“Pebrero 27–Marso 5. Mateo 8; Marcos 2–4; Lucas 7: ‘Iniligtas Ka ng Iyong Pananampalataya’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Pebrero 27–Marso 5. Mateo 8; Marcos 2–4; Lucas 7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023
Pebrero 27–Marso 5
Mateo 8; Marcos 2–4; Lucas 7
“Iniligtas Ka ng Iyong Pananampalataya”
Habang binabasa mo ang Mateo 8; Marcos 2–4; at Lucas 7 sa linggong ito, isipin ang mga batang tinuturuan mo. Ipagdasal na bigyan ka ng inspirasyon ng Espiritu Santo ng mga ideya na tutulong sa kanila na matuklasan ang mga katotohanan sa mga kabanatang ito.
Mag-anyayang Magbahagi
Hilingin sa mga bata na magkuwento tungkol sa pagsasagawa ng isang himala ni Jesus (tingnan ang listahan ng mga himala sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Maaari mo ring ipakita ang kaugnay na mga larawan (tulad ng nasa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 40).
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Si Jesus ay may kapangyarihang gumawa ng mga himala.
Habang binabasa mo ang tungkol sa mga himala ng pagpapagaling ng Tagapagligtas, pagnilayan kung aling mga himala ang ibabahagi. Paano mo matutulungan ang mga batang iyong tinuturuan na maunawaan ang ginagampanang papel ng pananampalataya sa mga himala na ginawa ni Jesus?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ikuwento ang salaysay tungkol sa lalaking lumpo sa Marcos 2:1–12. Para sa tulong, tingnan ang “Kabanata 23: Ang Lalaking Hindi Makalakad” (sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 57–58). Ipaliwanag na hindi makalakad ang lalaking lumpo. Tulungan silang malaman na ang taong ito ay pinagaling ng Tagapagligtas.
-
Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng isang pagkakataon nang sila ay nagkasakit. Isalaysay ang isa sa mga tala tungkol sa pagpapagaling ni Jesus sa mga maysakit, tulad ng Mateo 8:1–4, 5–13, 14–15; Marcos 3:1–5; Lucas 7:11–16. Hilingin sa mga bata na muling isalaysay ang kuwento gamit ang sarili nilang mga salita. Magpatotoo na mapapagaling, mapagpapala, at mapapanatag tayo ng kapangyarihan ni Jesus.
Kaya kong magpakita ng pagmamahal sa ibang tao tulad ng ginawa ni Jesus.
Si Jesus ay nagpakita ng malaking pagmamahal sa pamamagitan ng pagpapagaling ng mga maysakit at nahihirapan. Pagnilayan kung paano mo maituturo sa mga bata na magpakita ng kabaitan sa mga taong nangangailangan.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Pumili ng isa o mas marami pang salaysay tungkol kay Jesus na nagpapakita ng pagmamahal sa isang taong nangangailangan, tulad ng nasa Mateo 8:1–4, 5–13, 14–15; Marcos 2:1–12; 3:1–5; Lucas 7:11–16. Magbahagi ng isang pagkakataon na nagpakita ng pagmamahal sa iyo ang isang tao sa oras ng pangangailangan at kung ano ang nadama mo. Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang kanilang mga karanasan.
-
Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng iba pang mga sitwasyon kung saan maaaring nangangailangan ang isang tao. Ano ang magagawa natin para matulungan sila?
-
Kumanta ng isang awitin tungkol pagpapakita ng pagmamahal at kabaitan, tulad ng “Sa Akin Nagmumula ang Kabaitan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 83).
From Fear to Faith [Takot na Nauwi sa Pananampalataya], ni Howard Lyon
Kapag natatakot ako o nasa panganib, matutulungan ako ni Jesus na makadama ng kapayapaan.
Ang tala tungkol sa pagpapahupa ni Jesus ng bagyo ay makakatulong sa mga bata na malaman na mabibigyan Niya sila ng kapayapaan kapag sila ay natatakot.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na magkunwari na nasa isang barko sila habang binabasa mo ang Marcos 4:35–41. (Tingnan din sa “Kabanata 21: Inutusan ni Jesus ang Hangin at mga Alon,” Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 53.) Hilingin sa mga bata na ilarawan kung ano ang madarama nila kung naroon sila. Kailan nakadama ng takot ang mga bata? Paano sila napanatag?
-
Anyayahan ang mga bata na gumawa ng mga tunog ng bagyo at tumigil kapag mayroong nagsabi ng “Pumayapa ka. Tumahimik ka.” Magpatotoo na tulad ng pagbibigay sa atin ng kapayapaan ni Jesus kapag mayroong bagyo sa labas, mabibigyan Niya rin tayo ng kapayapaan sa ating puso kung hindi mabuti ang nararamdaman ng ating kalooban.
