Bagong Tipan 2023
Marso 20–26. Mateo 13; Lucas 8; 13: “Ang mga May Pandinig ay Makinig”


“Marso 20–26. Mateo 13; Lucas 8; 13: ‘Ang mga May Pandinig ay Makinig,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Marso 20–26. Mateo 13; Lucas 8; 13,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023

trigo na handa nang anihin

Marso 20–26

Mateo 13; Lucas 813

“Ang mga May Pandinig ay Makinig”

Habang nagbabasa ka, mag-isip ng mga itatanong ng mga miyembro ng klase mo habang sinisikap nilang unawain ang mga mensahe ng mga talinghaga. Ano ang maaaring mahirap unawain? Paano ka maihahanda ng pag-aaral mo na sagutin ang kanilang mga tanong?

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Rebyuhin sa klase ang “Mga Ideya para Mapagbuti ang Iyong Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan” sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang mga pamamaraang ginamit nila para pag-aralan ang Mateo 13 at Lucas 813.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Mateo 13:1–23

Ang ating puso ay kailangang maging handang tanggapin ang salita ng Diyos.

  • Paano mo magagamit ang talinghaga tungkol sa manghahasik para maganyak ang mga miyembro ng klase mo na ihanda ang kanilang puso na tanggapin ang salita ng Diyos? Maaari mong isulat ang Mga Disipulo at Iba Pa sa pisara. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang Mateo 13:10–17 at hanapin kung paano inilarawan ng Tagapagligtas ang mga pagkakaiba sa pagitan ng Kanyang mga disipulo at ng iba pa na nakarinig sa Kanyang mga talinghaga. Pagkatapos ay hilingin sa mga miyembro ng klase na saliksikin ang mga talata 18–23, na hinahanap kung ano ang maaaring maging sanhi kung bakit “mahirap nang makarinig” ang ating mga tainga o nakapikit ang ating mga mata sa mga espirituwal na bagay. Anong tagubilin ang natatanggap natin sa ating panahon mula sa Diyos at sa Kanyang mga lingkod? Paano natin malilinang ang “mabuting lupa” para matanggap ang kanilang patnubay? (talata 23).

  • Maaari mong anyayahan ang ilang miyembro ng klase na pumasok na handang magturo ng isang bahagi mula sa mensahe ni Elder Dallin H. Oaks na “Ang Talinghaga ng Manghahasik” (Liahona, Mayo 2015, 32–35). Ano ang idinaragdag ng mensaheng ito sa pagkaunawa natin sa talinghaga?

Mateo 13:24–35, 44–53

Ipinauunawa sa atin ng mga talinghaga ni Jesus ang paglago, tadhana, at halaga ng Kanyang Simbahan.

  • Paano mo maipauunawa sa mga miyembro ng klase ang mga katotohanan tungkol sa Simbahan na itinuro sa mga talinghaga ni Jesus sa Mateo 13? Maaari mong ilista ang ilan sa mga talinghaga sa pisara (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya at sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 341–354). Maaaring pag-aralan ng mga miyembro ng klase ang isa o mahigit pang mga talinghaga nang mag-isa o sa maliliit na grupo at ibahagi ang natututuhan nila tungkol sa paglago at tadhana ng Simbahan ni Cristo.

lalaking nangingisda gamit ang lambat

Ang kaharian ng langit ay parang lambat ng mangingisda.

  • Ano ang matututuhan natin tungkol sa kahalagahan ng pagiging kabilang sa Simbahan mula sa mga talinghaga tungkol sa kayamanan sa bukid at sa mahalagang perlas, na matatagpuan sa Mateo 13:44–46? Maaaring ang ilang miyembro ng klase mo (o ang mga taong kilala nila) ay nakagawa na ng mga sakripisyo—malaki man o maliit—para maging mga miyembro ng Simbahan. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang mga sakripisyong nagawa nila o nakita nilang ginawa ng iba para mapabilang sa Simbahan. Anong mga pagpapala ang dumating dahil dito? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan kung ano ang nahihiwatigan nilang isasakripisyo nila para sa Tagapagligtas.

Mateo 13:24–30, 36–43

Sa katapusan ng mundo, titipunin ng Panginoon ang mabubuti at lilipulin ang masasama.

  • Paano mo matutulungan ang klase mo na makakuha ng mga aral mula sa talinghaga ng trigo at mga panirang damo para manatili silang tapat na mga Banal sa mga Huling Araw? Magsimula sa pag-anyaya sa mga miyembro ng klase na ibuod ang talinghaga at ang interpretasyon nito. Ano ang ilang aral sa talinghagang ito para sa ating panahon? Bakit mahalagang malaman na tinutulutan ng Panginoon ang Kanyang mga banal na “magkasama silang tumubo” (Mateo 13:30) ng masasama hanggang sa panahon ng anihan? Paano natin mapapanatili ang ating pananampalataya kay Jesucristo samantalang napaliligiran tayo ng kasamaan? Paano tayo matutulungan ni Cristo? Ang Doktrina at mga Tipan 86:1–7 at ang pahayag ni Elder L. Tom Perry sa “Karagdagang Resources” ay makapagbibigay ng karagdagang mga kabatiran tungkol sa pagsasabuhay ng talinghagang ito sa mga huling araw.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Dapat nating pangalagaan ang mabuti.

Itinuro ni Elder L. Tom Perry: “Ang kaaway ng buong sangkatauhan noon pa man ay nakaisip ng maraming paraan upang maikalat ang mga panirang damo. Nakakita siya ng mga paraan para makapasok ang mga ito sa kasagraduhan ng ating sariling tahanan. Lumaganap nang husto ang kasamaan at kamunduhan kaya tila wala na talagang paraan para mapalis pa ang mga ito. Dumarating ang mga ito sa pamamagitan ng Internet at telebisyon sa mismong mga device na nilikha natin upang turuan at libangin tayo. Ang trigo at ang panirang damo ay magkasamang tumubo. Ang katiwalang nangangasiwa sa bukid ay kailangang pangalagaan, nang buong lakas, yaong mabuti at palakasin at pagandahin ito upang hindi makaakit sa mata o tainga ang mga panirang damo” (“Pagkakaroon ng Walang-Hanggang Kapayapaan at Pagbubuo ng mga Walang-Hanggang Pamilya,” Liahona, Nob. 2014, 44).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Isentro ang iyong pagtuturo sa doktrina. Tiyaking nakatuon ang mga talakayan ng klase mo sa batayang doktrina sa mga banal na kasulatan. Magagawa mo ito sa paghiling sa mga estudyante na basahin nang maaga ang mga banal na kasulatan, na itinutuon ang mga talakayan sa klase mo sa mga banal na kasulatan, at paghiling sa mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa tunay na doktrina. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 20–21.)