“Marso 13–19. Mateo 11–12; Lucas 11: ‘Kayo’y Bibigyan Ko ng Kapahingahan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Marso 13–19. Mateo 11–12; Lucas 11,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023
Marso 13–19
Mateo 11–12; Lucas 11
“Kayo’y Bibigyan Ko ng Kapahingahan”
Basahin ang Mateo 11–12 at Lucas 11 sa buong linggo bago ka magturo. Bibigyan ka nito ng oras na magnilay-nilay at tumanggap ng paghahayag kung ano ang pagtutuunan ng pansin sa klase.
Mag-anyayang Magbahagi
Ang pagsasabuhay ng mga alituntuning natutuklasan natin sa mga banal na kasulatan ay mahalagang paraan para maranasan ang kapangyarihan ng salita ng Diyos. Hikayatin ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang natuklasan nila sa kanilang pag-aaral ng banal na kasulatan sa linggong ito na maaari nilang iangkop sa kanilang buhay. Ang pagbabahagi ng halimbawa kung paano mo isinabuhay ang mga banal na kasulatan ay maaaring makahikayat sa mga miyembro ng klase na magbahagi ng sarili nilang mga halimbawa.
Ituro ang Doktrina
Bibigyan tayo ni Jesucristo ng kapahingahan kapag umaasa tayo sa Kanya.
-
Sa Mateo 11:28–30, itinuro ng Tagapagligtas na tutulungan Niya tayong dalhin ang ating mabibigat na pasanin kung tatanggapin natin ang Kanyang paanyaya na “Pasanin ninyo ang aking pamatok” (talata 29). Para matulungan ang mga miyembro ng klase na mas maunawaan ang pangakong ito, maaari kang magpakita ng larawan ng isang pamatok (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya) at ibahagi ang mga katotohanang katulad ng mga ito: ang mga pamatok ay dinisenyo para tulungan ang mga hayop na magpasan ng mabibigat na dalahin o magawa ang trabaho, at ang mga pamatok ay kadalasang idinidesenyo para sa partikular na hayop. Ano ang idinaragdag ng mga detalyeng ito sa ating pagkaunawa sa Mateo 11:28–30? Anong mga paanyaya ang makikita natin sa mga talatang ito? Anong mga biyaya ang ipinangako sa atin? Maaari mo ring ibahagi ang pangako ni Pangulong Russell M. Nelson na matatagpuan sa “Karagdagang Resources.”
-
Lahat tayo ay may mga pasanin na maaaring pagaanin sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jesucristo. Para makahikayat ng talakayan tungkol dito, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin at talakayin ang Mateo 11:28–30 kasama ang ibang tao sa klase. Maaari nilang isama ang mga tanong na tulad nito sa kanilang talakayan: Ano ang ilang halimbawa ng mga pasaning maaaring dala-dala ng isang tao? Ano ang kailangan nating gawin para makalapit kay Cristo? Ano ang ibig sabihin ng pasanin natin ang pamatok ng Tagapagligtas? Paano mo nadama na pinagaan ng Tagapagligtas ang iyong mga pasanin nang bumaling ka na sa Kanya? Maaaring makakita ang mga miyembro ng klase ng mga karagdagang ideya sa mensahe ni Elder David A. Bednar na “Mabata Nila ang Kanilang mga Pasanin nang May Kagaanan” (Liahona, Mayo 2014, 87–90).
Ang Sabbath ay araw para gumawa ng kabutihan.
-
Sa sigasig nilang panatilihing banal ang araw ng Sabbath, nagpatupad ang mga Fariseo ng mahihigpit na tuntunin at tradisyong gawa ng tao, na kalaunan ay nagpalabo sa pagkaunawa nila sa tunay na layunin ng Sabbath. Para magpasimula ng isang talakayan kung bakit ibinigay sa atin ng Panginoon ang araw ng Sabbath, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na rebyuhin ang Mateo 12:1–13 . Ano ang itinuturo ng mga salaysay na ito tungkol sa layunin ng Sabbath? Anong karagdagang mga kabatiran tungkol sa Sabbath ang makukuha natin sa Exodo 31:16–17; Isaias 58:13–14; at Doktrina at mga Tipan 59:9–13? Paano nagbago ang relasyon natin sa Tagapagligtas nang sikapin nating panatilihing banal ang Kanyang araw?
-
Bagama’t binigyang-diin ng mga Fariseo ang maraming detalyadong tuntunin hinggil sa Sabbath, itinuro ng Tagapagligtas ang isang simpleng alituntunin: “Matuwid na gumawa ng mabuti sa araw ng sabbath” (Mateo 12:12). Anong iba pang mga alituntunin ang tumutulong sa atin na panatilihing banal ang araw ng Sabbath? (tingnan sa pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson sa “Karagdagang Resources”). Bakit mas epektibo ang mga alituntunin kaysa sa listahan ng mga tuntunin sa pagsisikap nating magkaroon ng espirituwal na self-reliance?
-
Ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Ang Sabbath ay Kaluguran” (Liahona, Mayo 2015, 129–32) ay maaaring makaragdag sa talakayan tungkol sa araw ng Sabbath.
Karagdagang Resources
Kaisa sa pamatok ni Jesucristo.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Lumalapit kayo kay Cristo upang makiisa sa Kanyang pamatok at sa Kanyang kapangyarihan, upang hindi kayo mag-isang humila sa pasanin ng buhay. Hinihila ninyo ang pasanin ng buhay na kaisa sa pamatok ang Tagapagligtas at Manunubos ng mundo, at biglang nagiging magaan ang mabibigat na problema ninyo, gaano man kabigat ang mga ito” (“The Mission and Ministry of the Savior: A Discussion with Elder Russell M. Nelson,” Ensign, Hunyo 2005, 18).
“Anong tanda ang nais kong ibigay sa Diyos?”
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kapag kailangan kong magpasiya kung ang isang aktibidad ay angkop o hindi sa araw ng Sabbath, tinatanong ko lang ang aking sarili, ‘Anong tanda ang nais kong ibigay sa Diyos?’ Sa tanong na iyon ay naging napakalinaw sa akin ang mga dapat piliin sa araw ng Sabbath” (“Ang Sabbath ay Kaluguran,” Liahona, Mayo 2015, 130).