“Enero 9–15. Mateo 2; Lucas 2: Naparito Kami upang Siya’y Sambahin,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Enero 9–15. Mateo 2; Lucas 2,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023
Enero 9–15
Mateo 2; Lucas 2
Naparito Kami upang Siya’y Sambahin
Bago mo basahin ang mga ideya sa outline na ito, pag-aralan ang Mateo 2 at Lucas 2, at itala ang iyong mga espirituwal na impresyon. Tutulungan ka nitong makatanggap ng paghahayag kung paano pinakamainam na matutugunan ang mga pangangailangan ng klase mo.
Mag-anyayang Magbahagi
Paano mo mahihikayat ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga kabatiran at karanasan nila noong pinag-aralan nila ang mga banal na kasulatan nang mag-isa at kasama ang kanilang pamilya? Bagama’t malamang na pamilyar sila sa mga salaysay tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas, sa Mateo 2 at Lucas 2, maaari silang magtamo palagi ng panibagong espirituwal na mga kabatiran. Isiping anyayahan ang ilang miyembro ng klase na magbahagi ng isang mensaheng nahanap nila na hinangaan nila sa bagong paraan.
Ituro ang Doktrina
Maraming saksi sa pagsilang ni Cristo.
-
Ang mga salaysay ng mga sumasamba sa Mateo 2:1–12 at Lucas 2:1–38 ay makakatulong sa mga miyembro ng klase mo na pagnilayan ang mga paraan ng pagpapakita nila ng pagmamahal sa Tagapagligtas. Rebyuhin ang tsart tungkol sa mga saksi sa pagsilang ni Cristo na nasa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Maaaring may mga kabatirang maibabahagi ang ilang tao sa klase mo mula sa aktibidad na ito, o maaari ninyong gawin ang aktibidad na ito bilang isang klase. Bakit mahalaga na nagmula sa iba’t ibang katayuan sa buhay ang mga saksing ito ni Cristo? Paano natin matutularan ang kanilang mga halimbawa?
-
Bago sinamba ng mga saksing ito ang batang Cristo, hinanap nila Siya. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na matuto mula sa kanilang halimbawa, maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na mga heading: Mga Pastol, Ana, Simeon, at Mga Pantas na Lalaki. Pagkatapos ay maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang Mateo 2 at ang Lucas 2 at isulat sa pisara kung ano ang ginawa ng mga taong ito para mahanap ang Tagapagligtas. Ano ang ipinahihiwatig ng mga salaysay na ito tungkol sa ilan sa mga paraan na maaari nating mahanap si Cristo?
Ang mga magulang ay maaaring makatanggap ng paghahayag para maprotektahan ang kanilang pamilya.
-
Para makapagsimula ng talakayan kung paano ginabayan ng Ama sa Langit sina Jose at Maria bilang mga magulang ng Tagapagligtas, isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na ilista sa pisara ang ilan sa mga panganib na kinakaharap natin ngayon. Ano ang matututuhan natin mula sa Mateo 2:13–23 kung paano makasumpong ng proteksyon mula sa mga panganib na ito? Paano nakatulong sa atin ang personal na paghahayag para maprotektahan ang ating pamilya o iba pang mga mahal sa buhay mula sa panganib? Anong payo na ang naibigay ng mga propeta at apostol para matulungan tayong makasumpong ng espirituwal na kaligtasan?
Kahit noong kabataan niya, nakatuon si Jesus sa paggawa ng kalooban ng Kanyang Ama.
-
Ang kuwento tungkol sa pagtuturo ni Jesus sa templo noong siya ay 12 taong gulang pa lamang ay maaaring maging mabisa lalo na sa mga kabataang nag-iisip kung ano ang maitutulong nila sa gawain ng Diyos. Maaari mong hatiin ang klase nang pares-pares para magkasamang basahin ang Lucas 2:40–52. Bawat pares ay maaaring bigyan ng ilang minuto para ibahagi sa isa’t isa kung ano ang nagbibigay-inspirasyon sa kanila sa salaysay na ito. Ano ang mga oportunidad na mayroon tayo para ibahagi ang nalalaman natin tungkol sa ebanghelyo? Anong mga karanasan ang maibabahagi natin?
-
Ano ang itinuturo sa atin ng Lucas 2:40–52 kung ano si Jesus noong kabataan Niya? Ang huwaran para sa personal na paglago na iminungkahi sa Lucas 2:52 ay maaaring maghikayat ng talakayan tungkol sa ginagawa natin para maging lalong katulad ni Cristo. Maaari mong imungkahi na pagnilayan ng mga miyembro ng klase kung paano sila lumalago sa karunungan (sa intelektuwal), sa pangangatawan (sa pisikal), sa pagiging kalugud-lugod sa Diyos (sa espirituwal), at sa pagiging kalugud-lugod sa iba (sa pakikisalamuha). Maaari pa nga silang magtakda ng mga mithiin sa isa o mahigit pa sa mga aspetong ito. Kung gusto mong ituloy ang talakayan tungkol sa pagiging katulad ni Cristo sa mga aspetong ito, lalo na kung nagtuturo ka sa mga kabataan, isiping gamitin ang pahayag sa “Karagdagang Resources.”
Karagdagang Resources
Pagtulong sa mga bata at kabataan na lumago “sa karunungan, sa pangangatawan, at sa pagiging kalugud-lugod sa Diyos at sa tao.”
Inilarawan ni Pangulong Steven J. Lund ang programang Mga Bata at Kabataan, na nakabatay sa Lucas 2:52, sa ganitong paraan:
“Ang Mga Bata at Kabataan ay isang tool o kasangkapan na tutulong sa lahat ng batang Primary at kabataan na [lumago sa pagkadisipulo] at magtamo ng pananaw na puno ng pananampalataya kung ano ang dapat gawin para matamo ang kaligayahan. Maaari nilang matutuhang asamin at hangarin ang mga daraanan at palatandaan sa landas ng tipan, kung saan sila bibinyagan at kukumpirma[han] ng kaloob na Espiritu Santo at [di-magtatagal] ay mapapabilang sa mga korum at Young Women class, kung saan nila madarama ang kagalakan ng pagtulong sa iba sa pamamagitan ng patuloy na paglilingkod na katulad [ni] Cristo. Sila ay magtatakda ng mga mithiin, malaki at maliit, na magbibigay ng balanse sa kanilang buhay habang lalo silang nagiging katulad ng Tagapagligtas” (“Paghahanap ng Kagalakan kay Cristo,” Liahona, Nob. 2020, 36–37).