“Agosto 3–9. Alma 43–52: ‘Matatag na Maninindigan sa Pananampalataya kay Cristo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Agosto 3–9. Alma 43–52,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020
Agosto 3–9
Alma 43–52
“Matatag na Maninindigan sa Pananampalataya kay Cristo”
Bukod sa pagrerebyu ng mga aktibidad na nakamungkahi rito, maghangad ng sarili mong inspirasyon habang mapanalangin mong pinag-aaralan ang Alma 43–52 at pag-isipan kung paano tutulungan ang mga miyembro ng klase na matuklasan ang doktrinang itinuturo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Para maanyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang natututuhan nila mula sa Alma 43–52, maaari mong itanong sa kanila kung paano sila tutugon sa isang taong nagsasabi na, “Hindi ko talaga maunawaan kung paano nagkaroon ng anumang kaugnayan sa buhay ko ang mga digmaang inilarawan sa Aklat ni Mormon.”
Ituro ang Doktrina
Ang mga digmaan sa Aklat ni Mormon ay nagtuturo sa atin tungkol sa ating mga pakikibaka laban sa kasamaan.
-
Sa kanilang indibiduwal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya sa linggong ito, maaaring napagnilayan o naitala na ng mga miyembro ng klase ang mga iniisip nila tungkol sa kung paano matagumpay na ipinagtanggol ng mga Nephita ang kanilang sarili laban sa mga Lamanita at paano sinalakay ng mga Lamanita ang mga Nephita. Kung ginawa ito ng mga miyembro ng klase sa bahay, anyayahan silang ibahagi ang natuklasan nila. O maaari mong bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na hanapin ang mga kabatirang ito sa klase gamit ang mga banal na kasulatan tulad ng matatagpuan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Habang ibinabahagi ng mga miyembro ng klase ang natuklasan nila, hikayatin silang talakayin kung paano natin masusundan ang halimbawa ng mga Nephita sa pagtatanggol sa ating sarili laban sa kasamaan at paano natin makikilala ang mga espirituwal na pag-atake sa atin ni Satanas.
Kung matapang tayo sa pagtatanggol sa ating pananampalataya, mahihikayat natin ang iba na maging matapat.
-
Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase na sundan ang halimbawa ni Moroni na buong tapang na ipinagtanggol ang kanilang pananampalataya sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo? Maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang Alma 46:11–22 at tukuyin kung ano ang ginawa ni Moroni at ano ang itinuro niya na nakahikayat sa kanyang mga tao na maging mas tapat. Maaari mong isulat ang mga bagay na ito sa pisara sa ilalim ng heading na Halimbawa ni Moroni. Pagkatapos ay maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na pagnilayan ang mga ginawa ni Moroni at imungkahi kung ano ang magagawa natin ngayon para maipagtanggol ang ating mga paniniwala. Maaari mong isulat ang kanilang mga kabatiran sa ilalim ng heading na Buong Tapang na Ipinagtatanggol ang Ebanghelyo Ngayon. Anong mga katotohanan at pagpapahalaga ang itinuro sa atin ng ating propeta kamakailan na dapat nating ituro at ipagtanggol?
-
Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase na sundan ang ginawa ni Moroni sa bandila ng kalayaan sa sarili nilang buhay? Anyayahan silang basahin ang Alma 46:11–22 at tukuyin ang mga katotohanang itinuturo at pinasusuportahan ni Moroni noon sa kanyang mga tao. Anong mga katotohanan at pagpapahalaga ang binigyang-diin ng mga pinuno ng ating Simbahan sa ating panahon? (Maaari mong rebyuhin ang ilan sa mga ito sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” o sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya kamakailan.) Ano ang mga hamon sa atin sa pagtatanggol sa ating mga paniniwala sa mundo ngayon? Ano ang maaari nating matutuhan mula sa halimbawa ni Moroni? Bigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng klase na lumikha ng sarili nilang bandila ng kalayaan na maaaring magpaalala sa kanila na buong tapang na ipamuhay at ipagtanggol ang kanilang mga paniniwala.
Tinutukso at nililinlang tayo ni Satanas nang paunti-unti.
-
Maaaring makinabang ang klase mo sa pag-aaral ng Alma 47, na nagpapakita kung paano nahahawig ang panlilinlang ni Amalikeo sa ginagawa ni Satanas para linlangin tayo. Maaari kang magsimula sa pagpapabuod sa isang tao ng salaysay na matatagpuan sa Alma 47. Para maging kapana-panabik, maaari mong anyayahan ang dalawang miyembro ng klase na isipin na kunwari’y sila sina Amalikeo at Lehonti at ikuwento ito. Ano ang ginawa ni Amalikeo na nagpapaalala sa atin ng mga bagay na ginagawa ni Satanas para tuksuhin at linlangin tayo? Hikayatin ang mga miyembro ng klase na sumangguni sa partikular na mga talata habang tinatalakay nila ang tanong na ito. Ang sipi sa “Karagdagang Resources” ay naglalaman ng isa pang magandang halimbawa kung paano tayo nililinlang ni Satanas. Anong payo ang maibibigay natin sa isa’t isa para malaman natin kung paano tayo tinutukso ni Satanas ngayon? Ano ang maaari nating gawin para maprotektahan ang ating sarili?
