus ang ilan sa “dakila” na mga salita ni Isaias. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan kung bakit dakila ang mga salitang ito ni Isaias. Hikayatin silang pumasok sa susunod na linggo na handang ibahagi ang natutuhan nila.
Karagdagang Resources
Ang kahalagahan ng panalangin.
Pinatotohanan ni Elder Richard G. Scott ang kahalagahan ng panalangin:
“Nananalangin tayo sa ating Ama sa Langit sa sagradong pangalan ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo. Pinakamabisa ang panalangin kapag sinisikap nating maging malinis at masunurin, na taglay ang marapat na mga hangarin, at handang gawin ang ipinagagawa Niya. Ang mapagpakumbaba at mapagtiwalang panalangin ay nagdudulot ng patnubay at kapayapaan.
“Huwag alalahanin ang inyong damdamin na naipahayag nang hindi maayos. Basta makipag-usap lamang sa inyong mahabagin at maunawaing Ama. Kayo ay Kanyang pinakamamahal na anak at nais Niya kayong tulungan. Habang nagdarasal, dapat ninyong malaman na nasa tabi ninyo ang Ama sa Langit at Siya ay nakikinig.
“Ang isang susi sa pinagbuting panalangin ay ang matutong magtanong nang wasto. Baguhin ang nakagawiang paghiling sa mga bagay na gusto ninyo at matapat na hangarin ang nais Niya para sa inyo. At habang inaalam ninyo ang Kanyang kalooban, manalangin na akayin kayo upang magkaroon ng lakas na maisagawa ito.
“Sakaling madama ninyong malayo kayo sa ating Ama, maaaring marami itong dahilan. Anuman ang dahilan, habang patuloy kayong humihingi ng tulong, gagabayan Niya kayo upang magawa ang bagay na magpapanumbalik ng inyong tiwala na Siya ay malapit. Manalangin kahit ayaw ninyong manalangin. Kung minsan, tulad ng isang bata, maaari kayong magkasala at makadamang hindi ninyo mailapit ang problema sa inyong Ama. Iyon ang oras na higit ninyong kailangan na manalangin. Huwag isipin kailanman na hindi kayo karapat-dapat manalangin.
“Iniisip ko kung talagang kaya nga nating unawain ang malaking kapangyarihan ng panalangin hanggang sa magkaroon tayo ng napakabigat at napakahalagang problema at matanto na hindi natin ito kayang lutasin. Pagkatapos ay lalapit tayo sa ating Ama sa mapakumbabang pagkilala ng lubos nating pag-asa sa Kanya. Makatutulong ang paghahanap ng kubling lugar kung saan maibubulalas natin ang ating nadarama hangga’t gusto at kailangan natin” (“Paggamit sa Kaloob ng Langit na Panalangin, ” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 8).