Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Setyembre 7–13. 3 Nephi 1–7: “Itaas Mo ang Iyong Ulo at Magalak”


“Setyembre 7–13. 3 Nephi 1–7: ‘Itaas Mo ang Iyong Ulo at Magalak,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Setyembre 7–13. 3 Nephi 1–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020

sinasaksihan ng mga Nephita ang araw na walang gabi

Isang Araw, Isang Gabi, at Isang Araw, ni Jorge Cocco

Setyembre 7–13

3 Nephi 1–7

“Itaas Mo ang Iyong Ulo at Magalak”

Maaari kang mahikayat ng Espiritu Santo na magtuon sa partikular na mga alituntunin mula sa 3 Nephi 1–7 sa klase. Maaaring ang mga alituntuning iyon mismo ang magpapala sa isang taong nangangailangan.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Para matulungan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang natututuhan nila sa bahay, ipasulat sa kanila sa mga piraso ng papel ang ilang katotohanang natagpuan nila sa 3 Nephi 1–7 at ang mga reperensya sa banal na kasulatan para sa mga katotohanan. Ilagay ang mga piraso ng papel sa isang lalagyan, at bumunot ng ilan na tatalakayin bilang isang klase. Habang nagbabahagi ang mga miyembro ng klase, isipin kung may kaugnay na mga ideya sa outline na ito na magpapalalim sa talakayan at aakit sa iba pang mga miyembro ng klase.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

3 Nephi 1-7

Ang pagbabalik-loob ay isang prosesong nangangailangan ng masigasig na pagsisikap.

  • Ang 3 Nephi 1–7 ay naglalarawan ng mga taong nagbalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo at ng mga taong hindi nagbalik-loob. Para matukoy ng klase mo kung ano ang ipinagkaiba ng mga grupong ito sa isa’t isa, maaari kang gumawa ng tsart sa pisara na may sumusunod na mga heading: Mga paniniwala at kilos na nagpapahina sa pagbabalik-loob at Mga paniniwala at kilos na nagpapalakas sa pagbabalik-loob. Hatiin ang sumusunod na mga reperensya sa banal na kasulatan sa mga miyembro ng klase, at anyayahan silang punan ang tsart ng natagpuan nila (may mga halimbawang ibinigay para sa unang reperensya).

    Paano natin mapapanatiling malakas ang ating pagbabalik-loob sa kabila ng oposisyon?

  • Maaaring interesado ang klase mo na magsaliksik kung paano patatagin ang tinatawag sa 3 Nephi 1:27–30 na “sumisibol na salinlahi.” Maaari kang magpahanap sa mga miyembro ng klase ng mga dahilan sa mga talatang ito kung bakit hindi kinayang labanan ng mga kabataang Nephita at Lamanita ang kasamaan sa paligid nila. Maaari itong humantong sa isang talakayan tungkol sa ilan sa mga hamong kinakaharap ng bagong henerasyon ngayon at sa pinakamaiinam na paraan para matulungan silang magkaroon ng pananampalataya kay Cristo. Matatagpuan ang ilang mungkahi sa “Karagdagang Resources.”

3 Nephi 1:4–21; 5:1–3

Tutuparin ng Panginoon ang lahat ng Kanyang sinabi.

  • Ang pagbasa sa mga salaysay sa 3 Nephi 1:4–21 at 5:1–3 ay maaaring magpalakas sa pananampalataya ng mga miyembro ng klase mo sa mga pangako ng Panginoon. Marahil ay maaaring sama-samang basahin ng mga miyembro ng klase ang 3 Nephi 1:4–7 at ilista sa pisara kung ano ang maaari nilang madama kung sila ang mga nananampalataya na inilarawan sa mga talatang ito. Maaari din silang mag-isip ng gayong mga sitwasyon na maaari nating kaharapin ngayon. Ano ang matututuhan natin mula sa 3 Nephi 1:8–21 at 5:1–3 tungkol sa Panginoon at sa Kanyang mga pangako? Para mapalawak ang talakayan, maaari ninyong rebyuhin ang isang himno tungkol sa pagtitiwala sa Diyos, tulad ng “Kung Mananalig Kailanman” (Mga Himno, blg. 72). Maaaring magbahagi ng mga karanasan ang mga miyembro ng klase kung kailan ginantimpalaan ang kanilang pananampalataya at tiwala sa Diyos, sa kabila ng oposisyon.

3 Nephi 1:4–15; 5:12–26; 6:10–15; 7:15–26

Tayo ay mga disipulo ni Jesucristo.

  • Ipinahayag ni Mormon, “Masdan, ako ay disipulo ni Jesucristo” (3 Nephi 5:13). Para masiyasat ninyo ng klase mo ang ibig sabihin ng maging disipulo, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang 3 Nephi 1:4–15; 5:12–26; 6:10–15; at 7:15–26, na naghahanap ng mga katangian, paniniwala, at kilos ng mga disipulo ni Cristo. Isiping bigyan ng ilang minuto ang mga miyembro ng klase para pagnilayan at isulat ang isang bagay na magagawa nila para maging mas mabuting disipulo ni Jesucristo.

3 Nephi 2:11–12; 3:12–26; 5:24–26

Kapag nagtitipon ang mabubuti, mapapalakas at mapoprotektahan sila ng Panginoon.

