“Hunyo 15–21. Alma 13–16: ‘Pumasok sa Kapahingahan ng Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Hunyo 15–21. Alma 13–16,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020
Hunyo 15–21
Alma 13–16
“Pumasok sa Kapahingahan ng Panginoon”
Ang nagtatagal na pagbabalik-loob ay nangangailangan hindi lamang ng isang nagbibigay-inspirasyong Sunday School lesson minsan sa isang linggo. Hikayatin ang mga miyembro ng klase na maghangad ng personal na espirituwal na mga karanasan sa buong linggo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Ano ang maaaring maghikayat sa mga miyembro ng klase na ibahagi sa isa’t isa ang mga karanasan nila sa pag-aaral at pamumuhay ng ebanghelyo? Maaari mo siguro silang anyayahan na magbahagi ng isang kabatirang natagpuan nila sa Alma 13–16 na ikinagulat nila o hindi nila inakala noon. Habang nagbabahagi sila, tanungin sila kung ano sa palagay nila ang kaibhang magagawa ng bagong kabatirang ito sa buhay nila.
Ituro ang Doktrina
Ang mga ordenansa ng priesthood ay tumutulong sa mga anak ng Diyos na matubos sa pamamagitan ni Jesucristo.
-
Maaaring may natagpuan ang ilang miyembro ng klase mo na nagpalawak sa kanilang pagpapahalaga sa priesthood nang pag-aralan nila ang Alma 13. Anyayahan silang ibahagi ang kanilang natuklasan. Maaari din ninyong sabay-sabay na basahin ang talata 2 at 16 at magtanong ka ng katulad ng “Paano tumutulong sa inyo ang priesthood at mga ordenansa nito na ‘[umasa] sa [Anak ng Diyos] upang matubos’?” Kung makakatulong, isang listahan ng mga ordenansa ang matatagpuan sa Tapat sa Pananampalataya, 90–91.
-
Maraming tao sa Ammonihas ang mga alagad ni Nehor, na nagturo ng mga maling ideya tungkol sa tungkulin ng mga saserdote. Para malaman ng mga miyembro ng klase ang tunay na katangian ng priesthood, maaari mong hilingin na ikumpara nila ang pananaw ni Nehor tungkol sa dapat gawin ng mga saserdote (tingnan sa Alma 1:3–6) sa itinuro ni Alma (tingnan sa Alma 13:1–12). Sa anong mga paraan natutulad ang mga turo ni Nehor sa mga pananaw ng mundo tungkol sa kapangyarihan at pamumuno? Paano naiiba ang mga turo ni Alma?
-
Ang pagbasa sa Alma 13:1–19 ay maaaring humantong sa isang talakayan tungkol sa pagiging “[handa] mula pa sa pagkakatatag ng daigdig” para sa ating mga responsibilidad sa gawain ng Panginoon. Ano ang iminumungkahi sa Alma 13:3 kung paano natin dapat tingnan o gawin ang mga responsibilidad na ito? (tingnan din sa DT 138:56).
Inaanyayahan tayo ng Panginoon na pumasok sa Kanyang kapahingahan.
-
Itinuro ni Alma na ang priesthood ay tinutulungan tayong “makapasok sa kapahingahan ng Panginoon” (Alma 13:16). Para makapagsimula ng talakayan tungkol sa ideyang ito, maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na basahin ang Alma 13:6, 12–13, 16, at 29 at ibahagi ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa “kapahingahan ng Panginoon.” Maaari din nilang tukuyin ang mga katangian ng mga taong “[naka]kapasok sa kapahingahan ng Panginoon.” Ano ang magagawa natin para maranasan ang kapahingahan ng Panginoon habang nabubuhay tayo?
Sa mga panahon ng pagsubok at trahedya, kailangan nating magtiwala sa Panginoon.
-
Ang Alma 14 ay maaaring maging isang pagkakataon para talakayin kung paano tayo tapat na makakatugon kapag tayo o ang ating mga mahal sa buhay ay nahaharap sa pag-uusig o mga pagsubok kahit na sinisikap nating maging matwid. Maaari kang magsimula sa pag-anyaya sa mga miyembro ng klase na isipin na kunwari’y mga journalist sila na nagrereport tungkol sa isang pangyayari sa Alma 14. Anong mga bagay ang maaari nilang itanong kay Alma o Amulek tungkol sa nangyari? Halimbawa, “Bakit tinulutan ng Panginoon na magdusa ka at ang iba pang mabubuting tao?” o “Ano ang maipapayo mo sa mga taong dumaranas ng mahihirap na pagsubok?” Batay sa nalalaman natin mula sa Alma 14, paano kaya sasagutin ni Alma o Amulek ang mga tanong na ito?
-
Makakaugnay ang karamihan sa atin kahit paano sa nadama ni Amulek nang masaksihan niya ang paghihirap ng matatapat na tao ng Ammonihas: kami “rin ay nasaktan” (Alma 14:10), at kung may magagawa lang sana kami tungkol doon. Ano ang matututuhan natin sa sinabi ni Alma sa sitwasyong ito? (tingnan sa Alma 14:8–13). Maaari mong ibahagi ang mga pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball sa “Karagdagang Resources.” Marahil ay maaaring ibuod ng mga miyembro ng klase ang pangunahing mensahe ng pahayag ni Pangulong Kimball sa sarili nilang mga salita.
