Bagong Tipan 2023
Enero 16–22. Juan 1: Natagpuan na Namin ang Mesiyas


“Enero 16–22. Juan 1: Natagpuan na Namin ang Mesiyas,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Enero 16–22. Juan 1,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023

babaeng nagbabahagi ng ebanghelyo sa isang istasyon ng tren

Enero 16–22

Juan 1

Natagpuan na Namin ang Mesiyas

Habang binabasa at pinagninilayan mo ang Juan 1, ipagdasal na magkaroon ka ng espirituwal na patnubay sa iyong responsibilidad na magturo tungkol sa patotoo ni Juan. Itala ang mga impresyong natatanggap mo. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya at ang mga ideya sa outline na ito ay makakatulong sa iyo na hikayatin ang mga tao sa klase mo na maunawaan at maipamuhay ang doktrina sa kabanatang ito.

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Para matulungan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang natututuhan, maaari mong hilingin sa kanila na sumulat ng mga tanong, komento, o kabatiran mula sa binasa nila sa mga piraso ng papel at ilagay ang mga ito sa isang lalagyan. Bumunot ng mga piraso ng papel mula sa lalagyan para talakayin sa klase.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Juan 1:1–5

Si Jesucristo “sa simula ay kasama na … ng Diyos.”

  • Ano ang itinuro ni Juan tungkol kay Cristo bago Siya isinilang? Bakit mahalagang malaman ang mga papel na ginampanan ni Cristo bago Siya isinilang? Maaaring makatulong na isulat sa pisara ang mga tanong na ito at hilingin sa mga miyembro ng klase na hanapin ang mga sagot sa Juan 1:1–5 (tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:1–5 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]; Moises 1:32–33; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Si Jesucristo, Bago pa Naging Mortal”). Maaari ding ibahagi ng mga miyembro ng klase ang natututuhan nila tungkol sa mga papel na ginampanan ni Cristo bago Siya isinilang mula sa “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” (ChurchofJesusChrist.org).

  • Kung gusto mong gamitin ang mga talatang ito para pag-usapan ang mga nilikha ng Panginoon, maaari mong basahin ang Juan 1:3 at ipakita ang mga larawang nagpapamalas sa kagandahan ng daigdig. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung paano naipadarama ng mga nilikha ng Tagapagligtas ang Kanyang pagmamahal sa kanila.

Juan 1:1–14

Si Jesucristo ang Ilaw.

  • Isiping hilingin sa mga miyembro ng klase na hanapin ang bawat paglitaw ng salitang ilaw sa Juan 1:1–14. Bakit magandang gamitin ang salitang ilaw para ilarawan si Jesucristo? Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano nagbibigay ng espirituwal na liwanag ang Tagapagligtas at ang Kanyang ebanghelyo sa kanilang buhay. Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang iba pa tungkol sa Liwanag ni Cristo sa Doktrina at mga Tipan 84:45–46; 88:11–13, o maaari mong sabihin sa kanila na tingnan ang “Ilaw, Liwanag ni Cristo” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Paano natin maibabahagi ang liwanag ng Tagapagligtas sa iba?

    sinag ng araw sa pagitan ng malalaking bato sa dalampasigan

    Ang Tagapagligtas at ang Kanyang ebanghelyo ay nagbibigay ng espirituwal na liwanag.

  • Para mailarawan ng mga miyembro ng klase sa kanilang isipan ang itinuturo tungkol sa Tagapagligtas sa Juan 1, maaari kang magdispley ng ilang larawan (kabilang na ang isa na mula sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya) na nagpapakita ng mga aspeto ng buhay at banal na misyon ni Jesucristo. Maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang Juan 1:1–14, na naghahanap ng mga salita o parirala na maaaring magsilbing mga pamagat para sa mga larawan.

Juan 1:35–51

Maaari tayong magkaroon ng sarili nating patotoo tungkol sa Tagapagligtas at pagkatapos ay anyayahan natin ang iba na “halikayo at tingnan ninyo.”

  • Sa Juan 1, ang paanyayang “halikayo at tingnan ninyo” ay lumilitaw nang dalawang beses (tingnan sa mga talata 39, 46). Maaaring wala tayong pagkakataong makita nang pisikal ang Tagapagligtas na tulad nina Andres at Nathanael, ngunit maaari tayong tumugon sa paanyaya ring iyon. Ano kaya ang ibig sabihin ng “halikayo at tingnan ninyo” sa ating panahon?

  • Maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang Juan 1:35–51 at ibahagi ang natututuhan nila mula sa mga talatang ito tungkol sa pag-anyaya sa iba na matuto tungkol kay Cristo (tingnan din sa “Karagdagang Resources”). Maaari din nilang ibahagi kung paano sila nakahanap ng mga simple at natural na paraan para maanyayahan ang iba na “halikayo at tingnan ninyo.”

    1:23
icon ng resources

Karagdagang Resources

Maaanyayahan natin ang iba na sabihing “halikayo at tingnan ninyo.”

Itinuro ni Elder Neil L. Andersen na:

“Tinuruan tayo ng Tagapagligtas kung paano ibahagi ang ebanghelyo. Gusto ko ang kuwento tungkol kay Andres, na nagtanong, ‘Guro, saan ka [nakatira]?’ [Juan 1:38]. Maaari namang sabihin ni Jesus kung saan Siya nakatira. Ngunit sa halip ay sinabi Niya kay Andres, ‘[Hali]kayo at [tingnan ninyo]’ [Juan 1:39]. Gusto kong isipin na ang sinasabi ng Tagapagligtas ay, ‘[Hali]kayo at [tingnan ninyo] hindi lamang kung saan ako nakatira kundi kung paano ako mamuhay. [Hali]kayo at alamin ninyo kung sino Ako. [Hali]kayo at damhin ninyo ang Espiritu.’ Hindi natin alam ang lahat ng nangyari sa araw na iyon, ngunit alam natin na nang matagpuan ni Andres ang kapatid niyang si Simon, sinabi niya, ‘[Natagpuan na] namin ang … Cristo’ [Juan 1:41].

“Sa mga nagpapakita ng interes sa ating mga pakikipag-usap, maaari nating tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pag-anyaya sa kanila na ‘[hali]kayo at [tingnan ninyo].’ Tatanggapin ng ilan ang ating paanyaya, at ang iba ay hindi. Lahat tayo ay may kilala na naanyayahan na nang ilang beses bago tinanggap ang paanyayang ‘[hali]kayo at [tingnan ninyo]’” (“Ito ay Isang Himala,” Liahona, Mayo 2013, 79).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Tulungan ang mga mag-aaral na ihalintulad ang mga banal na kasulatan sa kanilang sarili. Ang paanyaya ring iyon na ibinigay ni Cristo sa Kanyang mga disipulo—na halikayo at tingnan ninyo—ay makakatulong sa mga tinuturuan ninyo na naising tularan ang Tagapagligtas. Hikayatin ang mga mag-aaral na ipamuhay ang mga alituntuning matatagpuan sa mga banal na kasulatan sa kanilang sariling buhay at anyayahan ang iba na gawin din ang gayon. (Tingnan sa 1 Nephi 19:23; Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas21.)