“Setyembre 21–27. 3 Nephi 12–16: ‘Ako ang Batas, at ang Ilaw,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Setyembre 21–27. 3 Nephi 12–16,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020
Setyembre 21–27
3 Nephi 12–16
“Ako ang Batas, at ang Ilaw”
Malamang na makahanap ang bawat tao sa klase mo ng isang bagay na makabuluhan lalo na sa kanila sa maraming mabibisang turo ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 12–16. Hayaang magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga alituntuning tila makabuluhan sa kanila.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Para mabigyan ng pagkakataon ang lahat na ibahagi ang pinag-aralan nila sa 3 Nephi 12–16, maaari mong isulat nang magkakasunod ang numero 12 hanggang 16 sa pisara. Pagkatapos ay maaaring maghanap ang mga miyembro ng klase ng isang talata sa mga kabanatang ito na naging makabuluhan sa kanila at pagkatapos ay isulat nila ang numero ng talata sa ilalim ng kaukulang numero ng kabanata sa pisara. Pumili ng ilang talata na sama-samang babasahin, at talakayin kung bakit makabuluhan ang mga ito.
Ituro ang Doktrina
Ipinapakita sa atin ng mga turo ng Tagapagligtas kung paano maging tunay na mga disipulo.
-
Iminumungkahi sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya na ibuod ang mga talata sa 3 Nephi 12–14 para makumpleto ang pariralang “Ang tunay na mga disipulo ni Jesucristo …” Maaari mong itanong kung may mga miyembro ng klase na gumawa ng aktibidad na ito na handang magbahagi ng natutuhan nila. O maaari mong isulat ang di-kumpletong parirala sa pisara, kasama ang mga reperensya na gaya nito: 3 Nephi 12:3–16, 38–44; 13:1–8, 19–24; at 14:21–27 (o iba pang mga talatang natagpuan mo sa iyong personal na pag-aaral). Maaaring pumili ang mga miyembro ng klase ng isang talatang babasahin, nang indibiduwal o grupu-grupo, at magmungkahi ng isang paraan para makumpleto ang parirala sa pisara batay sa itinuturo ng mga talatang iyon. Hikayatin ang mga miyembro ng klase na pagnilayan at marahil ay isulat kung ano ang gagawin nila para masunod si Jesucristo nang mas tapat dahil sa natutuhan nila mula sa mga talatang ito.
-
Para maipaunawa sa mga miyembro ng klase ang mga salita ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 12:48, maaari mong anyayahan ang isa o mahigit pa sa kanila na pag-aralan ang mensahe ni Elder Jeffrey R. Holland na “Kayo Nga’y Mangagpakasakdal—sa Wakas” (Ensign o Liahona, Nob. 2017, 40–42) bago magklase at ibahagi ang mga kabatirang nagpapaunawa sa kanila sa talatang ito.
Ang ating mga iniisip ay humahantong sa mga pagkilos.
-
Maaaring makatulong sa mga miyembro ng klase ang pagtalakay sa 3 Nephi 12:21–30 para makita kung paano makakatulong ang pagkontrol sa ating mga iniisip para makontrol natin ang ating mga kilos. Para masimulan ang isang talakayan, maaari kang gumawa ng isang table sa pisara na may mga heading na gaya ng Mga Kilos na Nais Nating Iwasan at Mga Kaisipan o Emosyon na Humahantong sa mga Ito. Pagkatapos ay maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang 3 Nephi 12:21–22 at 27–30 at simulang punan ang table. Anong iba pang mga kilos at kaisipan ang maaaring idagdag ng mga miyembro ng klase sa mga listahan? Paano natin “[hindi pahihintulutan] ang mga bagay na ganito [na] pumasok sa” ating puso? (3 Nephi 12:29). Paano natin maiwawaksi ang mga ito kapag sumapuso nga natin ito? Matapos basahin ang payo ni Pangulong Ezra Taft Benson sa “Karagdagang Resources,” maaari kang gumawa ng bagong table na may mga heading na Mga Kilos ni Cristo na Nais Nating Tularan at Mga Kaisipang Humahantong sa mga Ito at punan ito bilang isang klase.
Ang ating paglilingkod at pagsamba ay kailangang gawin para sa mga tamang dahilan.
-
Ang pag-aaral ng 3 Nephi 13 ay nagbibigay ng pagkakataon na masuri ng mga miyembro ng klase kung bakit sila gumagawa ng mabuti. Para simulan ang isang talakayan, maaari ninyong sama-samang basahin ang mga talata 1–2 at 16 at ibahagi ang kahulugang ito ng mga mapagkunwari: “Mga mapagpanggap; ang ibig sabihin ng salitang Griyego [na ginamit sa Bagong Tipan] ay ‘isang artista,’ o ‘isang taong … sobrang umarte.’” Marahil ay masisiyahan ang isa o dalawang miyembro ng klase na magkunwari o umarte na para bang nagbibigay sila sa maralita o nag-aayuno. Bakit isang magandang metapora ang pagpapanggap o pag-arte para sa pagkukunwari? Paano natin matitiyak na ang ating paglilingkod, panalangin, at pag-aayuno ay taos-puso at walang halong pagkukunwari?
