Bagong Tipan 2023
Marso 20–26. Mateo 13; Lucas 8; 13: “Ang mga May Pandinig ay Makinig”


“Marso 20–26. Mateo 13; Lucas 8; 13: ‘Ang mga May Pandinig ay Makinig’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Marso 20–26. Mateo 13; Lucas 8; 13,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023

trigo na maaari nang anihin

Marso 20–26

Mateo 13; Lucas 8;13

“Ang mga May Pandinig ay Makinig”

Ang mga talinghaga ay mga simpleng kuwento na maaaring maging kawili-wili sa mga bata. Ang outline na ito at ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay makakatulong sa iyo na gamitin ang mga talinghaga ng Tagapagligtas upang ituro ang mahahalagang katotohanan sa mga bata.

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Magdala ng ilang bagay na makakatulong sa mga bata na maalala ang ilan sa mga talinghaga sa Mateo 13, tulad ng isang binhi, perlas, o baul ng kayamanan. Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang naaalala nila tungkol sa mga talinghaga.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Mateo 13:1–23

Kailangan kong maghanda para matutuhan ang mga turo ni Jesus.

Maaaring hindi maunawaan ng mga batang musmos ang lahat ng mga simbolismo sa talinghaga ng manghahasik, ngunit maaari nilang matutuhan ang mga payak na katotohanang itinuturo nito. Paano mo sila matutulungang mas maunawaan kung paano maihahalintulad ang talinghagang ito sa kanila?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magdispley ng iba’t ibang uri ng lupa (o larawan ng lupa) habang ibinubuod mo ang Mateo 13:3–8. Bigyan ang bawat bata ng isang binhi, at itanong kung ano ang magagawa nila para matulungang lumago ang mga binhi. Ipaliwanag na ang ating mga patotoo ay parang mga binhi. Paano natin matutulungan ang ating “mga binhi” ng patotoo na lumago?

  • Gamitin ang pahina ng aktibidad sa linggong ito para matulungan ang mga bata na maunawaan kung ano ang itinuturo ng bawat inilarawang uri ng lupa sa Mateo 13 tungkol sa ating mga puso. Itanong sa mga bata kung anong uri ng puso ang nais ni Jesus na magkaroon sila para matutuhan nila ang Kanyang mga turo.

  • Basahin ang Mateo 13:9, 15, at hilingin sa mga bata na ituro ang iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan kapag narinig nila na binanggit ang mga ito. Paano natin magagamit ang mga bahagi ng katawan na ito para matutuhan ang mga turo ni Jesus?

Mateo 13:24–30, 36–43, 47–48

Nais ng Ama sa Langit na piliin ko ang tama.

Ang ilan sa mga talinghaga ni Jesus ay nagtuturo na ihihiwalay ng Diyos ang masasama mula sa mabubuti sa mga huling araw. Paano mo magagamit ang mga talinghaga para hikayatin ang mga bata na piliin ang tama?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na isadula ang talinghaga tungkol sa trigo at damo (tingnan sa Mateo 13:24–30). Ipaliwanag na ang trigo ay sumasagisag sa mga tao na pumipili ng tama, at ang damo (mga nakapipinsalang damo) ay kumakatawan sa mga taong hindi pumipili ng tama. Balang-araw, titipunin ng Ama sa Langit ang mabubuting tao para mamuhay sa Kanyang piling.

  • Bigyan ang mga bata ng ilang halimbawa ng mga tama at maling pagpili. Hilingin sa mga bata na sabihin ang “pagpili ng trigo” kapag inilarawan mo ang isang tamang pagpili at “pagpili ng damo” kapag naglalarawan ka ng maling pagpili.

  • Magdala ng mga larawan ng mga tangkay ng trigo, at magpadrowing sa mga bata ng mga larawan ng ilang paraan na maaari silang maging mabuti.

Mateo 13:44–46

Ang pagiging miyembro ko sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay isang kayamanan.

Paano mo magagamit ang matalinghagang paglalarawan ng kayamanan at mahahalagang perlas para tulungan ang mga bata na maunawaan ang kahalagahan ng pagiging kabilang sa Simbahan ni Cristo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magtago ng mga larawan ng baul ng kayamanan at ng isang perlas sa silid, at ipahanap ang mga ito sa mga bata. Gamitin ang mga larawan upang maituro mo ang tungkol sa mga talinghagang nasa Mateo 13:44–46. Pag-usapan kung bakit maaaring isuko ng isang tao ang lahat ng mayroon sila para sa isang magandang perlas o sa kayamanan sa bukid. Ipaliwanag na kung minsan ay isinusuko natin ang isang mabuting bagay kapalit ng isang bagay na mas mainam. Sabihin sa mga bata kung bakit mahalaga ang ebanghelyo sa iyo.

