“Hunyo 22–28. Alma 17–22: ‘Gagawin Ko Kayong Kasangkapan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Hunyo 22–28. Alma 17–22,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020
Hunyo 22–28
Alma 17–22
“Gagawin Ko Kayong Kasangkapan”
Bago mo matulungan ang iba na tuklasin ang mga katotohanan sa mga banal na kasulatan, kailangan mong tuklasin ang mga katotohanan para sa iyong sarili. Basahin ang Alma 17–22 na nasasaisip ang mga miyembro ng klase mo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Para mabigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng isang bagay na natutuhan nila sa kanilang personal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya, maaari mo silang anyayahan na pumili ng isang tao na nakalarawan sa Alma 17–22 at kumpletuhin ang pangungusap na gaya ng sumusunod: “Itinuro sa akin ni Abis ” o “ Itinuro sa akin ni Lamoni .”
Ituro ang Doktrina
Lumalakas ang ating pananampalataya kapag masigasig nating hinahangad na malaman ang katotohanan.
-
Malamang ay ilang beses nang narinig ng mga miyembro ng klase ang kahalagahan ng mga simpleng gawi sa ebanghelyo. Maipapakita sa kanila ng Alma 17:1–4 ang malaking epekto ng mga gawing ito sa ating buhay. Maaari mong hilingin sa kalahati ng klase na saliksikin sa mga talatang ito ang ginawa ng mga anak ni Mosias at saliksikin ng natitirang kalahati ang mga resulta ng ginawa nila. Ano ang mga resulta ng paggawa ng mga bagay na ito sa ating buhay?
-
Para sa mas malalim na talakayan tungkol sa ilan sa mga gawing nagpalakas sa mga anak ni Mosias, maaari mong isulat sa pisara ang Pagsasaliksik sa mga Banal na Kasulatan, Panalangin, at Pag-aayuno. Pagkatapos ay maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang mga talatang nagtuturo tungkol sa mga pagpapalang nagmumula sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, panalangin, at pag-aayuno (maaaring makatulong ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Maaari nilang isulat sa pisara ang mahahanap nila at ibahagi sa isa’t isa ang mga ideya kung paano pagbubutihin ang kanilang pag-aaral ng banal na kasulatan, panalangin, at pag-aayuno sa paraang mas mapapalapit sila sa Diyos.
Ang ating pagmamahal ay makakatulong sa iba na maghandang tanggapin ang ebanghelyo.
-
Maraming paraan para maibahagi ang ebanghelyo, at lahat ng ito ay mas epektibo kapag pagmamahal ang motibo. Marahil ay maaaring tukuyin ng mga miyembro ng klase ang mga talata sa Alma 17–18 na nagpapakita kung paano naganyak ng pagmamahal si Ammon para ibahagi ang ebanghelyo. Anong iba pang mga katotohanan tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo ang matututuhan natin mula sa kanyang halimbawa? Maaaring kayang magbahagi ng mga miyembro ng klase ng mga karanasan kung saan napalambot ng taos na pagmamahal ang puso ng isang tao at nagtulot sa kanya na maging mas handang tanggapin ang mensahe ng ebanghelyo. Ang pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks sa “Karagdagang Resources” ay maaari ring makatulong sa mga miyembro ng klase na maunawaan ang kahalagahan ng pagtiyak na ang ating mga pagsisikap ay nakasalig sa pagmamahal.
Ang epektibong pagtuturo at pagkatuto tungkol sa mga katotohanan ng ebanghelyo ay maaaring humantong sa pagbabago ng puso.
-
Nang makuha nina Ammon at Aaron ang tiwala ni Haring Lamoni at ng kanyang ama, naipaunawa nila sa kanila ang mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo. Marahil ay makakatulong kung gagawa ang mga miyembro ng klase ng listahan ng mga katotohanang itinuro ni Ammon kay Lamoni (tingnan sa Alma 18:24–39) at ikukumpara ito sa listahan ng mga katotohanang itinuro ni Aaron sa ama ni Lamoni (tingnan sa Alma 22:1–16). Maaaring gawin ng kalahati ng klase ang isang listahan at ng natitirang kalahati ang isa pang listahan. Bakit kaya naakay ng pag-unawa sa mga katotohanang ito si Lamoni at ang kanyang ama na maniwala at magtiwala sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo?
-
Ang mga salaysay tungkol sa pagtuturo nina Aaron at Ammon kay Haring Lamoni at sa kanyang ama ay nagbibigay ng magandang pagkakataon para talakayin ang epektibong pagtuturo at pagkatuto tungkol sa ebanghelyo. Anong mga alituntunin ng pagtuturo ang napapansin ng mga miyembro ng klase? (tingnan, halimbawa, sa Alma 18:24–28 at Alma 22:7–13). Anong mga alituntunin ng pag-aaral ang nakikita nila sa mga halimbawa ni Haring Lamoni at ng kanyang ama? (tingnan, halimbawa, sa Alma 18:25–31; 22:17–18).
