Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Setyembre 14–20. 3 Nephi 8–11: “Bumangon at Lumapit sa Akin”


“Setyembre 14–20. 3 Nephi 8–11: ‘Bumangon at Lumapit sa Akin,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Setyembre 14–20. 3 Nephi 8–11,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020

si Jesus na nagpapakita sa mga Nephita

Ako ang Ilaw ng Sanglibutan, ni James Fullmer

Setyembre 14–20

3 Nephi 8–11

“Bumangon at Lumapit sa Akin”

Ang paggunita sa mga impresyong itinala mo sa iyong personal na pag-aaral ng 3 Nephi 8–11 ay maaaring maghikayat ng mga ideya sa pagtuturo. Ang mga mungkahi sa ibaba ay makapagbibigay sa iyo ng iba pang mga ideya.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Kung minsan ay mas malamang na magbahagi ang mga tao kung hihiling ka ng isang partikular na bagay. Halimbawa, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng isang bagay mula sa 3 Nephi 8–11 na nakapagturo sa kanila tungkol sa pagkatao ni Jesucristo. Maaari mong ipaabot ang paanyayang ito ilang araw bago magklase para handa silang magbahagi pagdating nila.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

3 Nephi 8–10

Kung tayo ay magsisisi, titipunin, poprotektahan, at pagagalingin tayo ng Tagapagligtas.

  • Ang mga kabanatang ito ay naglalaman ng mga salaysay tungkol sa pagkasira at pagkawasak, ngunit nagtuturo din ito ng mga espirituwal na aral na makakatulong sa atin na mas mapalapit kay Jesucristo. Marahil ay maaari mong hatiin ang klase sa tatlong grupo at atasan ang bawat grupo na saliksikin ang isang kabanata mula sa 3 Nephi 8–10, na naghahanap ng mga salita o pariralang naglalarawan kung ano ang natutuhan o naranasan ng mga tao. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng isang tao mula sa bawat grupo ang natuklasan ng kanilang grupo sa buong klase. Hikayatin ang mga miyembro ng klase na talakayin kung paano makakatulong ang mga espirituwal na aral na ito na mas mapalapit tayo sa Tagapagligtas.

  • Ang isang mahalagang mensahe sa mga kabanatang ito ay na tinutulungan tayo ng Tagapagligtas nang may pagmamahal at awa kahit sa ating pinakamahihirap na pagsubok. Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na mag-isip ng isang tao na nagdaraan sa mahirap na pagsubok at pagkatapos ay saliksikin ang mga salita ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 9:13–22 at 10:1–10 para makahanap ng mga pariralang maaaring makatulong sa taong iyon. Marahil ay maaari ding magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga personal na karanasan kung kailan nadama nila na tinutulungan sila ng Tagapagligtas.

3 Nephi 9:19–22

Humihiling ang Panginoon ng “bagbag na puso at nagsisising espiritu.”

  • Bago pumarito ang Tagapagligtas, sinunod ng matatapat na nasa lupang pangako ang batas ni Moises, na kinabilangan ng pagsasakripisyo ng mga hayop. Para mas maipaunawa sa mga miyembro ng klase ang batas na ito, maaari mong rebyuhin nang bahagya ang Moises 5:5–8. Bakit inutusan ang mga tao ng Diyos na magsakripisyo ng mga hayop noong unang panahon? Ano ang bagong utos na ibinigay ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 9:20, at paano tayo itinuturo nito sa Kanya at sa Kanyang sakripisyo? Makakatulong ang mga sipi tungkol sa batas ng sakripisyo sa “Karagdagang Resources.”

  • Paano mo maipauunawa sa mga miyembro ng klase ang ibig sabihin ng magkaroon ng bagbag na puso at nagsisising espiritu? Marahil ay maaari kang magsimula sa pagsulat sa pisara ng mga salitang bagbag, nagsisisi, at sakripisyo. Pagkatapos ay maaari kang magpadrowing sa mga miyembro ng klase ng mga larawang kumakatawan sa kahulugan ng mga salitang ito para sa kanila o magpasulat ng mga salita o pariralang iniuugnay nila sa mga katagang ito. Habang ibinabahagi ng mga miyembro ng klase ang kanilang mga larawan, salita, o parirala, maaari nilang talakayin kung paano ito nauugnay sa hinihiling ng Tagapagligtas sa atin sa 3 Nephi 9:19–22. Makakatulong din ang pahayag ni Elder D. Todd Christofferson sa “Karagdagang Resources.”

3 Nephi 11:1–17

Si Jesucristo ang Ilaw ng Sanlibutan.

  • Ang mga pangyayaring nakalarawan sa 3 Nephi 11:1–17 ay kabilang sa pinakasagrado sa Aklat ni Mormon. Isiping bigyan ng ilang sandali ang mga miyembro ng klase mo para basahin nang tahimik ang mga talatang ito. Marahil ay maaari mong isulat sa pisara ang ilang tanong na pagninilayan nila habang nagbabasa sila, tulad nito: Ano kaya ang madarama ninyo kung kasama kayo ng mga taong ito? Ano ang hinahangaan ninyo tungkol sa Tagapagligtas sa mga talatang ito? Ano ang natutuhan ninyo mula sa halimbawa ni Jesus? o Anong mga karanasan ang nagbigay sa inyo ng patotoo na si Jesucristo ang inyong Tagapagligtas? Maaari mong payagan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang ilan sa kanilang mga kaisipan o impresyon.

    ipinapakita ni Jesus sa mga Nephita ang mga bakas ng pako sa Kanyang mga kamay

    Isa-Isa, ni Walter Rane

3 Nephi 11:10–41

Itinatag ni Jesucristo ang Kanyang Doktrina at Kanyang Simbahan.

