“Isang Huwaran sa Pagtuturo,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Isang Huwaran sa Pagtuturo,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023
Isang Huwaran sa Pagtuturo
Bawat outline sa resource na ito ay sumusunod sa isang huwaran ng pag-anyayang magbahagi at magturo ng doktrina. Sa maraming pagkakataon, habang nagtuturo ka, ang mga bahagi ng huwarang ito ay maaaring magkasabay o maiba ang pagkakasunud-sunod. Halimbawa, isipin na ang pagbabahagi ay oportunidad para ituro ang doktrina, at ang pagtuturo ng doktrina ay dapat kabilangan ng mga paanyayang magbahagi. Hayaang likas na maganap ang mga pag-adjust sa huwarang ito, na sinusunod ang mga pahiwatig ng Espiritu upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga tinuturuan mo.
Mag-anyayang Magbahagi
Bilang bahagi ng bawat klase, anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga ideya at karanasan nila sa nakaraang linggo nang pag-aralan nila ang mga banal na kasulatan bilang mga indibiduwal at pamilya at gamitin ang kanilang natutuhan. Tulungan ang mga miyembro ng klase na makita na mahalaga ang personal na pag-aaral nila sa labas ng klase. Darating ang sarili nilang pagbabalik-loob sa Ama sa Langit at kay Jesucristo hindi lamang sa pag-aaral tuwing Linggo kundi maging sa mga karanasan nila araw-araw. Kapag narinig ng mga miyembro ng klase ang mga karanasan at patotoo ng bawat isa tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, mas malamang na hangarin nilang maranasan din ang mga iyon.
Hindi lahat ay nabasa na ang mga kabanata para sa bawat lesson, at kahit ang ilang nakabasa na ay maaaring hindi komportableng magbahagi. Tiyaking nadarama ng lahat ng miyembro ng klase na mahalagang bahagi sila ng klase, mayroon man silang maibabahagi o wala.
Ituro ang Doktrina
Ikaw at ang mga miyembro ng klase mo ay dapat magtuon kay Jesucristo at sa Kanyang doktrina—ang mga walang-hanggang katotohanan ng ebanghelyo—na matatagpuan sa nakatakdang mga talata sa banal na kasulatan. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay makatutulong para mas maipaunawa sa iyo ang doktrinang ituturo mo. Habang tinatalakay mo ang doktrina mula sa mga banal na kasulatan, anong mga talata, sipi, karanasan, tanong, at karagdagang resources ang maibabahagi mo? Paano mo maaaring gamitin ang resources na ito para tulungan ang mga miyembro ng klase na matuklasan at maunawaan ang mga alituntunin ng ebanghelyo? Paano mo sila matutulungang palakasin ang kanilang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?