Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hulyo 20–26. Alma 36–38: “Umasa sa Diyos at Mabuhay”


“Hulyo 20–26. Alma 36–38: ‘Umasa sa Diyos at Mabuhay,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Hulyo 20–26. Alma 36–38,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020

lalaking nagdarasal

Paglalarawan ni Joshua Dennis

Hulyo 20–26

Alma 36–38

“Umasa sa Diyos at Mabuhay”

Habang naghahanda kang magturo, tandaan na ang mga miyembro ng klase ay malamang na may mga makabuluhang karanasan sa Alma 36–38. Ano ang magagawa mo para makaragdag sa mga karanasang iyon?

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ang isang paraan para mahikayat ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang natututuhan nila sa mga banal na kasulatan ay hatiin ang klase sa tatlong grupo at atasan ang bawat grupo ng isang kabanata mula sa Alma 36–38. Anyayahan ang bawat grupo na maghanap at magbahagi ng isang nagbibigay-inspirasyong talata mula sa kanilang kabanata.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Alma 36

Maaari tayong isilang sa Diyos kapag tayo ay nagpapakumbaba at nagsisisi.

  • Maaaring magtaka ang ilang miyembro ng klase mo kung bakit hindi pa sila nagkaroon ng madulang karanasan sa pagbabalik-loob na gaya ng kay Alma. Maaaring makatulong sa kanila kung ibabahagi mo ang itinuro ni Elder David A. Bednar: “Para sa marami sa atin, ang pagbabalik-loob ay tuluy-tuloy na proseso at hindi minsanang pangyayari na bunga ng isang matinding karanasan” (“Nagbalik-loob sa Panginoon,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 107–8). Bagama’t hindi pangkaraniwan ang ilang bagay tungkol sa karanasan ni Alma sa pagbabalik-loob, ang kanyang karanasan ay nagtuturo ng mga alituntunin na kailangang isabuhay nating lahat sa patuloy nating pagbabalik-loob. Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang Alma 36 para mahanap ang mga alituntuning ito at ilista ang mga ito sa pisara. Ano pa ang nakatulong sa atin na higit na magbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo?

  • Ginamit ni Alma ang pariralang “isilang sa Diyos,” para ilarawan ang kanyang pagbabalik-loob. Para maipaunawa sa mga miyembro ng klase ang konseptong ito, maaari mo silang anyayahang basahin ang mga sumusunod na talata nang isa-isa o magkakapares, na hinahanap ang ibig sabihin ng isilang sa Diyos: I Ni Juan 4:7; Mosias 5:7; 27:25–26; at Alma 5:14; 22:15. Hilingin sa mga miyembro ng klase na ibahagi ang natutuhan nila. Pagkatapos ay maaari nilang saliksikin ang Alma 36, na hinahanap ang mga sagot sa tanong na ito: Ano ang nadarama at ikinikilos ng mga tao kapag sila ay isinilang sa Diyos? Para matulungan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan kung paano sila isinisilang sa Diyos, maaari mong ibahagi ang pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson na matatagpuan sa “Karagdagang Resources.”

Alma 37

Iningatan ang mga banal na kasulatan “para sa isang matalinong layunin.”

  • Marahil ay makakatulong sa mga miyembro ng klase ang pag-aaral ng mga salita ni Alma nang ibigay niya ang mga sagradong talaan sa kanyang anak na si Helaman para maibahagi kung paano nila nadama ang kapangyarihan ng mga banal na kasulatan sa kanilang buhay. Hikayatin silang rebyuhin ang Alma 37 para mahanap ang mga mensaheng ibinigay ni Alma kay Helaman tungkol sa mga banal na kasulatan (tingnan lalo na sa mga talata 1–19 at 43–47). Paano natin ipinapakita na sagrado ang mga banal na kasulatan sa atin? Paano natin maituturo sa ating mga mahal sa buhay, gaya ni Alma, na “panatilihing banal ang lahat ng bagay na ito”? (Alma 37:2). Paano “[nagpapakita ng] kapangyarihan [ng Diyos]” ang mga banal na kasulatan sa atin? (Alma 37:14).

  • Ang isang paraan para matuto tungkol sa mga pagpapala ng pagkakaroon ng mga banal na kasulatan ay pag-aralan ang sinabi ni Alma sa Alma 37 tungkol sa mga sagradong talaan at iba pang mga bagay na ipinagkatiwala niya kay Helaman. Maaari kang gumawa ng listahan ng mga sagradong bagay sa pisara: mga lamina ni Nephi at mga laminang tanso (Alma 37:2–20), dalawampu’t apat na lamina ni Eter at mga pansalin (Alma 37:21–37), at Liahona (Alma 37:38–47). Maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang mga talatang ito para malaman ang itinuro ni Alma tungkol sa bawat isa sa mga bagay na ito. Sa anong mga paraan mapapalawak ng mga banal na kasulatan ang ating kaalaman? (tingnan sa Alma 37:8). Ano ang matututuhan natin mula sa mga salita ni Alma tungkol sa mga pagpapala ng pagkakaroon ng mga banal na kasulatan sa ating buhay ngayon?

    babaeng nagbabasa ng mga banal na kasulatan

    Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan kung paano sundin ang Diyos.

Alma 37:6–7, 41–42

“Sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay.”

