“Agosto 10–16. Alma 53–63: ‘Pinangalagaan ng Kanyang Kagila-gilalas na Kapangyarihan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Agosto 10–16. Alma 53–63,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020
Agosto 10–16
Alma 53–63
“Pinangalagaan ng Kanyang Kagila-gilalas na Kapangyarihan”
Habang sinasaliksik mo ang mga ideya sa pagtuturo sa outline na ito, pag-isipan kung ano ang magiging epektibo sa klase mo, at iakma o iayos ang mga aktibidad para matugunan ang mga pangangailangan ng mga miyembro ng klase.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang natutuhan nila mula sa Alma 53–63, maaari mong hilingin sa kanila na basahin nang mabilis ang mga kabanata at maghanap ng isang talata na maaari nilang ibahagi sa isang taong nahaharap sa mga hamon. Anyayahan silang ibahagi ang mga talatang ito sa isang tao sa labas ng klase.
Ituro ang Doktrina
Alma 53:17–21; 56:43–48, 55–56; 57:20–27; 58:39–40
Kapag nananampalataya at nagtitiwala tayo sa Diyos, palalakasin Niya tayo.
-
Maaari mong mapagyaman ang inyong talakayan sa klase tungkol sa mga mandirigma ni Helaman sa pamamagitan ng pagbatay sa natutuhan ng mga miyembro ng klase sa tahanan. Maaaring ang isang paraan para magawa ito ay anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang mga katangian ng mga kabataang mandirigma na hinahangaan nila (matatagpuan ang ilan dito sa Alma 53:17–21; 56:45–48; 57:20–21, 26–27; 58:40). Paano tinulungan ng mga katangiang ito ang mga kabataang mandirigma sa kanilang mga pakikidigma? Paano tayo matutulungan ng mga ito sa ating mga espirituwal na pakikidigma? Maaari ding magkuwento ang mga miyembro ng klase tungkol sa makabagong “mga kabataang mandirigma.”
-
Malamang ay umaasa ang mga magulang sa klase mo na magkakaroon ng pananampalataya ang kanilang mga anak na gaya ng mga kabataang mandirigma ni Helaman. Para matulungan ang mga magulang at magiging mga magulang sa klase mo na matuto mula sa kanilang kuwento, maaari kang bumuo ng isang panel ng ilang tao na makapagbabahagi ng mga ideya tungkol sa pagpapatatag ng pananampalataya ng mga bata. Ipabasa muna sa mga miyembro ng panel na ito ang Alma 56:47–48 at 57:20–27 at paghandain silang magbahagi ng mga kabatiran tungkol sa kung ano ang nakatulong sa mga kabataang mandirigma na magkaroon ng pananampalataya. Bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang mga kabatiran habang naglalahad ng mga ideya ang mga miyembro ng panel. Kabilang sa iba pang resources na maaaring magpaganda sa talakayang ito ang mga sinabi ni Sister Joy D. Jones sa “Karagdagang Resources” at ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Isang Pakiusap sa Aking mga Kapatid na Babae” (Ensign o Liahona, Nob. 2015, 95–97). Sa pagtatapos ng talakayan, maaari mong bigyan ng ilang minuto ang mga miyembro ng klase para pagnilayan ang mga tanong na gaya ng sumusunod: Sino kaya ang umaasa sa patotoo mo? Ano ang masasabi at magagawa mo para mapalakas sila?
Mapipili nating isipin ang pinakamabuti sa iba at hindi masaktan.
-
Ang reaksyon ni Helaman nang hindi makatanggap ng suporta ang kanyang mga hukbo ay maaaring maging isang mabisang halimbawa para sa atin kapag nadarama natin na ginawan tayo ng masama. Para makahikayat ng talakayan tungkol sa kanyang halimbawa, maaari mong anyayahan ang isang miyembro ng klase na dumating na handang ibuod ang sitwasyon ni Helaman at ang mga dahilan kaya hindi tinugunan ng pamahalaan ang kanyang mga pangangailangan (tingnan sa Alma 58:1–9, 30–37; 61:2–8). Maaari mong isulat sa pisara ang Tugon ni Helaman at Iba pang mga posibleng tugon. Pagkatapos ay anyayahan ang klase na saliksikin ang Alma 58:1–12 at 30–37 at isulat sa ilalim ng bawat heading ang mga paglalarawan kung ano ang inisip, sinabi, at ginawa ni Helaman bilang tugon sa kanyang sitwasyon at, sa kabilang dako, kung ano sana ang maaari niyang isipin, sabihin, o gawin. Ano ang magagawa natin para masundan ang halimbawa ni Helaman kapag nadarama natin na ginawan tayo ng masama o kinaligtaan?
-
Nang punahin ni Moroni si Pahoran sa Alma 60, maaari sanang piliin ni Pahoran na masaktan. Sa halip ay tumugon siya na “hindi [siya] nagagalit” at “[nagalak siya] sa kadakilaan ng puso [ni Moroni]” (Alma 61:9). Para matulungan ang mga miyembro ng klase na matuto mula sa halimbawa ni Pahoran, maaari mong ipaisip sa kanila na kunwari’y nahilingan silang sumulat ng isang artikulo para sa isang magasin ng Simbahan na batay sa halimbawa ni Pahoran sa Alma 61 para ituro kung paano iwasang masaktan ng iba. Pagkatapos ay maaari mong hatiin ang mga miyembro ng klase sa mga grupo at ipabasa sa kanila ang Alma 61:3–14 at ipalista ang ilang punto na maaari nilang isama sa kanilang mga artikulo. Maaari ding makatulong ang payo ni Elder David A. Bednar sa “Karagdagang Resources.”
