“Agosto 24–30: ‘Alalahanin ang Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Agosto 24–30. Helaman 7–12,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020
Agosto 24–30
Helaman 7–12
“Alalahanin ang Panginoon”
Hinikayat ni Nephi ang kanyang mga tao na alalahanin ang Panginoon. Magagawa mo rin ito para sa mga tinuturuan mo. Habang binabasa mo ang Helaman 7–12, itala ang mga impresyon kung paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase na alalahanin ang Panginoon.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang mga miyembro ng klase na isulat sa pisara ang ilang alituntunin ng ebanghelyo na natagpuan nila sa Helaman 7–12, pati na ang mga reperensya kung saan matatagpuan ang mga alituntuning ito. Pagkatapos ay maaari kayong magpasiya bilang isang klase kung alin sa mga alituntunin at talatang ito ang tatalakayin ninyo.
Ituro ang Doktrina
Ipinapahayag ng mga propeta ang kalooban ng Diyos sa mga tao.
-
Para matulungan ang klase mo na matuto mula sa Helaman 7–11 tungkol sa mga tungkulin at responsibilidad ng mga propeta, maaari kang magsimula sa sama-samang pagbabasa ninyo ng entry para sa “Propeta” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Maaaring tukuyin ng mga miyembro ng klase ang binanggit na mga tungkulin ng mga propeta at ilista ang mga ito sa pisara. Pagkatapos ay maaari mong iparebyu sa bawat isa sa mga miyembro ng klase ang isang kabanata mula sa Helaman 7–11. Hilingin sa kanila na hanapin kung paano tinupad ni Nephi ang mga tungkuling nakalista sa pisara. Paano tinutupad ng ating mga buhay na propeta at apostol ang mga tungkuling ito? Paano natin sila masusuportahan sa kanilang mga responsibilidad?
-
Bakit kailangang magsalita ang mga propeta nang may katapangan kung minsan na gaya ng ginawa ni Nephi? Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang Helaman 7:11–29, na hinahanap ang mga babalang ibinigay ni Nephi at ang mga dahilan kaya niya kinailangang magpakatapang sa pagbibigay ng mga iyon sa kanila. Anong mga babala ng propeta ang nakahikayat sa atin na magsisi at lumapit sa Panginoon? Sa “Karagdagang Resources” makikita mo ang isang metaporang ginamit ni Elder Neil L. Andersen para maipaunawa sa atin ang mga panganib ng pagbabalewala sa mga babala ng propeta.
Kailangan ay hindi lamang sa mga palatandaan at himala nakasalig ang pananampalataya.
-
Ang isang paraan para matalakay ang mga talatang ito ay hatiin ang klase sa dalawang grupo at anyayahan ang bawat grupo na basahin ang Helaman 9:1–20 at isipin na kunwari’y sila ang nasa lugar ng limang lalaki o ng mga punong hukom. Ano kaya ang nadama ng mga taong ito? Ano ang maaaring nakaimpluwensya sa bawat grupo na tumugon nang magkaiba sa iisang mahimalang propesiya? Paano natin matitiyak na napapalakas ng mga himala ang ating patotoo ngunit hindi lamang ito ang nagiging batayan nito? Paano natin malalaman kung ang mga salita ng propeta sa ating panahon ay totoo?
Ang Panginoon ay nagbibigay ng kapangyarihan sa mga naghahangad sa Kanyang kalooban at sumusunod sa Kanyang mga kautusan.
-
Ang salaysay tungkol sa pagpapala ng Panginoon kay Nephi sa Helaman 10 ay makakahikayat sa mga miyembro ng klase mo na maging mas masigasig sa paghahangad at pagsunod sa kalooban ng Panginoon. Maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang mga talata 1–12, na hinahanap kung ano ang ginawa ni Nephi para pagtiwalaan siya ng Panginoon at kung paano siya pinagpala ng Panginoon. Pagkatapos ay maaari silang magbahagi ng iba pang mga halimbawa ng mga taong naghangad at sumunod sa kalooban ng Panginoon “nang walang kapaguran” (Helaman 10:4), mula sa mga banal na kasulatan o kaya’y sa sarili nilang buhay. Paano pinagpala ng Panginoon ang mga taong ito ng kakayahang “[patagin]” (Helaman 10:9) ang matalinghagang mga bundok sa kanilang buhay? Bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang mga paraan na maaari nilang higit na hangarin ang kalooban ng Panginoon at sundin ang Kanyang mga utos.
Nais ng Panginoon na alalahanin natin Siya.
-
Marami nang miyembro ng klase mo ang nakipagtipan na laging alalahanin si Jesucristo. Marahil ay maaari nilang ibahagi sa isa’t isa ang ilang bagay na nakakatulong sa kanila na “lagi siyang alalahanin” (Moroni 4:3; D at T 20:77), kapwa sa mga panahon ng kasaganaan at mga panahon ng kahirapan. Pagkatapos ay maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang Helaman 12 para sa mga dahilan kaya madalas malimutan ng mga tao ang Panginoon. Paano natin mapaglalabanan ang mga inklinasyong inilarawan sa kabanatang ito? Paano nakatulong ang kahirapan para maalala natin ang Diyos? (tingnan sa Helaman 11:4–7).