Ang pagiging disipulo ay nangangailangan ng sakripisyo.
-
Iminumungkahi sa outline para sa linggong ito ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya na ilista kung ano ang isinuko ni Amulek at kung ano ang natamo niya nang tanggapin niya ang ebanghelyo. Handa siguro ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang mga listahang ginawa nila, o maaari nilang gawin ang mga listahang ito sa klase. Makakatulong ang mga talatang ito: Alma 10:4–5; 15:16, 18; 16:13–15; at 34:8. Bakit handa si Amulek na gawin ang sakripisyong iyon? Bakit tayo handang gawin iyon? Paano natin masusundan ang halimbawa ni Alma, na “pinalakas [si Amulek] sa Panginoon”?
Ang mga salita ng mga propeta ay matutupad.
-
Ang Alma 16 ay nagbibigay ng mga halimbawa ng isang taong nagtiwala at mga taong hindi nagtiwala sa isang propeta. Para matuto ang mga miyembro ng klase mula sa mga halimbawang ito, maaari mong isulat sa pisara ang dalawang heading: Zoram at Mga Tao ng Ammonihas. Maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang Alma 16:1–10 at isulat sa ilalim ng bawat heading ang mga salita at pariralang naglalarawan sa saloobin ng mga taong ito sa mga salita ng propetang si Alma. Ano ang ginagawa natin para ipakita sa Ama sa Langit na nagtitiwala tayo sa mga salita ng mga buhay na propeta?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Isiping tanungin ang mga miyembro ng klase kung pinangarap na nilang maging mas mahusay sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Ang pagbasa sa Alma 17–22 ay magbibigay ng mga ideyang makakatulong sa kanila na tuparin ang mithiing ito.
Karagdagang Resources
Hindi palaging hinahadlangan ng Diyos ang trahedya.
Nagkomentong minsan si Pangulong Spencer W. Kimball tungkol sa tila di-maipaliwanag na mga trahedyang nangyayari sa mundo:
“Kaya ba sanang pigilan ng Panginoon ang mga trahedyang ito? Ang sagot ay, Oo. Ang Panginoon ay makapangyarihan. Nasa Kanya ang lahat ng kapangyarihan para kontrolin ang ating buhay, iligtas tayo sa pagdurusa, pigilan ang lahat ng aksidente, … pangalagaan tayo … maging sa kamatayan, kung loloobin niya. Pero hindi niya iyon gagawin. …
“Kung lahat ng maysakit na ipinagdarasal natin ay pagagalingin, kung lahat ng mabubuti ay poprotektahan at wawasakin ang masasama, ang buong programa ng Ama ay mawawalang-bisa at ang pangunahing alituntunin ng ebanghelyo, ang kalayaang pumili, ay magwawakas. Hindi na kailangang mabuhay ang tao sa pamamagitan ng pananampalataya. …
“… Kung isasara natin ang mga pintuan sa kalungkutan at pangamba, baka hindi natin maisama ang ating pinakamagigiting na kaibigan at tagapagpala. Ginagawang banal ng pagdurusa ang mga tao habang natututo sila ng pagtitiyaga, matagalang pagtitiis, at pagkontrol sa sarili. …
“… Nagpapasalamat ako na kahit sa pamamagitan ng priesthood ay hindi ko mapagagaling ang lahat ng maysakit. Baka mapagaling ko ang mga taong dapat nang mamatay. Baka maibsan ko ang pagdurusa ng mga taong dapat magdusa. Natatakot ako na baka mabigo ko ang mga layunin ng Diyos.
“Kung walang hangganan ang kapangyarihan ko, bagamat limitado ang pananaw at pang-unawa ko, baka nailigtas ko si Abinadi sa mga ningas ng apoy nang sunugin siya para mamatay, at sa gayon ay baka lalo ko siyang napinsala. Namatay siyang isang martir at nakamtan ang gantimpala ng isang martir—ang kadakilaan.
“Malamang na naprotektahan ko si Pablo laban sa kamalasan niya, kung walang hangganan ang aking kapangyarihan. Tiyak na napagaling ko sana ang kanyang ‘tinik sa laman.’ [II Mga Taga Corinto 12:7.] At sa paggawa ng gayon ay [maaaring] nasira ko ang programa ng Panginoon. …
“Natatakot ako na kung nasa Carthage Jail ako noong Hunyo 27, 1844, ay baka nailihis ko ang mga balang tumama sa katawan ng Propeta [na si Joseph Smith] at ng Patriarch [na si Hyrum Smith]. Siguro nailigtas ko sila sa pagdurusa at dalamhati, ngunit hindi sana sila namatay na martir at nagantimpalaan. …
“Sa gayong di-makontrol na kapangyarihan, tiyak na gugustuhin kong protektahan ang Cristo mula sa pagdurusa sa Getsemani, sa mga pang-iinsulto, sa koronang tinik, sa kahihiyan sa hukuman, sa pagkasugat ng katawan. Nilinis ko sana ang mga sugat niya at pinagaling ang mga ito, at binigyan siya ng malamig na tubig sa halip na suka. Siguro nailigtas ko siya sa pagdurusa at kamatayan, at nawala sana sa daigdig ang kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. …
“Sa pagharap sa tiyak na trahedya kailangan tayong magtiwala sa Diyos, nalalaman na sa kabila ng limitado nating pananaw ang kanyang mga layunin ay hindi mabibigo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 17–21, 25).