Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hulyo 13–19. Alma 32–35: “Itanim Ninyo ang Salitang Ito sa Inyong mga Puso”


“Hulyo 13–19. Alma 32–35: ‘Itanim Ninyo ang Salitang Ito sa Inyong mga Puso,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Hulyo 13–19. Alma 32–35,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020

binhi sa kamay ng bata

Hulyo 13–19

Alma 32–35

“Itanim Ninyo ang Salitang Ito sa Inyong mga Puso”

Ilang beses mo man nabasa ang Alma 32–35, basahing muli ang mga ito habang naghahanda kang magturo. Maging handang tumanggap ng mga bagong kabatiran mula sa Espiritu.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Para matulungan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang natutuhan nila mula sa pagbabasa ng Alma 32–35 sa bahay, maaari mo silang bigyan ng ilang minuto para rebyuhin ang mga kabanatang ito at isulat sa pisara ang anumang mga tema o paksang napansin nila. Bilang isang klase, talakayin kung bakit makabuluhan ang mga tema o paksang ito.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Alma 32:1–16

Maaari nating piliing magpakumbaba.

  • Para mapamunuan ang isang talakayan tungkol sa pagpapakumbaba ayon sa itinuro sa Alma 32:1–16, maaari kang magsimula sa pag-anyaya sa mga miyembro ng klase na bumanggit ng mga karanasan na maaaring maging dahilan para magpakumbaba ang isang tao (nagbibigay ang Alma 32:2–5 ng isang halimbawa). Maaaring handang magbahagi ang ilang miyembro ng klase ng sarili nilang mga karanasan sa pagkatutong magpakumbaba. Paano maaaring maging isang pagpapala ang “akayin na maging mapagpakumbaba” (Alma 32:12)? Maaaring makatulong ang mga pahayag tungkol sa pagpapakumbaba sa “Karagdagang Resources” na maghikayat ng isang talakayan. Maaari din ninyong basahin ang Doktrina at mga Tipan 112:10 o kantahin ang isang himno tungkol sa pagpapakumbaba, tulad ng “Magpakumbaba Ka” (Mga Himno, blg. 75), bilang isang klase.

Alma 32:17–43; 33

Nananampalataya tayo kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagtatanim at pagpapalago ng Kanyang salita sa ating puso.

  • Iniisip natin kung minsan na ang pagsamba ay mga bagay lamang na ginagawa natin sa mga pormal na kapaligiran gaya ng gusali ng simbahan (tingnan sa Alma 32:5, 9, 11), ngunit mas malawak ang pakahulugan ni Alma sa pagsamba. Halimbawa, itinuro niya na ang pagkakaroon at pagpapakita ng pananampalataya kay Jesucristo ay isang mahalagang paraan ng pagsamba na maaaring mangyari sa isang di-pormal na kapaligiran. Para maipaunawa sa klase mo ang alituntuning ito, maaari mong idrowing sa pisara ang isang binhi at isang puno at talakayin ang mga tanong na gaya ng mga sumusunod: Ano ang isinasagisag ng binhi? (tingnan sa Alma 32:28; 33:22–23). Paano natin maitatanim ang binhi—o patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala—sa ating puso at mapapalago ito? (tingnan sa Alma 32:36–4333). Anong mga karanasan ang maibabahagi natin kung saan nagkaroon ng mahalagang bunga ang ating mga pagsisikap na sumunod sa Tagapagligtas? Paano naiimpluwensyahan ng mga turo ni Alma ang paraan ng pagsamba natin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

  • Ang “pagsubok” na inilarawan ni Alma para matulungan ang mga Zoramita na magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo ay maaari ding ipaalam sa atin kung totoo ang iba pang mga alituntunin ng ebanghelyo. Para maipaunawa sa klase ang pagsubok na ipinagawa ni Alma, maaari mong talakayin kung ano ang isang pagsubok o eksperimento. Maaaring may isang tao sa klase na nakagawa na dati ng isang eksperimento at maaaring makatulong sa paliwanag na ito. Ano ang layunin ng isang pagsubok o eksperimento? Paano natutulad ang isang eksperimento sa pagsubok na ipinagawa ni Alma sa mga tao sa Alma 32:26–36? Marahil ay maaaring magbahagi ang mga miyembro ng klase ng iba’t ibang paraan kung saan “sinubukan” nila ang salita ng Diyos. Paano nila nalaman na “ang salita [ng Diyos] ay mabuti”? (Alma 32:28).

  • Ano kaya ang maaaring sabihin ni Alma sa isang taong gustong magkaroon o magpalakas ng patotoo tungkol kay Jesucristo? Para masiyasat ang tanong na ito, maaari mong hatiin ang klase sa dalawang grupo. Maaaring basahin ng isang grupo ang Alma 32:26–36 para malaman kung ano ang sasabihin ni Alma sa isang taong nagsisikap na magkaroon ng patotoo, at basahin ng kabilang grupo ang Alma 32:36–43 para malaman kung ano ang sasabihin niya sa isang taong nanghina na ang patotoo. Pagkatapos ay maaaring maghalinhinan ang isang tao mula sa bawat grupo sa pagkatawan kay Alma at pagsasadula kung paano tulungan ang isang tao na magkaroon o magpalakas ng patotoo.

Alma 31:13–23; 33:2–11; 34:17–29

Maaari nating sambahin ang Diyos sa panalangin, kahit kailan at kahit saan.

