“Marso 13–19. Mateo 11–12; Lucas 11: ‘Kayo’y Bibigyan Ko ng Kapahingahan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Marso 13–19. Mateo 11–12; Lucas 11,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023
Marso 13–19
Mateo 11–12; Lucas 11
“Kayo’y Bibigyan Ko ng Kapahingahan”
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Ang mga banal na kasulatan, na mga paghahayag noong araw, ay hindi mauunawaan kapag hindi natin tinatanggap ang mga paghahayag ng kasalukuyan. … Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay nagtutulot sa kalalakihan at kababaihan na makatanggap ng mga paghahayag” (“Scripture Reading and Revelation,” Ensign, Ene. 1995, 7).
Itala ang Iyong mga Impresyon
Sa maraming paraan, pinahirap ng mga Fariseo at eskriba ang pagsamba kay Jehova. Madalas nilang bigyang-diin ang mahihigpit na mga panuntunan kaysa sa mga walang-hanggang katotohanan. Ang mga panuntunan tungkol sa araw ng Sabbath, na nilayong maging araw ng pahinga, ay mabigat na pasanin mismo.
At pagkatapos, dumating si Jehova mismo sa Kanyang mga tao. Itinuro Niya sa kanila na ang tunay na layunin ng relihiyon ay hindi para lumikha ng mga pasanin kundi para ibsan ang mga ito. Itinuro Niya na binibigyan tayo ng Diyos ng mga utos, kabilang na ang igalang ang araw ng Sabbath, hindi para pahirapan tayo kundi para pagpalain tayo. Oo, ang daan patungo sa Diyos ay makipot at makitid, ngunit pumarito ang Panginoon upang ibalita na hindi tayo kailangang lumakad dito nang mag-isa. “Lumapit kayo sa akin,” pagsamo Niya. Ang Kanyang paanyaya, sa lahat ng “nabibigatan” sa anumang dahilan, ay ang tumayo sa Kanyang tabi, ibigkis ang ating sarili sa Kanya, at ibahagi sa Kanya ang ating mga pasanin. Ang Kanyang pangako ay “Makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa.” Kumpara sa mga alternatibo—ang pagsisikap na magpatuloy nang mag-isa o ang umasa sa mga solusyon sa buhay na ito—“madaling dalhin ang [Kanyang] pamatok at magaan ang [Kanyang] pasan.” (Mateo 11:28–30.)
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Bibigyan ako ni Jesucristo ng kapahingahan kapag umasa ako sa Kanya.
Lahat tayo ay may pasaning dinadala—ang ilan ay dahil sa ating sariling mga kasalanan at pagkakamali, ang ilan ay dulot ng mga pagpapasya ng iba, at ang ilan ay hindi kasalanan ninuman kundi bahagi lamang ng buhay sa lupa. Anuman ang mga dahilan ng ating mga paghihirap, sumasamo si Jesus sa atin na lumapit tayo sa Kanya upang matulungan Niya tayong dalhin ang ating mga pasanin at makasumpong ng kaginhawahan (tingnan din sa Mosias 24). Itinuro ni Elder David A. Bednar na, “Sa paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan, pinapasan natin ang pamatok at nakikiisa tayo sa Panginoong Jesucristo” (“Mabata Nila ang Kanilang mga Pasanin nang May Kagaanan,” Liahona, Mayo 2014, 88). Nasasaisip ito, pagnilayan ang mga tanong tulad ng sumusunod para mas maunawaan ang mga salita ng Tagapagligtas sa mga talatang ito: Paano ako ibinibigkis ng aking mga tipan sa Tagapagligtas? Ano ang kailangan kong gawin para makalapit ako kay Cristo? Sa anong paraan naging madali ang pamatok ng Tagapagligtas at magaan ang Kanyang pasan?
Ano ang iba pang mga tanong na pumapasok sa iyong isipan habang nagbabasa ka? Itala ang mga ito, at hanapin ang mga sagot sa linggong ito sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta. Maaari mong mahanap ang mga sagot sa ilan sa iyong mga tanong sa mensahe ni Elder David A. Bednar na binanggit sa itaas.
Tingnan din sa John A. McCune, “Lumapit kay Cristo—Pamumuhay bilang Banal sa mga Huling Araw,” Liahona, Mayo 2020, 36–38; Lawrence E. Corbridge, “Ang Daan,” Liahona, Nob. 2008, 34–36.
“Gumawa ng mabuti sa araw ng sabbath.”
