Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hulyo 27–Agosto 2. Alma 39–42: “Ang Dakilang Plano ng Kaligayahan”


“Hulyo 27–Agosto 2. Alma 39–42: ‘Ang Dakilang Plano ng Kaligayahan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Hulyo 27–Agosto 2. Alma 39–42,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020

sina Jesus at Maria

Babae, Bakit Ka Umiiyak? ni Mark R. Pugh

Hulyo 27–Agosto 2

Alma 39–42

“Ang Dakilang Plano ng Kaligayahan”

Ang mga turo ni Alma sa Alma 39–42 ay mayaman sa doktrina at naglilinaw sa mahahalagang katotohanan. Habang pinag-aaralan mo ang mga kabanatang ito, pagnilayan kung aling mga katotohanan ang maaaring pinakamakabuluhan sa klase mo at ano ang magagawa mo para matulungan silang tuklasin ang mga katotohanang ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Para mabigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang mga kaisipan at kabatiran tungkol sa Alma 39–42, maaari mo silang anyayahang rebyuhin nang bahagya ang mga kabanatang ito at maghanap ng isang bagay na sinabi o ginawa ni Alma na hinangaan nila.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Alma 39

Ang kasalanang seksuwal ay karumal-dumal sa paningin ng Panginoon.

  • Ano ang matututuhan natin mula sa tala ng karanasan ni Corianton sa pagkakasala at pagsisisi? Marahil ay maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang Alma 39:1–14, hanapin ng ilan sa kanila kung ano ang maling ginawa ni Corianton, hanapin ng iba kung ano ang maaaring nag-akay sa kanya na magkasala, at hanapin naman ng iba pa ang payo na ibinigay ni Alma sa kanya. Habang ibinabahagi nila ang natuklasan nila, maaari nilang talakayin kung paano natin maiiwasang magawa ang mga pagkakamaling iyon.

  • Kapag nakakagawa ng kasalanang seksuwal ang mga tao, madalas silang panghinaan ng loob o mawalan ng pag-asa at nadarama nila na hindi sila gaanong mahalaga. Anong mga alituntunin sa Alma 39–42 ang naghihikayat sa mga miyembro ng klase na makadama ng pag-asa na humahantong sa pagsisisi? Ang pagbabahagi ng pahayag ni Sister Joy D. Jones sa “Karagdagang Resources” ay makakatulong sa mga miyembro ng klase na maunawaan ang pagkakaiba sa pagitan ng pagkamarapat at ng ating kahalagahan sa paningin ng Diyos. (Tingnan din sa Lynn G. Robbins, “Hanggang sa Makapitongpung Pito,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 21–23.)

  • Bilang bahagi ng inyong talakayan, maaaring makatulong sa mga miyembro ng klase na talakayin ang mga pamantayan ng Panginoon tungkol sa kalinisang-puri. Mas makakatulong siguro kung nakatuon ang inyong talakayan sa mga alituntunin sa halip na sa isang listahan ng mga dapat at hindi dapat gawin. Halimbawa, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na tukuyin ang mga alituntuning itinuro ni Alma kay Corianton sa Alma 39. Bukod pa rito, maaari nilang rebyuhin ang “Kadalisayan ng Puri” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan na nasasaisip ang mga tanong na tulad nito: “Kung kailangan ninyong ibuod ang lahat ng payong ito sa isang alituntunin, ano kaya iyon?” o “Anong mga alituntunin ang nakikita ninyo rito na nakakatulong sa inyo na ipamuhay ang batas ng kalinisang-puri?” Maaari ding rebyuhin ng mga miyembro ng klase ang bahaging ito sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, na hinahanap ang mga pagpapala ng pagsunod sa batas ng kalinisang-puri at ang mga bunga ng pagsuway sa batas na ito. Paano naiiba ang mga alituntuning ito sa itinuturo ng mundo? Paano naaapektuhan ng mga alituntuning ito ang paraan ng pag-iisip natin tungkol sa batas ng kalinisang-puri? Maaaring makinabang ang klase mo sa pagbasa sa pahayag ni Sister Wendy Nelson sa “Karagdagang Resources” habang sinasagot nila ang mga tanong na ito.

