Bagong Tipan 2023
Marso 6–12. Mateo 9–10; Marcos 5; Lucas 9: “Ang Labindalawang Ito’y Isinugo ni Jesus”


“Marso 6–12. Mateo 9–10; Marcos 5; Lucas 9: ‘Ang Labindalawang Ito’y Isinugo ni Jesus’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Marso 6–12. Mateo 9–10; Marcos 5; Lucas 9,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023

inoorden ni Jesus si Pedro

Marso 6–12

Mateo 9–10; Marcos 5; Lucas 9

“Ang Labindalawang Ito’y Isinugo ni Jesus”

Habang binabasa mo ang Mateo 9–10; Marcos 5; at Lucas 9, maaari kang makatanggap ng mga pahiwatig mula sa Banal na Espiritu. Ang mga pahiwatig na ito, kasama ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya at ang outline na ito, ay makakatulong sa iyong makapaghanda sa pagtuturo.

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng isang bagay na ginawa nila para tulungan ang isang tao sa linggong ito. Ano ang ginawa ng Tagapagligtas upang matulungan ang iba?

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Mateo 9:18–30; Marcos 5:22–43

Si Jesus ay may kapangyarihang pagalingin ako.

Paulit-ulit na ipinakita ng Tagapagligtas ang Kanyang kapangyarihang pagalingin ang mga taong may pananampalataya sa Kanya. Matutulungan mo ang mga batang tinuturuan mo na palakasin ang kanilang pananampalataya sa Kanyang nakapagpapagaling na kapangyarihan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ikuwento sa mga bata ang tungkol sa anak na babae ni Jairo (tingnan sa Marcos 5:22–23, 35–43). Sa angkop na punto sa kuwento, basahin ang mga salita ni Jesus na “Sinasabi ko sa iyo, magbangon ka” (talata 41), at pagkatapos ay hilingin sa mga bata na tumayo. Tulungan ang mga bata na maunawaan na si Jesus ay may kapangyarihang pagalingin ang mga tao at bigyan tayo ng buhay na walang hanggan.

  • Magpakita ng larawan ng salaysay sa Mateo 9:20–22 habang binabasa mo ang mga talatang ito. Tulungan ang mga bata na isaulo ang pariralang “Pinagaling ka ng iyong pananampalataya” (talata 22). Para magawa ito, maaari mong atasan ng tag-iisang salita nito ang mga bata, at pagkatapos ay ipasabi sa mga bata ang kanilang mga salita sa tamang pagkakasunod nang ilang beses. Paano ipinakita ng babae na may pananampalataya siya kay Jesucristo? Ano ang magagawa natin para maipakita na nananampalataya tayo kay Cristo?

  • Hilingin sa mga bata na ipikit ang kanilang mga mata at makinig habang binabasa mo ang Mateo 9:27–30. Kapag binabasa mo na ang pagpapagaling ni Jesus sa lalaking bulag, hilingin sa mga bata na imulat ang kanilang mga mata. Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano ang madarama nila kung pinagaling sila ni Jesus.

  • Gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito para matulungan ang mga bata na matutuhan ang kuwento tungkol sa pagbuhay ng Tagapagligtas sa anak na babae ni Jairo na namatay na.

babaeng inaabot ang bata ni Jesus

Trust in the Lord [Magtiwala sa Panginoon], ni Liz Lemon Swindle

Mateo 10:1–10

Tinawag ni Jesus ang Labindalawang Apostol at binigyan sila ng kapangyarihan na gawin ang Kanyang gawain.

Alam ba ng mga batang tinuturuan mo na mayroon tayong Labindalawang Apostol ngayon? Paano mo magagamit ang mga talatang ito para maituro sa kanila ang tungkol sa kahalagahan ng mga makabagong Apostol at kung ano ang ipinagagawa sa kanila?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ibuod ang Mateo 10:1–10 gamit ang mga simpleng salita. Ipaliwanag na tinawag ni Jesus ang mga Apostol para tulungan Siyang itayo ang Kanyang Simbahan. Hilingin sa mga bata na bilangin ang mga Apostol sa larawang Inoorden ni Cristo ang mga Alagad (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 38) at sa larawan ng kasalukuyang Korum ng Labindalawang Apostol (tingnan sa SimbahanniJesurist.org o sa isang isyu ng pangkalahatang kumperensya ng Liahona ). Ipaliwanag na mayroon tayong Labindalawang Apostol ngayon, tulad noong panahon ni Jesus. Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa mga Apostol ng Panginoon at sa isang bagay na itinuro nila kamakailan.

  • Itago ang mga larawan ng mga makabagong Apostol sa paligid ng silid (para sa mga larawan, tingnan sa huling isyu ng pangkalahatang kumperensya ng Liahona ). Hilingin sa mga bata na hanapin ang mga larawan, at magsabi sa kanila nang kaunti tungkol sa bawat Apostol ).

  • Hilingin sa isang bata na hawakan ang isang larawan ng Unang Panguluhan at ang isang larawan ng Korum ng Labindalawang Apostol. Hilingin sa batang ito na akayin ang iba pang mga bata sa paligid ng silid papunta sa isang larawan ni Jesus. Magpatotoo na inaakay tayo ng mga propeta at mga apostol papunta kay Jesucristo.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Mateo 9:18–30; Marcos 5:22–43

Si Jesus ay may kapangyarihang pagalingin ako.