  • Maaaring makatulong na banggitin ang mga unang bagay na piniling sabihin at gawin ng Tagapagligtas nang magpakita Siya sa lupaing Masagana [Bountiful]. Maaari sigurong markahan o isulat ng mga miyembro ng klase ang mga katotohanang natukoy nila mula sa mga salita at kilos ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 11:10–41. Anyayahan silang ibahagi ang kanilang natagpuan. Ano ang matututuhan natin sa mga talatang ito tungkol sa Tagapagligtas? Ano ang matututuhan natin tungkol sa Kanyang Simbahan?

  • Para tapusin ang malinaw na mga di-pagkakasundo ng mga tao na may kaugnayan sa binyag, inihayag ng Tagapagligtas ang mahahalagang katotohanan tungkol sa ordenansang ito sa 3 Nephi 11. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na matuklasan ang mga katotohanang ito, maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na mga numero ng talata: 21–25, 26–27, 33–34. Anyayahan ang bawat miyembro ng klase na pumili ng isa o dalawang talata at ibahagi ang isang katotohanang itinuturo nito tungkol sa binyag.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Maaaring interesado ang klase mo na malaman na napakalaki ng naging epekto ng pagdalaw ng Tagapagligtas sa mga Nephita at Lamanita kaya namuhay nang payapa ang dating palaaway na mga tao sa sumunod na 200 taon (tingnan sa 4 Nephi 1). Maaari itong makahikayat sa mga miyembro ng klase na pag-aralan ang 3 Nephi 12–16 para malaman ang itinuro ng Tagapagligtas sa mga tao na maaaring humantong sa malaking pagbabago.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Ang batas ng sakripisyo.

Ipinaliwanag ni Pangulong M. Russell Ballard ang isang paraan na isinasabuhay natin ang batas ng sakripisyo ngayon:

“Pagkatapos ng panghuling sakripisyo ng Tagapagligtas, dalawang pagbabago ang ginawa sa kinagawiang [batas ng sakripisyo]. Una, pinalitan ng ordenansa ng sakramento ang ordenansa ng sakripisyo; at pangalawa, inilipat ng pagbabagong ito ang tuon ng sakripisyo mula sa hayop na alaga ng tao tungo sa tao mismo. Sa isang banda, ang sakripisyo ay nalipat mula sa alay tungo sa nag-aalay. …

“… Sa halip na hilingin ng Panginoon ang ating mga hayop o ani, ngayo’y nais Niyang iwaksi natin ang lahat ng hindi makadiyos. …

“… Kapag dinaraig natin ang ating mga makasariling hangarin at inuuna natin ang Diyos sa ating buhay at nakikipagtipan tayong maglingkod sa Kanya anuman ang maging kapalit, isinasabuhay natin ang batas ng sakripisyo” (“The Law of Sacrifice,” Ensign, Okt. 1998, 10).

Sabi ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang tunay at personal na sakripisyo ay hindi kailanman ang pag-aalay ng isang hayop sa altar. Sa halip, ito ay ang kahandaang ialay sa altar ang ating kahayupan at pagpayag na ito ay matupok!” (“Deny Yourselves of All Ungodliness,” Ensign, Mayo 1995, 68).

Isang bagbag na puso at nagsisising espiritu.

Inilarawan ni Elder D. Todd Christofferson ang ibig sabihin ng magkaroon ng bagbag na puso at nagsisising espiritu:

“Maihahandog ninyo sa Panginoon ang inyong bagbag o nagsisising puso at ang inyong nagsisisi o masunuring espiritu. Ang totoo, paghahandog ito ng inyong sarili—kung ano kayo ngayon at kung ano ang inyong kahihinatnan.

“Mayroon bang marumi o hindi marapat sa pagkatao ninyo o sa inyong buhay? Kapag inalis ninyo ito, iyan ay handog sa Tagapagligtas. May magandang ugali o katangian bang kulang sa buhay ninyo? Kapag tinaglay at ginawa ninyo itong bahagi ng inyong pagkatao, naghahandog kayo sa Panginoon” (“Kapag Ikaw ay Nagbalik-loob,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 12).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Makipagtulungan sa mga miyembro ng pamilya. “Ang mga taong may pinakamalaking impluwensya sa isang indibiduwal—sa kabutihan man o sa kasamaan—ay kadalasang ang mga taong kasama niya sa bahay. Dahil ang tahanan ang sentro ng pamumuhay at pag-aaral ng ebanghelyo, ang mga pagsisikap mong palakasin ang isang miyembro ng klase ay magiging napakaepektibo kapag nagpatulong ka sa … mga kamag-anak” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 8–9).