Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hunyo 8–14. Alma 8–12: Si Jesucristo ay Paparito upang Tubusin ang Kanyang mga Tao


“Hunyo 8–14. Alma 8–12: Si Jesucristo ay Paparito upang Tubusin ang Kanyang mga Tao,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Hunyo 8–14. Alma 8–12,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020

nangangaral si Alma

Teaching True Doctrine, ni Michael T. Malm

Hunyo 8–14

Alma 8–12

Si Jesucristo ay Paparito upang Tubusin ang Kanyang mga Tao

Simulan ang paghahanda mong magturo sa pagbasa sa Alma 8–12. Pagkatapos ay rebyuhin ang outline na ito para sa iba pang mga ideya na hihikayat sa mga miyembro ng klase na ibahagi ang natutuhan nila sa kanilang pag-aaral.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Bigyan ng ilang minuto ang mga miyembro ng klase para pag-isipan ang kanilang personal na pag-aaral o pag-aaral ng pamilya ng banal na kasulatan sa linggong ito. Paano nakaimpluwensya ang kanilang pag-aaral sa mga pasiyang ginawa nila sa buong linggo? Anyayahan ang ilang miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang mga iniisip.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Alma 8

Ang pagsisikap nating ibahagi ang ebanghelyo ay maaaring mangailangan ng pagsisikap at pagtitiyaga.

  • Maraming tao ang nahihirapang magbahagi ng ebanghelyo—lalo na kapag tinanggihan na sila, tulad ni Alma noon. Ang halimbawa ni Alma ay maaaring makatulong sa kanila na magtiwala sa Diyos at makasumpong ng lakas-ng-loob na patuloy na ibahagi ang kanilang patotoo sa iba. Isipin ang mga tanong na ito sa talakayan: Ano ang matututuhan natin mula sa mensahe ng anghel kay Alma sa Alma 8:15? Ano naman ang reaksyon ni Alma sa mensahe, na matatagpuan sa Alma 8:14–32, na naghihikayat sa atin na patuloy na ibahagi ang ebanghelyo kapag tinatanggihan tayo? Ano ang maipapayo natin sa isang tao na nagsikap na ibahagi ang ebanghelyo ngunit tinanggihan? Maaaring makatulong ang payo ni Elder Jeffrey R. Holland sa “Karagdagang Resources” sa pag-uusap na ito.

  • Ang kuwento tungkol kina Alma at Amulek ay nagpapakita kung gaano kahalaga ang mga pagsisikap ng mga miyembro sa gawaing misyonero. Ano ang natututuhan ng mga miyembro ng klase sa Alma 8:19–30 tungkol sa kaugnayan ng mga lokal na miyembro sa mga full-time missionary? (tingnan din sa Alma 10:1–12).

    dalawang pamilya na nagpupulong

    Ang pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga mahal natin sa buhay ay maaaring maging isang masayang karanasan.

Alma 9:18–30

Hinahatulan ng Diyos ang Kanyang mga anak ayon sa taglay nilang liwanag at kaalaman.

  • May isang seryosong babala sa mga talatang ito sa lahat ng miyembro ng Simbahan—kapag tumanggap na tayo ng liwanag at kaalaman, inaasahan tayong pahalagahan ito, pangalagaan ito, ipamuhay ito, at gamitin ito upang pagpalain ang iba. Para masuri ng mga miyembro ng klase ang responsibilidad na ito, maaari mong hilingin na basahin nila ang mga turo ni Alma sa Alma 9:18–30 at ibahagi ang mga mensaheng nakita nila tungkol sa responsibilidad nila dahil sa kanilang nalalaman. Bakit maaaring mas malaki ang kaparusahan kapag nagkasala tayo laban sa mas dakilang liwanag? Bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na pagnilayan kung ano ang magagawa nila para maging mas tapat sa liwanag at kaalaman na kanilang natanggap. Maaari mong imungkahi na basahin nila ang Doktrina at mga Tipan 50:24 habang nagninilay sila.