Ang pagbabasa ng mga salaysay tungkol sa pagpapagaling ng Tagapagligtas sa mga tao ay makatutulong sa mga batang tinuturuan mo na patatagin ang kanilang pananampalataya sa Kanya. Ang mga salaysay na ito ay makatutulong din sa kanila na madama ang Kanyang pagkahabag at pagmamahal.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sama-samang basahin ang mga salaysay tungkol sa pagpapagaling ni Jesus sa mga tao na matatagpuan sa Mateo 9:20–22, 27–30 at Marcos 5:22–23, 35–43 ). Paano ipinakita ng mga tao sa mga kuwentong ito ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo? Ano ang matututuhan natin tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga talatang ito?

    1:39
    3:26
  • Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga karanasan nang sila o ang isang kakilala nila ay tumanggap ng basbas ng priesthood para sa pagpapagaling ng mga maysakit. Paano sila napagaling o napagpala? Ipaliwanag na kung minsan ay hindi kalooban ng Panginoon ang isang mahimalang paggaling, ngunit maaari pa rin tayong mapagpala ng Kanyang pagmamahal at pag-alo.

Mateo 10:1–10

Matuturuan ako ng Labindalawang Apostol tungkol kay Jesus.

Paano makakatulong sa mga bata ang pag-aaral tungkol sa Labindalawang Apostol sa panahon ni Cristo para mas maunawaan kung ano ang ginagawa ng Labindalawang Apostol ngayon?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita ang larawan ng mga Apostol noong panahon ni Jesus at sa ating panahon (tingnan ang Inoorden ni Cristo ang mga Alagad, [Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 38] at ang pinakahuling isyu ng kumperensya ng Liahona ). Ipabasa sa mga bata ang Mateo 10:7 para malaman kung ano ang ginagawa ng mga Apostol (tingnan din sa Lucas 9:1–2, 6; Doktrina at mga Tipan 107:23).

  • Anyayahan ang mga bata na isulat sa pisara ang mga pangalan ng mga orihinal na Apostol na kaya nilang maalaala. Pagkatapos ay hilingin sa kanila na ilista ang lahat ng nabubuhay na Apostol na kaya nilang maalaala. Ipawasto sa kanila ang kanilang listahan gamit ang Mateo 10:2–4 at ang isang isyu ng kumperensya kamakailan ng Liahona. Maaari din kayong maglaro ng pagtutugma kung saan itutugma ng mga bata ang pangalan ng bawat nabubuhay na Apostol sa kanyang larawan. Maaaring makita ang mga larawan na ito sa SimbahanniJesucristo.org.

  • Ilang araw bago magklase, anyayahan ang ilang bata na dumating na handang magbahagi ng isang kuwentong isinalaysay ng isa sa mga buhay na Apostol (tingnan ang mga isyu ng Liahona para sa mga ideya). Paano ginamit ng Apostol na iyon ang kuwento para bigyang-inspirasyon tayo na maging lalong katulad ng Tagapagligtas?

  • Magbahagi sa mga bata ng ilang halimbawa ng patotoo ng mga makabagong Apostol tungkol kay Cristo (tingnan ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya kamakailan o ang “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” [SimbahanniJesucristo.org]).

  • Tulungan ang mga bata na maisaulo at maunawaan ang Saligan ng Pananampalataya 1:6.

Lucas 9:23–25

Ang pagsunod kay Jesucristo ay nangangailangan ng sakripisyo.

Paano mo matutulungan ang mga bata na maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng “mawalan” ng kanilang buhay kapag sinusunod nila ang Tagapagligtas?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ikuwento sa mga bata ang isang pagkakataon na isinuko mo ang isang bagay upang magkaroon ng isang bagay na mas mabuti pa rito. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng sarili nilang mga halimbawa. Pagkatapos ay sama-samang basahin ang Lucas 9:23–25. Ipaliwanag na nais ni Jesus na maging handa tayong isuko ang anumang bagay para masunod Siya. Bagama’t maaaring hindi Niya hilingin sa atin na literal na isuko ang ating buhay, ano ang hinihiling Niya sa atin na dapat nating ibigay? (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 16:26).

  • Isulat ang ilang katangiang katulad ng kay Cristo sa mga piraso ng papel at ang mga kabaligtaran ng mga katangiang iyon sa iba pang mga piraso ng papel (tulad ng pagmamahal at kasakiman, pagpapakumbaba at kapalaluan, at iba pa). Isulat ang mga salitang ililigtas at mawawalan bilang mga heading sa pisara, at hilingin sa mga bata na isulat ang mga katangian sa ilalim ng angkop na mga heading. Bigyan ng oras ang mga bata na pagnilayan ang mga katangiang katulad ng kay Cristo sa pisara at pumili ng isa na mas lubos nilang lilinangin.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Hikayatin ang mga bata na gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito upang maituro sa kanilang pamilya ang tungkol sa pagpapagaling ni Jesus sa anak na babae ni Jairo.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Hikayatin ang mga bata na maging mapitagan. Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang isang mahalagang aspekto ng pagpipitagan ay ang pag-iisip tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maaari mong ipaalala sa mga bata na maging mapitagan sa pamamagitan ng pagkanta nang mahina o paghimig ng isang awit o pagdidispley ng isang larawan ni Jesus.