“Enero 23–29. Mateo 3; Marcos 1; Lucas 3: ‘Ihanda Ninyo ang Daan ng Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Enero 23–29. Mateo 3; Marcos 1; Lucas 3,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023
Enero 23–29
Mateo 3; Marcos 1; Lucas 3
“Ihanda Ninyo ang Daan ng Panginoon”
Habang binabasa at pinagninilayan mo ang Mateo 3; Marcos 1; at Lucas 3, itala ang mga impresyong natatanggap mo. Aanyayahan nito ang Espiritu habang naghahanda kang magturo. Bukod sa mga ideya sa pagtuturo na nasa outline na ito, ang mga ideya sa pag-aaral sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay maaaring iangkop para magamit sa iyong klase.
Mag-anyayang Magbahagi
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung paano pinagpapala ng pagkatuto mula sa Bagong Tipan ang kanilang buhay, maaari mong isulat ang sumusunod na tanong sa pisara: Ano ang ginawa ninyo dahil sa nabasa ninyo sa Bagong Tipan sa linggong ito? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang mga sagot.
Ituro ang Doktrina
Inihahanda ng mga disipulo ang kanilang sarili at ang iba na tanggapin si Jesucristo.
-
Paano ba tayo naghahanda para sa pagbisita ng isang mahalagang panauhin? Ang tanong na tulad nito ay makakatulong sa iyo na pasimulan ang isang talakayan kung paano inihanda ni Juan Bautista ang mga tao na tanggapin si Jesucristo. Pagkatapos ay maaari mong hatiin ang klase sa tatlong grupo. Maaaring basahin ng bawat grupo ang Mateo 3:1–6; Mateo 3:7–12; o kaya ay ang Lucas 3:10–15, na hinahanap kung paano inihanda ni Juan Bautista ang mga tao na tanggapin si Jesucristo sa kanilang buhay. Bigyan ng pagkakataon ang bawat grupo na ibahagi ang natuklasan nila.
Kailangang “mamunga [tayo] ng karapat-dapat sa pagsisisi.”
-
Sa Lucas 3:8, itinuro ni Juan Bautista sa mga tao na bago sila mabinyagan, kailangan silang “mamunga,” o magpakita ng katibayan, ng kanilang pagsisisi. Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase na mapansin ang katibayan ng sarili nilang pagsisisi? Maaari mong hilingin sa kanila na saliksikin ang Lucas 3:8–14 at hanapin kung ano ang itinuring ni Juan na “mga bunga” ng pagsisisi. Maaari din nilang rebyuhin ang Moroni 6:1–3 at Doktrina at mga Tipan 20:37. Maaari mong idrowing ang isang punong may bunga sa pisara at pasulatan sa mga miyembro ng klase ang bunga sa puno ng “mga bunga” ng pagsisisi na natagpuan nila. Maaaring magandang pagkakataon din ito para pag-usapan kung ano ang kahulugan ng tunay na magsisi.
Tinutularan natin si Jesucristo sa pamamagitan ng pagpapabinyag at pagtanggap ng Espiritu Santo.
-
Para marebyu ang kuwento tungkol sa binyag ni Jesucristo, subukan ang ideyang ito: Itanong sa mga miyembro ng klase kung paano nila magagamit ang Mateo 3:13–17 para magturo sa isang tao, tulad ng isang bata o isang taong hindi miyembro, tungkol sa binyag. (Maaari din nilang gamitin ang larawan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya.) Anong mahahalagang bahagi ng binyag ang bibigyang-diin nila? Mapapraktis nila ang kanilang mga ideya sa pamamagitan ng pagtuturo sa isa’t isa.
-
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang kahalagahan ng pagsasabuhay ng kanilang mga tipan sa binyag, maaari mong anyayahan ang isang tao na basahin ang pahayag ni Elder Bednar sa “Karagdagang Resources.” Maaaring masiyahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang damdamin tungkol sa sarili nilang binyag at sa kanilang mga tipan sa binyag. Maaari din nilang kantahin ang isang himno tungkol sa pagsunod sa Tagapagligtas, tulad ng “Magsisunod Kayo sa Akin” (Mga Himno, blg. 67).
-
Itinuro ni Juan Bautista na magbibinyag ang Tagapagligtas “sa Espiritu Santo at sa apoy” (Mateo 3:11). Ang binyag ng apoy ay nangyayari kapag tayo ay kinukumpirma at tumatanggap ng kaloob na Espiritu Santo. Bakit tayo kailangang magkaroon ng kaloob na Espiritu Santo para makasulong sa kaharian ng Diyos? Ano ang epekto sa atin ng pagbibinyag ng apoy at ng Espiritu Santo? (tingnan sa Alma 5:14).
Karagdagang Resources
Ang ating mga tipan sa binyag.
Itinuro ni Elder David A. Bednar: “Kabilang sa tipan sa binyag ang tatlong napakahahalagang pangako: (1) maging handang taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo, (2) lagi Siyang alalahanin, at (3) sundin ang Kanyang mga kautusan. Ang ipinangakong pagpapala para sa paggalang sa tipang ito ay ‘nang sa tuwina ay mapasa[atin] ang kanyang Espiritu upang makasama [natin]’ [Doktrina at mga Tipan 20:77]. Sa gayon, mahalaga ang binyag sa paghahandang tumanggap ng awtorisadong pagkakataon na mapatnubayan palagi ng ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos” (“Panatilihin sa Tuwina ang Kapatawaran ng Inyong mga Kasalanan,” Liahona, Mayo 2016, 60).
Para sa halimbawa ng isang batang lalaking tumutupad sa kanyang mga tipan sa binyag, tingnan ang kuwento sa simula ng mensahe ni Sister Carole M. Stephens na “May Malaking Dahilan Tayo para Magalak” (Liahona, Nob. 2013, 115–17).