  • Maaari mong tulungan ang klase na pagkumparahin ang mga turo nina Alma at Amulek tungkol sa panalangin at pagsamba at ang mga maling ideya ng mga Zoramita. Maaaring rebyuhin ng mga miyembro ng klase ang Alma 31:13–23 at ilista sa pisara kung ano ang pinaniwalaan ng mga Zoramita tungkol sa panalangin at pagsamba. Pagkatapos ay maaari silang maghanap ng mga katotohanan sa Alma 33:2–11 at 34:17–29 na kontra sa mga paniniwalang ito. Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito kung paano natin maaaring pagbutihin pa ang ating mga panalangin at pagsamba?

  • Maaari kang maghikayat ng isang talakayan tungkol sa panalangin sa pagsulat ng mga salitang gaya ng Sino? Ano? Kailan? Saan? Bakit? at Paano? sa pisara. Maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang Alma 33:2–11 at 34:17–29 para mahanap ang mga sagot sa mga tanong na ito tungkol sa panalangin. Halimbawa, maaari nilang sagutin ang mga tanong na gaya nito: Saan tayo maaaring manalangin? Ano ang maaari nating ipanalangin? Maaari din silang makahanap ng mga sagot sa mga titik ng isang himno tungkol sa panalangin, tulad ng “Naisip Bang Manalangin?” o “Sintang Oras ng Dalangin” (Mga Himno, blg. 82, 84). Paano natin mapagbubuti ang ating mga panalangin?

Alma 34:9–17

Ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas ay “walang katapusan at walang hanggan.”

  • Ginamit ni Amulek nang ilang beses ang mga salitang “walang katapusan” at “walang hanggan” para ilarawan ang sakripisyong ginawa ni Jesucristo para magbayad-sala para sa ating mga kasalanan. Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na hanapin ang mga salitang ito sa Alma 34:9–14 at pagkatapos ay hanapin ang mga ito sa isang diksyunaryo. Sa anong mga paraan walang katapusan at walang hanggan ang sakripisyo ng Tagapagligtas? (tingnan sa Mga Hebreo 10:10; 2 Nephi 9:21; Mosias 3:13). Ayon sa Alma 34:15–17, ano ang kailangan nating gawin para matanggap ang mga pagpapala ng sakripisyo ng Tagapagligtas? Ano ang ibig sabihin ng “magkaroon ng pananampalataya tungo sa pagsisisi”? (Alma 34:17).

Alma 34:32–35

“Huwag ninyong ipagpaliban ang araw ng inyong pagsisisi.”

  • Ang isang analohiyang gaya ng sumusunod ay maaaring makatulong sa mga miyembro ng klase na pagnilayan ang mga panganib ng pagpapaliban ng ating pagsisisi: anyayahan silang isipin na kunwari’y nakatanggap sila ng paanyayang makibahagi sa isang kaganapan na nangangailangan ng maraming taon ng pagsasanay at paghahanda, tulad ng isang kumpetisyon sa Olympics o isang musikal na pagtatanghal (pumili ng isang bagay na makabuluhan sa klase mo), ngunit ang kaganapang ito ay idaraos na kinabukasan. Talakayin sa klase kung bakit malamang na hindi sila magtagumpay sa kaganapan kahit gugulin nila ang natitirang oras ngayong araw sa paghahanda. Paano nauugnay ang halimbawang ito sa mga babala ni Amulek sa Alma 34:32–35? Bakit maaaring mapanganib na ipagpaliban ang ating mga pagsisikap na magsisi at magbago? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan kung ano ang magagawa nila para “maghanda para sa kawalang-hanggan” (talata 33) at gumawa ng mga planong gawin ito kaagad.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang Alma 36–38 sa darating na linggo, maaari mong ipaliwanag na si Alma ay “[nagdalamhati] dahil sa kasamaan ng kanyang mga tao,” kaya’t tinipon niya ang kanyang mga anak at tinuruan sila “hinggil sa mga bagay na nauukol sa kabutihan” (Alma 35:15–16). Nakasaad sa sumunod na ilang kabanata ng Alma kung ano ang nahikayat kay Alma na ituro sa kanyang mga anak.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Ano ang ibig sabihin ng magpakumbaba?

“Ang pagpapakumbaba ay pagkilala nang may pasasalamat na umaasa kayo sa Panginoon—na nauunawaang lagi ninyong kailangan ang Kanyang tulong. … Hindi ito tanda ng kahinaan, kakimian, o takot; pahiwatig ito na alam ninyo kung saan nagmumula ang inyong tunay na lakas” (Tapat sa Pananampalataya [2006], 148).

Ipinaliwanag ni Elder Quentin L. Cook: “Kapag talagang inisip natin ang Diyos Ama at si Cristong Anak, kung sino Sila, at ano ang nagawa Nila para sa atin, napupuno tayo ng pagpipitagan, paghanga, pasasalamat, at pagpapakumbaba. … Kabilang din sa pagpapakumbaba ang pagiging mapagpasalamat para sa maraming pagpapala at banal na tulong sa atin. Ang pagpapakumbaba ay hindi kinikilala na malaking tagumpay o kaya ay pagdaig sa malaking hamon. Ito ay tanda ng espirituwal na kalakasan. Ito ay pagkakaroon ng kumpiyansa na sa bawat araw at bawat oras ay makaaasa tayo sa Panginoon, maglilingkod sa Kanya, at makakamit ang Kanyang mga layunin” (“Ang Araw-Araw na Walang Hanggan,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 52, 54).

Mga talata sa banal na kasulatan tungkol sa pananampalataya.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magtuon sa mga banal na kasulatan. Kahit maraming suplementong sanggunian na maaaring magpayaman sa isang talakayan, tandaan na sa mga banal na kasulatan nagmumula ang doktrina. Tulungan ang mga miyembro na maghanap ng mga katotohanan sa mga banal na kasulatan. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 21.)