Alma 11–12

Ang plano ng Diyos ay isang plano ng pagtubos.

  • Maaari mong pasimulan ang talakayan tungkol sa doktrinang ito sa pag-anyaya sa mga miyembro ng klase na magdrowing ng diagram ng plano ng pagtubos sa pisara. Pagkatapos ay maaari mong hatiin ang mga bahagi ng Alma 11–12 sa mga miyembro ng klase at anyayahan silang hanapin ang mga katotohanang idaragdag nila sa diagram. Halimbawa, mula saan tayo tinutubos ng plano ng Diyos? (tingnan sa Alma 11:38–45). Paano pinagpapala ng pagkaalam sa mga katotohanang ito tungkol sa plano ng pagtubos ang ating buhay?

  • Para maibahagi ng mga miyembro ng klase kung ano ang itinuturo ng Alma 11–12 sa kanila tungkol sa plano ng pagtubos, maaari mong isulat ang sumusunod na mga heading sa pisara: Ang Pagkahulog, Ang Manunubos, Pagsisisi, Kamatayan, Pagkabuhay na Mag-uli, at Paghuhukom. Maaaring pumili ang mga miyembro ng klase ng isa sa mga paksang ito at magsaliksik sa Alma 11–12 para sa mga katotohanang natutuhan nila tungkol doon. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na isulat ang mga katotohanang nakita nila, kasama ang isang reperensya sa banal na kasulatan, sa ilalim ng angkop na heading sa pisara. Bilang isang klase, talakayin kung paano naiimpluwensyahan ng mga katotohanang ito ang ating buhay at mga desisyon.

  • Maaaring makinabang ang mga miyembro ng klase mo mula sa isang talakayang nakasentro sa Alma 12:31–32, kung saan itinuro ni Alma na matapos ang Pagkahulog, binigyan ng Diyos sina Adan at Eva ng mga kautusan—ngunit matapos lamang ituro sa kanila ang Kanyang plano. Paano nakakaapekto ang pagkaalam tungkol sa plano sa ating pagtingin o damdamin tungkol sa mga kautusan? Maaari ka sigurong magsalita tungkol sa ilang partikular na kautusan; halimbawa, paano tayo natutulungan ng pagkaalam tungkol sa plano ng Diyos na panatilihing banal ang araw ng Sabbath o sundin ang batas ng kalinisang-puri?

  • Maaaring may mga tanong ang ilang miyembro ng klase tungkol sa Alma 11:26–39, kung saan sinabi ni Amulek na iisa lamang ang Diyos. Nililinaw sa sumusunod na mga talata kung paano naging “isang Diyos” ang mga miyembro ng Panguluhang Diyos samantalang magkakahiwalay pa rin sila: Juan 17:20–23; 2 Nephi 31:21; at 3 Nephi 19:29. Maaari ding makatulong ang pahayag na ito ni Elder Jeffrey R. Holland: “Naniniwala tayo na Sila ay iisa sa bawat mahalaga at walang hanggang aspeto ngunit hindi tayo naniniwala na Sila ay tatlong tao sa iisang katawan” (“Ang Iisang Dios na Tunay, at Siyang Kanyang Sinugo, sa Makatuwid Baga’y si Jesucristo,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 40).

Alma 12:9–14

Kung hindi natin patitigasin ang ating puso, mas marami tayong matatanggap na salita ng Diyos.

  • Ang isa sa mga mensaheng ilang beses na itinuro nina Alma at Amulek ay kung paano naiimpluwensyahan ng kondisyon ng ating puso ang dami ng katotohanang matatanggap natin mula sa Panginoon. Para matuklasan ng mga miyembro ng klase ang katotohanan ng alituntuning ito, maaari mo silang anyayahan na basahin ang Alma 12:9–14 nang magkakapares o sa maliliit na grupo at talakayin ang mga resulta ng pagkakaroon ng matigas na puso. (Maaari mo ring hilingin na basahin nila ang Alma 8:9–11; 9:5, 30–31; at 10:6, 25.) Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng malambot na puso? (tingnan sa Jeremias 24:7; Alma 16:16; Helaman 3:35). Paano mas naipauunawa sa atin ng malambot na puso ang salita ng Diyos?