Ang mga turo ng mga Fariseo ay naiiba sa mga turo ng Tagapagligtas sa maraming paraan, ngunit lalo na kung paano igalang ang araw ng Sabbath. Habang binabasa mo ang Mateo 12:1–13, maaari mong isipin kung gaano nakaayon sa mga turo ng Tagapagligtas ang iyong mga saloobin at kilos tungkol sa Sabbath. Para magawa ito, maaari mong pagnilayan ang mga pahayag na katulad nito:
-
“Habag ang ibig ko, at hindi handog” (talata 7; tingnan sa Hoseas 6:6).
-
“Ang Anak ng Tao ay panginoon ng Sabbath” (talata 8).
-
“Matuwid na gumawa ng mabuti sa araw ng Sabbath” (talata 12).
Paano maaaring makaimpluwensya ang mga turong ito sa paraan ng pag-unawa mo sa araw ng Sabbath?
Tingnan din sa Marcos 2:23–3:5; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Araw ng Sabbath,” topics.ChurchofJesusChrist.org.
Mateo 12:34–37; Lucas 11:33–44
Ang aking mga salita at kilos ay sumasalamin sa nilalaman ng puso ko.
Ang isa sa mga pangunahing pambabatikos ng Tagapagligtas sa mga Fariseo ay na sinikap nilang magmukhang matwid ngunit hindi dalisay ang kanilang mga hangarin. Habang pinag-aaralan mo ang mga babala ng Tagapagligtas sa mga Fariseo sa Mateo 12:34–37 at Lucas 11:33–44, pagnilayan ang koneksyon ng ating puso sa ating mga kilos. Ano ang kahulugan sa iyo ng pariralang “mabubuting bagay mula sa [puso]? (Mateo 12:35). Paano tayo binibigyang-katwiran o hinahatulan ng ating mga salita? (tingnan sa Mateo 12:37). Ano kaya ang ibig sabihin ng para maging “malusog” ang iyong mata? (Lucas 11:34). Pagnilayan kung paano ka maaaring maging “puno ng liwanag” (Lucas 11:36) sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Tagapagligtas.
Tingnan din sa Alma 12:12–14; Doktrina at mga Tipan 88:67–68.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
Mateo 11:28–30.Matutulungan mo ang inyong pamilya na ilarawan sa isipan ang mga turo ng Tagapagligtas sa mga talatang ito sa pamamagitan ng paghahalinhinan nila sa pagsisikap na hatakin ang isang bagay na mabigat, una nang sila lang mag-isa at pagkatapos ay sa tulong ng iba. Ano ang ilan sa mga pasaning dinadala natin? Ano ang ibig sabihin ng pasanin natin ang pamatok ni Cristo? Ang larawan sa dulo ng outline na ito ay maaaring makatulong para maipaliwanag mo kung ano ang pamatok.
-
Mateo 12:10–13.Habang nagbabasa ka tungkol sa pagpapagaling ni Jesus sa isang lalaki sa araw ng Sabbath, maaaring pag-usapan ng inyong pamilya kung paano tayo “naibalik … sa dati” ng Tagapagligtas. Paano magiging araw ng pagpapagaling ang araw ng Sabbath para sa atin?
Nabigyang-inspirasyon ng halimbawa ng Tagapagligtas sa mga talatang ito, maaaring ilista ng inyong pamilya ang mga paraan na maaari kayong “gumawa ng mabuti sa araw ng Sabbath” (talata 12). Tiyaking isama ang mga pagkakataong maglingkod sa iba. Maaaring makatulong na itago ang iyong listahan at sumangguni rito sa mga susunod na Linggo.
-
Lucas 11:33–36.Pagnilayan kung paano mo maaaring ituro sa inyong pamilya ang ibig sabihin ng maging “puno ng liwanag” (mga talata 34, 36). Makakatulong ba ang isang object lesson? Maaari din ninyong talakayin ang mga paraan para madala ang liwanag ng Tagapagligtas sa ating buhay, ating tahanan, at sa mundo.
2:19 -
Lucas 11:37–44.Marahil ay maaaring talakayin ng inyong pamilya ang mga talatang ito habang sama-sama kayong naghuhugas ng mga pinggan. Maaari ninyong pag-usapan kung bakit masamang ideya ang hugasan lamang ang labas ng mga bagay tulad ng mga mangkok at tasa. Pagkatapos ay maaari ninyong iugnay ito sa pangangailangang maging matwid hindi lamang sa ipinapakita nating mga gawa kundi maging sa ating mga iniisip at nadarama sa ating kalooban.
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing himno: “Banayad ang Utos ng Diyos,” Mga Himno, blg. 73.