  • Bahagi ng dahilan kaya natalo ng mga Nephita ang mga tulisan ni Gadianton ang pakikiisa nila sa puwersa ng mga Lamanitang nagbalik-loob at pagsunod sa inspiradong tagubilin ni Laconeo na sila ay “sama-samang [magtipon]” sa Zarahemla (3 Nephi 3:22). Anong mga aral ang maaaring ituro nito sa mga miyembro ng klase mo? Maaari mong hilingin sa kanila na magbahagi ng mga karanasan kung kailan napalakas sila ng mabubuting tao sa kanilang paligid. Pagkatapos ay maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na rebyuhin ang 3 Nephi 3:12–26, na hinahanap ang mga dahilan kung bakit nagtipon ang mga Nephita at ang mga pagpapalang naranasan nila. Paano natin mararanasan ang gayon ding mga pagpapala kapag nagtitipon tayo ng mga miyembro ng ating pamilya o ng mga branch at ward? Ano pa ang matututuhan natin tungkol sa pagtitipon mula sa 3 Nephi 5:24–26?

  • Ang pagbasa sa 3 Nephi 3 ay maaaring maging isang pagkakataon para matulungan ang mga miyembro ng klase na makita kung gaano tayo higit na malakas kapag nagsama-sama tayo sa kabutihan. Marahil ay makakaisip ka ng isang object lesson na nagpapakita kung paano mas lumalakas ang isang bagay na mahina kapag nakiisa sa iba pang mga bagay. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na isipin na kunwari’y hinilingan silang kumbinsihin ang mga Nephita tungkol sa mga pakinabang ng pagsasama-sama, gaya ng inilarawan sa mga talata 12–26. Marahil ay maaari silang maggrupu-grupo para talakayin kung paano gawin ito, batay sa nabasa nila sa mga talatang ito. Hayaan silang magbahagi ng kanilang mga ideya. Pagkatapos, maaari ninyong talakayin bilang isang klase ang mga tanong na gaya nito: Anong mga hamon ang kinakaharap natin na maaaring ihalintulad sa mga tulisan ni Gadianton? Paano natin magagawang mga lugar ng kanlungan ang ating tahanan at ating ward?

3 Nephi 3:1–13

Hindi tayo kailangang matakot kay Satanas.

  • Ang sulat ni Giddianhi, ang pinuno ng mga tulisan ni Gadianton, ay isang pagtatangka na takutin at linlangin ang mga Nephita. Marahil ay maaaring rebyuhin ng mga miyembro ng klase ang kanyang mga salita na matatagpuan sa 3 Nephi 3:2–10 at ikumpara ang mga ito sa mga paraan na maaaring subukin ni Satanas na linlangin tayo ngayon. Ano ang matututuhan natin mula sa reaksyon ni Laconeo, ang punong hukom ng mga Nephita?

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Para mahikayat ang mga miyembro ng klase mo na basahin ang 3 Nephi 8–11 para sa klase sa susunod na linggo, sabihin sa kanila na nasa 3 Nephi 11 “ang pinakamahalagang kaganapan” sa Aklat ni Mormon—ang personal na ministeryo ni Jesucristo sa mga Nephita (tingnan sa pambungad sa Aklat ni Mormon).

icon ng resources

Karagdagang Resources

Pagtulong na magkaroon ng pananampalataya ang bagong henerasyon.

Nagmungkahi si Elder Valeri V. Cordón ng Pitumpu ng tatlong paraan para matulungan ang bagong henerasyon na manatiling tapat sa ebanghelyo:

  1. “Maging Mas Masigasig at Mapagmalasakit sa Tahanan. … Ang epektibong pagtuturo ay napakahalaga upang mapanatili ang ebanghelyo sa ating pamilya, at ito ay nangangailangan ng sigasig at pagsisikap. Maraming beses na tayong hinikayat na ugaliing pag-aralan ang mga banal na kasulatan nang sarilinan at nang kasama ang pamilya araw-araw. Ang maraming pamilya na gumagawa nito ay higit na nagkakaisa at mas napapalapit sa Panginoon.”

  2. “Pagpapakita ng Mabuting Halimbawa sa Tahanan. … Hindi sapat na sabihin lang sa ating mga anak ang kahalagahan ng pagpapakasal sa templo, pag-aayuno, at pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath. Dapat makita nila na naglalaan tayo ng oras para pumunta sa templo nang madalas hangga’t maaari. Kailangang makita nila na masigasig tayong nag-aayuno nang regular at pinapanatili [nating] banal ang Sabbath sa buong araw.

  3. “Mga Tradisyon. … Bilang mga pamilya, kailangan nating iwasan ang anumang tradisyon na hahadlang sa atin na mapanatiling banal ang araw ng Sabbath o mag-aral ng mga banal na kasulatan at magdasal sa tahanan araw-araw. Kailangan nating ingatan na huwag makapasok sa ating tahanan ang pornograpiya at iba pang masasamang impluwensyang nakukuha sa internet. Upang mapaglabanan ang masasamang kaugalian o tradisyon sa ating panahon, kailangan nating gamitin ang mga banal na kasulatan at ang tinig ng ating mga propeta upang maituro natin sa ating mga anak ang kanilang banal na pagkatao, ang kanilang layunin sa buhay, at ang banal na misyon ni Jesucristo” (“Ang Wika ng Ebanghelyo,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 56–57; idinagdag ang italics).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Isama ang mga nahihirapan. Kung minsa’y kailangang isama ang nahihirapang mga miyembro ng klase para madama na may nagmamahal sa kanila. Isiping paganapin sila sa isang papel sa isang darating na lesson o tiyakin na may masasakyan sila papuntang simbahan. Huwag sumuko kung hindi sila tumugon sa iyong mga pagsisikap sa simula. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 8–9.)