“Hulyo 6–12. Alma 30–31: ‘Ang Bisa ng Salita ng Diyos,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Hulyo 6–12. Alma 30–31,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020
Hulyo 6–12
Alma 30–31
“Ang Bisa ng Salita ng Diyos”
Matapos basahin ang Alma 30–31 at hangarin ang inspirasyon para sa sarili mong buhay, pakinggan ang mga pahiwatig kung anong mga mensahe ang magpapala sa mga miyembro ng klase mo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Kung nadarama mo na nag-aalangang magbahagi ang mga miyembro ng klase, maaari mo silang bigyan ng ilang minuto para rebyuhin ang Alma 30–31 o anumang mga tala na isinulat nila sa kanilang pag-aaral sa bahay sa linggong ito. Pagkatapos ay maaari silang magbahagi sa isang partner o sa klase ng isang makapangyarihang mensaheng nakita nila.
Ituro ang Doktrina
Sinusubukan ng kaaway na linlangin tayo sa pamamagitan ng maling doktrina.
-
Habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng klase mo, mauunawaan kaya nila ang pagkakaiba sa pagitan ng mga katotohanan ng ebanghelyo at ng mga panghuhuwad ni Satanas kung gumamit ka ng isang object lesson? Kung gayon, maaari kang magpakita sa kanila ng ilang huwad na bagay, tulad ng pera-perahan o laruang pagkain, na may kasamang tunay na pera o pagkain. Paano natin masasabi na hindi totoo ang mga huwad na bagay? Pagkatapos ay maaaring tukuyin ng klase ang mga maling turo ni Korihor sa Alma 30:6–31. Ano kaya ang nakakaakit tungkol sa mga turong ito? Ano ang iniaalok sa atin ng mga katotohanan ng ebanghelyo na hindi maiaalok ng mga huwad na turo ni Satanas? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung ano ang nakatulong kay Alma na makahiwatig sa pagitan ng tunay na doktrina at ng maling doktrina (tingnan sa Alma 30:32–54). Anong iba pang mga paraan ang nakatulong sa mga miyembro ng klase?
-
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na matutuhan kung paano protektahan ang kanilang sarili mula sa mga epekto ng maling doktrina, maaari mong rebyuhin ang paglalarawan sa isang anti-Cristo sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Aling mga talata sa Alma 30:6–31 ang nagpapakita na akma si Korihor sa paglalarawang ito? Alin sa kanyang mga turo ang kahalintulad ng mga huwad na turo sa ating panahon? (tingnan sa Alma 30:12–18, 23–28). Paano natin maiiwasan na malinlang ng mga turong ito?
Lahat ng bagay ay nagpapatotoo sa Diyos.
-
Dahil nabubuhay tayo sa isang mundong katulad ng kay Alma, kung saan may ilang taong nagtuturo na walang Diyos, maaaring makatulong ang patotoo ni Alma sa Alma 30:39–44 sa mga miyembro ng klase mo. Maaari mo silang anyayahang basahin ang mga talatang ito at gumawa ng listahan sa pisara ng mga katotohanan at katibayang ibinibigay ni Alma na nagpapatotoo na mayroong Diyos. Ano pa ang iba nating mga patotoo na ang Diyos ay buhay? Bilang bahagi ng talakayan, isiping ibahagi ang pahayag ni Pangulong M. Russell Ballard sa “Karagdagang Resources.” Maaari mo ring anyayahan ang isang tao na maghandang kantahin sa klase ang isang himno tungkol sa kabutihan ng Diyos, tulad ng “Dakilang Diyos” (Mga Himno, blg. 48), o maaari ninyong kantahin nang sabay-sabay ang himno.
-
Habang kausap ni Alma si Korihor, nahalata niya na “isinantabi [ni Korihor] ang Espiritu ng Diyos upang hindi ito magkaroon ng puwang sa [kanya]” (Alma 30:42). Isiping ipasaliksik sa mga miyembro ng klase ang Alma 30:39–46, na naghahanap ng iba pang mga pagtukoy sa Espiritu Santo. Anong papel ang ginagampanan ng Espiritu Santo sa pagpapatotoo sa atin sa katunayan ng Diyos at ni Jesucristo? Paano natin matutulungan ang mga taong may mga duda o tanong na mahanap ang katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu Santo?
Ang salita ng Diyos ay may kapangyarihang akayin ang mga tao sa kabutihan.
-
Mayroon bang mga miyembro ng klase mo na maaaring magbahagi ng isang karanasan kung kailan “ang bisa ng salita ng Diyos” (Alma 31:5) ay nakatulong sa kanila o sa isang taong kilala nila na gumawa ng mga pagbabago sa kanilang buhay? Maaari mong kontakin nang maaga ang mga miyembro ng klase para maging handa silang magbahagi ng kanilang mga karanasan. Hikayatin silang magbahagi ng mga talata mula sa Alma 31 na angkop sa kanilang mga karanasan. Maaari ding magbahagi ang iba pang mga miyembro ng klase ng mga paraan kung saan ang salita ng Diyos ay nagkaroon ng “malakas na bisa sa isipan [nila]” (Alma 31:5). Maaaring makinabang ang mga miyembro mula sa pagbabasa ng iba pang mga talata sa banal na kasulatan na nagpapatotoo tungkol sa kapangyarihan ng salita ng Diyos (tingnan ang “Karagdagang Resources” para sa ilang halimbawa).
