Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Agosto 17–23. Helaman 1–6: “Ang Bato na Ating Manunubos”


“Agosto 17–23. Helaman 1–6: ‘Ang Bato na Ating Manunubos,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Agosto 17–23. Helaman 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020

humahampas na mga alon sa batuhan

Agosto 17–23

Helaman 1–6

“Ang Bato na Ating Manunubos”

Talaga bang kilala mo ang klase mo? Subuking mas kilalanin ang isang miyembro ng klase bawat linggo. Kapag ginawa mo ito, mas maisasaisip mo ang kanilang mga pangangailangan habang naghahanda kang magturo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na dumating sa klase na handang magbahagi ng isang bagay na maaari nilang gamitin para ituro ang isang alituntuning natutuhan nila sa mga kabanatang ito. Ano ang iba pang mga paraan na maituturo natin ang mga alituntuning ito sa iba?

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Helaman 1–6

Ang kapalaluan ay naglalayo sa atin sa Espiritu at lakas ng Panginoon.

  • Ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay naglalarawan ng isang “cycle ng kapalaluan” na patuloy na naging problema ng mga Nephita. Marahil ay maaaring gawan ng diagram ng isang tao sa klase ang cycle na ito sa pisara. Pagkatapos ay maaaring maghanap ang mga miyembro ng klase ng mga talata sa Helaman 1–6 na sa palagay nila ay naglalarawan ng iba’t ibang bahagi ng cycle at isulat ang mga ito sa tabi ng kaugnay na mga bahagi sa diagram. (Kung kailangan ng tulong ng mga miyembro ng klase, maaari mong imungkahi na maghanap sila sa Helaman 3:24–36; 4:11–26.) Paano tayo kagaya ng mga Nephita kung minsan? Paano natin maiiwasan ang kanilang pagkahilig sa kapalaluan? Maaari mo ring ibahagi ang mga bahagi ng “Kabanata 18: Mag-ingat sa Kapalaluan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 269–80).

    ang cycle ng kapalaluan

    Ang “cycle ng kapalaluan.”

  • Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang Helaman 4:13 at 24–26 at maghanap ng isang himno na nagtuturo tungkol sa pag-asa natin sa Diyos, tulad ng “Kailangan Ko Kayo” (Mga Himno, blg. 54). Bakit tayo inilalayo ng kapalaluan sa Diyos? Paano natin kikilalanin ang ating pag-asa sa Diyos? Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano sila napalakas ng Espiritu at kapangyarihan ng Panginoon dahil sila ay nagpakumbaba.

  • Inuusig ng mga miyembro ng Simbahan na inilarawan sa Helaman 3:33–34 ang kapwa nila mga miyembro ng Simbahan. Dahil sa kanilang kapalaluan, inapi nila ang mga maralita at ginawa ang lahat ng uri ng iba pang kasalanan (tingnan sa Helaman 4:11–13). Isiping basahin nang sama-sama ang Helaman 3:33–34 at 4:11–13 at ipatalakay sa mga miyembro ng klase ang mga paraan na maaari tayong magpakita ng higit na kabaitan at paggalang sa iba, kabilang na ang kapwa natin mga miyembro ng Simbahan na maaaring naiiba sa atin. Maaari mo ring anyayahan ang mga miyembro ng klase na mag-isip ng isang taong kilala nila na maaaring nagdurusa dahil sa hindi magandang ginagawa ng iba at pagnilayan kung paano nila mapapatatag at mapapalakas ang loob ng taong iyon.

Helaman 3:33–35

Ang pagpapabanal ay nagmumula sa pagkakaloob ng ating puso sa Diyos.

  • Ang Helaman 3:33–35 ay maaaring makapanatag nang husto sa mga miyembro ng klase mo na dumaranas ng “[mga] pag-uusig … [o] labis na pagdurusa” (talata 34). Marahil ay maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang mga talatang ito para makahanap ng payo na maaari nilang ibigay sa isang taong inaapi. O maaari sigurong ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano sila nakasumpong ng “kagalakan at kasiyahan” sa mga panahon ng dalamhati sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na inilarawan sa talata 35.

  • Isiping anyayahan ang klase na pag-aralan ang Helaman 3:33–35 at ang mga pahayag at reperensya tungkol sa pagiging banal sa “Karagdagang Resources.” Ano ang itinuturo ng mga talata at pahayag na ito tungkol sa pagpapabanal? Paano inihahatid ng pag-aayuno at panalangin ang mga pagpapalang inilarawan sa Helaman 3:35? Paano natin ipinagkakaloob ang ating puso sa Diyos? (tingnan sa Helaman 3:35). Paano ito nakakatulong sa atin na maging banal? Maaari ka ring maghanda at mamigay ng mga piraso ng papel na sinulatan ng isa sa mga pahayag o reperensya mula sa “Karagdagang Resources” at anyayahan ang mga miyembro ng klase na kumuha nang walang pili-pili ng isang pag-aaralan. Pagkatapos ay maaari nilang ibahagi sa isa’t isa ang natutuhan nila tungkol sa pagpapabanal.

Helaman 5:12

Kung gagawin nating saligan si Jesucristo, hindi tayo maaaring bumagsak.

  • Ipinadadala ni Satanas ang “kanyang malalakas na hangin” sa buhay nating lahat. Maraming tao sa klase mo ang nakaranas na nito, at malamang na may iba pang mga unos na darating sa hinaharap. Ano ang magagawa mo para matulungan ang mga miyembro ng klase mo na mapaghandaan ang mga unos na ito sa pamamagitan ng pagtatatag ng kanilang buhay kay Jesucristo?