Habang sinisikap nating maging tapat na gaya ni Moroni, magiging mas katulad tayo ng Tagapagligtas.
-
Ang isang talakayan tungkol sa mga katangian ni Moroni ay maaaring makahikayat sa mga miyembro ng klase na sikaping sundan ang kanyang halimbawa. Maaari kang magsimula sa pagpapakita ng isang larawan ni Moroni, tulad ng nasa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Pagkatapos ay anyayahan ang mga miyembro ng klase na pag-aralan ang Alma 44:3–4 at 48:7–13 at isulat sa pisara ang mga salita at pariralang naglalarawan kay Moroni. Pagkatapos ay maaari ninyong basahin nang sama-sama ang Alma 48:17 at talakayin kung paano tinulutan ng mga katangian ni Moroni, tulad ng mga nakalista sa pisara, na madaig niya ang impluwensya ni Satanas at maging katulad ni Jesucristo. Paano tayo maaaring maging mas katulad ni Moroni?
Maaari nating patatagin ang ating sarili at ang ating pamilya laban sa kaaway.
-
Maaaring makinabang ang mga miyembro ng klase mo sa pakikinig sa pagsasalita ng isa’t isa tungkol sa kung paano nila mapoprotektahan ang kanilang sarili at kanilang pamilya laban sa mga panlilinlang at tukso ni Satanas. Para makahikayat ng gayong talakayan, maaari ninyong basahin nang sama-sama ang Alma 48:7–9; 49:1–9; at 50:1–6. Habang pinag-iisipan natin ang ating pangangailangan sa mga espirituwal na depensa laban sa kasalanan, ano ang maaari nating matutuhan mula sa mga pagsisikap ng mga Nephita na ipagtanggol ang kanilang sarili? Paano tayo magkakaroon ng mga espirituwal na depensa para protektahan ang ating sarili at ating pamilya laban sa kasalanan at masasamang impluwensya? Hikayatin ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga ideya na naging epektibo sa kanila. Bakit mahalagang “hindi tumigil sa pagsasagawa ng mga paghahanda”? (Alma 50:1).
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Maaaring ang isang paraan para mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang Alma 53–63 ay sabihin sa kanila na ang salaysay sa mga kabanatang ito ay maaaring makahikayat sa kanila at sa kanilang pamilya na maging mas masunurin at magkaroon ng mas matatag na pananampalataya.
Karagdagang Resources
Ang mga bunga ng pagsuko sa maliliit na tukso.
Para maituro na “pumapasok ang mabibigat na kasalanan sa ating buhay kapag nagpatangay tayo sa maliliit na tukso,” ibinahagi ni Pangulong Spencer W. Kimball ang pabulang ito:
“[Ang isang] kamelyo at [ang] may-ari nito … [ay] naglalakbay patawid ng buhangin ng disyerto nang dumating ang malakas na hangin. Agad nagtayo ng tolda ang manlalakbay at pumasok, isinara ang mga takip para iligtas ang sarili sa matalim at maaligasgas na buhangin ng nagngangalit na bagyo. Siyempre pa, naiwan ang kamelyo sa labas, at habang hinahaplit ng malupit na hangin ang buhangin papunta sa kanyang katawan at mga mata at ilong hindi niya ito natiis at sa huli ay nagsumamong papasukin siya sa tolda.
“‘Ako lang ang kasya rito,’ sabi ng manlalakbay.
“‘Pero puwede ba kahit ilong ko na lang para makalanghap ako ng hanging walang buhangin?’ tanong ng kamelyo.
“‘Puwede mo sigurong gawin ’yan,’ sagot ng manlalakbay, at binuksan niya nang kaunti ang takip at pumasok ang mahabang ilong ng kamelyo. Kayginhawa na ng kamelyo ngayon! Ngunit di naglaon ay nagsawa ang kamelyo sa mahapding buhangin sa kanyang mga mata at tainga … :
“‘Kumakaskas sa ulo ko ang buhanging dala ng hangin. Puwede ko bang ipasok kahit ulo ko lang?’
“Muli, ikinatwiran ng manlalakbay na hindi makasasama sa kanya ang pumayag, dahil kakasya ang ulo ng kamelyo sa may ibabaw ng tolda na hindi naman niya ginagamit. Kaya ipinasok ng kamelyo ang ulo niya at muling nasiyahan ang hayop—pero panandalian lang.
“‘Kahit ang harapan ko lang,’ pagsamo niya, at muling naawa ang manlalakbay at di naglaon ay nasa loob na ng tolda ang balikat at binti ng kamelyo. Sa huli, sa gayon ding pagsamo at pagpayag, buong katawan na ng kamelyo, kanyang likuran at lahat na ang nasa loob ng tolda. Pero napakasikip na ng tolda ngayon para sa dalawa, at sinipa ng kamelyo ang manlalakbay palabas sa hangin at bagyo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 130).