Bagong Tipan 2023
Enero 30–Pebrero 5. Mateo 4; Lucas 4–5: “Ang Espiritu ng Panginoon ay Nasa Akin”


“Enero 30–Pebrero 5. Mateo 4; Lucas 4–5: ‘Ang Espiritu ng Panginoon ay Nasa Akin,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Enero 30–Pebrero 5. Mateo 4; Lucas 4–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023

si Jesus na nakatayo sa ilang

Into the Wilderness [Tungo sa Ilang], ni Eva Koleva Timothy

Enero 30–Pebrero 5

Mateo 4; Lucas 4–5

“Ang Espiritu ng Panginoon ay Nasa Akin”

Habang pinag-aaralan mo ang Mateo 4 at Lucas 4–5, itala ang iyong mga espirituwal na impresyon. Mag-aanyaya ito ng inspirasyon kung paano pinakamainam na matutugunan ang mga pangangailangan ng klase mo. Maaari mo ring gamitin ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya pati na ang outline na ito para makahanap ng karagdagang mga ideya.

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Kasama sa babasahin para sa linggong ito ang pahayag na ito: “Sila’y namangha sa kanyang pagtuturo, sapagkat ang kanyang salita ay may kapangyarihan” (Lucas 4:32; tingnan din sa Marcos 1:22). Anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga talata mula sa Mateo 4 at Lucas 4–5 na nakatulong sa kanila na madama mismo ang kapangyarihan ng doktrinang iyon.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Mateo 4:1–11; Lucas 4:1–13

Binigyan tayo ng Ama sa Langit ng kapangyarihan at paraan para malabanan ang tukso.

  • Makakatulong ang salaysay tungkol sa paglaban ng Tagapagligtas kay Satanas para makita ng mga miyembro ng klase ang mga paraan kung paano sila sinusubukang tuksuhin ni Satanas. Maaaring pumili ang mga miyembro ng klase ng isa sa mga tuksong nakasaad sa Mateo 4:1–11 o sa Lucas 4:1–13 at mag-isip ng isang makabago at nauugnay na tukso (maaaring makatulong ang pahayag sa “Karagdagang Resources”). Bakit makakatulong ang malaman na naharap ang Tagapagligtas sa mga tukso na tulad ng kinakaharap natin ngayon? Bakit nagawang labanan ni Cristo ang tukso? Para sa iba pang mga halimbawa sa banal na kasulatan tungkol sa mga taong lumaban kay Satanas, tingnan sa Genesis 39:7–20; 2 Nephi 4:16–35; at Moises 1:10–22.

  • Ano ang maaaring makatulong sa mga miyembro ng klase na labanan ang tukso? Maaari mong hilingin sa kanila na rebyuhin ang Mateo 4:1–11 o ang Lucas 4:1–13 para malaman kung paano nakatulong ang kaalaman ng Tagapagligtas sa mga banal na kasulatan sa pagtugon Niya kay Satanas, tulad ng ginawa Niya nang sabihin Niyang, “Nasusulat.” Bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na tingnan sa ilalim ng “Tukso” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan ang mga talatang maaaring magpatibay at magpalakas sa kanila kapag natutukso sila.

Lucas 4:16–32

Si Jesucristo ang ipinropesiyang Mesiyas.

  • Para mas maipaunawa sa mga miyembro ng klase mo ang salaysay sa Lucas 4:16–32, maaari mong ipaliwanag na ang mga titulong Mesiyas at Cristo ay kapwa nangangahulugang “ang pinahiran.” Habang binabasa ng mga miyembro ng klase ang Lucas 4:18–21, hilingin sa kanila na pag-isipan kung ano ang kahulugan ng pagsasabi na si Jesus ang Cristo, ang Mesiyas, o Ang Pinahiran. Maaari ding makatulong sa kanila na basahin ang “Ang Pinahiran” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Paano ipinapahayag ni Jesus na Siya ang Mesiyas ngayon? Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano nila nalaman na si Jesucristo ang kanilang Tagapagligtas.