    Maaari mong simulan ang isang talakayan sa pagpapakita ng mga larawan ng mga templo o iba pang mga gusali at pagkukumpara ng ating buhay sa isang gusali. Anong mga pagpapasiya ang kailangang gawin ng isang nagtatayo ng gusali? Anong mga pagpapasiya ang ginagawa natin na nakakaapekto sa kung paano itinatag ang ating buhay? Pagkatapos ay maaari ninyong basahin nang sama-sama ang Helaman 5:12 at talakayin ang ibig sabihin ng itatag ang ating buhay kay Jesucristo. Paano nakakaimpluwensya ang pagsalig natin sa Kanya sa iba pang mga pagpapasiyang ginagawa natin habang pinatatatag natin ang ating buhay?

    Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano nakatulong sa kanila ang pagsalig nila sa Tagapagligtas para makayanan ang mga unos ng buhay. Bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang uri ng buhay na itinatatag nila at paano nila matitiyak na matibay silang nakasalig kay Cristo. Ang kuwento tungkol sa Salt Lake Temple sa “Karagdagang Resources” ay makakatulong sa inyong talakayan.

Helaman 5:14–50

Ang ating pananampalataya ay pinalalakas ng “dami ng katibayang natanggap [natin].”

  • Ang isa sa mga pagpapala ng pagtitipon sa Sunday School ay ang pagkakataong mapalakas ang pananampalataya ng isa’t isa—tulad ng ginawa ng mga Lamanita sa Helaman 5:50. Marahil ay maaari ninyong basahin nang sama-sama ang Helaman 5:50 at ipatukoy sa klase ang mga “bagay na narinig at nakita [ng mga Lamanita]” sa mga talata 20–49. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase sa isa’t isa ang ilan sa mga espirituwal na karanasan na nakakumbinsi sa kanila na ang ebanghelyo ay totoo—kahit hindi pa sila nakakakita ng mga anghel o haligi ng apoy. Ano ang nakakukumbinsing katibayang nakita nila tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo?

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Ang Helaman 7–12 ay naglalarawan kung paano nakamit ni Nephi ang tiwala ng Panginoon at paano siya nabigyan ng dakilang kapangyarihan. Maaari mong imungkahi sa klase mo na sa pagbasa sa mga kabanatang ito, matututuhan nila kung paano tumanggap ng mas malaking tiwala ng Diyos sa kanilang buhay.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Mapabanal sa pamamagitan ni Jesucristo.

  • Ang pagpapabanal ay “ang pamamaraan ng pagiging malaya mula sa kasalanan, pagiging dalisay, malinis, at banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagpapabanal,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).

  • “Kapag tunay tayong nagsisi, aalisin ni Cristo ang bigat ng pag-uusig ng budhi dahil sa ating mga kasalanan. Malalaman natin sa sarili natin na napatawad na tayo at naging malinis. Pagtitibayin ito sa atin ng Espiritu Santo; Siya ang Tagapagdalisay. Wala nang patotoo tungkol sa pagpapatawad ang hihigit pa rito” (Dieter F. Uchtdorf, “Hangganan ng Ligtas na Pagbalik,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 101).

  • “Ang mapabanal sa pamamagitan ng dugo ni Cristo ay ang maging malinis, dalisay, at banal. Kung inaalis ng pagbibigay-katwiran ang kaparusahan para sa nakaraang kasalanan, inaalis naman ng pagpapabanal ang batik o mga epekto ng kasalanan” (D. Todd Christofferson, “Justification and Sanctification,” Ensign, Hunyo 2001, 22).

  • “Kapag ang kalooban, mga pagkahilig, at damdamin ng isang tao ay lubos na isinuko sa Diyos at sa kanyang mga ipinagagawa, napabanal na ang taong iyon” (Brigham Young, “Discourse,” Deseret News, Set. 7, 1854, 1).

  • Tayo ay napapabanal sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan sa Mga Hebreo 13:12; Alma 13:10–12; 3 Nephi 27:19–20; Moroni 10:32–33; D at T 76:40–42).

  • Kahit napabanal na tayo, posible pa ring mawala sa atin ang biyaya ng langit (tingnan sa D at T 20:30–34).

Isang tunay na saligan.

Noong itinatayo ang Salt Lake Temple, may natagpuang malalaking bitak sa mga saligang bato. Kahit halos siyam na taon iyong itinayo, iniutos ni Pangulong Brigham Young na alisin ang nabitak na mga saligang bato at palitan ng mas matitibay na bato. Limang taon pa ang inabot para maalis ang mga saligang batong may bitak at magtayong muli hanggang sa unang palapag. “Gusto kong makitang naitayo ang templo,” sabi ni Pangulong Young, “sa paraang tatagal ito hanggang sa milenyo” (“Remarks,” Deseret News, Okt. 14, 1863, 97).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magpatotoo tungkol kay Jesucristo. Maaaring hindi nadama ni Aminadab na siya ang pinaka-nararapat na tao para turuan ang mga Lamanita na magsisi at manampalataya kay Cristo (tingnan sa Helaman 5:35–41). Ngunit ibinahagi niya ang kanyang nalalaman, at napakatindi ng naging epekto ng kanyang patotoo. Ano ang matututuhan mo mula sa halimbawang ito?