“Pebrero 27–Marso 5. Mateo 8; Marcos 2–4; Lucas 7: ‘Iniligtas Ka ng Iyong Pananampalataya,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Pebrero 27–Marso 5. Mateo 8; Marcos 2–4; Lucas 7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023
Pebrero 27–Marso 5
Mateo 8; Marcos 2–4; Lucas 7
“Iniligtas Ka ng Iyong Pananampalataya”
Ang paghahanda mong magturo ay nagsisimula habang mapanalangin mong pinag-aaralan ang Mateo 8; Marcos 2–4; at Lucas 7. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay makakatulong sa iyong pag-aaral at mag-uudyok ng mga ideya sa pagtuturo bukod pa sa mga inilahad dito.
Mag-anyayang Magbahagi
Maaaring nakakita na ng makapangyarihang mga kabatiran ang mga miyembro ng klase mo sa personal na pag-aaral nila ng mga himala sa mga kabanatang ito (tingnan sa listahan ng mga pagpapagaling ng Tagapagligtas sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang mga kabatiran sa isang partner o sa buong klase.
Ituro ang Doktrina
Ang mga himala ay nangyayari ayon sa kalooban ng Diyos at sa ating pananampalataya kay Jesucristo.
-
Paano mo magagamit ang mga salaysay tungkol sa mga himala ng Tagapagligtas para mapalakas ng mga miyembro ng klase ang kanilang pananampalataya sa Kanya? Maaari mong hilingin sa kanila na ilista sa pisara ang ilan sa mga mahimalang pagpapagaling mula sa Mateo 8; Marcos 2; at Lucas 7. Maaaring talakayin ng mga miyembro ng klase kung paano ipinakita ng mga taong napagaling ang kanilang pananampalataya kay Cristo. Ano ang itinuturo ng mga salaysay na ito tungkol sa pananampalataya at mga himala? Maaaring magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga karagdagang katotohanan tungkol sa pananampalataya at mga himala mula sa Mormon 9:15–21; Eter 12:12–16; Moroni 7:27–37; at Doktrina at mga Tipan 35:8 (tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Himala”). Kailan tayo nakakita ng mga himala nang manampalataya tayo kay Jesucristo?
-
Ang salaysay tungkol sa himala sa Marcos 2:1–12 ay nagtuturo, bukod sa iba pang mga bagay, tungkol sa kahalagahan ng pagkakaisa upang tulungan ang Tagapagligtas sa paglilingkod sa mga taong may espirituwal o pisikal na pangangailangan. Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na rebyuhin ang salaysay mula sa mga banal na kasulatan at magbahagi ng karagdagang mga kabatiran mula sa mensahe ni Elder Chi Hong (Sam) Wong na “Tulung-tulong sa Pagsagip” (Liahona, Nob. 2014, 14–16; tingnan din sa “Karagdagang Resources”). Ano ang matututuhan natin mula sa Marcos 2:1–12 tungkol sa kahalagahan ng pagkakaisa upang mapaglingkuran ang mga nangangailangan? (tingnan din sa Marcos 3:24–25).
Si Jesucristo ay may kapangyarihang maghatid ng kapayapaan sa gitna ng mga unos ng buhay.
-
Maaaring alam mo ang ilan sa mga hamong kinakaharap ng mga miyembro ng klase mo. Dahil lahat tayo ay may mga pagsubok kung minsan sa ating buhay, ang pagrerebyu ng salaysay sa Marcos 4:35–41 ay maaaring magpatatag sa pananampalataya ng mga miyembro ng klase na ang Tagapagligtas ay maaaring maghatid ng kapayapaan sa kanila. Bigyan ng papel ang bawat tao, at hilingin sa kanila na isulat sa isang panig ng papel ang isang pagsubok na naranasan nila. Sa kabilang panig, hilingin sa kanila na isulat ang isang bagay mula sa Marcos 4:35–41 na naghihikayat sa kanila na bumaling sa Tagapagligtas sa oras ng kanilang mga pagsubok. Hikayatin ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang isinulat nila, kung komportable silang gawin ito.
-
Ang himnong “Guro, Bagyo’y Nagngangalit” (Mga Himno, blg. 60) ay batay sa kuwento sa Marcos 4:35–41. Marahil ay maaaring makakita ang mga miyembro ng klase ng mga titik sa himno na may kaugnayan sa mga pariralang nasa mga talata ng banal na kasulatan. Maaari mo ring ipakita ang isang larawan ng tagpong iyon (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 40) at talakayin kung ano ang ipinapakita rito ng artist. Ano ang iba pang mga paraan na maaari mong maipaunawa sa mga miyembro ng klase ang kahulugan at kapangyarihan ng himalang ito?
Dahil pinatatawad tayo sa ating mga kasalanan, lumalago ang ating pagmamahal sa Tagapagligtas.
-
Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ng babae at sa mga turo ng Tagapagligtas sa Lucas 7:36–50 kapag humihingi tayo ng kapatawaran para sa sarili nating mga kasalanan? Paano tayo natutulungan ng pagsisisi na mas mapalapit kay Jesucristo? Paano naiimpluwensyahan ng salaysay na ito ang pagtingin natin sa mga nagkasala?
Karagdagang Resources
“Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya.”
Ibinahagi ni Elder Chi Hong (Sam) Wong ang sumusunod na kabatiran tungkol sa salaysay sa Marcos 2:1–12:
“Ibabahagi ko sa inyo ang isa pang natatagong kayamanan sa kuwentong ito sa banal na kasulatan. Ito ay nasa talata 5: ‘Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya’ (idinagdag ang pagbibigay-diin). Hindi ko ito napansin noon—kanilang pananampalataya. …
“Sino ang mga taong iyon na binanggit ni Jesus? Maaaring kabilang dito ang apat na bumuhat sa lalaking lumpo, ang lumpo mismo, ang mga taong nagdasal para sa kanya, at lahat ng nakikinig noon sa pangangaral ni Jesus at tahimik na nagbubunyi sa kanilang puso para sa himalang malapit nang mangyari. Maaaring kabilang din ang isang asawa, magulang, anak na lalaki o babae, missionary, pangulo ng korum, pangulo ng Relief Society, bishop, at kaibigan sa malayong lugar. Matutulungan nating lahat ang isa’t isa. Dapat ay palagi tayong sabik sa pagsagip sa mga taong nangangailangan” (“Tulung-tulong sa Pagsagip,” Liahona, Nob. 2014, 16).