  • Madaling maniwala kung minsan na hindi nakakaapekto sa iba ang ating mga pasiya—na lihim ang ating mga kasalanan. Ano ang itinuro ni Alma kay Corianton sa Alma 39:11–12 tungkol sa epekto ng kanyang mga pasiya? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan kung sino ang maaaring maapektuhan ng mga pasiyang ginagawa nila, kapwa mabuti at masama. Maaari din nilang ibahagi kung paano sila natulungan ng mga kilos at halimbawa ng iba na piliin ang tama.

Alma 40–42

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay ginagawang posible ang plano ng pagtubos.

  • Itinuro ni Alma kay Corianton ang mga katotohanang kailangang maunawaan nating lahat, kabilang na ang mga katotohanan tungkol sa layunin ng buhay, daigdig ng mga espiritu, pagkabuhay na mag-uli, at paghuhukom. Isiping pumili ng isa sa mga turo ni Alma at bigyan ng dalawang minuto ang mga miyembro ng klase para saliksikin ang Alma 40–42 (nang isa-isa o magkakapares) at isulat ang pinakamaraming katotohanang matutuklasan nila tungkol sa paksang iyon. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase sa isa’t isa o sa klase ang natuklasan nila. Maaari mong ulitin ang prosesong ito para sa iba pang mga paksa kung may oras pa. Bakit mahalaga na maunawaan ng anak ni Alma na si Corianton ang partikular na mga katotohanang ito?

  • Ang mga paglalarawan ni Alma sa kalagayan ng mga kaluluwa pagkaraan ng buhay na ito ay maitatanim sa isipan ng mga miyembro ng klase ang kahalagahan ng paglapit sa Tagapagligtas at pagsisisi sa ating mga kasalanan sa buhay na ito. Maaari mong isulat ang Mabuti (Nagsisisi) at Masama (Hindi Nagsisisi) sa pisara at anyayahan ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang Alma 40:11–26 at ilista sa pisara ang mga salita o pariralang ginamit ni Alma para ilarawan ang kalagayan ng bawat isa sa mga grupong ito ng mga tao pagkamatay nila. Paano tayo mahihikayat ng mga turong ito na magsisi? Para sa iba pang impormasyon tungkol sa mangyayari sa daigdig ng mga espiritu, tingnan sa I Ni Pedro 3:18–20; 4:6 at Doktrina at mga Tipan 138:29–37.

  • Ano ang pumapasok sa isipan ng mga miyembro ng klase mo kapag naririnig nila ang mga salitang “ipinanumbalik” o “panunumbalik”? Anyayahan silang saliksikin ang Alma 41 kung paano ginamit ni Alma ang mga salitang ito. Ano ang ibig niyang sabihin diyan? Ano ang ipanunumbalik sa atin? Bakit makakatulong na ituring ang plano ng Ama sa Langit bilang isang “plano ng panunumbalik”? (talata 2).

  • Maaaring ibahagi ng ilang miyembro ng klase mo ang tanong na tila nasa isipan ni Corianton—makatarungan o patas lang ba na parusahan ng isang mapagmahal na Diyos ang Kanyang mga anak? (tingnan sa Alma 42:1). Maaari mo sigurong hilingin sa mga miyembro ng klase na pagnilayan kung paano sila tutugon sa tanong na ito at hanapin ang mga sagot sa Alma 42:7–26.

  • Kung sa pakiramdam mo ay angkop ito, maaaring makinabang ang mga miyembro ng klase mo sa paghahanap ng isang talata sa Alma 42 na maaari nilang ilarawan sa isang simpleng drowing o simbolo na nagpapaliwanag kung bakit natin kailangan ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang idinrowing nila, at maaaring subukin ng iba pa sa klase na hanapin ang talatang kinakatawan nito. Pagkatapos ay maaari nilang talakayin ang natutuhan nila tungkol sa kahalagahan ng sakripisyo ng Tagapagligtas.

    babaeng nagdarasal

    Maaari tayong makatanggap ng patotoo tungkol kay Jesucristo bilang ating Tagapagligtas.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Malaki ang kahalagahan ng ating kaluluwa.

