“Marso 13–19. Mateo 11–12; Lucas 11: ‘Kayo’y Bibigyan Ko ng Kapahingahan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Marso 13–19. Mateo 11–12; Lucas 11,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023
Marso 13–19
Mateo 11–12; Lucas 11
“Kayo’y Bibigyan Ko ng Kapahingahan”
Ang mga ideya sa pagtuturo sa outline na ito ay nilayong magbigay-inspirasyon sa iyong pagkamalikhain. Huwag mag-atubiling iakma ang mga ito para matugunan ang mga pangangailangan ng mga batang tinuturuan mo.
Mag-anyayang Magbahagi
Hikayatin ang mga bata na ibahagi kung ano ang magagawa nila para sambahin ang Panginoon sa araw ng Sabbath.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Tutulungan ako ni Jesus kapag lumapit ako sa Kanya.
Makadarama ng kapanatagan ang mga bata sa kaalaman na tutulungan sila ni Jesus sa kanilang mga pasanin kapag lumapit sila sa Kanya.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang Mateo 11:28–30, at magpakita ng larawan ng mga bakang may pamatok sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Hilingin sa mga bata na ituro ang mga baka at ang pamatok. Ipaliwanag na makakahila ng mas mabibigat na bagay ang mga bakang may pamatok kaysa sa mahihila nila kapag magkahiwalay sila. Magpatotoo na kapag tayo ay malungkot, nag-aalala, o natatakot, maaari nating hanapin si Jesus at tutulungan Niya tayo.
-
Hilingin sa isang bata na buhatin ang isang mabigat na bagay. Kapag nahirapan siya, mag-alok na tumulong. Paano tayo tinutulungan ni Jesus na gawin ang mahihirap na bagay? Magbahagi ng isang karanasan kung kailan nadama mo na tinulungan ka ni Jesus na gawin ang isang mahirap na bagay, at hilingin sa mga bata na magbahagi ng sarili nilang mga karanasan.
Maaari kong panatilihing banal ang araw ng Sabbath.
Ano ang ilang masasayang paraan na maituturo mo sa mga bata ang tungkol sa araw ng Sabbath at kung bakit natin ito pinananatiling banal?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin nang malakas ang Mateo 12:10–13. Anyayahan ang mga bata na tumayo at umupo tuwing sasabihin mo ang “Sabbath,” at ipaulit sa kanila ang pariralang “Matuwid na gumawa ng mabuti sa araw ng Sabbath” (Mateo 12:12). Ano sa palagay nila ang ibig sabihin niyon?
-
Magpakita ng isang kalendaryo sa mga bata, at lagyan ng highlight ang araw ng Sabbath para sa kanila. Ano ang ginagawa natin sa ibang mga araw ng linggo? Ano ang magagawa natin sa araw ng Sabbath para maiba ito sa iba pang mga araw? (tingnan sa Isaias 58:13–14).
-
Hilingin sa mga bata na magdrowing ng mabubuting bagay na magagawa nila sa araw ng Sabbath (tingnan sa pahina ng aktibidad sa linggong ito).
-
Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng mga kilos na magpapaalala sa kanila ng mga paraan na naghahanda tayo para sa Sabbath habang kinakanta nila ang awiting “Sabado” (Aklat ng mga Awit Pambata, 105).
-
Magdrowing ng mga mata, tainga, bibig, at kamay sa pisara. Itanong sa mga bata kung ano ang magagawa ng bawat isa sa mga bahaging ito ng ating katawan para mapanatiling banal ang araw ng Sabbath.
Ang Ama sa Langit ay nagbibigay sa atin ng mabubuting kaloob.
Ang turo ng Tagapagligtas sa Lucas 11:11–13 ay magpapaunawa sa mga batang tinuturuan mo na mahal sila ng Ama sa Langit at nais Niyang pagpalain sila.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Gumamit ng isang object lesson para ilarawan ang mga turo ng Tagapagligtas sa Lucas 11:11–13. Halimbawa, maaari kang maglagay ng bato sa loob ng isang supot ng tinapay o maglagay ng larawan ng isang alakdan sa loob ng karton ng itlog. Hilingin sa mga bata na hulaan kung ano ang nasa loob, at pagkatapos ay ipakita ang mga iyon sa kanila. Anyayahan silang palitan ng isang pirasong tinapay o isang itlog ang bato o larawan. Basahin ang Lucas 11:11–13, at ibahagi ang iyong patotoo na mahal tayo ng Ama sa Langit, sinasagot Niya ang ating mga panalangin, at binibigyan tayo ng maraming pagpapala sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu.
