Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Agosto 31–Setyembre 6. Helaman 13–16: “Masayang Balita ng Malaking Kagalakan”


“Agosto 31–Setyembre 6. Helaman 13–16: ‘Masayang Balita ng Malaking Kagalakan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Agosto 31–Setyembre 6. Helaman 13–16,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020

nagtuturo si Samuel na Lamanita mula sa ibabaw ng pader

Si Samuel na Lamanita sa Ibabaw ng Pader, ni Arnold Friberg

Agosto 31–Setyembre 6

Helaman 13–16

“Masayang Balita ng Malaking Kagalakan”

Sa palagay mo, alin sa mga turo at propesiya ni Samuel na Lamanita ang lubos na makakatulong sa mga miyembro ng klase mo? Habang pinag-aaralan mo ang Helaman 13–16, pagnilayan kung paano mo sila matutulungang makahanap ng kabuluhan sa mga kabanatang ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi sa isang partner ang isang bagay na natutuhan nila, mas naunawaan nila, o ipinamuhay nila nang mabasa nila ang kuwento ni Samuel na Lamanita sa Helaman 13–16 sa linggong ito. Pagkatapos ay hayaang magbahagi ang ilan sa kanila sa buong klase.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Helaman 13

Ang mga lingkod ng Panginoon ay nagsasalita at kumikilos ayon sa patnubay ng Diyos.

  • May ipinagawa ang Panginoon kay Samuel na Lamanita na maaaring tila mahirap: ang mangaral sa mga tao na dating nagtaboy sa kanya palabas ng kanilang lungsod. Ang pagbasa sa Helaman 13:2–5 ay maaaring ipaalala sa mga miyembro ng klase ang mahihirap na bagay na ipinagawa sa kanila ng Panginoon. Anyayahan silang ibahagi ang kanilang mga karanasan. Paano sila tinulungan ng Panginoon? Halimbawa, maaari sigurong magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga karanasan kung kailan may inilagay ang Panginoon sa kanilang puso na nais Niyang sabihin nila sa isang tao (tingnan sa talata 4). Anong mga pagpapala ang nakita ng mga miyembro ng klase nang sundin nila ang utos ng Panginoon?

    Pangulong Russell M. Nelson

    Inaakay tayo ng propeta patungo kay Jesucristo.

  • Bagama’t ang mga babala ni Samuel ay para sa mga Nephita na matitigas ang puso, may ilang aral sa Helaman 13 para sa ating lahat. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na makasumpong ng personal na kabuluhan sa kanyang mga salita, maaari mo silang anyayahang saliksikin ang Helaman 13 para sa isang mensaheng tila akma sa ating panahon. (Kung kailangan nila ng tulong, maaari mong isulat ang sumusunod na mga talata sa pisara: 8, 21–22, 26–29, 31, at 38.) Pagkatapos ay maaari nilang ibahagi ang natagpuan nila sa kanilang kapareha, sa maliliit na grupo, o sa buong klase. Anong mga mensaheng katulad nito ang naibigay na sa atin ng mga propeta ngayon?

Helaman 14; 16:13–23

Mapapalalakas ng mga palatandaan at kababalaghan ang pananampalataya ng mga taong hindi pinatitigas ang kanilang puso.

  • Iminumungkahi sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya na hanapin ang mga palatandaang naibigay na sa atin ng Panginoon “[para] maniwala [tayo] sa kanyang pangalan” (Helaman 14:12). Marahil ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang natuklasan nila nang pagnilayan nila ang ideyang ito. Tiyaking ipaliwanag na ang mga palatandaan sa ating buhay ay maaaring di-gaanong madula at mas personal kaysa sa mga palatandaang ipinropesiya ni Samuel. Anong iba pang mga layunin ng mga palatandaang ito ang iminungkahi sa Helaman 14:28–30? Maaari ding magbahagi ang mga miyembro ng klase ng iba pang mga bagay na nagawa ng Panginoon para tulungan silang magkaroon ng pananampalataya sa Kanya.

  • Ang pagbabasa tungkol sa kung paano natupad ang mga propesiya ni Samuel ay maaaring magpatatag sa pananampalataya ng mga miyembro ng klase kay Jesucristo at sa Kanyang misyon. Maaari sigurong gamitin ng mga miyembro ng klase ang Helaman 14 para makagawa ng isang tsart na may listahan ng mga propesiya ni Samuel tungkol sa pagsilang at kamatayan ni Cristo sa isang panig at sa kabilang panig naman ang mga reperensya sa banal na kasulatan kung saan natupad ang mga propesiyang ito. Maaaring kabilang sa ilan sa mga reperensyang ito ang mga talata mula sa 3 Nephi 1:15–21 at 3 Nephi 8:5–25. Bakit mahalagang malaman natin ang tungkol sa mga propesiyang ito at ang katuparan ng mga ito?

  • Maaaring napansin ng mga miyembro ng klase—sa Helaman 16 at sa iba pang mga bahagi ng mga banal na kasulatan—na hindi komo nakakita ng mga palatandaan at kababalaghan ang isang tao ay maniniwala na siya kay Cristo. Anyayahan silang magbahagi ng ilang halimbawa mula sa mga banal na kasulatan ng mga taong nakakita ng mga palatandaan subalit hindi naniwala. Ayon sa Helaman 16:13–23, bakit maraming tao noong panahon ni Samuel na Lamanita na hindi naniwala sa mga palatandaan at propesiya? Paano kinukumbinsi ni Satanas ang mga tao na “umasa sa kanilang sariling lakas at … karunungan” ngayon? (Helaman 16:15). Ano ang matututuhan natin mula sa kuwentong ito na makakatulong sa atin na maiwasan ang gayong mga pagkakamali?