-
Turuan ang mga bata ng mga galaw na babagay sa ikatlong talata ng “Ang mga K’wento kay Jesus” (Aklat ng mga Awit Pambata, 36) at sama-samang kantahin ang talata habang ginagawa ang mga galaw.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Si Jesus ay makagagawa ng mga himala sa aking buhay kung mananampalataya ako sa Kanya.
Maraming himala ang ginawa ni Jesus sa Kanyang mortal na ministeryo. Paano mo matutulungan ang mga bata na malaman na nangyayari ang mga himala ngayon?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na pumili ng isang himala na babasahin at idodrowing nila mula sa sumusunod na mga himala: Mateo 8:1–4, 5–13, 14–15; Marcos 2:1–12; 3:1–5; Lucas 7:11–16. Hilingin sa mga bata na ipaliwanag ang kanilang mga idinrowing sa klase. Ano ang natututuhan natin tungkol kay Jesus mula sa mga kuwentong ito?
-
Hilingin sa mga bata na iarte ang kanilang nadarama kapag sila ay maysakit, nalulungkot, natatakot, o nag-aalala. Paano tayo matutulungan ni Jesus kapag ganito ang ating mga nadarama? Magpatotoo na matutulungan ni Jesus ang mga bata sa lahat ng sitwasyong ito.
-
Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga karanasan nang sila o ang isang kakilala nila ay tumanggap ng basbas ng priesthood. Paano napagaling o napagpala ang taong iyon?
Mahal tayo ni Jesus kahit na nagkakasala tayo at nais Niya tayong tulungang magsisi.
Ang mga salaysay sa Marcos 2:15–17 at Lucas 7:36–50 ay makatutulong sa mga bata na maunawaan na mahal tayo ni Jesucristo kahit na nagkakasala tayo. Nais Niya tayong tulungang magsisi at mapalapit sa Kanya.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isulat ang Ano ang nadarama ni Jesus tungkol sa kasalanan? at Ano ang nadarama ni Jesus para sa atin kapag nagkakasala tayo? sa pisara. Hilingin sa mga bata na isipin ang mga tanong na ito habang sama-sama nilang binabasa ang Marcos 2:15–17 at pagkatapos ay ibahagi ang kanilang mga sagot. (Maaari ninyong basahin nang sama-sama ang “Maniningil ng Buwis” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan [scriptures.ChurchofJesusChrist.org].) Bakit mahalagang malaman na mahal tayo ni Jesus, kahit na hindi tayo perpekto? Paano makatutulong sa atin ang kaalamang ito kapag kailangan nating magsisi?
-
Ilang araw bago magklase, anyayahan ang isa sa mga bata at ang isang kapamilya nito na dumalo sa klase na handang ibahagi ang salaysay sa Lucas 7:36–50. Maaari silang magdrowing ng mga larawan na naglalahad ng mga bahagi ng kuwento na maipapakita nila sa klase. Talakayin sa mga bata kung ano ang maaaring nais ng Panginoon na matutuhan natin mula sa kuwentong ito.
Kapag natatakot ako o nasa panganib, matutulungan ako ni Jesus na makadama ng kapayapaan.
Kailangang malaman ng mga bata na mabibigyan sila ng kapayapaan ng Tagapagligtas kapag nahaharap sila sa mga unos ng buhay—ngayon at sa hinaharap.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa isa sa mga bata na gamitin ang Marcos 4:35–41 at ang larawang Pinahuhupa ni Jesus ang Bagyo (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 40) para isalaysay ang kuwento tungkol sa pagpapahupa ni Jesus ng bagyo. Hilingin sa mga bata na ilarawan kung ano ang madarama nila kung naroon sila.
-
Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga karanasan kung saan nadama nila ang kapayapaan matapos manalangin para humingi ng tulong. Ipaalala sa kanila na ang kapayapaang ito ay nagmumula sa Tagapagligtas.
-
Bigyan ang bawat bata ng papel na hugis ulap ng ulan, at hilingin sa kanila na isulat dito ang isang pagsubok na maaaring maranasan ng isang tao. Ilagay ang lahat ng mga ulap sa pisara na tinatakpan ang isang larawan ng Tagapagligtas. Hilingin sa isang bata na tanggalin ang isa sa mga ulap at magmungkahi ng mga paraan na makakatulong tayo sa isang tao na may ganoong pagsubok na makahanap ng kapayapaan. Kapag naalis na ang lahat ng ulap, magpatotoo tungkol sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na pahupain ang mga bagyo sa ating buhay.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Tulungan ang mga bata na isulat ang paglilingkod na gagawin nila para sa isang tao sa linggong ito.
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo
Ang mga bata ay aktibo. Kung minsan ay madarama mo na ang sigla ng mga bata ay nakagagambala sa pag-aaral. Ngunit maaari mong magamit ang likas nilang sigla sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanila na isadula ang isang kuwento o gumawa ng mga galaw para sa mga pangyayari sa isang awitin o banal na kasulatan. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 25.)