  • Maaaring may ilang makakatulong na aral na matututuhan sa pagsisiyasat kung bakit hindi tinanggap ng mga tao ng Nazaret si Jesus bilang ang ipinropesiyang Mesiyas. Anong mga dahilan, halimbawa, ang iminungkahi sa Lucas 4:22–24? Pagkatapos ay maaaring ikumpara ng mga miyembro ng klase ang mga saloobing ito sa mga saloobin ng balo ng Zarefta at ni Naaman sa Lumang Tipan, na hindi mga Israelita (tingnan sa Lucas 4:25–27). Maaari mong kontakin nang maaga ang ilang miyembro ng klase at hilingin sa kanila na pumasok na handang ibuod ang bawat isa sa mga salaysay na ito (tingnan sa 1 Mga Hari 17:8–24; 2 Mga Hari 5:1–17; Lucas 4:16–30). Ano ang itinuturo sa atin ng mga salaysay na ito tungkol sa pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo? May nakikita ba tayong anumang mga mensahe para sa atin sa mga salita ng Tagapagligtas sa mga mamamayan ng Nazaret?

Mateo 4:18–22; Lucas 5:1–11

Ang ibig sabihin ng sundin si Cristo ay talikuran ang ating kalooban at tanggapin ang Kanyang kalooban.

  • Kung minsa’y walang katuturan sa simula ang direksyong ibinibigay sa atin ng Panginoon. Maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang Lucas 5:1–11, na hinahanap kung ano ang ipinagawa ng Tagapagligtas kay Pedro at kung bakit maaaring nagduda si Pedro sa Kanyang mga inutos. Paano maaaring nakaapekto ang karanasang ito sa damdamin ni Pedro tungkol sa Tagapagligtas at sa kanyang sarili? Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan kung kailan nagpakita sila ng pananampalataya sa banal na patnubay, kahit hindi nila ito lubos na naunawaan. Ano ang naging resulta nang sumampalataya sila?

    tinatawag ni Jesus sina Pedro at Andres sa may tabing-dagat

    “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao” (Mateo 4:19).

  • Tulad ng mga mangingisda na “iniwan ang lahat” upang sundin si Jesucristo (Lucas 5:11), may mga bagay tayong kailangang talikuran para maging Kanyang mga disipulo. Ano ang matututuhan natin sa Mateo 4:18–22 tungkol sa mga saloobin at pananampalataya nina Pedro, Andres, Santiago, at Juan? Maaaring makatulong na magdala ng lambat na pangisda sa klase. Pagkatapos ay anyayahan ang mga miyembro ng klase na isulat ang mga bagay na handa silang talikuran o tinalikuran na nila para sundan si Cristo at ilagay ang mga iyon sa lambat. Isiping anyayahan ang ilang miyembro ng klase na ibahagi kung paano nagbago ang kanilang buhay nang piliin na nilang talikuran ang lahat para sundin ang Tagapagligtas.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Mga uri ng tukso.

Matapos banggitin ang mga tuksong nakaharap ng Tagapagligtas sa ilang, tinukoy ni Pangulong David O. McKay ang tatlong kategorya ng mga tukso:

“(1) Tukso sa hilig o silakbo ng damdamin;

“(2) Pagbibigay-daan sa kapalaluan, moda, o uso;

“(3) Paghahangad sa mga yaman o kapangyarihan ng mundo at pamumuno sa mga lupain o sa makalupang ari-arian ng mga tao” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: David O. McKay [2004], 94).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Pasalamatan ang iyong mga mag-aaral. “Huwag maging masyadong abala sa lesson na nalilimutan mo nang pasalamatan ang mga mag-aaral sa kanilang mga ambag. Kailangan nilang malaman na pinahahalagahan mo ang kahandaan nilang ibahagi ang kanilang mga pananaw at patotoo” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas33).