Itinuro ni Sister Joy D. Jones:

“Ipaliliwanag ko sa inyo ang pangangailangang masabi ang pagkakaiba ng dalawang mahalagang salita: halaga at pagkamarapat. Hindi sila magkapareho. Ang ibig sabihin ng espirituwal na halaga ay pahalagahan ang ating sarili ayon sa pagpapahalaga sa atin ng Ama sa Langit, hindi ayon sa pagpapahalaga sa atin ng mundo. Tukoy na ang ating halaga bago pa tayo pumarito sa mundong ito. ‘Ang pag-ibig ng Diyos ay walang hanggan at mananatili magpakailanman.’

“Sa kabilang dako, ang pagkamarapat ay nakakamtan sa pamamagitan ng pagsunod. Kung nagkasala tayo, hindi tayo gaanong karapat-dapat, ngunit hindi kailanman nababawasan ang ating halaga! Patuloy tayong nagsisisi at nagsisikap na maging katulad ni Jesus nang hindi tayo nawawalan ng halaga. Tulad ng itinuro ni Pangulong Brigham Young: ‘Ang pinakamaliit at pinakaabang espiritu ngayon sa lupa … ay singhalaga ng mga daigdig.’ Anuman ang mangyari, palagi tayong may halaga sa paningin ng ating Ama sa Langit” (“Halagang Hindi Masusukat,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 14).

Ang pananaw ng mundo sa intimasiya ay hindi kapareho ng pananaw ng Diyos.

Ikinumpara ni Sister Wendy Nelson ang pananaw ng mundo sa mga seksuwal na relasyon—“makamundong pagtatalik”—sa tinawag niyang “intimasiya ng mag-asawa na inorden ng Diyos”:

“Sa makamundong pagtatalik, puwede kahit ano. Sa intimasiya ng mag-asawa, kailangang mag-ingat nang husto para maiwasan ang lahat ng bagay—mula sa pananalita hanggang sa musika at mga pelikula—na nakakasakit sa Espiritu, sa inyong espiritu, o sa espiritu ng inyong asawa.

“Samantalang ang makamundong pagtatalik ay mahalay at pumapatay ng pag-ibig, ang intimasiya ng mag-asawa ay naghihikayat ng higit na pagmamahal.

“Ang makamundong pagtatalik ay pinapababa ang moralidad ng mga lalaki at babae at ang kanilang katawan, samantalang ang intimasiya ng mag-asawa ay iginagalang ang mga lalaki at babae at itinuturing ang katawan bilang isa sa mga dakilang gantimpala ng mortalidad.

“Sa makamundong pagtatalik, madarama ng mga indibiduwal na ginamit, inabuso sila, at sa huli ay mas malungkot sila. Sa intimasiya ng mag-asawa, nadarama nila na sila ay mas nagkakaisa at minamahal, mas pinangangalagaan at inuunawa.

“Ang makamundong pagtatalik ay naninira at kalauna’y nagwawasak ng mga relasyon. Ang intimasiya ng mag-asawa ay nagpapatatag sa kanilang pagsasama. Sinusuportahan, pinagagaling, at pinababanal nito ang buhay ng mag-asawa at ang kanilang pagsasama. …

“Ang makamundong pagtatalik ay nakahuhumaling dahil hindi ito tumutupad sa mga pangako nito. Ang intimasiya ng mag-asawa na inorden ng Diyos ay maluwalhati at magpapatuloy nang walang hanggan para sa mga mag-asawang tumutupad sa kanilang tipan” (“Pag-ibig at Pag-aasawa” [pandaigdigang debosyonal, Ene. 8, 2017], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Maghanda nang maaga. “Habang pinag-iisipan mong mabuti kung paano mapagpapapala ng mga alituntunin ng ebanghelyo na itinuturo mo ang mga miyembro ng klase, darating sa iyo ang mga ideya at impresyon araw-araw—habang papunta ka sa trabaho, gumagawa ng mga gawaing-bahay, o nakikipag-ugnayan sa pamilya at mga kaibigan. Huwag isipin na ang espirituwal na paghahanda ay isang bagay na pag-uukulan mo ng oras kundi isang bagay na palagi mong ginagawa” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 12).