-
Nang pag-aralan ng miyembro ng klase mo ang Alma 31 ngayong linggo, maaaring nagkaroon sila ng inspirasyon sa halimbawa ng pagdarasal ni Alma para sa mga Zoramita. Isiping itanong sa kanila kung ano ang natutuhan nila mula sa kabanatang ito tungkol sa pagtulong sa mga miyembro ng pamilya o mga kaibigan na nalihis mula sa landas ng ebanghelyo o nahihirapan sa kanilang pananampalataya. Maaari mo ring hilingin sa kanila na saliksikin ang Alma 31 nang sama-sama at ilista sa pisara ang mga bagay na napansin nila tungkol kay Alma na nakatulong sa kanya na sagipin ang mga Zoramita. Paano natin mas magagamit ang salita ng Diyos sa ating mga pagsisikap na sagipin ang iba? (Para sa mga karagdagang kabatiran, maaari mong ibahagi ang sipi ni Elder Jeffrey R. Holland sa “Karagdagang Resources.”)
-
Ano ang nakikita ng mga miyembro ng klase sa Alma 31:30–38 na makakatulong sa mga nalulungkot para sa mga kasalanan ng iba na tulad ni Alma?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Itanong sa mga miyembro ng klase kung anong doktrina o mga alituntunin ng ebanghelyo ang maaari nilang ituro para kontrahin ang mga kasinungalingang natuklasan ni Alma sa mga Zoramita. Sabihin sa kanila na habang binabasa nila ang Alma 32–35 matutuklasan nila kung paano ginamit ni Alma ang salita ng Diyos para makita ng mga Zoramita na kailangan nilang magbago.
Karagdagang Resources
Mga talata sa banal na kasulatan tungkol sa kapangyarihan ng salita ng Diyos.
Lahat ng bagay ay nagpapatunay na mayroong Diyos.
Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard na ang “mga walang-hanggang katibayan” na ibinigay ni Alma para sa pag-iral ng Diyos ay “patuloy na nagpapatotoo sa atin ngayon” (tingnan sa Alma 30:44):
“Sinabi ng mga astronaut na nakatanaw sa mundo mula sa kalawakan na napakaganda nito at mukha itong buhay na buhay. Isinulat ni United States Senator Jake Garn ang kanyang karanasan sa kalawakan: ‘Imposible para sa akin na ilarawan ang kagandahan ng daigdig. Isang kamangha-mangha at kagila-gilalas na espirituwal na karanasan ang matanaw ang mundo mula sa kalawakan habang naglalakbay nang dalawampu’t limang beses ang bilis kaysa sa tunog. Maaari din akong tumingin sa kadiliman ng kawalan sa kalawakan at makakita ng bilyun-bilyong bituin at galaxy na milyun-milyong light-years ang layo. Ang sansinukob ay napakalawak kaya imposible itong maunawaan. Pero naunawaan ko na ang kamay ng Diyos sa lahat ng bagay. Nadama ko ang kanyang presensya sa buong pitong araw ko sa kalawakan. Alam ko na nilikha ng Diyos ang daigdig na ito at ang sansinukob. … Alam ko na ang Diyos ay buhay at Siya ang Lumikha sa ating lahat’ (liham kay M. Russell Ballard, 3 Marso 1988)” (“God’s Love for His Children,” Ensign, Mayo 1988, 58).
Pagpapalusog sa iba sa pamamagitan ng salita ng Diyos.
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland:
“Talaga bang pinangangalagaan natin ang ating mga kabataan at mga bagong miyembro sa isang paraan na susuporta sa kanila kapag nagkaroon sila ng mga problema sa buhay? O binibigyan natin sila ng isang uri ng masayang ideya—na wala namang espirituwal na halaga? … Noong isang matinding taglamig ilang taon na ang nakararaan, napansin ni Pangulong Boyd K. Packer na maraming usang namatay sa gutom samantalang puno ng dayami ang tiyan ng mga ito. Sa tapat na pagsisikap na tumulong, naibigay ng mga ahensya ang mga bagay na mukhang makakatulong ngunit hindi nila naibigay ang talagang kailangan. Nakalulungkot na pinakain nila ang mga usa ngunit hindi nila napalusog ang mga ito. …
“Hindi naman talaga banayad si Satanas sa kanyang mga turo; bakit tayo dapat maging banayad? Tinuturuan man natin ang ating mga anak sa bahay o nakatayo tayo sa harap ng mga tao sa simbahan, huwag nating gawing mahirap kailanman na mapansin ang ating pananampalataya. … Magbigay ng mga sermon na batay sa banal na kasulatan. Ituro ang inihayag na doktrina” (“A Teacher Come from God,” Ensign, Mayo 1998, 26–27).