  • Para maituro ang kahalagahan ng “maliliit at mga karaniwang bagay” sa gawain ng Diyos, nagbigay si Alma ng dalawang halimbawa: ang mga banal na kasulatan at ang Liahona (tingnan sa Alma 37:6–7, 41–42; tingnan din sa 1 Nephi 17:41). Matapos rebyuhin ang mga halimbawang ito, marahil ay maaaring magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga halimbawa ng maliliit at mga karaniwang bagay sa gawain ng Diyos mula sa sarili nilang buhay. Maaari mong kontakin nang maaga ang isa o dalawang miyembro ng klase at pagdalahin sila ng isang bagay sa klase na maliit at naghatid ng malalaking bagay sa kanilang buhay. Maaari mo ring ibahagi ang pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks sa “Karagdagang Resources.” Para maiakma ng mga miyembro ng klase sa kanilang sarili ang alituntuning ito, maaari kang magtanong ng gaya ng mga sumusunod: Bakit nabibigo tayo kung minsan na gawin ang maliliit at mga karaniwang bagay? Paano natin mahihikayat ang ating sarili at ang ating pamilya na daigin ang inklinasyong ito?

Alma 37:38–47

Magagabayan tayo ng mga salita ni Cristo sa araw-araw.

  • Ang pagkukumpara ng salita ng Diyos sa Liahona ay maaaring makahikayat sa mga miyembro ng klase na maging mas masigasig at tapat sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Para magabayan ang talakayan tungkol dito, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang Alma 37:38–47 nang magkakapares, na naghahanap ng mga pagkakatulad ng Liahona sa salita ng Diyos. Maaari mo silang hamunin na maghanap ng isang pagkakatulad sa bawat talata. Pagkatapos ay maaari mong isulat sa pisara ang bawat numero ng talata at hilingin sa mga miyembro ng klase na isulat sa tabi ng mga numero ang mga pagkakatulad na nakita nila. Ano ang ipinahihiwatig ng pagkukumparang ito kung paano natin dapat pag-aralan ang banal na kasulatan?

Alma 38

Ang pagbabahagi ng ating patotoo tungkol kay Jesucristo ay maaaring magpalakas sa ating mga mahal sa buhay.

  • Ang mga salita ni Alma sa kanyang anak na si Siblon ay nagbibigay ng magandang halimbawa kung paano palakasin at hikayatin ang ating mga mahal sa buhay na ipamuhay ang ebanghelyo. Maaari sigurong basahin ng mga miyembro ng klase ang kabanatang ito at tukuyin kung paano pinalakas ni Alma si Siblon. Ang Alma 38 ay maikli—maaari mo pa ngang ipasiya na basahin ninyo ito bilang isang klase. Pagkatapos ay maaaring magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga talatang makabuluhan sa kanila o nagbigay sa kanila ng mga ideya para mapatatag ang sarili nilang mga kapamilya at kaibigan.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Naisip na ba ng mga miyembro ng klase kung paano payuhan ang isang mahal sa buhay na nakagawa ng malaking pagkakamali? Ipaliwanag na makakakita sila ng makakatulong na mga kabatiran sa Alma 39–42.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Ang pagbabalik-loob ay parang isang bagong pagsilang.

Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson: “Kapag dinanas na natin ang malaking pagbabagong ito, na nangyayari lamang sa pagsampalataya kay Jesucristo at sa patnubay ng Espiritu sa atin, para tayong nagiging bagong tao. Sa gayon, ang pagbabago ay inihahalintulad sa bagong pagsilang. Libu-libo sa inyo ang nakaranas na ng pagbabagong ito. Tinalikuran na ninyo ang buhay na puno ng kasalanan, na kung minsa’y matindi at mabigat na kasalanan, at dahil sa epekto ng dugo ni Cristo sa inyong buhay, naging malinis kayo. Ayaw na ninyong balikan ang dati ninyong buhay. Kayo ay tunay na isang bagong tao. Ito ang kahulugan ng pagbabago ng puso” (“A Mighty Change of Heart,” Ensign, Okt. 1989, 4).

Maliliit at mga karaniwang bagay.

Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks:

“Naipaalala sa akin ang malakas na puwersa ng maliliit at mga karaniwang bagay sa paglipas ng panahon dahil sa isang bagay na nakita ko noong ako’y naglalakad isang umaga. … Ang makapal at matibay na kongkretong bangketa [noon] ay nagbibitak-bitak na. Dahil ba ito sa malaki at malakas na puwersa na tumutulak mula sa ilalim? Hindi, ang mga bitak na ito ay sanhi ng dahan-dahan at unti-unting paglaki ng isa sa mga ugat na gumagapang mula sa kalapit na puno. …

“Gayon din kalakas ang epekto sa pagdaan ng panahon ng maliliit at mga karaniwang bagay na itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan at ng mga buhay na propeta. Isipin ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan na itinuro sa atin na gawing bahagi ng ating buhay sa araw-araw. O isipin ang mga personal na panalangin at pagluhod at pagdarasal ng pamilya na regular na ginagawa ng matatapat na Banal sa mga Huling Araw. … Bagama’t bawat isa sa mga gawing ito ay tila maliliit at karaniwan, sa paglipas ng panahon ang mga ito ay humahantong sa matinding espirituwal na paglakas at pag-unlad. Nangyayari ito dahil ang bawat isa sa maliliit at mga karaniwang bagay na ito ay nag-aanyaya ng patnubay ng Espiritu Santo, ang Tagapagpatotoo na nagbibigay ng kalinawan sa atin at gumagabay sa atin patungo sa katotohanan” (“Maliliit at mga Karaniwang Bagay,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 90).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Anyayahan ang mga mag-aaral na turuan ang isa’t isa. Kapag nagpapatotoo o nagbabahagi ng mga kabatiran ang mga miyembro ng klase, maaari nilang matulungan o mahikayat ang isa pang miyembro ng klase sa paraang maaaring hindi mo magagawa. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas 30.)