-
Matapos matukoy ang mabubuting gawang binanggit sa 3 Nephi 13:1–8 at 16–18, maaaring talakayin ng mga miyembro ng klase kung anong mga motibo ang maaaring umakay sa isang tao na gawin ang mga bagay na ito o iba pang mga bagay na ipinagagawa sa atin ng Diyos. Ano ang sasabihin natin sa isang taong nagtatanong sa atin kung bakit tayo gumagawa ng mabubuting bagay? Hikayatin ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang kanilang mga personal na motibo sa paggawa ng mabuti na gaya ng mga ito. Paano natin mapapadalisay ang ating mga motibo?
Kung hahangarin natin ang “mabubuting bagay” mula sa Ama sa Langit, tatanggapin natin iyon.
-
Para maunawaan ang paanyaya ng Panginoon na humingi, maghanap, at kumatok, maaaring makatulong na siyasatin ang ibig sabihin ng mga salitang ito. Ano ang ipinahihiwatig ng bawat salita tungkol sa ipinagagawa sa atin ng Panginoon? Paano ba tayo hihingi, maghahanap, at kakatok? Paano natupad ang mga pangako sa 3 Nephi 14:7–8 sa ating buhay? Maaari ding rebyuhin ng mga miyembro ng klase ang payo ni Pangulong Russell M. Nelson sa “Karagdagang Resources,” na hinahanap ang kanyang mga itinatanong at ang mga paanyayang kanyang ibinibigay. Bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na pagnilayan at isulat ang kanilang mga sagot sa kanyang mga tanong at ang kanilang mga planong tumugon sa kanyang mga paanyaya.
-
Maaaring hindi nakatitiyak ang ilang miyembro ng klase kung ano ang ibig sabihin ng Tagapagligtas nang sabihin Niyang, “Bawa’t humihingi ay tumatanggap” (3 Nephi 14:8). Bakit parang hindi nasasagot ang ilang panalangin, at bakit kung minsa’y nakakatanggap tayo ng mga sagot na hindi natin gusto? Ang pagrerebyu sa ilan sa mga sumusunod na talata sa banal na kasulatan bilang isang klase ay maaaring makatulong na masagot ang mga tanong na ito: Isaias 55:8–9; Helaman 10:4–5; 3 Nephi 18:20; at Doktrina at mga Tipan 9:7–9; 88:64. Hikayatin ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang natuklasan nila. Paano maaaring maapektuhan ng mga kabatirang ito ang paraan ng ating pagdarasal?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang 3 Nephi 17–19 sa bahay, maaari mo silang anyayahang isipin kung ano kaya ang pakiramdam ng marinig ang Tagapagligtas na ipagdasal sila at ang kanilang pamilya. Sa mga kabanatang ito mababasa nila ang tungkol sa mga taong nagkaroon ng sagradong karanasang ito.
Karagdagang Resources
Maaari nating kontrolin ang ating mga iniisip.
Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson:
“Ang isipan ay naihalintulad sa isang entablado kung saan paisa-isang yugto lamang ang maitatanghal. Mula sa isang panig sinisikap ng Panginoon, na nagmamahal sa iyo, na ilagay sa entablado ng iyong isipan yaong magpapala sa iyo. Mula sa kabilang panig sinisikap ng diyablo, na namumuhi sa iyo, na ilagay sa entablado ng iyong isipan yaong susumpa sa iyo.
“Ikaw ang namamahala sa entablado—ikaw ang nagdedesisyon kung aling kaisipan ang mag-ookupa sa entablado. … Magiging katulad ka ng iniisip mo—kung ano ang patuloy mong pinapayagang mag-okupa sa entablado ng iyong isipan. …
“Kung mga kaisipan ang bumubuo sa ating pagkatao, at nais nating maging katulad ni Cristo, kailangan tayong mag-isip na katulad ni Cristo” (“Think on Christ,” Ensign, Abr. 1984, 10–11).
Nais ng Diyos na mangusap sa inyo.
Sabi ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Ano ang mabubuksan sa inyo ng inyong paghahanap? Anong karunungan ang kulang sa inyo? Ano sa palagay ninyo ang kailangan ninyong malaman o maunawaan kaagad? Tularan ang halimbawa ni Propetang Joseph. Humanap ng tahimik na lugar na palagi ninyong mapupuntahan. Magpakumbaba sa harapan ng Diyos. Ibuhos ang inyong puso sa inyong Ama sa Langit. Humiling sa Kanya ng kasagutan at kapanatagan.
“Ipanalangin sa pangalan ni Jesucristo ang inyong mga alalahanin, ang inyong mga takot, mga kahinaan—oo, ang pinakainaasam ng inyong puso. At makinig! Isulat ang mga naiisip ninyo. Itala ang inyong nadama at isagawa ang mga bagay na ipinahiwatig sa inyong gawin. …
“Talaga bang nais ng Diyos na mangusap sa inyo? Oo! … Nakikiusap ako sa inyo na dagdagan ang inyong espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag. …
“Napakarami pang bagay na nais ng Ama sa Langit na malaman ninyo” (“Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 95).