Bagong Tipan 2023
Disyembre 26–Enero 1. Responsibilidad Natin ang Ating Sariling Pagkatuto


“Disyembre 26–Enero 1. Responsibilidad Natin ang Ating Sariling Pagkatuto,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Disyembre 26–Enero 1. Responsibilidad Natin ang Ating Sariling Pagkatuto,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023

pamilyang tumitingin sa photo album

Disyembre 26–Enero 1

Responsibilidad Natin ang Ating Sariling Pagkatuto

Habang binabasa at pinagninilayan mo ang mga sipi sa banal na kasulatan sa outline na ito, itala ang mga espirituwal na impresyong natatanggap mo. Aanyayahan nito ang Espiritu sa iyong paghahanda. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya at ang sumusunod na mga ideya ay makakatulong sa iyo na hikayatin ang mga tao sa klase mo na pag-aralan ang Bagong Tipan sa taong ito.

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ang isa sa mga layunin mo bilang guro ay hikayatin ang mga miyembro ng klase na matuto mula sa mga banal na kasulatan nang mag-isa at kasama ang kanilang pamilya. Ang pakikinig sa mga karanasan ng iba ay makakahikayat sa kanila na hangaring maranasan din ito. Kaya, sa simula ng bawat klase, hilingin sa mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga talata sa banal na kasulatan na pinag-aralan nila na nakahikayat sa kanila o napagtuunan nila ng pansin.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Ang pag-aaral ay nangangailangan ng pagkilos nang may pananampalataya.

  • Paano mo mahihikayat ang mga miyembro ng klase mo na maging mas aktibo sa kanilang pag-aaral, sa halip na sa guro lamang ipaako ang responsibilidad na ito? Narito ang isang ideya. Maghagis ng malambot na bagay sa isang miyembro ng klase, na sinabihan mo nang maaga na huwag itong saluhin. Gamitin ang aktibidad na ito upang magpasimula ng talakayan tungkol sa mga papel na ginagampanan ng mga mag-aaral at guro sa pag-aaral ng ebanghelyo. Bilang mga mag-aaral, paano natin “mauunawaan” ang itinuturo sa ating mga klase? Ang mga pahayag sa “Karagdagang Resources” ay maaaring makatulong sa talakayang ito.

  • Lahat ng miyembro ng klase ay may responsibilidad na anyayahan ang Espiritu sa klase. Para maipaunawa ito sa mga miyembro ng klase, hilingin sa kanila na basahin ang Alma 1:26 at Doktrina at mga Tipan 50:13–22; 88:122–23 at ibahagi kung ano ang magagawa ng mga guro at miyembro ng klase para maanyayahan ang Espiritu. Maaaring makatulong na isulat ang kanilang mga sagot sa pisara sa ilalim ng mga heading na tulad nito: Ano ang magagawa ng guro at Ano ang magagawa ng mga mag-aaral. Ang mga miyembro ng klase ay maaaring gumawa ng poster na may mga sagot nila na maaaring idispley sa susunod na ilang linggo.

Kailangang malaman natin mismo ang katotohanan.

  • Maraming sipi sa Bagong Tipan ang nagtuturo ng mga alituntuning maaaring gumabay sa paghahanap natin sa katotohanan. Kabilang sa mga halimbawa ang Lucas 11:9–13; Juan 5:39; 7:14–17; at 1 Corinto 2:9–11. Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase mo na nakabasa sa mga siping ito sa kanilang personal na pag-aaral na ibahagi ang kanilang natutuhan. O maaari ninyong basahin sa klase ang mga siping ito at anyayahan mo ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung paano sila nagkaroon ng patotoo.

    mga kabataang lalaki at babae sa silid-aralan

    Ang paghahangad na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay tutulong sa atin na magkaroon ng sarili nating patotoo.

  • Inilalarawan sa Mga Gawa 17:10–12 ang mga Banal na nagsaliksik sa mga banal na kasulatan at nagkaroon ng sarili nilang patotoo sa katotohanan. Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na tularan ang kanilang halimbawa, sama-sama ninyong basahin ang mga talatang ito at anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga sipi sa banal na kasulatan na nagpalakas ng kanilang patotoo sa ebanghelyo.

Paano natin magagawang mas makabuluhan ang ating pag-aaral ng mga banal na kasulatan?

  • Ang makagawiang pag-aralan ang mga banal na kasulatan ay maaaring mahirap para sa mga miyembro ng klase na nadarama na wala silang sapat na oras, pang-unawa, o mga kasanayan. Ano ang magagawa mo para tulungan silang makagawian ito? Para matulungan ang mga miyembro ng klase na magkaroon ng kumpiyansa sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, maaari kang magbahagi ng impormasyon mula sa “Mga Ideya para Mapagbuti ang Iyong Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan” sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Marahil ay maaaring magbahagi ka o ang iba pang mga miyembro ng klase ng mga karanasan sa paggamit ng ilan sa mga ideyang ito o iba pang mga makabuluhang karanasan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maaari ka ring pumili ng isang kabanata sa Bagong Tipan at subukan ninyong pag-aralan ito sa klase gamit ang ilan sa mga ideyang ito.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Pagkakaroon mismo ng sariling espirituwal na kaalaman.

Itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Ang mga bagay ukol sa Diyos ay napakahalaga; at matutuklasan lamang ito sa paglipas ng panahon, at sa karanasan, at sa maingat at malalim at taimtim na pag-iisip. Ang iyong isipan, O tao! kung aakayin mo ang isang kaluluwa tungo sa kaligtasan, ay kailangang maging kasintaas ng pinakamataas na kalangitan, at saliksikin at pag-aralan ang pinakamadilim na kailaliman, at ang lawak ng kawalang hanggan—dapat kang makipag-ugnayan sa Diyos. Lalong higit na marangal at dakila ang mga iniisip ng Diyos, kaysa sa walang kabuluhang imahinasyon ng puso ng tao!” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 311).

Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar: “Kung ang lahat ng nalalaman natin tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo ay mula sa itinuturo o sinasabi sa atin ng ibang tao, ang saligan ng ating patotoo tungkol sa Kanya at sa Kanyang dakilang gawain sa mga huling araw ay nakatayo sa buhangin. Hindi tayo maaaring umasa o humiram lamang ng liwanag at kaalaman sa ebanghelyo mula sa ibang tao—maging sa mga taong minamahal at pinagkakatiwalaan natin” (“Handang Matamo ang Bawat Kinakailangang Bagay,” Liahona, Mayo 2019, 102–103).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Manatiling nakatuon sa doktrina. Tiyakin na mananatiling nakasalig ang mga talakayan sa klase sa mga banal na kasulatan at sa mga turo ng mga propeta. Magagawa mo ito sa pagtatanong nang ganito: “Anong mga katotohanan ng ebanghelyo ang matututuhan natin mula sa mga komentong narinig natin?” o “May makapagbabahagi ba ng isang talata na nauugnay sa tinalakay natin?” (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 20–21.)