Tayo ay may responsibilidad na tulungan ang mga nasa paligid natin.
-
Isinulat ni Moroni na pananagutin ng Diyos si Pahoran kung sadya niyang kinaligtaan ang mga pangangailangan ng mga hukbong Nephita. Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang Alma 60:7–14 nang sama-sama, at pagkatapos ay magpaisip sa kanila ng isang taong kilala nila na maaaring nangangailangan at nadarama na siya’y kinaligtaan. Ano ang magagawa natin para malaman at matugunan ang mga pangangailangan ng iba? Paano natugunan ng iba, pati na ng ating ministering brothers at sisters, ang ating mga pangangailangan?
Dapat nating alalahanin ang Panginoon sa mga oras ng kahirapan at kasaganaan.
-
Ipinapakita ng reaksyon ng mga Nephita kapwa sa mga panahon ng kahirapan at kasaganaan (tingnan sa Alma 62:39–41, 48–51) na mapipili nating magpakumbaba dumaranas man tayo ng kahirapan o ng kasaganaan. Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang mga talatang ito at ibahagi kung ano ang hinahangaan nila. Maaari mo silang anyayahang talakayin ang mga iniisip nila nang magkakapares bago mo hilingin sa ilan na magbahagi sa buong klase.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Para makapukaw ng interes sa Helaman 1–6, maaari mong ipaliwanag sa klase na sa mga kabanatang ito ay naging masama ang mga Nephita at naging mabuti ang mga Lamanita. May mahahalagang aral sa atin ang pagkabaligtad na ito ng papel sa mapanganib na mga huling araw na ito.
Karagdagang Resources
Pagtulong sa ating mga anak na labanan ang kasalanan.
Ibinahagi ni Sister Joy D. Jones, Primary General President, ang sumusunod na mga susi sa pagpapalaki ng “isang henerasyong kayang labanan ang kasalanan”:
“Upang masimulan ito, … kailangang matulungan natin [ang ating mga anak na] malaman nang walang pagdududa na sila ay mga anak ng isang mapagmahal na Ama sa Langit at dakila ang Kanyang mga inaasahan mula sa kanila.
“Pangalawa, ang maunawaan ang doktrina ng pagsisisi ay kinakailangan upang makayang labanan ang kasalanan. Hindi ibig sabihin ng kayang labanan ang kasalanan ay wala nang kasalanan, sa halip, ipinahihiwatig lamang nito na patuloy na magsisi, maging mapagbantay, at karapat-dapat. Marahil ang pagkakaroon ng kakayahang labanan ang kasalanan ay pagpapalang bunga ng patuloy na pag-iwas sa kasalanan. …
“… Ang pangatlong susi sa pagtulong sa mga bata upang makaya nilang labanan ang kasalanan ay simulang ituro nang buong pagmamahal sa kanilang murang edad ang mga pangunahing doktrina at alituntunin ng ebanghelyo—mula sa mga banal na kasulatan, sa Mga Saligan ng Pananampalataya, sa buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan, mga awit sa Primary, himno, at sarili nating patotoo—na aakay sa mga bata palapit sa Tagapagligtas. …
“… Ang pagtulong sa mga bata na makaunawa, gumawa, at tumupad ng mga sagradong tipan ay isa pang susi. … Ang pagtuturo sa mga bata na tumupad sa mga simpleng pangako habang maliliit pa sila ang magbibigay sa kanila ng lakas na tumupad sa mga banal na tipan na gagawin nila kalaunan sa kanilang buhay” (“Isang Henerasyong Kayang Labanan ang mga Kasalanan,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 88–89).
Paano iwasan ang pagdaramdam.
Sa kanyang mensaheng “At Sila’y Walang Kadahilanang Ikatitisod” (Ensign o Liahona, Nob. 2006, 89–92), ibinigay ni Elder David A. Bednar ang sumusunod na payo:
-
Kilalanin na ang magdamdam ay isang pagpapasiya. “Ang paniniwalang kaya ng isang tao o bagay na pasamain ang ating kalooban, pagalitin, saktan, o palungkutin [tayo], ay nakababawas sa ating kalayaang pumili at ginagawa tayong mga bagay na kayang pakilusin. Gayunman, [dahil may kalayaan tayo], ikaw at ako ay may kapangyarihang kumilos at magpasiya kung paano tayo tutugon sa isang sitwasyong nakakasama o nakakasakit ng kalooban.”
-
Umasa sa Tagapagligtas. “Ang Tagapagligtas ang pinakadakilang halimbawa kung paano tayo dapat tumugon sa mga pangyayari o sitwasyong nakakasama ng loob” [tingnan sa 1 Nephi 19:9].
-
Unawain ang mga kahinaan ng iba. “Isa sa mga pinakamalakas na pahiwatig ng ating espirituwalidad ay nahahayag sa kung paano tayo tumugon sa mga kahinaan, kawalan ng karanasan, at mga kilos ng iba na nakakasama ng loob.”
-
Makipag-usap nang tuwiran. “Kung sasabihin o gagawin ng isang tao ang isang bagay na ipagdaramdam natin, ang unang obligasyon natin ay tumangging masaktan at pagkatapos ay makipag-usap nang sarilinan, tapat, at tuwiran sa taong iyon. Ang gayong paraan ay mag-aanyaya ng inspirasyon ng Espiritu Santo at malilinawan ang mga maling akala at mauunawaan ang tunay na layon.”