  • Itinuro ni Alma na kapag pinatigas natin ang ating puso, “higit na maliit na bahagi” ng salita ng Diyos ang tinatanggap natin (Alma 12:10). Marahil ay maaaring magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga karanasan mula sa mga banal na kasulatan na naglalarawan sa alituntuning ito. Paano pinalalambot ng Panginoon ang ating puso para patuloy tayong matuto pa mula sa Kanya? Anong mga personal na karanasan ang maibabahagi natin?

  • Para maipaunawa sa mga miyembro ng klase ang ibig sabihin ng magkaroon ng malambot na puso, maaari mong ibahagi ang ilan sa mga halimbawang nakalista sa “Karagdagang Resources.”

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang Alma 13–16 sa linggong ito, maaari mong sabihin sa kanila na malalaman nila kung paano natupad ang mga salita ni Alma sa buhay ni Zisrom at ng mga tao ng Ammonihas.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Lakas-loob na manindigan.

Ibinigay ni Elder Jeffrey R. Holland ang sumusunod na panghihikayat sa mga taong pinagmamalupitan dahil sa pagbabahagi ng ebanghelyo o pagtatanggol dito:

“Kung hindi pa kayo natatawag, balang-araw ay kakailanganin ninyong ipagtanggol ang inyong pananampalataya o tiisin pa ang ilang harapang pang-aabuso dahil lamang sa miyembro kayo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang mga sandaling iyon ay mangangailangan kapwa ng tapang at paggalang ninyo.

“… Maaaring isipin ninyo kung sulit bang ipagtanggol nang buong tapang ang moralidad sa high school o magmisyon para lamang laitin ang inyong itinatanging mga paniniwala o sikaping labanan ang marami sa lipunan na kung minsan ay kinukutya ang katapatan sa relihiyon. Oo, sulit iyon. …

“Mga kaibigan, lalo na ang mga kaibigan kong kabataan, manalig. Ang dalisay na pag-ibig ni Cristo na dumadaloy mula sa tunay na kabutihan ay kayang baguhin ang mundo. …

“Maging matatag. Tapat na ipamuhay ang ebanghelyo kahit hindi ito ginagawa ng ibang nasa paligid ninyo. Ipagtanggol ang inyong mga paniniwala nang may paggalang at habag, ngunit ipagtanggol pa rin ito” (“Ang Halaga—at mga Pagpapala—ng Pagkadisipulo,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 6–9).

Pinalambot ang kanilang puso.

Ang sumusunod na mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya ay nagbibigay ng mga halimbawa ng mga tao na ang puso ay pinalambot ng Panginoon:

  • Ang kuwento ng pamilya Hatfield sa mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Ang Halaga ng Kapangyarihan ng Priesthood” (Ensign o Liahona, Mayo 2016, 66–67).

  • Ang kuwento ni Harold Gallacher sa mensahe ni Pangulong Thomas S. Monson na “Ang Sagradong Tawag na Maglingkod” (Ensign o Liahona, Mayo 2005, 55).

  • Ang kuwento ni David sa mensahe ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na “Matuto kina Alma at Amulek” (Ensign o Liahona, Nob. 2016, 73–74).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Tumingin ayon sa pagtingin ng Diyos. Sikaping tingnan ang mga miyembro ng klase mo tulad ng pagtingin sa kanila ng Diyos, at ipapakita sa iyo ng Espiritu ang kanilang banal na kahalagahan at potensyal. Kapag ginawa mo ito, gagabayan ka sa mga pagsisikap mong tulungan sila (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 6).