-
Para maipamalas ang pagsisikap na kinakailangan para maalala ang isang bagay, maaari mong bigyan ng ilang minuto ang mga miyembro ng klase para basahin ang Helaman 12. Pagkatapos ay maaari mo silang tanungin tungkol sa kabanata para makita kung ano ang naaalala nila. Maaari siguro nilang ibahagi kung ano ang ginagawa nila para maalala ang impormasyon para sa isang pagsusulit. Paano ito natutulad sa pagsisikap na kailangan sa “pag-alaala sa Panginoon”? (Helaman 12:5). Paano ito naiiba? Anyayahan ang klase na maghanap ng isang talata o parirala mula sa Helaman 12 na maaari nilang idispley sa kanilang tahanan o isaulo para ipaalala sa kanila na alalahanin ang kabutihan at kapangyarihan ng Diyos.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang Helaman 13–16, maaari mong ipaliwanag na ang mga propesiya ni Samuel na Lamanita tungkol sa mga kaganapang nauugnay sa pagsilang at Pagpapako sa Tagapagligtas sa krus ay maikukumpara sa mga kaganapan sa ating panahon na mauuna sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.
Karagdagang Resources
Makinig sa patnubay ng mga propeta.
Ibinahagi ni Elder Neil L. Andersen ang sumusunod na karanasan:
“Yaong mga pumipiling maglingkod sa Panginoon ay laging makikinig na mabuti lalo na sa Propeta. …
“… Magpaliliwanag ako gamit ang isang karanasan. Nanirahan nang maraming taon ang aming pamilya sa estado ng Florida. Dahil maraming buhangin sa Florida, ang mga damuhan doon ay may tanim na mga damong malalapad ang dahon na tinatawag naming Saint Augustine. Ang isang mabigat na kalaban ng damuhan sa Florida ay ang maliit na insektong kulay-brown na tinatawag na mole cricket (taling kuliglig).
“Isang gabi habang nakatayo kami ng kapitbahay ko sa hagdan sa harapan ng bahay ko, napansin niya ang isang maliit na insekto na tumatawid sa bangketa ko. ‘Bombahan mo ng insecticide ang damuhan mo,’ babala niya. ‘Hayun ang isang kuliglig.’ Nabombahan ko na ng insecticide ang damuhan ilang linggo pa lang ang nakararaan, at palagay ko wala akong oras o pera para muling gawin iyon kaagad.
“Kinaumagahan, sinuri kong mabuti ang damuhan ko. Malago iyon at napakaganda ng pagkaberde. Sinipat ko ang damuhan para tingnan kung may makikita akong anumang maliliit na insekto. Wala akong makita. Naaalala ko na inisip ko, ‘Nakiraan lang siguro ang maliit na kuliglig na iyon sa bakuran ko papunta sa bakuran ng kapitbahay ko.’ …
“Gayunman, malungkot ang wakas ng kuwento. Lumabas ako ng pintuan sa harapan isang umaga, mga 10 araw matapos kaming mag-usap ng kapitbahay ko. Ang nakakagulat, parang nangyari iyon sa loob ng magdamag, puno ng batik-batik na kulay-brown ang damuhan ko. Agad akong nagpunta sa tindahan ng mga halaman, bumili ng insecticide, at binombahan ko iyon kaagad, pero huli na ang lahat. Sira na ang damuhan, at kinailangan ng bagong damo, matagalang trabaho, at malaking gastos para mabalik ito sa dati.
“Mahalaga ang babala ng kapitbahay ko sa ikabubuti ng damuhan ko. Nakita niya ang mga bagay na hindi ko nakita. May alam siya na hindi ko alam. Alam niya na nakatira ang mga kuliglig sa ilalim ng lupa at aktibo lang sa gabi, kaya hindi naging epektibo ang mga pagsisiyasat ko sa araw. Alam niya na hindi kinain ng mga kuliglig ang mga dahon ng damo kundi sa halip ay kinain nila ang mga ugat. Alam niya na kayang kainin ng isang-pulgadang maliliit na nilikhang ito ang maraming ugat bago ko pa makita ang epekto nito sa ibabaw ng lupa. Malaki ang naging kapalit ng pag-asa ko sa sarili kong kaalaman. …
“… May mga espirituwal na kuliglig na naglulungga sa ilalim ng mga pader na nagpoprotekta sa atin at lumulusob sa ating maseselang ugat. Marami sa mga insektong ito ng kasamaan ang mukhang maliliit, at kung minsa’y halos hindi makita. …
“Huwag nating sundan ang pattern na ipinakita ko sa pagharap sa aking mga kuliglig sa Florida. Huwag nating balewalain kailanman ang mga babala. Huwag tayong umasa kailanman sa sarili nating kaalaman. Lagi tayong makinig at matuto nang may pagpapakumbaba at pananampalataya, sabik na magsisi kung sakaling kailanganin” (“Prophets and Spiritual Mole Crickets,” Ensign, Nob. 1999, 16–18).