  • Maglagay sa isang kahon o baul ng ilang bagay o larawan na kumakatawan sa “mga kayamanan” sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, tulad ng Tagapagligtas, mga templo, o ang Aklat ni Mormon. Hilingin sa bawat bata na pumili ng isang bagay o larawan at magbahagi kung bakit ito maituturing na isang kayamanan.

  • Sama-samang kantahin ang “Ang Simbahan ni Jesucristo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 48), at hilingin sa mga bata na ibahagi kung bakit sila nagpapasalamat para sa Simbahan ng Tagapagligtas. Patotohanan ang mga pagpapalang naranasan mo dahil sa pagiging miyembro mo sa Simbahan.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Mateo 13:1–23

Kailangan kong ihanda ang aking puso na matutuhan ang mga turo ni Jesus.

Paano mo matutulungan ang mga bata na malaman ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malambot at handang puso para maturuan sila ni Jesus?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Atasan ang bawat bata na basahin ang tungkol sa isa sa apat na uri ng lupa sa Mateo 13:4–8. Hilingin sa kanila na hanapin at ibahagi ang nangyayari sa mga binhi sa uri ng lupa na binasa nila. Paano natutulad sa iba’t ibang uri ng lupa ang ating mga puso? (tingnan sa Mateo 13:19–23).

  • Magpakita sa mga bata ng larawan ng isang hardin. Ano ang dapat na gamitin na uri ng lupa para lumago ang mga halaman? Magpakita ng larawan ng mabato o matinik na lupa. Bakit mahihirapan ang mga halaman na lumago sa ganitong uri ng lupa? Paano tayo makasisiguro na ang ating puso ay tulad ng malambot na lupa upang matanggap natin ang mga turo ng Tagapagligtas?

  • Hilingin sa mga bata na basahin ang Mateo 13:15–17. Gumuhit ng isang mata, tainga, at puso sa pisara. Paano natin ginagamit ang mga bahagi ng katawan na ito para matutuhan ang mga turo ni Jesus?

Mateo 13:24–30, 36–43

Maaari kong piliin ang tama kahit hindi ito ginagawa ng mga nakapaligid sa akin.

Kapag binabasa mo ang mga talatang ito habang iniisip ang mga bata, anong mga impresyon ang dumarating sa iyo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na idrowing ang iba’t ibang pangyayari sa talinghaga tungkol sa trigo at damo na matatagpuan sa Mateo 13:24–30, at ibahagi sa klase ang kanilang mga drowing. Hilingin sa kanila na gawing pamagat ng mga drowing ang interpretasyon ng talinghaga na matatagpuan sa Mateo 13:36–43. Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang damo ay nakapipinsala sa mga halaman.

  • Kung maaari, magdispley ng larawan ng trigo at damo. Ipaliwanag na ang trigo at damo ay magkasamang lalaki hanggang sa katapusan ng mundo. Itinuturo nito sa atin na namumuhay tayo na kasama ang mabubuti at masasama sa ating paligid, at dapat tayong maging maingat para mapili natin ang tama. Hilingin sa mga bata na ibahagi kung paano nila nakikilala ang pagkakaiba sa pagitan ng mabuti at masama.

Mateo 13:44–46

Ang pagiging miyembro ko sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay isang kayamanan.

Nakikita ba ng mga batang tinuturuan mo na ang pagiging miyembro nila sa Simbahan ay isang kayamanan? Marahil ang pagtalakay sa mga talinghaga sa Mateo 13:44–46 ay makatutulong sa kanila na ibahagi ang kanilang damdamin tungkol sa Simbahan ng Tagapagligtas.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na basahin ang Mateo 13:44–46 sa kanilang sarili at ibahagi ang mga talinghaga sa sarili nilang mga salita sa isa pang miyembro ng klase.

  • Gumupit ng ilang bilog na kakatawan sa mga barya, at ilagay ang mga ito sa isang baul ng kayamanan. Pakuhanin ng barya ang bawat bata at ipadrowing o ipasulat dito ang isang bagay na gustung-gusto nila sa pagiging miyembro ng Simbahan. Hilingin sa mga bata na ibahagi kung ano ang isinulat nila sa kanilang barya.

  • Anyayahan ang isang miyembro ng ward na ibahagi sa mga bata ang kanyang kuwento ng pagbabalik-loob at sabihin kung ano ang isinakripisyo niya para maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. O hilingin sa mga bata na magsalita tungkol sa mga sakripisyong ginagawa nila para sa Panginoon at sa Kanyang Simbahan.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Hikayatin ang mga bata na ituro sa kanilang pamilya ang tungkol sa isa sa mga talinghaga na natutuhan nila sa Primary.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Nais ng mga bata na ibahagi ang mga natututuhan nila. Bagama’t bata pa sila, mapapalakas ng mga bata ang mga miyembro ng kanilang pamilya. Hikayatin silang ibahagi sa kanilang pamilya ang mga bagay na natututuhan nila sa Primary. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas30.)