“Pebrero 20–26. Mateo 6–7: ‘Nagturo Siya sa Kanila na Tulad sa May Awtoridad,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Pebrero 20–26. Mateo 6–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023
Pebrero 20–26
Mateo 6–7
“Nagturo Siya sa Kanila na Tulad sa May Awtoridad”
Habang naghahanda kang magturo, magsimula sa paghahanda sa iyong sarili. Pag-aralan ang Mateo 6–7, at itala ang iyong mga espirituwal na impresyon. Tutulungan ka nitong makatanggap ng paghahayag kung paano pinakamainam na matutugunan ang mga pangangailangan ng klase mo. Pagkatapos ay saliksikin ang outline na ito para sa mga ideya sa pagtuturo.
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung alin sa mga sipi sa Sermon sa Bundok ang nadarama nilang kailangang-kailangan ngayon. Hikayatin ang mga miyembro ng klase na magdagdag sa mga kabatiran ng bawat isa.
Ituro ang Doktrina
Kung makikinig at kikilos tayo ayon sa mga turo ng Panginoon, matatatag ang ating buhay sa isang matibay na pundasyon.
-
Anong partikular na mga turo mula sa Mateo 6–7 ang magiging lubos na kapaki-pakinabang sa mga tinuturuan mo? Isiping isulat sa pisara ang ilang reperensya mula sa Mateo 6–7 na naglalaman ng mga turong ito. Maaaring pumili ang mga miyembro ng klase ng isa sa mga reperensya na pag-aaralan nila nang tahimik at pagkatapos ay isusulat nila sa pisara ang anumang mga espirituwal na katotohanang natutuhan nila. Paano naimpluwensyahan ng mga turong ito ang ating buhay?
-
Tinapos ng Tagapagligtas ang Kanyang sermon sa isang talinghaga na maaaring makatulong sa klase mo na mas maunawan ang kahalagahan ng pamumuhay ayon sa mga turo ng Tagapagligtas (tingnan sa Mateo 7:24–27; tingnan din sa Helaman 5:12). Para mailarawan sa isipan ang talinghagang ito, maaaring magtulungan ang mga miyembro ng klase na makabuo ng isang matibay na pundasyon gamit ang blocks, mga plastik na baso, o iba pang materyales at pagkatapos ay subukan ang katatagan ng kanilang mga pundasyon. Marahil maaari din nilang sulatan ang ginamit nilang materyales ng mga bagay na magagawa nila para maipamuhay ang mga turo ng Tagapagligtas. Paano tayo matutulungan ng paggawa ng mga bagay na ito na makayanan ang mga unos ng buhay?
Tinuruan tayo ng Tagapagligtas kung paano manalangin.
-
Ang pag-aaral ng Panalangin ng Panginoon ay maaaring makatulong sa mga miyembro ng klase na matukoy kung paano nila mapagbubuti pa ang sarili nilang mga dalangin sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ng Panginoon. Anyayahan silang isulat sa pisara ang mga parirala mula sa Mateo 6:9–13 (o sa Lucas 11:1–4) na napagtuunan nila ng pansin. Habang pinagninilayan natin ang mga salita ng Tagapagligtas, ano ang matututuhan natin tungkol sa panalangin? Maaaring may matutuhan ang mga miyembro ng klase kung papalitan nila ang ilan sa mga salita ng Tagapagligtas ng mga salitang maaari nilang gamitin sa sarili nilang mga dalangin. Halimbawa, ang “Bigyan mo kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw” ay maaaring palitan ng “Tulungan po Ninyo ako sa mga pagsisikap kong matustusan ang mga pangangailangan ng aking pamilya.”
-
Matapos basahin ang Mateo 6:5–13 bilang isang klase, maaari mong talakayin ang mga tanong na tulad nito: Paano napatatag ng panalangin ang inyong relasyon sa Ama sa Langit? Paano kayo natulungan ng panalangin na malaman ang kalooban ng Diyos?
Sinasagot ng Ama sa Langit ang mga panalangin.
-
Para mapalakas ng mga miyembro ng klase ang kanilang pananampalataya na didinggin at sasagutin ng Diyos ang kanilang mga dalangin, maaari mong isulat ang humiling, humingi, at kumatok sa pisara. Pagkatapos ay anyayahan ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang mga banal na kasulatan para sa halimbawa ng mga taong “humiling,” “humingi,” at “kumatok” (para sa mga halimbawa, tingnan sa 1 Nephi 11:1; Ether 2:18–3:6; Joseph Smith—Kasaysayan 1:11–17). Ano ang matututuhan natin mula sa mga halimbawang ito tungkol sa pagtanggap ng mga sagot sa ating mga dalangin?
-
Maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na isipin na kunwari’y may kaibigan sila na nag-aatubiling humingi ng patnubay o mga pagpapala sa Panginoon. Ano kaya ang sasabihin ng mga miyembro ng klase para hikayatin ang kaibigang ito? Paano kaya nila gagamitin ang mga salita ng Tagapagligtas sa Mateo 7:7–11?
Matutukoy natin ang mga tunay at bulaang propeta sa pamamagitan ng kanilang mga bunga.
-
Malamang na nakatagpo na ang mga miyembro ng klase mo ng mga maling pilosopiya at iba pang mga panlilinlang ng kaaway, sa internet man o mula sa ibang mga pinagmumulan. Narinig na rin siguro nila ang iba na pinipintasan ang mga lingkod ng Panginoon. Paano mo maipauunawa sa kanila kung paano mahihiwatigan ang mga bulaang propeta at ang mga turo mula sa mga tunay na propeta? Maaari kang magdispley ng ilang pirasong bunga at magtanong kung ano ang masasabi natin tungkol sa mga punong pinagmulan ng mga ito. Paano tayo natutulungan ng aktibidad na ito na maunawaan ang Mateo 7:15–20? Maaari din ninyong basahin nang sama-sama ang ilang mensahe kamakailan mula sa mga buhay na propeta. Ano ang “mga bunga” o mga resulta ng pagsunod sa kanilang payo?
-
Makakatulong ang Mateo 7:15–20 na patatagin ang pananampalataya ng mga miyembro ng klase sa banal na misyon ni Propetang Joseph Smith. Ano ang mga bunga ng gawaing isinagawa ni Joseph Smith? Para sa ilang ideya, tingnan ang mensahe ni Elder Neil L. Andersen na “Joseph Smith” (Liahona, Nob. 2014, 28–31). Paano natin magagamit ang analohiya ng Tagapagligtas sa Mateo 7:15–20 para magpatotoo sa ating mga kaibigan at pamilya tungkol kay Propetang Joseph?