-
Para malaman kung paano makakaimpluwensya ang doktrina ng ebanghelyo sa ating buhay, maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang Alma 18:40–41; 20:1–15; at Alma 22:15–18, 25–27 para malaman kung ano ang nadama at ginawa ni Haring Lamoni at ng kanyang ama matapos maunawaan ang mga katotohanan ng ebanghelyo at magbalik-loob. Paano tayo inilalapit ng mga katotohanang ito kay Cristo? Ano ang ating magagawa para maunawaan at maipamuhay natin at ng ating mga mahal sa buhay ang mga katotohanang ito?
Ang ating patotoo ay maaaring makaimpluwensya nang malaki sa iba.
-
Sa kanilang personal na pag-aaral ng Alma 19–22, napagnilayan na siguro ng mga miyembro ng klase ang malawak at matagalang epekto ng patotoo ng isang tao sa iba. Hikayatin silang ibahagi ang natutuhan nila. Ano ang ipinahihiwatig ng mga salaysay sa Alma 19–22 tungkol sa mga personal na pagsisikap nating ibahagi ang ebanghelyo? Mabibigyang-diin ng kuwento ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa “Karagdagang Resources” ang puntong ito.
-
Ano ang ilang magagandang analohiyang maaari mong ibahagi para ilarawan kung ano ang maaaring mangyari kapag ibinahagi natin ang ating patotoo sa iba? Ang mga posibleng halimbawa ay isang batong lumilikha ng alun-alon sa isang lawa o lebadurang nagpapaalsa sa masa ng tinapay. Matapos rebyuhin ang ilang halimbawa ng mga taong nagbabahagi ng kanilang patotoo sa Alma 19–22, maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano sila naapektuhan ng mga patotoo ng iba.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Maaari mong itanong sa mga miyembro ng klase kung naisip na ba nila kung paano patatatagin at patitibayin ang kanilang conversion o pagbabalik-loob. Sa Alma 23–29, mababasa nila ang tungkol sa isang grupo ng mga tao na tumanggap sa ebanghelyo at “kailanman ay hindi nagsitalikod” (Alma 23:6).
Karagdagang Resources
Ibahagi ang ebanghelyo nang dahil sa pagmamahal.
Ibinahagi ni Pangulong Dallin H. Oaks ang isang mahalagang aral na natutuhan niya sa isang karanasan noong bata pa siya:
“Inatasan akong dalawin ang isang di-gaanong aktibong miyembro, isang matagumpay na propesyonal na malaki ang tanda sa akin. Sa paggunita ko sa aking mga ginawa, natanto kong babahagya ang pagmamalasakit ko sa lalaking dinalaw ko. Ginawa ko lang ang tungkulin ko, para lang makapag-ulat ako ng 100 porsiyento sa aking home teaching. Isang gabi, papatapos na ang buwan, tumawag ako kung maaari namin siyang dalawin ng aking kasama. Ang kanyang galit na sagot ay nagturo sa akin ng di-malilimutang aral.
“‘Hindi, palagay ko’y ayaw ko kayong pumunta rito ngayong gabi,’ sabi niya. ‘Pagod na ako. Nakapantulog na ako. Nagbabasa ako, at ayaw ko nang maistorbo para lang makapag-ulat kayo ng 100 porsiyento sa inyong home teaching sa buwang ito.’ Nasaktan ako sa sagot na iyon dahil batid kong natunugan niya ang makasarili kong motibo.
“Sana ay wala tayong aanyayahang makinig sa mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo na madaramang may iba pang dahilan sa paggawa natin nito maliban sa tunay na pagmamahal sa kanila at sa di-makasariling pagnanais na ibahagi ang isang bagay na alam nating mahalaga” (“Pagbabahagi ng Ebanghelyo,” Liahona, Ene. 2002, 8).
Kadalasan ay hindi hayag ang ating impluwensya.
Ikinuwento ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang tungkol sa isang missionary na nagreport sa kanyang mission president sa pagtatapos ng kanyang paglilingkod. Sabi ng missionary:
“Wala pang anumang resulta ang pagsisikap ko. Nasayang ko ang oras ko at ang pera ng tatay ko. Nagsayang lang ako ng oras. … Iisa lang ang nabinyagan ko sa loob ng dalawang taon na narito ako. Isang labindalawang-taong-gulang na batang lalaki iyon sa liblib na pook ng Tennessee.”
Ipinasiya ng mission president na subaybayan ang batang bininyagan ng missionary na ito. Lumaki siya, nag-asawa, at lumipat sa Idaho. Nagmisyon ang kanyang mga anak, at nagmisyon ang kanilang mga anak. Naglakbay ang mission president papuntang Idaho at kinumusta ang mga misyon ng mga miyembro ng pamilyang iyon. Sinabi niya kalaunan, “Natuklasan ko na, dahil nabinyagan ang isang batang musmos sa liblib na pook ng Tennessee ng isang missionary na nag-akalang bigo ang kanyang misyon, mahigit 1,100 katao ang sumapi sa Simbahan” (Teachings of Gordon B. Hinckley [1997], 360–61).