-
Sabay-sabay ninyong kantahin ang isang awitin tungkol sa pagmamahal ng Diyos, tulad ng “Ako ay Mahal ng Ama sa Langit” (Aklat ng mga Awit Pambata, 16–17). Ano ang ilan sa mabubuting kaloob na naibigay Niya sa atin? Hilingin sa mga bata na magdrowing ng mga larawan ng mga pagpapala mula sa Ama sa Langit na ipinagpapasalamat nila.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Tutulungan ako ni Jesus kapag lumapit ako sa Kanya.
Paano mo maipauunawa sa mga bata na bibigyan sila ng Tagapagligtas ng kapahingahan mula sa mga hamon kapag lumapit sila sa Kanya?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng isang pagkakataon na nag-alala o nabalisa sila tungkol sa isang bagay. Anyayahan silang maghanap ng payo sa Mateo 11:28–30 na makakatulong sa kanila sa mga katulad na sitwasyon. Paano tayo “bibigyan … ng kapahingahan” ng Tagapagligtas? (talata 28).
-
Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga larawan ng mga bagay na ginagawa nila para makalapit kay Jesus at matuto tungkol sa Kanya.
-
Tulungan ang mga bata na isaulo ang ikaapat na saligan ng pananampalataya. Pag-usapan ninyo kung paano nakakatulong sa atin ang bawat isa sa mga unang alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo na tanggapin ang paanyaya ni Jesus na, “Lumapit kayo sa akin” (Mateo 11:28).
Ang Sabbath ay isang araw para gumawa ng mabubuting bagay na mas naglalapit sa akin sa Diyos.
Mapapalakas ang mga batang tinuturuan mo kung bibigyang-diin mo ang mga layunin at pagpapala ng pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang isang bata na magkunwari na siya ang lalaki na ang kamay ay pinagaling ng Tagapagligtas (tingnan sa Mateo 12:10–13). Puwede siyang tanungin ng isa pang bata tungkol sa kanyang karanasan.
-
Sama-samang basahin ang Mateo 12:12. Ano ang ilang mabubuting bagay na magagawa natin sa araw ng Sabbath? Hayaan ang mga bata na idrowing ang kanilang mga ideya sa pahina ng aktibidad sa linggong ito, gupitin ang mga piraso, at maghalinhinan sa pagbuo ng mga puzzle ng isa’t isa.
-
Magtago ng ilang larawan ng mga taong gumagawa ng mga bagay na nagpapakita ng pagmamahal sa Ama sa Langit sa araw ng Sabbath. Hilingin sa mga bata na hanapin ang mga larawan at ibahagi kung paano nagpapakita ng ating pagmamahal sa Diyos ang paggawa ng mga bagay na nasa mga larawan.
Kailangang maging dalisay kapwa ang mga kilos ko at ang puso ko.
Itinuro ng Tagapagligtas na hindi sapat na magmukhang matwid sa iba. Ang ating mga iniisip, nadarama, at pribadong kilos ay kailangan ding maging dalisay.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Para mailarawan ang itinuturo sa mga talatang ito, magpakita sa mga bata ng isang tasa o iba pang lalagyan na malinis sa labas pero marumi sa loob. Tulungan silang pag-isipan kung ano ang maaaring kinakatawan ng “labas ng tasa.” Ano ang isinasagisag ng “loob na bahagi”? Bakit mahalagang linisin kapwa ang labas at ang loob?
-
Sama-samang basahin ang ilang iba pang mga talatang nagbibigay-diin sa pagiging matwid kapwa sa ating puso at sa ating mga kilos—halimbawa, Mga Awit 24:3–5; Mateo 15:7–8; Moroni 7:6–9. Talakayin kung bakit nais ng Tagapagligtas na maging espirituwal na malinis ang ating puso at mga pribadong kilos.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga ideya sa kanilang pamilya kung paano panatilihing banal ang araw ng Sabbath.