Helaman 15:3

Pinarurusahan ng Panginoon ang mga mahal Niya.

  • Maraming mahihigpit na parusa sa mga salita ni Samuel, ngunit ang Helaman 15:3 ay nagbibigay ng kakaibang pananaw tungkol sa pagpaparusa ng Panginoon. Ang isang paraan para maipaunawa sa mga miyembro ng klase ang pananaw na ito ay sama-samang basahin ang talatang ito at anyayahan silang magbahagi ng katibayang nakikita nila tungkol sa pagmamahal at awa ng Diyos sa mga propesiya at babala ni Samuel. Paano maaaring maging palatandaan ng pagmamahal ng Panginoon ang Kanyang pagpaparusa?

  • Para matulungan ang mga miyembro ng klase na mas maunawaan ang mensahe sa Helaman 15:3, maaari mong ibahagi ang tatlong layunin ng banal na pagpaparusa na itinuro ni Elder D. Todd Christofferson (tingnan sa “Karagdagang Resources”). Hatiin ang klase sa tatlong grupo, at ipatalakay sa bawat grupo ang isa sa mga layuning ito (makakatulong ang mga talata sa banal na kasulatan at mga video na iminungkahi sa “Karagdagang Resources”). Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng bawat grupo sa klase ang anumang mga kabatiran mula sa kanilang talakayan na nakakatulong sa kanila na mas maunawaan na pinarurusahan ng Panginoon ang mga taong mahal Niya.

Helaman 16

Inaakay tayo ng propeta patungo sa Panginoon.

  • Sa Helaman 16, ano ang matututuhan natin mula sa mga taong tumanggap sa mga turo ni Samuel? Ano ang matututuhan natin mula sa mga taong hindi tumanggap sa kanya? Maaaring nakakaantig na marinig ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung paano nila natamo ang kanilang patotoo tungkol sa kahalagahan ng pagsunod sa mga buhay na propeta. Maaari din nilang ibahagi kung paano nila gagamitin ang Helaman 16 o ang sinabi ni Elder Andersen sa “Karagdagang Resources” para ipaliwanag sa isang tao kung bakit nila pinipiling sundin ang propeta.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang 3 Nephi 1–7 sa susunod na linggo, maaari mong sabihin sa kanila na marami sa mga propesiyang nabasa nila sa linggong ito ang matutupad sa mga kabanatang ito.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Mga layunin ng banal na pagpaparusa.

Nagbahagi si Elder D. Todd Christofferson ng tatlong layunin ng banal na pagpaparusa (tingnan sa “Ang Lahat Kong Iniibig, ay Aking Sinasaway at Pinarurusahan,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 97–100):

  1. “Hikayatin tayong magsisi.” Tingnan sa Eter 2:14–15; Doktrina at mga Tipan 1:27; 93:41–50; 105:6.

  2. “Dalisayin at pabanalin tayo.” Tingnan sa Mosias 23:21–22; Doktrina at mga Tipan 101:1–5; 136:31.

  3. “Itama ang direksyon ng buhay natin sa alam ng Diyos na mas mabuting landas.” Tingnan ang kuwento tungkol kay Pangulong Hugh B. Brown at ang currant bush sa mensahe ni Elder Christofferson (mga pahina 98–99).

Nagagalak tayo na mayroon tayong propeta.

Itinuro ni Elder Neil L. Andersen:

“Ang propeta ay hindi tumatayo sa pagitan natin at ng Tagapagligtas. Sa halip, tumatayo siya sa ating tabi at itinuturo ang daan patungo sa Tagapagligtas. Ang pinakamalaking responsibilidad at ang pinakamahalagang kaloob sa atin ng propeta ay ang kanyang tapat na patotoo, ang kanyang tiyak na kaalaman, na si Jesus ang Cristo. Tulad ni Pedro noong unang panahon, ipinahahayag ng ating propeta, ‘[Siya] ang Cristo, ang Anak ng Dios na buhay’ [Mateo 16:16; tingnan din sa Juan 6:69].

“Balang araw, sa pagbabalik-tanaw natin sa ating mortalidad, magagalak tayong lumakad tayo sa mundo sa panahon ng isang buhay na propeta. Sa araw na iyon, dalangin kong masabi natin na:

“Nakinig kami sa kanya. Naniwala kami sa kanya. Pinag-aralan namin ang kanyang mga salita nang may pagtitiyaga at pananampalataya. Ipinagdasal namin siya. Sumuporta kami sa kanya. Naging mapagpakumbaba kami para masunod siya. Minahal namin siya” (“Ang Propeta ng Diyos,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 27).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Kilalanin ang mga tinuturuan mo. Walang dalawang tao na parehong-pareho. Bawat taong tinuturuan mo ay may kakaibang pinagmulan, pananaw, at mga kakayahan. Ipagdasal na malaman kung paano mo magagamit ang mga pagkakaibang ito para matulungan ang mga miyembro ng klase na matuto. Habang mas nauunawaan mo ang mga tinuturuan mo, makakagawa ka ng makabuluhan at di-malilimutang mga sandali ng pagtuturo. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 7.)