Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hunyo 29–Hulyo 5. Alma 23–29: Sila “Kailanman ay Hindi Nagsitalikod”


“Hunyo 29–Hulyo 5. Alma 23–29: Sila ‘Kailanman ay Hindi Nagsitalikod,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Hunyo 29–Hulyo 5. Alma 23–29,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020

mga Anti-Nephi-Lehi na ibinabaon ang kanilang mga sandata

Mga Anti-Nephi-Lehi na Ibinabaon ang Kanilang mga Sandata ng Digmaan, ni Jody Livingston

Hunyo 29–Hulyo 5

Alma 23–29

Sila “Kailanman ay Hindi Nagsitalikod”

Habang binabasa mo ang Alma 23–29, tandaan na para matulungan ang iba na matutuhan ang mga katotohanan sa mga kabanatang ito, kailangan ay mayroon ka mismong makabuluhang mga karanasan sa mga katotohanan.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na isulat sa pisara ang mga talatang tila pinakamahalaga sa kanila sa kanilang personal na pag-aaral o pag-aaral ng pamilya. Mag-ukol ng ilang minuto sa pag-anyaya sa ilang tao na talakayin ang isang katotohanang natutuhan nila mula sa mga talatang isinulat nila.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Alma 23–25; 27

Ang ating pagbabalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo ay nagpapabago sa ating buhay.

  • Bilang mga disipulo ni Jesucristo, sinisikap nating lahat na palalimin ang ating pagbabalik-loob. Marahil ay mahihikayat ng kuwento tungkol sa mga Anti-Nephi-Lehi ang mga tinuturuan mo sa kanilang mga pagsisikap na gawin ito. Maaari kang magsimula sa pagsulat sa pisara ng isang tanong na gaya ng mga sumusunod: Ano ang ibig sabihin ng magbalik-loob? o Anong klaseng mga pagbabago ang nagaganap sa buhay ng mga tao kapag sila ay nagbalik-loob? Maaaring mahanap ng mga miyembro ng klase ang mga sagot sa mga talatang ito: Alma 23:6–7, 17–18; 24:17–19; 25:15–16; at 27:26–30. Maaaring kaya nilang magbahagi ng mga kabatiran mula sa iba pang mga talatang nabasa nila sa Alma 23–25 at 27. Maaari ding makakita ang mga miyembro ng klase ng makakatulong na mga sagot sa mga tanong na ito sa mensahe ni Elder David A. Bednar na “Nagbalik-loob sa Panginoon” (Ensign o Liahona, Nob. 2012, 106–9; tingnan din sa “Karagdagang Resources”). Anong mga pagbabago ang ginawa ng mga Anti-Nephi-Lehi bunga ng kanilang pagbabalik-loob? Paano tayo nahihikayat ng kanilang halimbawa na palalimin ang ating pagbabalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo?

  • Paano mo mahihikayat ang mga miyembro ng klase na talikuran ang anumang maling tradisyon, magsisi, at maging determinadong huwag nang ulitin ang mga kasalanang iyon, tulad ng ginawa ng mga Anti-Nephi-Lehi? Isiping rebyuhin ang Alma 23:5–7 nang sama-sama. Ano ang ilang mabubuting tradisyong nabubuo natin sa tulong ng ebanghelyo? Ano ang maaaring kumatawan sa “mga sandata ng paghihimagsik” ng mga Lamanita sa ating panahon? Paano natin maaaring “[ibaon] … ang mga ito nang malalim sa lupa”? (Alma 24:17). Anyayahan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan kung anong mga maling tradisyon o mga sandata ng paghihimagsik ang kailangan nilang talikuran para mas lubusan nilang maipamuhay ang ebanghelyo.

Alma 24:7–16

Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, mapapatawad tayo kapag nagsisi tayo.

  • Kung nadarama mo na dapat kayong magkaroon ng talakayan sa klase tungkol sa pagsisisi, ang salaysay tungkol sa mga Anti-Nephi-Lehi sa Alma 24 ay isang halimbawa na nakasisiglang gamitin. Maaari mong atasan ang bawat miyembro ng klase ng isang talatang babasahin mula sa Alma 24:7–16 at ipasulat sa kanila sa pisara ang isang bagay na natutuhan nila mula sa kanilang talata tungkol sa pagsisisi. Pagkatapos ay maaari nilang saliksikin ang sumusunod na mga talata sa banal na kasulatan para makahanap ng mga karagdagang kabatiran tungkol sa pagsisisi: Isaias 53:5–6; 2 Nephi 2:6–8; at Mosias 5:2.

Alma 24:13–15; 2629

Ang ebanghelyo ay naghahatid ng kagalakan!

  • Sa Alma 23–29, ang salitang “kagalakan” ay lumilitaw nang 24 na beses, kaya magandang matutuhan sa mga kabanatang ito kung paanong ang pamumuhay ng ebanghelyo—at pagbabahagi nito—ay naghahatid ng kagalakan. Maaari mong hatiin ang mga miyembro ng klase sa mga grupo at iparebyu sa bawat grupo ang ilan sa mga sumusunod na talata, na hinahanap ang mga dahilan kung bakit nagalak si Ammon, ang mga anak ni Mosias, at si Alma: Alma 24:13–15; 26:12–22; at 29:1–17. Maaaring ilista ng mga miyembro ng klase ang natuklasan nila sa pisara. Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito kung paano naghahatid sa atin ng kagalakan ang ebanghelyo?

  • Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kapag nakatuon ang ating buhay sa plano ng kaligtasan ng Diyos … at kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay. Ang kagalakan ay nagmumula at dahil sa Kanya. Siya ang pinagmumulan ng lahat ng kagalakan” (“Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 82). Marahil ay maaaring magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga karanasan na nagpaunawa sa kanila sa katotohanan ng mga salita ni Pangulong Nelson.

  • Nakadama sina Alma at Ammon ng malaking kagalakan sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na maghanap ng mga talata sa Alma 26 at 29 na maaaring makahikayat sa isang kabataan na magmisyon—o makahikayat sa sinuman na ibahagi ang ebanghelyo sa iba. Isiping bigyan ng ilang minuto ang mga miyembro ng klase na magplano ng isang bagay na magagawa nila para maibahagi ang ebanghelyo. Anyayahan silang kumilos ayon sa kanilang mga plano, at sa susunod na klase maaari mo silang hikayating talakayin ang kanilang mga pagsisikap.

  • Nang tulungan ni Alma ang iba na magsisi, naalala niya ang kabutihan ng Diyos (tingnan sa Alma 29:10–13). Marahil ay maaari mong bigyan ng ilang sandali ang mga miyembro ng klase para pag-aralan ang mga talatang ito at ilista kung ano ang naalala ni Alma. Ano ang nagpapaalala sa atin ng kabutihan ng Diyos? Paano natin nakita ang kabutihan ng Diyos sa ating buhay?

Alma 26–27

Maaari tayong maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos.

  • Para matulungan ang mga miyembro ng klase na malaman ang ibig sabihin ng maging “mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos” (Alma 26:3), maaari kang magdispley ng iba’t ibang uri ng kasangkapan o kagamitan. Maaari mo ring anyayahan ang mga miyembro ng klase na magdala ng ilang kagamitan na ginagamit nila. Paano nakakatulong ang mga kasangkapang ito? Paano tayo parang mga kasangkapan sa gawain ng Diyos? Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na tukuyin ang mga paraan na naging kasangkapan si Ammon at ang kapwa niya mga missionary sa mga kamay ng Diyos (tingnan, halimbawa, sa Alma 26:1–5, 11–12). Anong mga kabatiran ang matatamo natin mula sa Doktrina at mga Tipan 4 tungkol sa pagiging mga kasangkapan sa Kanyang mga kamay? Maaari ding magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga karanasan kung kailan nadama nila ang galak na nagmumula sa pagiging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Marami sa ganitong mga maling ideyang nagliligaw sa mga anak ng Diyos ngayon ang karaniwan din noong panahon ni Alma. Sabihin sa mga miyembro ng klase na makikita nila sa Alma 30–31 kung paano tumugon si Alma at ang iba pa sa mga maling turong ito.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Nagbalik-loob sa Panginoon.

Itinuro ni Elder David A. Bednar:

“Ang pinakadiwa ng ebanghelyo ni Jesucristo ay humihingi ng mahalaga at permanenteng pagbabago sa ating katauhan na nagiging posible sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Ang tunay na pagbabalik-loob ay nagdudulot ng pagbabago sa paniniwala, puso, at buhay ng isang tao upang tanggapin at sundin ang kagustuhan ng Diyos (tingnan sa Mga Gawa 3:19; 3 Nephi 9:20) at nakapaloob dito ang tapat na pangako na maging disipulo ni Cristo.

Matapos banggitin ang Alma 23:6–8, ipinaliwanag ni Elder Bednar:

“Dalawang mahalagang bagay ang inilarawan sa mga talatang ito: (1) ang kaalaman ng katotohanan, na maaaring sabihing patotoo, at (2) pagbabalik-loob sa Panginoon, na sa pagkaunawa ko ay pagbabalik-loob sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo. Kaya, ang matinding kombinasyon ng patotoo at ng pagbabalik-loob sa Panginoon ang nagbunga ng katatagan at hindi pagkatinag at naglaan ng espirituwal na proteksiyon.

“Hindi sila kailanman tumalikod sa katotohanan at isinuko nila ‘ang kanilang mga sandata ng paghihimagsik, na hindi na nila muli pang nilabanan ang Diyos.’ Ang pagsasantabi ng taglay na ‘mga sandata ng paghihimagsik’ gaya ng kasakiman, kapalaluan, at pagsuway ay nangangailangan ng higit pa sa pananalig at kaalaman. Ang katapatan, pagpapakumbaba, pagsisisi, at pagsunod ay kailangan bago maisuko ang ating mga sandata ng paghihimagsik. Tayo ba ay mayroon pa ring mga sandata ng paghihimagsik na humahadlang sa ating pagbabalik-loob sa Panginoon? Kung mayroon, kailangan nating magsisi ngayon din.

“Mapapansin na hindi nagbalik-loob ang mga Lamanita dahil sa mga misyonero na nagturo sa kanila o sa napakahuhusay na programa ng Simbahan. Hindi sila nagbalik-loob dahil sa mga katangian ng kanilang mga pinuno o para ipreserba ang isang pamana ng kultura o tradisyon ng kanilang mga ninuno. Sila ay nagbalik-loob sa Panginoon—sa Kanya bilang Tagapagligtas at sa Kanyang kabanalan at doktrina—at hindi sila kailanman tumalikod sa katotohanan” (“Nagbalik-loob sa Panginoon,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 107–9).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Humingi ng patnubay mula sa iyong mga lider. “Gusto kang tulungan ng iyong mga priesthood at auxiliary leader na magtagumpay. Hingan sila ng payo habang nagsisikap kang magpakahusay bilang guro at habang pinagninilayan mo ang mga pangangailangan ng mga tinuturuan mo” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 5).