“Paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023
Paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School
Paghahandang Magturo sa Sunday School
Personal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya sa tahanan ang dapat maging sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo. Totoo ito para sa iyo at sa mga tinuturuan mo. Habang naghahanda kang magturo, magsimula sa pagkakaroon ng sarili mong mga karanasan sa mga banal na kasulatan. Ang iyong pinakamahalagang paghahanda ay mangyayari habang ipinamumuhay mo ang ebanghelyo, sinasaliksik ang mga banal na kasulatan, at hinahangad ang inspirasyon ng Espiritu Santo.
Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay mahalagang bahagi kapwa ng iyong personal na pag-aaral at ng paghahanda mong magturo. Tutulungan ka nitong magkaroon ng mas malalim na pang-unawa tungkol sa mga alituntunin ng doktrina na matatagpuan sa mga banal na kasulatan. Tutulungan ka rin nitong hikayatin at anyayahan ang mga miyembro ng klase na gamitin ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya para mapagbuti ang kanilang personal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya ng mga banal na kasulatan (para sa tulong na magawa ito, tingnan ang “Mga Ideya sa Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral at Pag-aaral ng Pamilya” sa resource na ito). Habang ginagawa mo ito, alalahaning maging sensitibo sa mga miyembro ng klase na ang sitwasyon sa pamilya ay maaaring hindi sumusuporta sa regular na pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng pamilya at home evening.
Habang naghahanda ka, darating sa iyo ang mga ideya at impresyon tungkol sa mga taong tinuturuan mo. Tatanggap ka ng mga ideya kung paano mapagpapala ng mga alituntunin sa mga banal na kasulatan ang kanilang buhay. Gagabayan ka para bigyan sila ng inspirasyon na tuklasin ang mga alituntuning iyon habang natututo sila mismo mula sa mga banal na kasulatan.
Mga Ideya sa Pagtuturo
Habang naghahanda kang magturo, maaari kang magtamo ng karagdagang inspirasyon sa pamamagitan ng pagsisiyasat sa mga outline sa pagtuturo sa resource na ito. Huwag isipin na ang mga ideyang ito ay sunud-sunod na mga hakbang kundi sa halip ay mga mungkahi para magkaroon ka ng sariling inspirasyon. Kilala mo ang mga miyembro ng klase mo, at mas makikilala mo pa sila habang sama-sama kayong natututo sa klase. Kilala rin sila ng Panginoon, at bibigyan ka Niya ng inspirasyon sa pinakamaiinam na paraan para matulungan ang mga miyembro ng klase na bumatay sa pag-aaral nila ng ebanghelyo sa tahanan.
Marami kang makukuhang iba pang resources na magagamit mo sa iyong paghahanda, kabilang na ang mga ideya sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya at sa mga magasin ng Simbahan. Para sa iba pang impormasyon tungkol sa mga ito at iba pang resources, tingnan ang bahaging may pamagat na “Karagdagang Resources” sa resource na ito.
Ilang Bagay na Dapat Tandaan
-
Ang pag-aaral ng ebanghelyo ay pinakamabisa kapag ito ay nakasentro sa tahanan. Bilang guro, may mahalagang responsibilidad kang suportahan, hikayatin, at patatagin ang pag-aaral ng ebanghelyo ng mga miyembro ng klase sa tahanan.
-
Lalalim ang pagbabalik-loob ng mga miyembro ng klase kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo habang nauunawaan at ipinamumuhay nila ang tunay na doktrina. Hikayatin silang itala at sundin ang mga impresyong natatanggap nila mula sa Espiritu Santo.
-
Ang pagtuturo ay higit pa sa paglelektyur, at higit din ito sa simpleng pamumuno sa isang talakayan. Bahagi ng iyong tungkulin ang maghikayat ng partisipasyon na nagpapasigla at nakabatay sa mga banal na kasulatan. Dapat mo ring ibahagi ang mga inspiradong ideyang natanggap mo nang pag-aralan mo ang mga banal na kasulatan.
-
Alalahanin na maraming miyembro ng klase ang nagkakaroon ng makabuluhang mga karanasan sa pag-aaral sa tahanan ng mga talata sa banal na kasulatan na tatalakayin mo sa klase. Masusuportahan mo ang pag-aaral nila ng mga banal na kasulatan sa madalas na pagbibigay sa kanila ng pagkakataong ibahagi ang natututuhan nila sa tahanan.
-
Nais ng Ama sa Langit na magtagumpay ka bilang guro. Naglaan Siya ng maraming resources para tulungan ka, pati na ang mga teacher council meeting. Sa mga miting na ito maaari kang sumangguni sa iba pang mga guro tungkol sa mga hamon na kinakaharap mo. Maaari din ninyong talakayin at gamitin ang mga alituntunin ng pagtuturo na tulad ng kay Cristo.
-
Natututo nang husto ang mga tao kapag may mga pagkakataon silang magturo. Paminsan-minsan, isiping payagan ang mga miyembro ng klase, pati na ang mga kabataan, na ituro ang isang bahagi ng lesson. Ibatay ang desisyong ito sa mga pangangailangan at kakayahan ng mga miyembro ng klase. Kung aanyayahan mong magturo ang isang miyembro ng klase, mag-ukol ng oras para tulungan siyang maghanda nang maaga sa paggamit ng mga ideyang matatagpuan sa resource na ito at sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Alalahanin na bilang tinawag na guro, ikaw ang may pangunahing responsibilidad sa itinuturo sa klase.
Ang resource ito ay kinabibilangan ng mga outline sa pagtuturo para sa bawat linggo ng taon. Tuwing Linggo kapag walang Sunday School dahil sa pangkalahatang kumperensya, stake conference, o anupamang ibang dahilan, hinihikayat ang mga miyembro ng klase na patuloy na basahin ang Bagong Tipan sa tahanan ayon sa iskedyul na nakasaad sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Kapag nagdaos ng Sunday School, maaari mong piliing laktawan o kaya’y pagsamahin ang mga outline.